Wednesday, March 6, 2019

the last sky of the earth 80 - questions

HINDI matanggal-tanggal ang ngiti sa mga labi ni Seiichi mula nang ma-discharge siya sa ospital nang araw na iyon. Kulang na lang, isipin ng iba na nababaliw na siya. Pero kahit si Manong Taxi Driver ng nasakyan niyang taxi kanina, napansin ang kakaibang sigla sa mukha niya.

Nakuha pa talaga nitong magbiro. Si Seiichi, in love? Napailing na lang siya. Imposible iyon. Isang babae lang ang tanging umokupa sa puso niya hanggang sa sandaling iyon. At hindi si Rin iyon.

Hindi nga ba? Pero bakit laging bumibilis ang tibok ng puso ni Seiichi kapag nakikita pa lang niya si Rin? In fact, kahit isipin pa lang niya ito, hayun at nagre-react ng ganoon ang puso niya. But that feeling was supposed to be meant for the young woman he loved ever since, right? Kaya ano'ng nangyayari sa kanya ngayon?

Hindi sigurado si Seiichi kung ano ang dapat niyang maramdaman at ipangalan sa damdaming binuhay ni Rin sa kanya mula ng unang beses niya itong makita.

Siguro nagkakaganoon lang siya dahil kamukha ito ni Kourin. O may iba pang dahilan. Hindi na niya alam ang dapat isipin, pati na rin ang gagawin.

Napangiti si Seiichi nang makita si Reiko na mukhang nabubugnot na sa paghihintay sa pagdating niya. Hindi man kaila rito na ngayon ang araw ng discharge niya sa ospital, hindi na niya ito hinayaang sunduin siya sa ospital. Naisip tuloy niya na kung nagkataong sinundo siya ni Reiko, hindi siya magkakaroon ng pagkakataon na makasama si Rin.

"Ang tagal mo, ah!" tila inis na salubong ni Reiko kay Seiichi nang makalapit na ang dalaga. "Saan mo na naman ba naisipang magliwaliw, ha? Hindi ka pa nga tuluyang magaling, kung saan-saan ka na naman naglalakwatsa."

"Nag-usap lang kami ni Rin. Pinuntahan niya ako sa ospital kanina. Siya na rin ang tumulong sa akin na ayusin ang mga gamit ko."

"Kaya naman pala para kang baliw kung makangiti riyan. Mukha kang naka-jackpot sa klase ng ngisi mo, alam mo ba 'yon?"

"Grabe naman 'to. Ngisi? Ano 'yon, aso? Hyena?"

Kibit-balikat lang ang naging tugon ni Reiko. "Puwedeng pareho."

Kung hindi lang talaga babae ito at kung hindi niya alam na mas magaling ito sa kanya sa paggamit ng bladed weapons, nabatukan na talaga ito ni Seiichi. "Hindi ka ba kagagalitan ni Tito Hiroto sa pagtambay mo rito sa harap ng bahay ko? Baka akalain niya, nanliligaw ka sa akin."

"Tingnan mo 'tong sira-ulong ito. Ang sama pala ng epekto ng pagkakaospital mo. Lumala ang pagiging hambog mo." Umiling na lang si Reiko at bumuntong-hininga. "Anyway, si Mama lang nag-iisip ng ganoon. Wala namang problema kay Papa kahit dito pa ako sa bahay mo makitulog. Ang weird nga, eh. Ang bilin pa niya sa akin, bantayan daw kita nang husto para hindi ka masaktan at mapahamak. But then, I failed miserably."

"Sinisisi mo pa rin ba ang sarili sa nangyari sa akin hanggang ngayon? Reiko ― "

"Okay lang ako," putol ng dalaga sa sinasabi ni Seiichi.

Kahit nakangiti ito, kitang-kita pa rin ni Seiichi ang lungkot at pagsisisi sa mukha ng kaibigan. "I'll get over it. Patunay lang talaga iyon na... hindi pa sapat ang training ko. What's the use of training swordsmanship to defend myself if I can't even use it to protect the people I care about?"

Hindi na lang nagsalita si Seiichi. Wala pa siyang masasabi kay Reiko para pawiin ang frustration na patuloy pa rin nitong nararamdaman. Hahayaan na lang muna niya ito. Hindi naman magtatagal iyon. Well, at least he wished it won't last that long.

Niyaya na lang ni Seiichi si Reiko na tulungan siyang ipasok ang mga gamit na dala sa bahay. Ito na rin ang nagbukas ng pinto para sa kanya dahil ibinigay naman niya rito ang duplicate ng susi ng bahay na iyon. Nagulat pa siya nang makitang tila naglaho ang bakas ng nangyaring karahasan doon noong kidnap-in siya. Nang tingnan niya ito, hindi na ito nagulat sa nakita o baka nakita na nito iyon bago pa siya ma-discharge.

Inilagay nina Seiichi at Reiko ang dalang mga gamit at bag malapit sa hagdan patungo sa 2nd floor. Pero nang tumingin siya sa sala, partikular na sa coffee table, ganoon na lang ang gulat nilang dalawa ni Reiko sa nakita na nakapatong doon.

