HINDI pa man tuluyang nakakapasok si Ayumi sa venue ng high school reunion ay tila gusto na niyang bumalik sa cottage na tinutuluyan nila ni Beatrice. Nilalamon kasi siya ng 'di maipaliwanag na kaba. As far as she knew, wala namang kakain sa kanya roon.
Naku naman! Mukhang hindi yata malabong tuluyan siyang mabaliw bago pa man matapos ang event. Ang daming tumatakbo sa utak niya. Maaari na nga siyang magsulat ng isang mystery thriller story sa kung anu-anong kabaliwang pinag-iiisip niya.
"Relax ka nga lang. Para kang hindi mataeng ewan diyan," tatawa-tawang saad ni Beatrice nang mapuna na rin nito sa wakas ang kilos niya.
Inirapan lang niya ito. "Sana nga ganoon na lang ang rason para may dahilan akong mag-stay sa banyo at hindi na lumabas doon."
"Hay, naku! Alam mo, ang weird mo mula nang matanggap mo 'yong glass figurine sa kung sino mang herodes iyon. Ano ba'ng problema?"
Hindi na siya umimik pa upang bigyan iyon ng tugon. Totoo naman kasi ang sinabi ni Beatrice. Kakaiba na ang ikinikilos niya magmula nang matanggap niya ang cute na glass figurine sa lalaking customer na iyon two weeks ago. Pero paano ba naman kasi siya matatahimik gayong dalawang tao lang naman sa buong buhay niya ang tumawag sa kanya ng 'Baby Girl'?
At ang dalawang iyon ay paniguradong a-attend sa reunion na dadaluhan din niya. Sa totoo lang, hindi niya alam kung paano niya haharapin ang isa sa dalawang iyon if ever that person would truly attend the event.
Sa isang magarang hardin ng mansion ng pamilya Arsenio—ang pamilyang kinabibilangan ng former ultimate crush niya na si Anton—ginanap ang reunion. Nagulat siya sa ganda ng ayos ng venue, lalo pa't talagang nakaayos ang lahat ng mga dumalo. Maganda ang set-up ng mga gamit na mesa't upuan, pati na rin ang stage na tiyak na pagdarausan ng kung ano mang intermission number upang mag-entertain sa mga dumalo.
Okay sana ang ambiance ng lugar dahil masaya iyon. Pero hindi niya maintindihan kung bakit sa pasimpleng paglibot niya ng tingin sa paligid ay lumukob ang 'di maipaliwanag na disappointment sa dibdib nang hindi niya masilayan ang hinahanap ng kanyang mga mata.
"Masyado pang maaga para hanapin mo si Ma'am Tina. Pero on the way na raw sila ng asawa niya, sabi niya sa akin sa text kanina lang," imporma ni Beatrice na tinanguan na lang niya.
Pero kung alam lang ng kaibigan niya, hindi ang favorite teacher niya ang dahilan ng pagkabalisa niya nang mga sandaling iyon.
Ano nga kaya ang mangyayari kapag nakita niya ang taong iyon?
= = = = = =
"PAMBIHIRA, Vincent! Ikaw ba talaga 'yan? Hindi kita nakilala, ah. Ang laki ng ipinagbago mo. Mas guwapo ka pa yata kaysa sa akin ngayon, ah. Lagot na. Mukhang masasapawan mo pa yata ako ngayong gabi."
Napailing na lang si Vince sa tinurang iyon ng pinsan niyang si Anton Arsenio. Ito ang sumalubong sa kanya pagdating niya sa entrance ng mansion. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang napapayag siya nito na um-attend sa reunion na iyon gayong sumasakit lang ang ulo niya sa mga ganoong get-togethers na talaga namang maingay.
"Sira-ulo ka pa rin. Kung anu-ano na nama'ng pinagsasabi mo. Alam nating pareho ang totoong rason kung bakit ako nandito ngayon." Kung siya kasi ang tatanungin, mas gugustuhin niyang maglagi na lang sa mansion nila sa Altiera at pagkaabalahan ang mga glass sculptures na likha niya.
"Oo na, sige na. Huwag mo nang ipa-remind sa akin at nasisira ang festive mood ko dahil diyan." Iginiya na siya ni Anton na pumasok sa mansion upang makarating na sila sa hardin kung saan naroon ang mga bisita. "Pero alam mo, hindi lang ikaw ang pumunta rito na si Ma'am Tina ang tanging ginamit na dahilan."
