Thursday, February 16, 2017

You Will Be My Last - Chapter 6

KUNG tutuusin, walang dahilan si Erin para mainis nang ilang araw dahil lang hindi nagpakita sa kanya si Akio. Oo, iyon ang nararamdaman niya habang nasa balkonahe ng kanyang silid sa ikawalang palapag ng bahay niya. Doon niya naisipang tumambay dahil wala siyang maisip gawin nang mga sandaling iyon.

Magaling naman na ang pilay niya at nailalakad na niya nang maayos ang kanyang paa. May dahilan na siya para lumabas ng bahay at magliwaliw nang hindi siya nakakaramdam ng pagkabagot. Pero pati iyon ay kinatatamaran niya. Kaya heto siya ngayon at wala sa sariling nakatutok ang paningin sa dumaraang mga sasakyan sa kalsada na nasa harap lang ng bahay niya.

Hindi dapat siya nakakaramdam nang ganoon dahil lang hindi nagpapakita si Akio sa kanya. Itinataboy na nga niya ito, 'di ba? Kaya ano itong ipinagmumukmok niya?

"Wala na bang ihahaba pa 'yang nguso mo, ha?" ani isang pamilyar na tinig na nagpakunot ng noo niya.

Pagtingin niya sa ibaba ng balkonahe ay nakita niyang kumaway ang pinsang si Karel. Napangiti tuloy siya at nagmamadaling umalis sa kinapupuwestuhan upang makababa at mapagbuksan ito ng pinto. Hindi tuloy niya napigilang yakapin ito nang mahigpit.

"Uy, dahan-dahan lang ng yakap sa akin, cuz. Napaghahalatang pinagnanasaan mo ako," biro ni Karel. Pero ginantihan naman nito ang yakap ni Erin.

"Grabe naman 'to. Minsan na nga lang kitang makita, eh. Kahit sabihin pang nasa iisang bayan lang tayo." Pinapasok na niya ang pinsan kapagkuwan.

"Bakit kasi hindi ka nagpupunta sa bookstore? Baka nakakalimutan mo, sa 'yo ipinamana iyon nina Tito at Tita. Kung hindi pa kita pinuntahan dito, iisipin ko talagang may balak kang magpakaermitanyo," wika ni Karel at naupo sa sofa sa living room.

Pabuntong-hiningang umupo si Erin sa tabi ni Karel. Noon naman niya napansin ang pagkunot ng noo nito. Marahil ay nagtaka ito sa ginawa niyang pagbuntong-hininga.

"Alright, what's wrong? May dahilan ba kung bakit ayaw mong lumabas ng bahay?" Halata sa tinig nito ang pag-aalala.

Wala na siyang dapat ipagtaka roon. Isa si Karel sa mga taong madaling makahalata at nakaalam kung may bumabagabag sa kanya o wala. Ito ang tumayong nakatatandang kapatid niya, bukod sa pagiging pinsan at guardian niya mula nang mamatay ang kanyang mga magulang.

"He's back." That's it, plain and simple. Pero alam niya na hindi na lingid kay Karel kung sino ang tinutukoy niya.

"So hindi pala ako nagkakamali sa nakita ko kahapon sa park," wika nito na ipinagtaka niya.

Napatingin siya sa pinsan. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Maaga akong nagsara ng bookstore kahapon dahil may kailangan akong asikasuhin sa munisipyo. Nilakad ko na nga lang ang distansyang iyon mula sa bookstore. Natural, parte ng ruta ko ang pagdaan sa park. Nakita ko si Akio at ang kasamahan niyang ni Minoru Yasui. May kasama pa silang dalawang lalaki pero hindi ko masyadong kilala ang mga iyon kahit sabihin pang pamilyar sila sa akin. Seryoso silang nag-uusap. Kahit sa kinatatayuan ko, nararamdaman ko ang tensyon na parang may malaki silang problema," paliwanag ni Karel.

Ipinagtaka iyon ni Erin. Hindi niya napigilang mapaisip. Iyon kaya ang dapat asikasuhin ni Akio nang umalis ito sa bahay niya habang tulog pa siya? Mukha ngang marami pa siyang hindi nalalaman tungkol sa lalaking minsan niyang minahal.

Pero bakit naman niya iniisip iyon? Naku naman! Bakit pagdating sa lalaking iyon ay hindi na niya maintindihan ang kanyang sarili?

"You know what? Let go out. Nang sa ganoon ay matanggal ang anumang agiw diyan sa utak mo."

