Lihim na napapitlag si Erin at kumurap pa ng ilang beses nang marinig iyon. Nang mag-angat siya ng tingin, hirap na siyang pigilan pa ang pagbilis ng tibok ng puso niya. Lalo na nang makita ang pag-aalala sa mukha nito. "Ah... Hi."
"Ano'ng ginagawa mo rito?" kunot-noo nang tanong ni Akio. Mukhang tapos na itong makipag-usap sa kung sino man ang kausap nito sa kabilang linya.
Tila nagising siya sa malalim na pag-iisip sa narinig na paraan ng pagtatanong nito. Sinikap niyang huwag magpakita ng anumang emosyon sa kanyang mukha kapagkuwan. Hindi nga lang niya alam kung nagtagumpay siya.
"Bakit? Masama na bang magpunta rito?"
"Alam mong hindi iyon ang ibig kong sabihin, Erin. Bakit ka lumabas ng bahay na alam mong may pilay ka pa?"
Mukhang sermon na naman ang aabutin niya sa lalaking ito. Napaungol na lang siya sa inis na nagsisimulang mabuo sa kanyang dibdib. "Pilay lang ito. Hindi pa ako imbalido. Okay? Isa pa, hindi naman ikaw ang mahihirapan. Ako naman," masungit na tugon niya at nag-umpisa nang maglakad patungo sa may balkonahe ng tuktok ng tore.
Narinig niya ang malalim na pagbuntong-hininga ni Akio pero hindi na lang niya ito hinarap at pinansin. Itinuon na lang niya ang atensyon sa paligid at sa tanawing sumalubong sa kanyang paningin. Pero hindi pa rin nakatulong iyon para hindi maramdaman ang paglapit ni Akio sa likuran niya.
Ilang sandali pa ay ibinalabal na nito sa kanya ang suot nitong jacket na hinubad na pala nito. Hindi maikakailang nagulat siya sa ginawa nito. Pero hindi na lang niya ipinakita iyon. Sinikap na lang niyang muling ituon ang kanyang atensyon sa tanawing nais niyang pagmasdan kanina pa.
"T-thank you," halos pabulong na sabi ni Erin na hindi tumitingin dito. "Pero hindi mo na sana ginawa ito."
"The wind will be cold a little later. Mabuti nang may proteksyon ka sa lamig. Isa pa, hindi kita hahayaang umuwi nang mag-isa na ganyan ang sitwasyon mo. Hanggang hindi pa gumagaling ang pilay mo sa paa, huwag ka munang makipag-away sa akin tungkol sa mga gusto kong gawin sa 'yo," saad nito na nagpagulat sa kanya nang husto, dahilan upang marahas niya itong harapin.
"Akio, nababaliw ka na ba? Wala ka nang dahilan para gawin iyon."
Hinarap ni Akio si Erin at tinitigan siya; hindi naglalaho ang intensidad sa mga mata nito. Lalong lumakas ang tibok ng puso niya dahil doon. "Siguro nga, para sa 'yo, wala na akong dahilan. Pero para sa akin, marami pa akong dahilan para manatili sa tabi mo. Minsan na akong nakapagdesisyon ng mali noon. Kaya kahit buhay ko pa ang itaya ko ngayon, sisiguraduhin ko na hindi na ako mawawala sa buhay mo."
Hayun na naman. Bakit ganoon ito kung makapagsalita ngayon? Hindi talaga siya makapaniwala sa mga naririnig niya.
= = = = = =
AKIO knew he was fighting a losing battle when he heard what Erin said while they were at the tower a while back. Na wala na siyang dahilan para manatili sa tabi nito. Pero iyon ay dahil pinutol na nito ang anumang koneksyon na meron sila. At least, iyon ang naiisip niya kung iintindihin niya nang maayos ang sinabi nito.
Mukha ngang nakapag-move on na ang dalaga mula sa sakit ng ginawa niyang pang-iiwan dito noon. At inasahan na rin niya na magiging matigas ang puso nito pagkatapos ng lahat. Pero aminado siya na masakit ang katotohanang iyon para sa kanya dahil sa naging desisyon niya apat na taon na ang nakakaraan.
Sinikap ni Akio na tingnan si Erin na nakapatong ang ulo sa kanyang balikat habang karga-karga ito sa likod. He could tell that she was peacefully sleeping. That thought made him smile, albeit sadly. Ni minsan ay hindi niya ito kinarga sa likod niya noong sila pa. Mas madalas na kargahin niya ito sa harap, lalo na kapag naisipan nilang maligo sa ulan o magtampisaw sa ilog.