Kunot-noo niyang tiningnan ang pinsan. "Talaga? Eh isa sa itinuturing na terror si Ma'am Tina, 'di ba? Sa pagkakaalam ko, walang nagtatangkang lumapit na estudyante sa kanya noon lalo na kapag nakausap na niya ito sa faculty room." Hindi siya nagbibiro sa bagay na iyon. Kahit batang teacher na maituturing si Ma'am Tina nang mga panahong iyon at the age of 26 at the time, isa ito sa mga lubos na kinatatakutan at nirerespeto rin at the same time.
Not unless...
"Naku! Ewan ko nga, eh. Hindi ko alam kung bakit noong binanggit ni Beatrice sa kaibigan niya na pupunta si Ma'am Tina Terror, saka lang ito pumayag na pumunta rito." Anton chuckled.
Napangiti na lamang siya. Pero sino nga kaya ang taong iyon na napapayag lang um-attend ng reunion na iyon dahil pupunta rin doon si Ma'am Tina? Bilang lang talaga sa batch nila ang masasabing malapit ang loob sa nasabing guro.
Ilang sandali pa ay narating na nila ang hardin. Nasorpresa siya dahil marami nang mga bisita roon—karamihan ay talaga namang pamilyar sa kanya—gayong alas-otso pa ang official start ng party. Tiningnan niya ang wristwatch na suot.
7:43 PM. Seventeen minutes more.
Sa pag-angat niya ng tingin ay kumuha sa kanyang atensiyon ang isang maliit na kumpol ng mga kalalakihang nakapalibot sa isang table sa tagong bahagi ng hardin.
"Hindi pa man nag-uumpisa ang party, mukhang may gagawa na ng kabulastugan, ah," 'di napigilang saad niya. Agad niyang nakilala kung sino ang mga lalaking iyon. "Pare, dito ka muna. May aasikasuhin lang ako."
Hindi na niya hinintay pang makatugon si Anton at dire-diretso lang ang lakad niya. Ngunit habang papalapit siya sa table na kailangan niyang puntahan, unti-unti nang lumilinaw sa paningin niya ang mukha ng babaeng napapagitnaan ng mga Poncio Pilatong nagkalat doon.
"Mapapa-knight in shining armor pa yata ang akto ko rito bago mag-umpisa ang party, ah." Wow! Maganda iyon.
His lips curved on one side as he approached the area.
= = = = = =
KANINA pa talaga gustong manapak ni Ayumi ng mga makukulit na herodes na nagkalat lang naman sa harap niya nang mga sandaling iyon. Tagong puwesto na nga ang tinungo niya upang walang sinuman ang manggulo sa kanya. Hindi naman niya akalaing may susunod pala sa puwesto niyang iyon.
"Huwag ka namang ganyan, Miss. Mapapanisan ka ng laway diyan kapag hindi ka man lang nagsalita riyan," sabi ng lalaking nakaupo sa upuang nasa kaliwa lang niya.
Isang nabubugnot na buntong-hininga ang naging tugon niya. Hindi niya alam kung low lang talaga ang IQ ng mga bugok na ito o sadyang ayaw lang intindihin ang mga mensaheng kakabit ng mga ikinikilos niya sa harap ng mga ito.
"Hindi bagay sa iyo ang tatahimik lang dito sa isang sulok, Miss. Baka gusto mong sumama muna sa amin. We'll keep you company."
'Keep you company' mo'ng mukha mo! 'Di hamak na halata sa pagmumukha mo na kabulastugan lang ang laman ng utak mo! Gusto sana niyang isigaw iyon sa hudyong iyon subalit pinilip na lang niyang pigilan ang urge na gawin iyon.
Ito na nga ba ang sinasabi niya, eh. Isa ito sa mga dahilan kung bakit ayaw niyang magpunta sa reunion na iyon. Peste lang talaga. Bakit ba kasi napaaga siya ng punta roon? At nasaan ba si Beatrice? Buwisit lang talaga. Walang paalam siyang iniwan ng bruhang iyon.
Malalagot talaga sa akin iyon. Makikita niya!
Mukhang hindi na nakatagal sa pananahimik niya ang lalaking nakatayo sa tabi niya na mukhang pinakabarumbado sa apat na bugok na nang-iistorbo sa kanya kanina pa. sa gulat niya ay hinablot nito ang braso niya at bahagya siyang napangiwi sa higpit niyon.
"Ano ba? Bitiwan mo nga ako!" Sinubukan niyang pumalag pero wala ring silbi.
"Aba! Marunong din palang magsalita ito, eh. Akala ko pipi talaga." At ang buwisit, ngingisi-ngisi pa!
"Sasama ka lang naman sa amin, eh. Wala namang masama roon. I promise, we'll be good to you."
