Thursday, February 23, 2017

You Will Be My Last - Chapter 7

"HINDI ko akalaing may pagka-reckless ka pala. Ngayon ko lang nalaman," usal ni Erin habang ipinapatong ang malamig at basang bimpo sa noo ni Akio. Iyon na ang pang-apat na pagpapalit niya. Mabuti na lang at bumaba na ang lagnat nito. Makakahinga na siya nang maluwag.

Aalis na sana siya sa pagkakaupo niya sa gilid ng kama na kinahihigaan ng binata nang marinig niyang nagsalita ito.

"I'm willing to do reckless things if it means having you back in my life again."

Hindi niya matukoy kung nananaginip ba ito o ano. Pero aminado siya na nakadama siya nang kakaiba nang marinig ang tinuran nito. Wala na siyang pakialam kung dala lang iyon ng pagdedeliryo nito o iyon talaga ang saloobin nito.

But what surprised Erin was the fact that Akio still wished for her to come back to him---to his life. Pero dahil sa galit at hinanakit na nakapaloob sa puso niya para rito, nagkaroon siya ng alinlangan kung magagawa pa nga ba niyang bumalik sa piling nito at mahalin itong muli.

Hindi na siya nagawang kausapin pa nito matapos niya itong pakainin at painumin ng gamit dahil pinilit niyang magpahinga muna ito. Lalo na nang mapansin niya ang panginginig nito. Ngunit hindi siya pinaalis sa tabi nito nang magtangka siya kanina na iwan ito para makatulog na. Hindi ito bumitaw sa pagkakahawak sa kamay niya. At napansin niya sa paraan ng pagkakahawak nito sa kanya na para bang takot itong pakawalan siya.

Kailan ba niya huling naramdaman iyon mula kay Akio? Bumuntong-hininga na lang siya habang pilit na pinapalis sa kanyang isipan ang mga alaalang biglang nagsulputan dahil sa tanong na iyon. Nagpatuloy na lang siya sa paglabas sa kuwartong iyon. Dumiretso sa kusina upang magluto ng ulam para sa hapunan niya at ng pasyente niya.

= = = = = =

AKIO woke up from a dream---or rather a distant memory. Hindi siya makapaniwala na mapapanaginipan niya ang tungkol sa naging laban niya noon isang taon matapos iwan si Erin at talikuran ang ipinangako niya rito. Oo nga at may sitwasyon na naman silang kailangang harapin ng mga kasamahan niya. Iyon ang dahilan kung bakit hindi siya nagpakita kay Erin nang ilang araw. Tinawagan siya ni Lady Konami tungkol sa bagay na iyon. Nakipagkita pa nga ito sa kanya noong minsan lang. Pati sina Shun at Makoto ay nakipagkita rin sa kanila ni Minoru para pag-usapan ang isyung iyon.

He winced and then looked around. Noon lang niya naalala na nasa ibang bahay nga pala siya nang mga sandaling iyon. Nang mapatingin siya sa labas ng bintana, nakita niyang humupa na ang malakas na ulan pero nakulimlim pa rin ang kalangitan. Napabalikwas siya ng bangon nang maalala si Erin.

Napadako ang tingin niya sa isang bahagi ng kuwartong iyon kung saan may extra bed na naroon. Unti-unting sumilay ang ngiti sa labi niya nang masilayan ang kagandahang nakalatag doon kahit na nakasuot lang ito ng isang simpleng bestida at bahagyang nakatakip sa mukha nito ang mahaba nitong buhok.

Tuluyan na siyang napatayo sa kama nang maramdamang hindi na masama ang pakiramdam niya. Hindi niya maiwasang makaramdam ng kakaibang saya nang maalalang inalagaan siya ni Erin kahit na galit ito sa kanya. Hanggang ngayon ay pilit pa rin niyang pinag-iisipan ang paraan para mapatawad siya ng dalaga sa kasalanang nagawa niya rito.

Lumuhod siya at lalong pinagmasdan ang magandang mukha nito. Hinawi niya ang ilang hibla ng buhok na nakatakip sa mukha ni Erin at masuyong ikinawit iyon sa tainga nito. Bahagya pang nakaawang ang mga labi nito at natutukso siyang gawaran ng magaang halik iyon.

At iyon nga ang ginawa niya. Pero isang halik lang, parang hanging dumampi sa mga labi ng dalagang tanging minahal niya sa buomg buhay niya. Iyon lang kasi ang makakaya niyang gawin sa ngayon. For now, he would let himself be contented with that.

