Pages

My Writer Life

Thursday, February 2, 2017

You Will Be My Last - Chapter 4

HINDI masabi ni Erin kung dapat nga ba niyang ipagpasalamat na ilang araw niyang hindi nakita si Akio. Hindi naman siya naglagi sa bahay nitong mga nagdaang araw kaya naman may mga pagkakataon talaga na malakas ang tibok ng puso niya. Kung simpleng kaba lang iyon na baka nga magkasalubong sila ng binata o may iba pang ibig sabihin iyon, hindi niya masabi.

Gaya ng araw na iyon. Bagaman hinihiling niya na huwag makasalubong si Akio sa kahit saang lugar na mapuntahan niya, napupuna niya ang sarili na pasimpleng nililinga ang paligid. Antisipasyon nga ba ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon? Pero ano naman ang ia-anticipate niya?

Mukhang magulo na naman ang takbo ng utak ni Erin. At naiinis siya dahil iisang tao lang ang may kakayahang gumawa niyon sa kanya.

"Shouldn't you be focusing on your steps while you're outside? Mapapahamak ka sa ginagawa mo, eh. Hindi ka pa rin talaga nagbabago," ani isang pamilyar na tinig sa kanyang likuran.

Lalong umigting ang kabang kanina pa niya nararamdaman dahil doon. Natigilan siya. Hindi na niya kailangang lumingon para makita kung sino iyon. Napatigil siya sa paglalakad at saka huminga nang malalim upang subukang pakalmahin ang nagwawala niyang puso.

"Ayaw mo talaga akong lubayan, 'no? Kahit ilang beses kong sabihin sa 'yo na huwag mo na akong kakausapin." Pilit niyang pinatatag ang kanyang tinig. Hindi pa niya gustong mahalata nito ang nararamdaman niya.

Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito bago humakbang palapit sa kanya. Noon siya tuluyang napalingon dito. Napaatras siya ng ilang hakbang nang makitang papalapit ito. Huli na nang mapansin niyang nasa gilid na siya ng sidewalk nakatayo malapit sa kalsada. Natisod siya nang humakbang pa ng ilang beses paatras, dahilan upang mapaupo siya sa kalsada. Tatangkain na sana niyang tumayo upang makaalis doon subalit sumigid ang matinding sakit sa kaliwang paa niya.

Napilayan pa yata siya. Pigil niya ang hininga nang makitang agad siyang dinaluhan ni Akio. Bakas sa mukha nito ang matinding pag-aalala habang nakatingin sa napilayang paa niya.

"Don't act that scared of me. Wala naman akong planong saktan ka, eh," sermon ng binata sa kanya.

Napasinghap na lang siya nang walang salitang binuhat siya ni Akio upang maialis kaagad sa kalsada. "Ano'ng ginagawa mo?" Pero kaagad ding nasagot ang tanong niyang iyon nang marinig ang pagharurot ng isang sasakyan. Hindi na niya napansin kung anong klaseng sasakyan iyon dahil sa bilis ng pagpapatakbo niyon. Pero masasabi niyang maangas ang may-ari niyon na para bang pag-aari nito ang kalsada kung makapagpatakbo ng sasakyan.

Kapagkuwan ay narinig ni Erin na huminga nang malalim si Akio, as if relieved. Noon niya naisipang tingnan ito. Subalit naumid siya nang magtama ang kanilang mga mata. Kitang-kita niya sa mga mata nito ang lungkot, gaya ng nabanggit sa kanya ni Priscilla.

Akio sighed once more which broke that atmosphere between them. Hindi niya napigilan ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi nang mapansing buhat-buhat pa rin siya ng binata.

"Y-you can put me down now," aniya at saka nag-iwas ng tingin.

"At hayaan kang maglakad na may pilay ka? I don't think so. Ihahatid na kita pauwi. For now, don't argue with me. Mas mahalagang mabigyan natin ng paunang lunas ang pilay mo," seryosong saad ni Akio at nag-umpisa nang maglakad sa direksyon papunta sa bahay niya.

Mukhang alam pa rin nito kung saan siya nakatira. Kahit ayaw niya, nakaramdam pa rin siya ng galak sa naiisip. Hindi na siya nakipag-argumento rito gaya ng gusto nito. Wala naman na siya sa mood para gawin iyon. Hindi niya alam kung dahil iyon sa sakit na patuloy na nararamdaman sa pilay niya o sa katotohanang ganoon siya kalapit kay Akio. The warmth she felt emanating from his body while carrying her and holding her that close was something that she truly missed.

Napapikit na lang si Erin nang mariin. Ramdam niya ang pangingilid ng kanyang luha pero ayaw naman niyang makita iyon ng binata. Wala sa sariling ipinatong na lang niya ang ulo sa balikat nito. Naramdaman niya ang bahagyang pagkagulat nito, maging ang malakas na pagtibok ng puso nito.

Does his heart beat this fast because of me? Isang munting pag-aasam iyon sa parte niya. Pero saka na niya iisipin ang isasagot doon. Hahayaan na lang niya muna ang sarili na pakiramdaman at muling marinig ang tibok ng puso ni Akio habang magkalapit pa sila nang mga sandaling iyon.

= = = = = =

KAHIT sinabihan na si Erin ni Akio at maging ng doktor na kapitbahay niya na huwag munang masyadong ikikilos ang napilayan niyang paa, pinairal pa rin niya ang tigas ng kanyang ulo. Sa tingin naman kasi niya ay kaya niyang i-handle ang sakit niyon. Kahit sabihin pang muntik nang ma-dislocate ang paa niya dahil sa maling pagkakabagsak sa kalsada noong isang araw.

