Pages

My Writer Life

Thursday, March 17, 2016

Our Turn To Heal This Broken Heart - Chapter 5

LIANNE remembered too well what Riel said to her the night she called him. But she realized soon after that her brother should've thought about one thing. His suggestion was something she would consider to be easier said than done. Ito na nga mismo ang nagsabi na magkaiba sila ng dahilan para maramdaman ang sakit na dulot ng pagkawala ng taong minahal nila nang higit pa sa mga sarili nila. And now, Riel was contradicting it.

"Kahapon, ang ganda ng ngiti mo. Ngayon naman, pumapangit ka sa paglulukot mo sa mukha mo. Inaway ka na naman ni Riel, 'no?"

Napaangat siya ng tingin mula sa kinakain at hindi na niya naitago ang pagkagulat nang makita si Aeros na nakaupo na sa bakanteng upuan sa kabilang bahagi ng table na gamit niya nang mga sandaling iyon. Naroon siya sa restaurant ng hotel at nag-aalmusal. Agad ding napalitan ng pagtataka at bahagyang pagkairita ang expression niya nang may maisip. 

"Sinusundan mo ba ako? At kailan pa kita binigyan ng permiso na maupo riyan sa bakanteng upuan?"

"Wala akong kasabay kumain, eh. At oo, sinusundan nga kita. Naisip ko kasi na ikaw na lang ang gagawin kong tour guide sa lugar na ito. Tutal, napansin ko naman na pamilyar ka sa mga lugar dito sa Casimera."

Hindi siya makapaniwala sa mga narinig niya kay Aeros. Oo nga at seryoso ang mukha nito nang sabihin ang mga iyon. Pero may napansin siya sa paraan ng pagkakasabi nito sa mga iyon. Did she actually detect mirth in his voice? Or was she starting to go crazy?

Napailing na lang siya at hinilot ang sentido kahit na hindi naman talaga masakit ang ulo niya. "I'm sorry to disappoint you, Mr. Francisco. Pero may importante akong lakad ngayon. And I'd rather do it alone."

Tinitigan ni Aeros kapagkuwan, dahilan upang matigilan siya. Hindi rin niya maikakaila ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso sa ginawa nitong iyon. Pambihira naman! Bakit ba lagi na lang ganoon ang epekto ng tingin ng lalaking ito sa kanya?

"Dahan-dahan lang ng titig sa akin, Mr. Francisco. Baka bukas o sa makalawa, naibaling mo na sa akin ang feelings na meron ka pa para sa ex-girlfriend mo." Idinaan na lang ni Lianne sa biro ang 'di maipaliwanag na kabang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.

Walang naging tugon doon si Aeros. Marahil ay napansin nito na birolang ang sinabi niya. nakita niya na ipinagpatuloy nito ang pagkain at ganoon din ang ginawa niya.

Kaya lang, muntik na siyang mabulunan sa sinabi nito kapagkuwan.

"Walang problema sa akin kung ganoon nga ang mangyayari. From what I can see, you're a woman who wouldn't just let go of a man that you love just because he already served his purpose to you or he couldn't provide the satisfaction you're looking from him."

Siya naman ngayon ang walang maitugon sa narinig niya mula sa binata. Anong klaseng satisfaction ba ang hinahanap pa ng Maricar na iyon kay Aeros? If one would ask her, she could tell that Aeros was a lovable guy. Si Riel na rin mismo ang nagkuwento sa kanya, handa si Aeros na isakripisyo ang mga pinaghirapan nito para sa ikaliligaya ng taong mahal nito. Pero mukhang hindi pa rin sapat iyon para manatili sa kanya ang babaeng minahal nito.