Yeah, right. Labas naman sa ilong ang promise na iyon. Gusto tuloy niyang magsisigaw doon para lang makuha ang atensiyon ng sinuman na maaaring tumulong sa kanya. Hindi tuloy niya mapigilang panghinaan ng loob. Parang kanina lang ay nakakaisip siya ng mga matapang na banat na gusto niyang sabihin sa mga ito.
Saan na napunta ang mga iyon?
Muli ay tinangka niyang kumawala.
"Ano ba naman 'yan, Miss? Huwag ka nang pumalag. Lalo ka lang masasaktan niyan, eh."
Mas mabuti nang masaktan kaysa ang sumama sa mga katulad n'yo!
"Pambihira naman kayo, mga pare! Ang tatanda n'yo na, ganyan pa rin ang gawain n'yo. Aba'y magsawa naman kayo. Hindi pa man nagsisimula ang party natin, kick-out na kaagad ang kahahantungan n'yo rito," anang isang tinig 'di kalayuan sa kanila.
Bahagyang nanlaki ang mga mata niya nang makita kung sino ang nakatayo sa direksiyong iyon na sa mga sandaling iyon ay nanlilisik na ang tingin sa apat na panggulong mga lalaki.
You're kidding... right? Si Chinky-Eyed Cutie? Ano'ng ginagawa nito roon? Kasama rin ba ito sa reunion na 'yon? Kaya ba ito pamilyar sa kanya ay dahil ka-batchmate niya ito?
"At sino ka naman, ha? Ang lakas ng loob mong mang-istorbo sa amin, ah."
"Gago! Kayo nga 'tong ang lakas ng loob gumawa ng gulo. Sa pamamahay pa man din ng mga Arsenio. Kung hindi ba naman kayo mga baliw sa kanto, eh."
Hindi nagtagal ay napansin niya ang paglapit ng may walong lalaking mahihinuha niyang bahagi ng security force ng pamilya Arsenio. In fact, tatlo sa mga iyon ay nakilala na niya kanina pagpasok nila ni Beatrice sa mansion.
"May problema po ba rito, Boss?" tanong ng isa sa mga lalaking nakalapit kay Chinky-Eyed Cutie.
"Magkakaroon talaga ng problema rito kapag hindi pa pinakawalan ng mga ugok na 'to ang braso ng girlfriend ko," may pagdidiing sagot nito na nagpamulagat sa kanya.
He said what? Sino raw?
Siya ba ang tinutukoy nitong girlfriend?
Baliw! Sino pa ba? Eh ikaw lang naman 'tong mukhang hostage rito na kailangang pakawalan ng mga balugang herodes na 'to, 'di ba? At ang isip niya, nakalibre lang ng tawag sa kanya ng baliw. Kung nasasapak lang iyon, baka walang pag-aalinlangang ginawa na niya iyon kanina pa.
But in fairness, effective ang sinabing iyon ng guwapong lalaki. Walang salitang agad siyang pinakawalan ng lalaking nanghablot sa braso niya. Bago pa man niya maisip ang ginagawa, napatayo siya sa kinauupuan at agad na tumakbo sa kinatatayuan ng kanyang savior.
"Are you okay?" nag-aalalang tanong nito sa kanya na nagpaumid sa kanya. He looked really worried.
Napatango na lang siya kahit na sa totoo lang ay masakit pa rin ang braso niyang hinablot ng walang-hiya. Lihim siyang napapitlag nang marinig niyang napamura ito at nakatingin sa braso niyang hawak pa nga pala niya.
"I'm okay. Don't worry," pagpapakalma niya rito subalit hindi yata iyon epektibo.
Hinarap ng estranghero ang mga lalaki na nakatayo lang sa likuran nito. "Siguraduhin n'yong wala nang kalokohang gagawin ang mga ugok na iyan. Bantayan n'yo sila kung kinakailangan. At huwag n'yo silang palalapitin kay Ayumi. Okay?"
Tigas na tango ang tugon ng mga ito kay Chinky-Eyed Cutie bago siya iginiya nito paalis sa lugar na iyon. He was holding her waist the entire time. Kasabay ng pag-iisip sa tanong kung bakit nito alam ang pangalan niya ay ramdam din niya ang kakaibang init at sensasyong dumadaloy mula sa palad nito patungo sa bawat himaymay ng pagkatao niya.
Definitely the first time she felt something like that. It was getting to her. First was his smile enough to keep her still and now his touch that sent electrifying sensation through her veins.
Huli na nang mapansin niyang may kalayuan na pala mula sa hardin ang tinungo nila ng lalaking kumaladkad sa kanya. Doon na siya biglang nakaramdam ng panic.