Naisip niya na mas maganda pala kapag kinarga niya ito sa likod sa pamamagitan ng piggyback. He felt like shouldering all of her burden for her as she bear them all at the same time. Puwede naman niyang gawin iyon at talagang gagawin niya kung kinakailangan. Para rito ay nakahanda siyang gawin iyon.
Hanggang sa nalungkot si Akio sa isa pang naisip niya. Siya nga pala ang isa sa mga dahilan kung bakit ito nahihirapan ngayon. Kahit anong pagtatago ang gawin ni Erin sa totoong nararamdaman nito para sa kanya, isang bagay ang sigurado niya. Though she was angry at him to the point of completely---if not almost---hating him, he could still see that a part of her somehow cared for him.
"I'm sorry for giving you so much pain, Erin," puno ng pagsisising bulong niya sa natutulog pa ring dalaga. Kapagkuwan ay ginawaran niya ng magaang halik ang bahagi ng mukha nito na naaabot ng labi niya---ang gilid ng labi nito.
Paulit-ulit niyang sasabihin iyon sa dalaga at ipaparamdam dito na totoo iyon. Kaya siya nagpapakahirap na ilapit muli ang sarili kay Erin sa kabila ng tahasang pagtataboy nito sa kanya. Hindi na niya gustong magkamali at muling malungkot dahil sa maling desisyon niya noon na talikuran ang mga taong mahahalaga sa kanya dahil sa pinili niyang daan.
Minsang may sinabi si Lady Konamiーat maging ang leader ng Shrouded Flowers na si Lady Kourin Shinomiyaーsa kanya noong mga panahong lumala na ang gulong kinasasangkutan nila. Hindi naman kinakailangang ipagtabuyan pa ang mga mahahalagang tao sa buhay para lang protektahan ang mga ito. Bagaman priority ni Akio na huwag lang mapahamak si Erin kaya niya ginawa iyon noon, parang ipinakita na rin niya sa dalaga na wala siyang pakialam sa kung ano man ang nararamdaman nito. He might have saved her life, but he didn't protect her heart from breaking. Sometimes, people described that as one of the worst kind of pain that a person would feel.
Iyon ang ipinaramdam niya kay Erin nang iwan niya ito noon. Pero hindi na niya hahayaang mangyari ulit iyon. Mananatili siya sa tabi nito kahit ayaw nito. Ganoon pa rin niya ito kamahal. At wala nang makakapagpabago pa niyon.
xxxxxx
"PAKIUSAP lang, Akio, huwag mo na sanang gawin ito. Ako na ang nagsasabi sa iyo. Wala ka nang dahilan para gawin pa ang mga bagay na ito sa akin."
Pero tila walang narinig si Akio sa mga sinabi ni Erin. Patuloy lang ito sa pagpapalit ng benda sa kanyang paa matapos siyang ihatid nito sa bahay pagkatapos tumambay sa Eirene Tower. Hindi niya alam kung ano ang dahilan at nakatulog siya habang buhat-buhat nito sa likod. Wala naman siyang planong magpahatid dito. Pero mas makulit pa sa inaasahan niya ang binata at muntik pa siyang mapatili nang buhatin nito. Kung hindi pa niya sinabing magwawala siya ay hindi siya nito ibababa. Paano ba naman kasi? Bridal style lang ang ginawa nitong pagbuhat sa kanya noong una.
Pinilit na lang niya itong buhatin siya sa likod nito para hindi ito mabigatan sa kanya. Mabuti na lang at pumayag ito. Ipinaubaya na lang ni Akio sa kaibigan nitong si Minoru Nonomura ang dala-dala niyang saklay nang makasalubong nila ito roon. Kung hindi siya nagkakamali, kasamahan ng binata si Minoru sa DN Agency kung saan parehong singer ang mga ito. Nalaman din niya na totoo nga ang sinabi ni Priscilla sa kanya noon. Na tumigil na si Akio sa pagkanta dahil pati rin pala si Minoru ay ganoon din ang ginawa.
Natapos ang pag-aayos ni Akio sa benda ng paa niya na wala pa rin itong imik. Wala naman siyang ibang magawa kundi ang panoorin ito. Ano kaya ang tumatakbo sa isip nito nang mga sandaling iyon?
Ilang sandali pa ay nag-angat na ng tingin si Akio. Huli na para mag-iwas siya ng tingin. Ang intensidad ng tingin nito sa kanya ang tila nagpatigil sa lahat sa paligid niya. Wala siyang ibang napapansin kundi ang matamang tingin ng binata na lalong nagpalakas sa tibok ng kanyang puso.