"Is it me or that woman of yours sounds like a typical gold digger?" Oo na. Mukha na siyang prangka at masungit sa sinabi niyang iyon. Pero ganoon siya. May pagkakataon na hindi niya mapigilan ang tabas ng dila niya. At napagtanto niya lang iyon makalipas ang ilang sandali. Tumikhim siya at itinuloy ang pagkain. "Kung ayaw mong sagutin iyon, okay lang. Kung magagalit ka, okay rin lang."

"Wala naman akong dahilan para magalit dahil totoo naman ang sinabi mo. Pero hindi ko pa rin maitatanggi sa sarili ko na minahal ko siya at kung totoo lang sana ang lahat ng namagitan sa aming dalawa, kasal na lang talaga ang kulang," hindi tumitinging sabi ng binata. "Ayokong isipin muna iyon ngayon. Nagpunta ako rito para makalimot sa wakas, para mag-move on. I was hoping you could help me with that."

"At love advisor pa talaga ang tingin mo sa akin ngayon, ah. Pareho talaga kayong mag-isip ni Kuya. Ang sarap ninyong upakan pareho, alam mo ba 'yon?"

But the unexpected happened. Tumawa si Aeros. Totoo ang tuwang nakikita niya sa mga mata nito. At mukhang hindi rin nito alintana na pinagtitinginan na ito dahil sa pagtawa nitong iyon. Bagaman ilang sandali siyang napatulala sa nasilayang galak ng binata, kapagkuwan ay hindi niya napigilan ang mapangiti.

Honestly speaking, she could get used to this.

"O, siya. Pagbibigyan na nga kita. Puwede kang sumama sa akin sa lakad ko."

= = = = = =

WALANG ideya si Aeros kung saan niya sasamahan si Lianne nang araw na iyon. Pero dahil pinagbigyan naman siya nito ay sinamantala na lang niya. Hindi siya sigurado kung ano nga ba ang nagawa niya para maisip iyon ni Lianne. Sa napansin kasi niya, napakahalaga rito ang lakad nitong iyon. She was also firm when she said that she'd do it alone. Kaya nga ikinagulat niya nang payagan siya nito na samahan ito.

Nang mga sandaling iyon ay naroon siya sa labas ng flower shop na nadaanan nila. Pinili niyang maghintay roon kaysa ang samahan si Lianne sa loob dahil tumawag ang isa pa niyang pinsan na si Nathaniel at kinukulit kung kailan daw ba siya babalik sa trabaho. Dalawang linggo ang ipinaalam niya sa kanyang ina na kasalukuyang tumatayong chairman ng Esovia Corporation na itinatag ng lolo niya at pinalago na ng kanyang mga magulang. Mabuti na lang at pumayag ito kahit na may problema pang dapat asikasuhin at pagtuunan ng pansin. Ito na mismo ang nagsabi sa kanya na kailangan din niyang ipahinga ang kanyang puso dahil sa heartbreak na pinagdaanan niya.

Katatapos lang ng tawag na iyon nang mapansin niya na eksaktong lumabas naman sa flower shop si Lianne. Kumunot ang noo niya nang makita niya ito na may dalang dalawang bouquet ng magkaibang bulaklak. Nginitian lang siya ng dalaga at hindi na siya nagtanong pa. Sumunod siya rito. Makalipas ang ilang minuto, narating na nila ang isang hagdan.

Kung tama ang pagkakaalala ni Aeros sa kuwento ni Renz, sa itaas niyon ay nakatayo ang isang lumang templo na pinasabog limang taon na ang nakararaan. Noon lang niya naintindihan kung bakit may dalang bulaklak si Lianne.

"Dito ba siya nawala sa buhay mo, Lianne? 'Yong taong mahalaga sa 'yo?" nag-aalangang tanong niya habang paakyat sila ng hagdan.

Malungkot na ngumiti ang dalaga at tumango. "Dito ko naranasan ang isa sa pinakamasakit na bahagi ng buhay ko—ang mawalan ng taong pinakamamahal ko."

