IT WAS weird. Ang dami nang napapansing weird ni Raiden kay Rin nitong mga nakaraang araw. Pero gaya ng madalas mangyari, hanggang pag-oobserba lang ang nagagawa niya. Hindi niya magawang tanungin ang dalaga dahil ayaw niyang manghimasok.
Pero hindi pa rin sapat ang dahilang iyon upang pigilan ni Raiden ang sarili na mag-isip ng kung anu-ano. Marami nga naman kasing posibleng dahilan para lalong ilayo ni Rin ang sarili nito sa kanilang lahat.
"Ang nagagawa nga naman ng pag-ibig sa 'yo. Lalo kang nagiging torpe't timang."
Tiningnan na lang ni Raiden ng masama si Chizue na ngingisi-ngisi lang at nagtaas-baba pa ng mga kilay. Kahit kailan talaga, ang galing nitong manira ng pagmumuni-muni niya.
"Gumagawa lang ako ng paraan para hindi matunaw ng tingin mo si Rin. Pambihira ka naman kasi. Maanong lapitan mo na kaya at nang hindi ka parang timang diyan."
"At ako talaga ang sinabihan mong timang? Inuupakan kaya kita riyan, ha?"
"O, bakit? Totoo naman, 'di ba? Kinakausap mo pa nga ang sarili mo habang nakatingin ka kay Rin, eh. Napaghahalata ka na, alam mo ba iyon?"
"Ginawa mo pa akong baliw!" Ano ba 'tong pinagsasasabi ni Chizue? Kinakausap ba talaga niya ang sarili habang tinitingnan si Rin? "Hindi ka man lang ba nagtataka? Iba ang pananahimik ngayon ni Rin, eh."
Kumunot ang noo ni Chizue at tiningnan ang puwesto kung saan nakaupo si Rin. Nakita niya na nakatingin lang ito sa labas ng bintana. Halata nga na malayo ang nilalakbay ng isip nito. Pero may weird ba doon? O baka naman gutom lang ang kaibigan niyang ito.
Ibinalik ni Chizue ang tingin kay Raiden at nakita niya na tila hinihintay nito ang komento niya. "Lagi namang ganyan si Rin. Kaya walang dahilan para pati ang pananahimik niya, eh punahin mo at sabihan pa talaga siyang weird. Ang sama mo."
Nagkamot na lang si Raiden ng ulo dahil sa sinabi ni Chizue. Paanong hindi nito napapansin ang mga napupuna niya sa ikinikilos ni Rin?
"Isa pa," pagpapatuloy ni Chizue. This time, her tone was uncharacteristically somber that Raiden had never heard before. "Kung tama ka nga na iba ang pananahimik ni Rin, wala tayong paraan sa ngayon para malaman natin ang totoo."
Si Raiden naman ngayon ang kumunot ang noo. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Gaano katagal na ba natin sinusubukang mag-open up siya sa atin? Pero sa tuwing ginagawa natin iyon, siya rin ang gumagawa ng hakbang para idistansya ang saril niya. Rin... doesn't want us to get too close to her."
Hindi nakaimik si Raiden at muling tiningnan si Rin na patuloy pa ring nakatingin sa labas ng bintana ng classroom. He hated to admit it pero may punto si Chizue. "Sounds like it was a really mean thing for her to do, huh?"
Pero sa pagtataka ni Raiden, umiling si Chizue.
"From what I can see, it's not about being cruel of her. Wala lang siguro siyang pagpipilian."
"Ha?" Ano ba ang pinagsasasabi ng babaeng ito? "Alam mo, Chizue, hindi na talaga kita maintindihan. Mas magulo ka pa sa panggulo sa isip ko ngayon, eh."
"Talagang wala kang maiintindihan kung ganyan ka ng ganyan, Raiden. Kaibigan na natin si Rin sa nakalipas na dalawang taon. Pero sa mga panahon ba na iyon, may mga nalaman na tayo na mahalaga tungkol sa kanya o 'di kaya ay sa pagkatao niya?"