Ayaw lang naman niyang manatili sa bahay dahil wala rin naman siyang magagawa roon. Wala siyang mapanood na matino o gusto niya sa telebisyon. Wala siya sa mood na magbasa at hindi rin naman niya gustong matulog na lang buong maghapon. Ngayon niya gusto pagsisihan na nag-resign siya sa trabaho niya sa bangko. Wala tuloy siyang puwedeng gamitin bilang distraction upang maialis niya ang isipan kay Akio.

Then again, that would've been a foolish thought if one would ask her. Tumigil siya sa trabaho para asikasuhin ang sarili niya pansamantala bago simulang pamahalaan ang bookstore na pag-aari ng kanyang namayapang magulang. Mabuti na lang at pumayag ang pinsan niyang si Karel na kasalukuyang nag-aasikaso niyon para sa kanya.

Pabuntong-hiningang kinuha niya ang saklay na pag-aari dati ng tatay niya na nasa master's bedroom. Iyon na lang muna ang gagamitin niya pansamantala para makatulong sa paglalakad niya papunta sa Eirene Tower. Oo, iyon ang plano niyang puntahan nang mga sandaling iyon. Kahit alam niyang magbabalik sa kanyang isipan ang isang masakit na alaala dahil sa gagawin, gusto pa rin niyang pumunta roon.

Nahirapan nga lang siya nang kaunti sa pagpunta sa tore dahil na rin sa paika-ika niyang paglakad. Pero kinaya naman niya iyon. Hindi na masyadong mataas ang sikat ng araw kaya gusto niyang tumambay sa tuktok ng tore at pagmasdan lang ang buong bayan mula roon kasabay ng paglubog ng araw. Sa gagawin niyang iyon, alam niyang kakalma siya at mailalayo pansamantala ang kanyang isipan sa mga bagay na bumabagabag sa kanya.

Nang makarating na si Erin sa tore, agad siyang nginitian ng guwardiyang nakatalaga roon. Bagaman napansin niya na tila gusto nitong magtanong sa nakitang pilay niya, hindi na lang nito itinuloy. Magalang na binati siya nito gaya ng dati bago siya tuluyang pumasok sa tore.

Though she had to hobble her way to reach the top of the tower, she didn't mind. Ngayon lang naman ito, iyon na lang ang isinasaisip niya. Nang marating na niya ang tuktok ng tore, napangiti siya nang makitang kakaunti na lang ang tao roon. Agad nga lang naglaho iyon nang may makitang isang pamilyar na bulto. Nakatayo ang taong iyon sa balkonahe at nakatukod ang kamay nito sa balustrada niyon.

Ilang sandali rin siyang nakatingin kay Akio dahil nag-aalangan siya. Sino ba naman kasi ang mag-aakala na makikita niya ang binata roon? Hindi na nga talaga siya kakasihan ng pagkakataon kahit anong hiling pa ang gawin niya.

Huminga siya nang malalim kapagkuwan at nag-umpisa nang humakbang papunta sa balcony sa tulong ng saklay na gamit niya. Ilang hakbang na lang ang layo niya sa kinatatayuan ni Akio nang marinig niya itong magsalita. Mahina lang iyon na para bang dinala pa sa hangin ang tinig nito palapit sa kanya para lang marinig niya iyon. Pero siya makapaniwala sa naramdamang lungkot at sakit sa tinig nito.

"Ewan ko ba. I keep on telling to myself these past days that I should've told her the truth back then. Pero kung ginawa ko naman iyon, baka pagsisihan ko rin sa bandang huli."

Tumigil ito sa pagsasalita nang ilang sandali. Noon naman niya napansin na may nakalagay na earphone sa tainga nito habang hawak ang cellphone. Kaya wala na siyang dapat ipagtaka kung bakit napansin niya si Akio na mag-isang nagsasalita.

"Gagawin ko ang lahat para maipaliwanag ko sa kanya ang totoong nangyari. Alam kong ipapahamak ko siya sa gagawin kong ito. Pero minsan na akong nagkamali nang talikuran ko siya. I was afraid to put my life on the line for someone else's sake before. Not until I saw what Lady Konami can do for the sake of everyone she wanted to protect. Alam mo naman kung paano siya lumaban noon, 'di ba? Babae siya pero nagawa niyang protektahan ang lahat ng mahalaga sa kanya nang hindi namamatay," narinig niyang pagpapatuloy ni Akio.

Hindi naman napigilang pangunutan ng noo ni Erin sa labis na pagtataka sa mga sinasabi ng binata. Why did Akio has to put his life on the line? Bakit parang hindi yata maganda ang pakiramdam niya sa mga narinig? At bakit hindi maipaliwanag ang pagdagsa ng kirot sa kanyang dibdib nang marinig ang sinabi nito na Lady Konami? Sino kaya iyon? Parang importante ang babaeng iyon kay Akio. At pakiramdam niya, hindi lang iyon dahil sa posisyong meron sa pagitan nina Akio at ng Lady Konami na iyon.

Natigilan siya dahil sa tumatakbo sa kanyang isipan nang mga sandaling iyon. Tama bang maramdaman pa niya ang mga iyon? She was supposed to hate this guy and don't give a damn care about him, right? Pero bakit ganito siya ngayon?

"Erin?"

No comments:

Post a Comment