Nagpatuloy lang sila sa pag-akyat hanggang sa marating na nila ang tuktok niyon. Nakita niya ang iba't-ibang bulaklak na nakapaligid sa lumang templo na ngayon ay pinalilibutan naman ng mga bouquet ng stargazer lilies at white orchids. Kumunot ang noo niya nang mapansin ang dalang bulaklak ni Lianne.

"Sasabihin ko rin sa 'yo ang ibig sabihin ng mga bulaklak na 'to sa language of flowers," ani Lianne na tila napansin ang pagtataka sa kanyang mukha.

Hanggang sa matapos ang paglalagay nito sa dalawang bouquets at sa pag-aalay nito ng dasal ay nanatili lang si Aeros sa tabi ni Lianne. Hindi niya alam ang buong kuwento tungkol sa pangyayaring naganap sa lugar na iyon dahil nasa Canada siya nang mga panahong iyon at nagte-training. Napanood lang niya sa balita ang tungkol doon. Pero hanggang doon lang ang atensyong inilagak niya pagdating sa bagay na iyon.

Kapagkuwan ay niyaya siya ng dalaga na magtungo sila ulit sa burol dala ang mga binili nilang packed lunch. Hindi niya alam kung bakit nagpapadala lang siya sa gustong gawin ni Lianne nang mga sandaling iyon.

"Alam mo, kung may iba ka pang lakad o gustong gawin, gawin mo na. Hindi mo kailangang sumunod sa akin kung talagang ayaw mo," ani Lianne nang sa wakas ay nakaupo na sila sa dati nilang pinagpuwestuhan sa taas ng burol sa ilalim ng matandang puno roon.

"Mukha bang ayaw kong sumunod sa 'yo? Kung ganoon nga ang sitwasyon, kanina pa sana ako tumanggi sa alok mo na samahan kita. Isa pa, ako naman ang nangulit na samahan ka kahit alam kong ayaw mo, eh. Nagtataka lang ako. Bakit mo ipinakita sa akin ang lugar na iyon? Sino ba ang ipinagdasal at inaalala mo kapag nagpupunta ka sa dating templo?"

Ilang sandaling natahimik ang dalaga pero alam niyang sasagot din ito. Hinintay na lang niya itong muling magsalita. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan nito kapagkuwan. "Si Henry, fiance ko five years ago. He left me unexpectedly on that place. Sa palagay ko, pareho naming hindi ginusto na mawalay sa isa't-isa. Pero kinailangan ko na siyang pakawalan at magpaalam sa kanya para tuluyan ko nang masabi sa sarili ko na okay na ako. Na naka-move on na ako sa sakit na iniwan sa akin ng pangyayaring iyon. Iyon ang ibig sabihin ng dalawang bouquets na binili ko. A bouquet of sweetpea, meaning "goodbye" and "thank you for the lovely time" in the language of flowers. And also, a bouquet of zinnia, as my way of saying I'm thinking of him and our memories together even though he's not here with me anymore."

"How did you cope up with losing him?" he ventured. Alam niyang nanghihimasok siya sa pribadong buhay nito. Pero hindi na niya napigilang magtanong.

"Pinilit ko ang sarili ko na tanggaping hindi na siya babalik sa buhay ko. Totoo naman iyon, eh. Wala naman tayong kakayahang buhayin ulit ang mga namatay na. Kahit ano'ng sabi ko sa sarili ko na hindi totoo ang lahat ng mga nangyari, bubulaga pa rin sa akin ang katotohanang hindi na maibabalik pa ang nakaraan. Kinuha na siya sa akin, eh. Ipinagpatuloy ko ang mga ginagawa ko at mga kailangan kong gawin bago siya dumating sa buhay ko. Hindi naging madali pero nagawa ko naman nang maayos. Humingi rin ako ng tawad sa pamilya ni Henry dahil hindi ko siya nagawang protektahan. Lalo akong nasaktan nang malaman kong hindi man lang nagalit sa akin ang pamilya niya. Alam na raw nila na iiwan rin ako ni Henry isang araw. Nalaman ko rin lang nang araw na iyon na may leukemia si Henry. Tinaningan na siya ng doktor na dalawang taon na lang ang itatagal ng buhay niya. Doon ko naintindihan kung bakit minadali nila ang pagpapaplano ng kasal namin," paliwanag ni Lianne at nagsimula na itong kumain.