Hindi alam ni Akio kung gaano katagal na pinagmasdan niya ang natutulog pa ring si Erin. Tila napakahimbing ng tulog nito at napangiti siya sa katotohanang ang babaeng ito ang dahilan ng pagiging makulay ng buhay niya noon. Kung sana ay maaari niyang hilingin dito na panatilihin nitong makulay ang buong buhay niya basta kasama niya ito.

Natigil lang ang pagmumuni-muni niya nang marinig ang message alert tone ng cellphone niya. Nakita niyang nakapatong iyon sa bedside table ng kamang pinaghigaan niya kanina. Agad niyang kinuha ang cellphone at binasa ang text message. Kumunot ang noo niya nang malamang galing iyon kay Lady Konami.

«Don't leave her side whatever happens, Akio. He's moving fast. Huwag mo siyang hahayaang mapahamak. Do whatever you can to make sure she would never be hurt or be used against you just to defeat you.»

Nagtaka siya sa klase ng text ni Lady Konami. Sinong 'her' ang tinutukoy nito? Agad siyang napatingin sa natutulog pa ring si Erin. 'Don't tell me...?' Tama lang pala na nagpunta na siya rito kahit alam niyang galit ito sa kanya. Pero bakit idadamay sa gulo ang dalaga? Wala itong kinalaman sa mga nangyari noon para tuluyang matalo ang kalaban nila. Ganoon ba kadesidido ang taong iyon na pabagsakin na naman sila?

xxxxxx

"TALAGANG gustong-gusto mo nang tumatambay rito, ah. Pinagbigyan lang kita noong una dahil may pilay ako at makulit ka na alagaan ako. Noong minsan din, hinayaan lang kitang makituloy dito dahil ikaw naman ang may sakit at hindi pa ako ganoon kasama para hayaan kang matulog sa labas na basang-basa. Pero hindi naman nangangahulugan na dapat mong samantalahin iyon, 'no?"

Pero ang ikinaiinis ni Erin, isang ngiti lang ang iginawad ni Akio sa mga sinabi niyang iyon at nagpatuloy lang sa pagkain ng almusal nito. As usual, ito ang nagluto ng aalmusalin nilang dalawa. Sa napapansin niya, feeling at home na ang lalaking ito sa bahay niyang iyon. Dalawang araw na ang nakalipas at magaling naman na ito. Wala na itong lagnat. Pero hayun nga, hindi pa rin ito umaalis sa bahay niya at nagpilit pa talagang manatili roon.

Ang ipinagtataka pa niya, kahit gusto niyang itaboy ang binata, nawawalan na siya ng paninindigang gawin iyon. Hindi na niya maintindihan ang sarili. O ito na nga ba ang pagdating ng kinatatakutan niya? 'Yong masasanay na naman siya sa presensiya ng lalaking ito. Paano na kapag umalis na naman ito at tuluyan siyang iwan nito gaya ng ginawa nito noon?

"Just let me stay here with you, okay? Wala naman akong gagawing masama sa 'yo, eh. Hindi kita hahayaang mapahamak kahit na ano'ng mangyari. At saka ayoko munang umuwi sa tinutuluyan ko. Baka lalo lang akong mag-alala sa 'yo."

Ito pa ang isang ipinagtataka niya. May mga sinasabi ito na hindi niya maintindihan kung saan nito pinagkukukuha. Bakit naman siya mapapahamak sa sarili niyang pamamahay? Sa tagal ng paninirahan niya sa bayan ng Visencio, kailanman ay hindi siya nakaranas ng mga pangyayari na ikinapahamak niya. Mukhang wala pa yata sa lugar ang pagiging paranoid ni Akio.

Pero iba ang nakikita ni Erin sa mga mata ni Akio. Hindi niya alam kung para saan ang kabang naramdaman niya nang makitang kakaiba ang pagiging seryoso nito habang sinasabi ang mga salitang iyon sa kanya. May nangyari ba na hindi niya nalalaman? Iyon marahil ang isa pa sa mga dahilan kung bakit hindi na niya nagagawang panindigan ang desisyong itaboy at layuan si Akio. Gusto niyang malaman kung ano ba ang gumugulo sa isipan nito para sabihin ang mga iyon sa kanya.

"Erin... Galit ka pa rin ba sa akin hanggang ngayon?" kapagkuwan ay tanong ni Akio.

Hindi na siya nabigla roon. Pero hindi maikakailang nag-aalangan pa rin siyang sagutin ang tanong nitong iyon. Hindi siya makaimik. Hindi niya alam kung paano sasagutin iyon. Teka, mali. Alam niya ang isasagot. Hindi lang siya sigurado kung paniniwalaan ba siya nito.

