NATAPOS nang maayos ang isa sa mga performance ni AJ sa fund-raising concert kung saan si Aerin ang tumugtog para dito. Masigabong palakpakan ang sumalubong sa kanilang dalawa na ikinatuwa ni Aerin nang husto. Natutuwa siya dahil nagustuhan ng mga ito ang pagtugtog niya bukod pa sa pagkanta ni AJ. Pagpunta niya sa backstage, sinalubong siya ng ilang naroon at ipinahayag ng mga ito ang paghanga nila sa pagtugtog niya ng piano.
Mula sa gilid ng stage, kitang-kita niya ang banda ng kaibigan ni AJ na si Miette na nakahanda nang mag-perform. Ang all-girl band na iyon ang isa sa mga front acts ng concert. Naging kaibigan na rin niya ito noong mga panahong bumibisita ito kay AJ sa rehearsal studio ng huli. Naramdaman marahil nito ang presensiya niya dahil tumingin ito sa kanya at ngumiti ng makahulugan bago nito ibaling ang tingin sa mga audience.
Ano’ng ibig sabihin n’on? Bakit may iba siyang nararamdaman sa ngiting ibinigay ng dalaga sa kanya?
Narinig niyang binati ni Miette ang mga audience matapos magpakilala at nagpasalamat sa suportang ipinakita ng mga naroon para sa naturang concert na iyon. Nagpalakpakan naman ang mga manonood. Base sa nakikita niya, hindi iyon ang unang pagkakataon na nag-participate sa mga ganoong activities ang banda ng dalaga.