"I'm sorry, Erin. Pero ito ang pakiusap mo na hindi ko gagawin. Kung ikaw, wala nang makitang dahilan para lapitan pa kita, ako naman ang meron. Sinabi ko na sa 'yo kanina ang tungkol diyan."
Matapos niyon ay umupo ito sa sofa kung saan siya nakaupo. Naglagay naman ito ng distansya sa pagitan nila kaya kumalma siya kahit papaano.
"Sige na, magpahinga ka na muna. Tatawagin na lang kita kapag nakapaghanda na ako ng hapunan," kapagkuwan ay sabi nito.
Agad na rumehistro sa isip niya iyon, dahilan upang magulat siya at harapin ito. "Ano ba'ng pinagsasasabi mo? Sinasagad mo talaga ang pasensiya ko, 'no?" Hindi talaga siya makapaniwala sa lalaking ito!
Pero sa kaba niya, nginitian lang siya ni Akio at marahang tinapik ang ulo niya bago tumayo at dumiretso sa kusina. Mukhang seryoso nga ito sa sinabi nito. Siya naman ay nanatiling nakatingin dito habang kumikilos ito sa kusina na tila ba pag-aari nito ang bahay.
Kunsabagay, minsan na rin naman siyang ipinagluto noon ni Akio. Pero parang isang malayong alaala na lang iyon sa kanyang isipan. Napabuntong-hininga na lang siya. Hindi niya dapat hinahayaang gawin ng lalaking ito ang gusto nito. Ginugulo nito ang tahimik na sana niyang buhay.
Agad na tumayo si Erin pero impit na napasigaw siya nang itapak na niya ang kanyang paa. Noon niya naalalang may pilay nga pala siya. Inilagay kasi niya ang halos buong puwersa ng kanyang katawan sa ginawa niyang pagtayo. Muli siyang napaupo at dahan-dahang minasahe ang kanyang paa sa pag-asang agad na mapapawi ang pagsigid ng kirot doon.
Nagulat siya nang yumukod si Akio at hinilot nang may pag-iingat ang paa niyang sumasakit. Hindi niya alam kung paano o bakit. Pero hindi na niya nagawang ituon ang atensyon sa pagsakit ng pilay niya nang makita ang pag-aalala sa mukha ni Akio. So this guy... still really cared for her.
Pero bakit niya ako iniwan noon? Muli ay naramdaman niya ang pagkirot sa kanyang puso sa tuwing itinatanong niya iyon sa sarili.
"Masakit ba ang pagkakahilot ko? I'm sorry, Erin. Tiisin mo na lang muna. Okay?"
Huli na nang namalayan niyang umiiyak na pala siya. Iyon siguro ang dahilan kung bakit nito nasabi iyon. Lalo lang siyang napaiyak. Bakit ba ipinapakita sa kanya ng lalaking ito na mahalaga siya rito? Dapat ba siyang maniwala?
"Erin..."
Hindi niya pinansin ang pagtawag na iyon. Patuloy lang siya sa tahimik na pag-iyak. Natigil lang iyon kaagad nang maramdaman ang mahigpit na yakap ni Akio sa kanya. Hindi niya namalayang nakaupo na pala ito sa tabi niya.
"I really made you cry like this, huh?" mahinang saad nito habang hinahaplos ang buhok niya at inaalo siya.
Nanatili lang tahimik si Erin at patuloy sa pagdama ng init na nagmumula sa katawan ni Akio. Nakadama siya ng seguridad sa mahigpit na yakap nito sa kanya. Kailan ba niya huling naramdaman iyon?
Muli ay napaluha siya. Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa isipan niya at natagpuan na lang niya ang sarili na isinusubsob ang mukha sa leeg nito. Naramdaman niya ang pagkagulat ni Akio. Pero hindi na lang niya pinansin iyon. Hahayaan na lang muna niya ang sarili.
Sasamantalahin na niya ang pagkakataon bago pa niya tuluyang pagsisihan ang lahat.
= = = = = =
IMINULAT ni Akio ang mga mata nang maramdaman niya ang banayad na paghinga ni Erin sa tabi niya. Sa sofa na sila nakatulog ng dalaga habang nanonood ng pelikula sa DVD. Napangiti siya dahil nakakatabi na niya si Erin sa kabila ng kagustuhan nitong layuan siya. Hindi niya alam kung kinakasihan siya ng pagkakataon o dininig lang ng Diyos ang kanyang panalangin sa mga nangyayaring ito.
Kung ano man ang dahilan at nakakasama na niya ngayon si Erin, malaki ang pasasalamat niya rito. Tiningnan niya ang dalaga na kasalukuyang nakaunan sa dibdib niya. Hindi na niya napigil ang sarili at ginawaran ng halik ang noo nito. Umungol ito at bahagyang kumilos para lang isiksik ang mukha nito sa dibdib niya. Halos hindi siya humihinga habang nangyayari iyon. Ang akala niya ay naistorbo niya ang tulog dahil sa paghalik na ginawa.