"Kung sasabihin kong oo, lulubayan mo na ba ako?" sa halip ay balik-tanong niya.

Walang umimik sa kanilang dalawa. Nag-angat siya ng tingin at tiningnan si Akio na nakatingin din pala sa kanya. Pilit niyang hindi inalis ang tinginan nilang iyon. Sigurado siya na marami itong makikita sa mga mata niya. Pero saka na niya aalalahanin iyon.

Ilang sandali pa ay umiling ito. "Kahit siguro ilang beses mo akong itaboy, babalik at babalik pa rin ako sa tabi mo. Hindi ko na gustong ulitin ang pagkakamali ko noon. Tinalikuran ko ang mga taong mahahalaga sa akin para lang matapos ko ang mga dapat kong gawin. Pero may isang tao ang nagturo sa akin na hindi ko dapat gawin iyon. Sa sarili kong paraan, magagawa pa rin kitang protektahan nang hindi kita kailangang itulak palayo."

Tama ba itong naririnig niya kay Akio? Kung ganoon, hindi nagsisinungaling si Priscilla sa kanya nang magkuwento ito tungkol sa mga sinabi noon ng binata sa café. Napakunot tuloy siya ng noo dahil doon. "Sino ka ba talaga, Akio?" Huli na nang rumehistro sa isipan niya ang itinanong dito. Nag-iwas na lang siya ng tingin at ipinagpatuloy ang pagkain.

"Sasabihin ko rin sa 'yo ang lahat, Erin. Ang hiling ko lang, sana pakinggan mo ako. Bahala ka na kung paniniwalaan mo ang mga sasabihin ko sa 'yo. Pero ito lang ang gusto kong tandaan mo. Lahat ng ipagtatapat ko sa 'yo ay totoo," seryosong saad ni Akio.

Muli siyang nag-angat ng tingin at sinalubong ang matamang tingin nito sa kanya. Kitang-kita niya sa mga mata nito na hindi ito nagsisinungaling at may bahid pa ng pagmamakaawa. Hindi niya alam kung para saan iyon. Pero tumango pa rin siya bilang tugon.

"Okay. Siguraduhin mo lang na hindi ka magsisinungaling sa akin."

Walang imikan sa pagitan nila pagkatapos niyon hanggang sa pareho na silang natapos mananghalian. Nagliligpit na siya ng pinagkainan nila nang sumagi sa isipan niya ang isang bagay na matagal na niyang gustong itanong kay Akio. Pero sasagutin ba nito iyon?

"Kung may gusto kang sabihin, Erin, sabihin mo na," biglang sabi ni Akio na bahagya pa niyang ikinagulat.

Nahahalata ba siya nito kapag may gusto siyang sabihin? Tumikhim na lang siya bago ipinagpatuloy ang pagliligpit. "S-sino 'yong kasama mo sa café noong minsan?"

Naramdaman niyang natigilan si Akio bago tumingin sa kanya. "Kasama ko sa café?"

Tumango siya. "Nakita kasi kita roon nang mapadaan ako. May kasama kang babae. Maganda siya, ah. G-girlfriend mo?" Pambihira! Kailangan pa talagang mautal siya? Lalo lang tuloy siyang hindi makatingin kay Akio dahil doon.

Ilang sandaling hindi umimik ang binata. Tila pinag-iisipan pa nito ang dapat isasagot sa tanong niya. Pero bakit pa nito kailangang pag-isipan iyon? Hindi naman na nito kailangang maglihim o magsinungaling sa kanya.

"She's my boss," kapagkuwan ay sagot nito.

"Ha? Boss? Boss mo sa agency?"

Umiling si Akio. "Boss ko sa isa ko pang trabaho. Nakipagkita siya sa akin nang araw na iyon dahil may nangyari at tinatanong niya kung puwede ba akong kumilos para masigurong matatapos naming solusyunan ang problema nang walang aberya."

Hindi na naman niya maipaliwanag ang kabang naramdaman niya dahil sa seryosong tinig nito. At sa totoo lang, lalo siyang naguguluhan sa naging sagot nito. Lumalim din ang kuryosidad niya sa mga naririnig mula rito. Ano ba ang isa pang trabaho ni Akio na tinutukoy nito?

"Huwag mong sabihing nagseselos ka nang makita mo kami ni Lady Konami doon?"