"Saan galing 'yan?" tanong ni Reiko at saka siya tiningnan.

"Nang-aasar ka lang? Ako talaga ang tinanong mo?" Hindi na napigilan ni Seiichi ang pagkasarkastiko sa tinig nang itanong iyon. Umiling na lang siya. "That's the sword I used to fight that demon before." Lumapit siya sa mesitang iton at kinuha ang Full Moon Sword. Pinakatitigan niya iyon na para bang gusto niyang tandaan ang itsura niyon, kung makakatulong ba iyon para may maalala ulit siya. "Ang sabi ng isang lalaki na nag-abot nito sa akin, hawak-hawak daw ito ni Papa bago at kahit pagkatapos siyang patayin kasama si Mama."

"Seiichi, sinasabi mo bang hindi car accident ang ikinamatay nina Tito Hideoki at Tita Rio?"

"As much as I want to believe otherwise, mukhang hindi iyon ang gustong iparating sa akin ng mga pangyayari sa buhay ko mula nang makabalik ako rito sa Pilipinas." Hinarap ni Seiichi si Reiko kapagkuwan. "Kailangan ko rin itong itago at protektahan kasama ng Iris Sword ni Hitoshi."

Papunta na sana si Seiichi sa kinalalagyan ng itinatago niyang Iris Sword. Pero may sinabi si Reiko na ikinatigil niya sa paglalakad.

"Wala na rito ang Iris Sword, Seiichi. Hindi ko na nakita iyon sa kinalalagyan niyon nang huling beses akong nagpunta rito."

"Ano? Paano nangyari iyon?" Damn it! Had Seiichi been so careless? Paano nalaman ng mga kalaban ang tungkol sa pag-aaring iyon ni Hitoshi?

Napaupo na lang si Seiichi sa sahig at napahilamos ng mukha matapos ilapag sa kanyang tabi ang hawak na espada. 'I'm sorry, Hitoshi...' Pakiramdam niya ay kulang pa ang mga salitang iyon para makahingi ng tawad sa kaibigang napatay.

"One thing I can tell, it's not the people who kidnapped you that took the sword," ani Reiko makalipas ang ilang sandali. "May iba pang nagkakainteres doon."

"Pero sino? Ang alam ko lang na puwedeng magkaroon ng pakialam sa bagay na iyon ay..." Napatigil si Seiichi sa pagsasalita nang may maisip. "Imposible... Wala nang natitirang Shinomiya."

"Paano kung meron pa?"

xxxxxx

HINDI na nagpahatid o nagpasama pa si Kourin sa pag-uwi pagkatapos ng klase nila sa hapong iyon. Kahit ipilit pa ni Raiden ang gusto nito na ihatid siya pauwi, tinanggihan na lang niya iyon. Wala pa siya sa mood na pakisamahan ang pangungulit ng kaibigan. Hindi naman kaila sa kanya na nag-uumpisa na namang mag-alala si Raiden sa kanya.

Ang totoo ay wala pang planong umuwi si Kourin kahit kabilin-bilinan sa kanya ni Hotaru na dumiretso na siya ng uwi pagkatapos ng klase. May iba siyang planong gawin at puntahan. Ilang araw na rin siyang ginugulo ng nangyaring pagpapasabog sa Shiasena Temple. But the only thing that bothered her was the painting that Mamoru once mentioned in the conference room. Ang painting na nakita sa tunnel ng templo kung saan nakaguhit ang ninuno niyang si Harukaze Shinomiya at ang isang lalaking nagngangalang Masujiro Yasunaga.

Mukhang hindi lang ang nakaraan ng magkasintahang iyon na kakabit ng painting na iyon. The phrase "Ethereal Sky" was mentioned again on that painting. Kung ganoon, noon pa lang ay nag-e-exist na ang katagang iyon. Ngayon, ang misyon niya ay alamin ang totoong kahulugan niyon sa kanilang lahat sa Shrouded Flowers at pati na rin sa Yasunaga clan.

Ginamit ni Kourin ang kanyang bisikleta para magtungo sa Kusanagi Shrine. Hindi pa niya masyadong nalilibot ang buong shrine at pati na rin ang paligid niyon. Pero hindi naman siguro siya makakaengkuwentro na naman ng anumang gulo dahil sa pagpunta niya roon. Hiling lang niya na huwag gumana ang kung anumang magnet meron ang lugar na iyon na nagtatawag ng gulo. Wala siyang panahong pagtuunan iyon ng pansin.

Ilang minuto pa ang lumipas at narating na ni Kourin ang pakay na lugar. Gaya ng dati ay napakatahimik ng paligid ng Kusanagi Shrine. At sa napapansin niya, kahit papaano ay walang nagbabadyang panganib.

Iniwan ni Kourin ang bisikleta sa isang malaking puno malapit sa entrance ng shrine at ikinadena iyon doon. Kapagkuwan ay tinahak na lang niya ang direksyon patungo sa pakay na tunnel.