Lihim siyang napabuntong-hininga nang naging mahimbing na ulit ang tulog nito kung ibabase na rin niya sa paghinga ng dalaga. Tiningnan niyang muli ang maamong mukha nito. Sa paningin niya, pagod na ito hindi lang dahil sa pilay nito kundi pati na rin sa pag-iisip ng kung anu-ano. Kaya hindi na ito nagreklamo pa habang personal niya itong inaasikaso kanina.
Alam ni Akio na isa siya sa dahilan kung bakit ito nakaramdam ng ganoong pagod. Pero wala siyang planong sumuko sa pagsuyo at pagkuhang muli sa loob ni Erin. Nangako siya noon na aayusin na niya ang lahat pagkatapos ng labang hinarap. Wala siyang nakikitang dahilan para talikuran ang pangakong iyon.
"I missed staying beside you like this, Erin," bulong niya sa nahihimbing na dalaga habang patuloy na pinagmamasdan ang pagtulog nito. "Pagbigyan mo lang ako, hinding-hindi na ako mawawala sa buhay mo. Anumang laban ang harapin ko ngayon o sa hinaharap, gagawin ko ang lahat para bumalik nang buhay. Ibigay mo lang sa akin ang magiging pinakamalaki kong dahilan para mabuhay."
Matapos niyon ay muli niyang ginawaran ng halik ang dalaga. This time, sa labi naman. Magaan lang iyon, pero sinikap niyang ibuhos ang pagmamahal na nararamdaman niya para rito. Pagmamahal na hindi kailanman naglaho sa kabila ng ginawa niyang pagtulak dito palayo noon.
Laking-pasalamat niya na hindi naman ito nagising sa ginawang paghalik. Hinayaan na lang niya ang sarili na mayakap at makatabi ang dalaga sa mga sandaling iyon.
= = = = = =
BUMUNTONG-HININGA na lang si Erin matapos basahin ang nakasulat sa papel na nakita niyang nakapatong sa center table nang magising siya ng umagang iyon. Wala na si Akio sa bahay pero hindi nito kinalimutang ipaghanda siya ng almusal. Dapat ay ma-touch siya sa gesture nitong iyon. Pero mas nangingibabaw ang lungkot at disappointment na hindi niya alam kung para saan iyon.
Walang buhay na binasa niyang muli ang nakasulat sa papel na hawak niya. Si Akio ang nagsulat niyon.
I'm sorry if I left before you wake up. May kailangan lang akong asikasuhin. Magpahinga ka lang diyan sa bahay at huwag mo nang tatangkaing lumabas para lang gumala. Huwag mo nang pahirapan ang paa mo. Pagaling naman na iyan.
By the way, I cooked breakfast for you. Kumain ka nang maayos, okay? Take care.
Akio
"Bakit pa ba niya kailangang gawin ito? Hindi ko naman na siya boyfriend," ani Erin sa sarili habang unti-unting nilamukos ang papel na hawak. Pero nang tuluyang rumehistro sa kanyang isipan ang ginawa, natatarantang inayos niya ang papel mula sa pagkakalukot niyon.
Inis na bumuntong-hininga siya dahil sa ginawa. Ano na ba ang nangyayari sa kanya? Epekto ba ito ng pagtatabi nila ni Akio sa pagtulog? Aaminin niya, naging mahimbing ang tulog niya nang nagdaang gabi. Hindi nga lang siya sigurado kung dahil pagod lang siyang makipag-argumento kay Akio sa pagiging makulit at mapilit nito o dahil sa presensya nito.
Tiningnan niya ang inihandang pagkain ni Akio para sa almusal. Fried rice, sautéed vegetables, fried eggs, ham and bacon. Nakaayos na rin doon ang pagkakainan niya. May kape rin na nasa coffee pot at isasalin na lang niya sa tasa. Sinagad naman yata ng lalaking iyon ang paghahanda ng aalmusalin niya.
Hindi na napigilan ni Erin ang mapangiti sa kabila ng inis na nararamdaman. Saka na siguro niya aanalisahin nang mas maayos ang dapat gawin sa mga nangyayaring iyon. If Akio still cared for her, she might as well relish it. Hindi niya alam kung hanggang kailan pero sasamantalahin na lang niya ang pagkakataon.
Kahit sa dulo niyon ay alam niyang baka mas lalo siyang masaktan. Lalo na kapag muli itong nawala sa buhay niya.
No comments:
Post a Comment