Doon naputol ang pagmumuni-muni niya at napatingin siya rito. Kitang-kita sa mga mata nito ang panunukso na ikinainit naman ng mga pisngi niya. "H-hindi, ah. Na-curious lang ako. Ang saya-saya n'yo kasi nang makita ko kayo. Parang hindi kayo nagkita nang matagal at na-miss n'yo ang isa't-isa kung mag-usap kayo."

"Nagseselos ka nga," tudyo nito.

"Hindi nga, eh. Bakit ba ang kulit mo?" patuloy na pagtanggi niya. Pero hindi maikakailang nakahinga siya nang maluwag sa ipinagtapat nito.

Kung ganoon, ang tinutukoy nitong Lady Konami noon sa tore ay ang boss ni Akio? At least, malinaw na sa kanya ang tungkol sa misteryosong pangalan na iyon kahit papaano.

"Hindi ka talaga nagseselos?"

Kagyat na napalingon siya nang marinig ang halos pabulong na sinabi nito. Pinilit niyang huwag kumawala ang singhap sa kanyang lalamunan nang makitang nasa likod lang niya pala ito. Halos wala na ngang distansya sa pagitan nila ni Akio.

Bago pa man siya makaatras ay agad na ipinaikot ng binata ang mga braso nito sa baywang niya. Napahawak tuloy siya sa dibdib nito at tinangkang itulak ito palayo.

"W-what are you trying to do?" hindi maitago ang kaba na tanong niya. Lalo na nang makita niya ang mga emosyong nakapaloob sa mga mata nito.

"Wala kang dapat ipagselos kay Lady Konami. Kahit sabihin pang nagka-crush ako sa kanya noon, hindi nangangahuluhan iyon na binawasan niyon ang pagmamahal na sa 'yo ko lang ibinigay. Isa pa, mahal na mahal niya ang asawa niya," nakangiting saad nito na nagpatulala sa kanya.

Bakit sinasabi ni Akio ang mga iyon kay Erin? Para saan pa? Pero bago pa siya makatugon, nanlaki ang mga mata niya nang bumaba ang mukha nito sa kanya at dinampian ng masuyong halik ang mga labi niya.

Ilang sandali rin siyang napatulala at hindi naka-react dahil sa matinding gulat. Pero patuloy pa rin sa pagkilos ang mga labi ni Akio sa labi niya at inaanyayahan siyang tugunin iyon. Humigpit din ang pagkakayakap nito sa baywang niya. Nawalan na ng lakas ang mga kamay niyang nakapatong sa dibdib nito na dapat sana ay magtutulak dito palayo sa kanya.

Natagpuan na lang niya ang sariling mga kamay na pumapaikot sa leeg nito. Dahan-dahan namang kumikilos ang mga labi niya upang tugunan ang paghalik nitong iyon sa kanya. Iyon lang yata ang hudyat na hinihintay ni Akio para palalimin ang paghalik nito sa kanya. Napaungol siya at napahigpit na ang pagkakayakap niya sa leeg nito.

Erin never thought she'd be able to feel his kiss again. Hungrier and more passionate than what she last remembered. Parang ibinubuhos nito sa halik na iyon ang lahat ng gusto nitong iparating sa kanya. Napaluha siya nang dumating sa kanya ang isang realisasyon.

Lihim siyang nakadama ng pagprotesta nang tumigil si Akio sa paghalik sa kanya. Habol nila ang hininga nang magkatitigan sila at pagdikitin nito ang kanilang mga noo.

"What's wrong? Did I hurt you or scare you?"

Umiling si Erin at pinunasan ni Akio ang kanyang mga luha. Napalunok siya sa nakitang intensidad ng mga emosyong nakapaloob sa mga mata nito.

"Mahal pa rin kita, Erin. At kahit na ano'ng mangyari, kahit ilang beses mo pa akong itaboy dahil sa ginawa kong pag-iwan sa 'yo noon, hinding-hindi na maglalaho ang nararamdaman kong iyon para sa 'yo."

Parang nag-short circuit ang utak niya sa ipinagtapat nito. Hindi siya makapaniwala. Pero ang tanging naging tugon niya sa mga sinabi nito ay ang pagpatong ng ulo niya sa dibdib nito. Pinakinggan niya ang malakas na tibok ng puso nito na sumasabay sa bilis at lakas ng pagtibok ng puso niya.

Naramdaman na lang niyang dinampian ni Akio ng halik ang buhok niya at mahigpit siyang niyakap. "I'll prove my love to you again, Erin."

No comments:

Post a Comment