Hindi nakaligtas kay Kourin ang bakas ng pinasabog na Shiasena Temple. Napailing na lang siya sa inis at panghihinayang.

"Wala na talagang patawad ang mga sira-ulong iyon. Pati ang mga walang kamalay-malay na templo, idinamay pa sa sira ng mga ulo nila," ani Kourin sa sarili na hindi inaalis ang tingin sa sirang templo. Kapagkuwan ay huminga siya ng malalim.

Kailangan na munang magpatuloy ni Kourin sa pakay na puntahan. Lagot siya sa mga kasamahan niya kapag nahuli siya ng uwi. Mabuti na lang at hindi pa siya naliligaw kahit papaano sa kabila ng ilang beses na pagliko ng mabatong daan. Idagdag pa ang gubat na nakapaligid sa shrine. Si Tetsuya ang nagsabi sa kanya ng mga alternative route na puwede niyang gamitin kung sakali nga raw na maisipan niyang puntahan ang tunnel.

Pero tiyak na mahaba-habang sermon ang aabutin ni Kourin sa lalaking iyon kapag nalaman nito na nagtungo siya roon ng walang kasama. She just cringed at the thought of Tetsuya's nagging voice endlessly ringing in her ears. Hindi na nga niya matagalan ang kadaldalan nito, dadagdag pa ang panenermon nito.

Hindi naman nagtagal ang pagdaan ni Kourin sa kung anu-anong pasikot-sikot para lang marating ang tunnel. Now she was standing near the mouth of the tunnel. Hindi iyon isang man-made tunnel. At least, sigurado siya sa bagay na iyon. It was probably a cave, only strengthened by man. Ilang taon na bang nag-e-exist ang lugar na ito?

Napagdesisyunan na lang ni Kourin na pumasok sa loob ng tunnel. Mukhang hindi ito napuruhan ng ginawang pagpapasabog sa templo. Nang tingnan niya ang paligid ng tunnel, nakita niyang may mga torch na isa-isang nakalagay sa magkabilang gilid. Wala siyang dalang lighter.

Pero puwede sigurong gamitin ni Kourin na alternative ang mga bato sa paligid. Parang ideal naman ang mga batong nasa paligid.

Kumuha si Kourin ng dalawa at pinagkiskis iyon na nakatapat sa isa sa dalawang pinakamalaking torch. Hindi naman siya nabigo na makapagsimula ng apoy gamit iyon. But to her surprise, as soon as she lit up the torch, the fire also lit up the side of the tunnel following a sort of aqueduct that seemed to be seemed to be filled with some sort of fire-starting agent. But it doesn't smell like gas.

Kinuha ni Kourin ang sinindihang torch at ginamit iyon upang sindihan ang torch sa kabilang gilid. The same thing happened to the other side of the tunnel as the fire lit up the duct on the side. Noon lang niya nakita nang husto ang paligid ng tunnel. Nanlaki ang mga mata niya sa nakita. The placed was filled with the carvings of the same iris flower crest that she had also seen on her brother's Iris Sword.

Nang tumingin si Kourin sa isang bahagi ng tunnel kung saan sinabi ni Tetsuya na nakasabit ang painting, wala naman siyang nakitang kakaiba maliban sa kaparehong iris flower crest sa isang bahagi ng pinagsabitan sa painting. Hanggang sa kumunot ang noo niya nang may mapansin.

The crest on that part of the tunnel was slightly different. Kasama niyon ang isang flower crest na pamilyar sa kanya.

"Bakit nandito ang flower crest ng Shinomiya clan?" Napansin din ni Kourin na may kakaiba sa pinag-ukitan ng iris flower crest na iyon.

Agad na nilapitan iyon ni Kourin at pinakatitigan nang mabuti. Sinubukan niyang galawin ang batong pinag-ukitan at ganoon na lang ang gulat niya nang bahagya niyang naigagalaw iyon. It might be a loose rock... with a purpose. Ginalaw niya ulit ang bato. 'Di nagtagal ay nagawa na niyang tanggalin sa pagkakapuwesto doon ang bato. Nang tingnan niya ang loob ng espasyong tinatakpan ng bato, natigilan siya nang makita ang isang scroll.

Kinuha ni Kourin iyon at pinakatitigan. On a tag tied on one end of the scroll, Kourin read the name "Hanami" written in Kanji. 'Iyon ang pangalang nakita ko sa genealogy book ng Shinomiya clan. Ang babaeng nauugnay kay Lolo... at kay Dr. Shingo.' Binasa niyang muli ang nasa tag.

Hanami Yanai. The Forsaken Lady Knight of the Blue Rose Tasuke.

Pagkabasa niya n'on ay may isang isiping sumagi sa utak niya.

'Blue rose... Hindi ba rose ang flower emblem ng Yasunaga clan?' Hanggang na nanlaki ang mga mata ni Kourin sa isang konklusyong naisip dahil doon. "Huwag mong sabihing... isang Yasunaga si Hanami?"

No comments:

Post a Comment