"T-teka—"
"Don't worry. I won't do anything to hurt you, okay?" masuyong sabi nito nang dagli silang huminto sa harap ng isang fountain.
For some reason, kagyat ding naglaho ang panic na kanina lang ay naramdaman niya nang marinig iyon. Napatingin siya sa lalaki na sa gulat niya ay nakatingin din pala sa kanya.
"Why are you doing this?" naitanong na lang niya sa kawalan ng matinong sasabihin. Napatingin siya sa braso niyang hawak nito.
Napansin nito marahil iyon kaya bigla siya nitong binitawan. "I'm sorry." Tumikhim ito. "Ayoko lang na may mapahamak sa lugar na ito, lalo pa't pag-aari ito ng pinsan kong si Anton."
Pinsan nito si Anton? She knew that the mansion belonged to Anton's family. Hanggang sa mapaisip siya. Iisang tao lang naman ang alam niyang ka-batchmate niya na related kay Anton Arsenio. Nanlaki ang mga mata niya sa realisasyong tumama sa kanya. No wonder familiar ang lalaking ito sa kanya.
"Baby Boy? Vince? Ikaw si Vincent Castagnia?" paniniguro niya sabay turo rito.
Isang maluwang na ngiti ang iginawad sa kanya ng lalaki. "At last! Naalala mo rin ako, Baby Girl."
= = = = = =
"THANK you nga pala sa ginawa mo kanina, ah. Inilayo mo ako sa mga bugok na istorbong 'yon," ani Ayumi habang pinapatungan ni Vince ng ice pack ang bahagi ng braso niyang namaga at nagkaroon ng marka dahil sa mahigpit na paghawak doon ng isa sa mga panggulong iyon.
Naroon sila ni Vince sa kusina ng mansion. Doon siya dinala nito matapos nitong mapamura nang makita nitong nagmarka ang kamay ng taong humablot sa braso niya. Kahit anong tanggi niya ay hindi siya pinakinggan nito. He was quiet the entire time he was setting up the ice pack until he was tending her slightly swollen arm.
"Okay lang. Trabaho ko naman na iyon sa iyo noon pa," nakangiting turan nito nang tingnan siya matapos nitong alisin ang ice pack sa braso niya.
Natawa siya hindi lang dahil sa sinabi nito kundi upang pagtakpan rin ang biglaang pagkabog nang mabilis ng puso niya. Common heart reaction na hindi binago ng tagal ng panahon. Naku naman po!
"Oo nga. Kahit 'di hamak na mas uhugin at mas iyakin ka pa kaysa sa akin kahit kinukutya ka nilang damulag at tabatsoy noon, ginagawa mo pa rin ang sarili mo na tagapagtanggol ko. Ano ba'ng ginawa mo at namayat ka yata nang husto ngayon?"
"Namayat? Uy! Iba ang naging macho sa namayat," katwiran nito na nakanguso pa.
Muli siyang natawa. "At nagdahilan pa talaga? Hindi pa diretsong sabihin na napalitan lang ng lean meat ang hangin at makolesterol mong mga taba sa katawan, ha?"
"Ang sama mo pa rin talaga kahit na kailan."
Idinaan na lang niya sa ngiti ang nakakatuwa at cute na pagmumuryot ni Vince. Mukhang hindi binago ng nakalipas na sampung taon ang closeness nilang dalawa ng binata kahit na nagkahiwalay sila nito nang biglaan.
"Ah, thank you nga pala sa binigay mong glass figurine sa akin two weeks ago. Ang ganda. You made it?" pag-iiba niya ng usapan.
Tumango si Vince habang inililigpit nito ang mga ginamit sa paggamot sa braso niya. "It was actually one of my first designs. I'm glad nagustuhan mo."
"Well, I was hesitant of accepting it at first. Pero nang maalala ko na pangarap mong maging isang magaling na glass sculptor at ginamit mo sa isa sa mga designs na ginawa natin together, I decided to keep it. Of course, until I really made sure na si Vincent Castagnia a.k.a Baby Boy Vince nga ang gumawa n'on."
Naglitawan ang malalalim na dimples ni Vince nang ngumiti ito saka ito napayuko na tila ba nahiya.
Kahit pala mataba ka o mapayat, hindi pa rin pala nawawala ang epekto ng ngiti mo sa akin, Baby Boy. Lagi pa ring nakukumpleto ang araw ko at gumaganda ang tingin ko sa paligid ko dahil lang nakita kitang nakangiti.
Hay... Umiral na naman ang natatagong ka-corny-han niya.
But those "cheesy" and "corny" words held the truth that had secretly remained in her heart for so long.
No comments:
Post a Comment