Wala siyang masabi sa mga narinig niya mula sa dalaga. Hindi niya inakalang ganoon pala kabigat ang pinagdaanan nito. But he and Lianne were dealing with different reasons for such heartaches to occur. Hindi niya magawang timbangin kung ano ba ang mas mabigat ang naranasang heartache sa kanilang dalawa. In the first place, may dapat nga ba siyang timbangin?

"Mahirap bang pilitin ang sarili mo na tanggaping wala na kayo?" wala sa sariling tanong ni Aeros habang nakatingin sa kalangitan.

"Sa akin mo ba talaga itinatanong iyan, Mr. Francisco?" napapantastikuhang ganting-tanong ni Lianne. Pero ilang sandali pa ay bumalik sa pagiging seryoso ang expression nito. "Sa totoo lang, mahirap, lalo na sa simula. Lalo na kapag minahal mo talaga nang husto ang taong iyon. Pero kung gugustuhin mo, mangyayari naman iyon, eh. You just need the willpower to do it. At hindi mo na lang namamalayang nagagawa mo nang tanggapin ang lahat."

"I like your way of thinking about this. Bakit ba hindi pa kita kinausap noong mga unang araw na nagpapakahirap ako sa sarili ko?"

"Wow! Ngayon mo lang talaga naitanong 'yan? Pero kung ako ang tatanungin mo, mahirap ka kayang i-approach kahit sabihin pang guwapo ka." 

Agad siyang napatingin sa dalaga na ngayon ay gulat na nakatingin sa kanya at tutop ang bibig nito. Hindi niya napigilang matawa sa itsura nitong iyon. Parang nahuling magnanakaw kung makatingin sa kanya.

"You're one amusing lady, Lianne," natatawang aniya at napailing na lang.

Umingos lang ito na lalo pa niyang ikinatuwa. She was cute. "Ginawa mo pa akong source of amusement mo, ha?"

"But will you help me?" kapagkuwan ay tanong niya kay Lianne.

"Hindi ko alam kung ano ang maitutulong ko sa 'yo, Mr. Francisco. We might have the same experience when it comes to losing the ones we love. Pero nasa sa atin pa rin kung paano natin tatanggapin ang lahat. Pero gagawin ko ang makakaya ko para tulungan kang tanggapin ang kinahinatnan ng relasyon ninyo ng ex-girlfriend mo. Kaya lang, siguradong matatagalan ang proseso. Okay lang sa 'yo?"

"Walang problema sa akin. Basta ikaw ang tutulong sa akin. And..." Tiningnan niya nang mataman si Lianne. Hindi nakaligtas sa kanya ang pagpitlag nito dahil doon. "...call me Aeros from now on. Nagmumukha naman akong matanda sa ginagawa mong pagtawag sa akin ng Mr. Francisco. That's how they refer to my father, you know."

"Bakit, hindi ka ba matanda sa lagay na 'yan? Magkaedad lang kayo ni Kuya, 'di ba? Come to think of it, magti-thirty one years old na pala ang lokong 'yon. Pero... sige. Kung iyon ang gusto mo, I'll call you Aeros."

Hearing that from her only made him realize that it was truly the beginning for the two of them. In fact, gusto niya ang paraan nito ng pagkakasabi sa pangalan niya. It was sweet and gentle.

"Ituloy mo na 'yang kinakain mo. Mamamasyal pa tayo at sasamahan mo ako sa ayaw at sa gusto mo."

No comments:

Post a Comment