Kahit gustong pasubalian ni Raiden ang mga sinabi ni Chizue ay hindi na lang niya ginawa. Baka mabatukan lang siya nito. Isa pa, may punto na naman ito. Marami pa nga silang hindi alam kay Rin kahit naging malapit naman ito sa kanila ni Chizue sa loob ng dalawang taon.
"Hindi ko alam ang dahilan ni Rin para idistansya pa rin niya ang sarili sa atin sa kabila ng lahat ng effort natin para mapalapit sa kanya. At sa nakikita ko, wala pa tayong magagawang paraan para alamin ang anumang dahilan niya."
"It could be that... she has a certain burden to bear. One that was heavy enough for her to keep it all to herself and distance herself from almost everyone," Raiden muttered before sighing heavily.
"Hindi rin maganda na sinosolo niya ang lahat. She's only 17. At mukhang hindi rin basta-basta ang problemang pinagdadaanan niya."
Muli ay naalala ni Raiden ang nakaengkuwentro nilang mga kalaban ni Rin sa park noon. Posible kaya na may kinalaman sa kakayahan nitong makipaglaban ang pinoproblema nito?
"Anyway, hayaan na lang natin siya. Ayaw nga tayong problemahin ni Rin, eh. Kaya huwag na natin siyang problemahin." Kapagkuwan ay hinarap ni Chizue si Raiden. "Ang dapat na iniisip mo, 'yong kakompetensiya mo kay Rin."
Kunot ang noong hinarap ni Raiden ang kaibigan. "Kakompetensiya ko?"
"Wow. Ngayon mo pa talaga pinairal ang pagmamaang-maangan mo. Eh kung nasasapak kaya kita nang matauhan ka?"
Inis na nagkamot ng ulo si Chizue at marahasna bumuntong-hininga.
"Huwag mong sabihing nakalimutan mo na 'yong lalaking humila noon kay Rin mula sa harap ng classroom natin?"
Nag-umpisang bumangon ang inis sa dibdib ni Raiden sa pagpapaaalala ni Chizue ng pangyayaring iyon. Kahit kailan talaga, hindi natitigil ang kaibigan niyang ito sa pagiging mapang-asar. "Paano ka nakakasiguro na kakompetensiya ko nga siya? Ang weird mo rin, eh. Kung anu-ano ang pinag-iiisip mo."
"Kaya ko nasabi sa 'yo ito dahil nakita ko si Rin last week sa Four Flowers Hospital. Magkausap sila ng lalaking iyon sa labas ng ospital habang naghihintay ng taxi na masasakyan," imporma ni Chizue.
Gulat na napatingin si Raiden dito. "Ano? Totoo ba 'yang sinasabi mo?"
"Kailan ba ako nagsinungaling sa 'yo pagdating sa naoobserbahan ko tungkol sa babaeng gusto mo, ha? Nagpa-check up ako nang araw na iyon doon sa ospital na tinutukoy ko dahil bukod sa pinakamalapit iyon sa tinitirhan ko, nandoon din ang doktor ko. Si Dr. Shari Kurosawa."
Hindi kaila kay Raiden na mahina ang resistensiya at pangangatawan ni Chizue simula pa noong bata ito kaya naman ganoon na lang ang pagbabantay na ginagawa niya rito mula pa noon. But that didn't stop her from pursuing one thing she loved doing, and that was archery.
"Tinanong ko rin si Dr. Kurosawa dahil baka sakaling kilala niya ang lalaking iyon. Seiichi raw ang pangalan. Dinala raw sa ospital na iyon matapos iligtas sa mga k-um-idnap dito nito lang nakaraang buwan," dagdag ni Chizue.
For the first time in his life, Raiden felt threatened. Pero sigurado siya na hindi iyon dahil lang sa mga nagtatangka sa buhay nilang magkapatid noon pa. This time, it was his place in Rin's heart that felt threatened.
"Kung ako sa 'yo, Raiden, kumilos-kilos ka na. Sa tingin ko, hindi lang basta isang kakilala ni Rin ang taong iyon. At mukhang kilala na rin nina Amiko at Ate Miyako ang lalaking iyon."
No comments:
Post a Comment