= = = = = =

WALA namang partikular na lugar na gustong puntahan sina Erin at Karel nang yayain siya ng binata na lumabas at nagliwaliw. Sa napansin niya, sinabi lang iyon ni Karel para tulungan siyang i-distract ang sarili niya. Nasabi na rin niya rito ang dahilan kung bakit hindi siya masyadong naglalalabas ng bahay. Isa na nga roon si Akio. Pati nga ang mga naging kaganapan sa pagitan nila ni Akio ay nasabi na rin niya sa kanyang pinsan.

"Ano na ang plano mo pagkatapos ng lahat ng ito? Hindi mo na puwedeng ipagpilitan pa ang gusto mong mangyari. Sa kuwento mo pa lang, mahahalata ko nang gusto niyang bumalik sa iyo. At kung totoo rin ang ikinuwento mo sa akin tungkol sa naging obserbasyon ni Priscilla, hindi ako nagkakamali sa mga sinasabi kong ito sa iyo," ani Karel habang patuloy sila sa paglalakad nang mabagal.

"Pareho kayo ng sinabi ni Priscilla. Dahil lang sa ipinapakita ni Akio, imbes na magalit kayo sa kanya, mas ginusto n'yo pang bigyan siya ng benefit of a doubt," nakasimangot na saad niya.

Nagkibit-balikat lang si Karel. "Eh sa iyon ang napansin ko. Siguro nga, napakalaki ng dahilan niya para iwan ka at talikuran four years ago. Kadalasan, kung hindi pamilya ang dahilan, trabaho naman. Pero sikat na siya bago mo pa siya makilala, 'di ba?"

Tumango si Erin. Matunog na ang pangalan ni Akio at ng kasamahan nitong si Minoru bago pa man siya suyuin nito noon. At kung tama ang pagkakaalala niya, hindi hinayaan ni Akio na maging sagabal ang career nito sa relasyon nilang dalawa.

Kung ganoon, pamilya ang dahilan? Come to think of it, wala siyang kaalam-alam sa pamilya ni Akio maliban sa pareho nang patay ang mga magulang nito sa plane crash at may tumayo namang guardian nito pagkatapos niyon. Hindi na nga lang niya alam kung sino ang taong iyon dahil may tumawag dito sa cellphone nang mga panahong sasagutin na sana nito ang tanong niyang iyon. Nawala na rin naman sa isipan niya na muling itanong ang tungkol doon nang mga sumunod na araw na magkasama sila ni Akio.

"Anyway, hindi natin alam ang totoo. Iyon lang ang naiisip ko kung ibabase ko sa mga ikinuwento mo sa akin. Posibleng may mas malaki pang dahilan para gawin niya iyon sa 'yo. Sa ngayon, mas mabuti ngang bigyan mo siya ng pagkakataong ipaliwanag ang lahat. Sa tingin ko naman, seryoso siya sa paghingi ng tawad sa 'yo," dagdag ni Karel.

Wala na siyang naging imik sa mga sinabi nitong iyon. Namalayan na lang niya na nakarating na pala sila ni Karel sa Lovedrops Café. Pero hindi iyon ang nagpatigil sa kanya sa paglalakad. Isang tanawin ang sumalubong sa kanya nang tingnan niya ang mga customer ni Priscilla sa loob mula sa glass window ng café.

Hindi siya sigurado kung bakit tila pinupunit ang kanyang puso nang pira-piraso nang makita roon si Akio na masayang nakikipag-usap sa isang magandang babae. Parang matagal na hindi nagkita ang mga ito kung makapagkuwentuhan kung ibabase na rin niya sa nakikita sa mukha ng mga ito.

Ito ba ang taong gustong humingi ng tawad sa kanya? Para saan pa? Nang sa gayon ay malaya na itong makipagrelasyon sa iba? Marami pang tanong ang naglilipana sa kanyang isipan niya nang mga sandaling iyon. Pero hindi na niya napagtuunan ng pansin iyon. Mas nangingibabaw ang hindi niya maipaliwanag na sakit sa dibdib dahil sa nakita.

Tama lang pala ang pilit niyang ginagawa. Ngayon ay malinaw na sa kanya na dapat na niyang tapusin ang anumang ugnayang pilit nitong inilalagay sa pagitan nila.

"Umalis na tayo rito, Karel. Gusto ko nang umuwi at magpahinga," walang ganang sabi niya at hindi tumitinging umalis sa café.

Kasabay niyon ay sabay-sabay na nagsibagsakan ang mga luhang kanina pa niya pinipigilang tumulo. Damn it! Kailangan ba talagang pagdaan niya ito ulit?

xxxxxx

WALANG ibang kinausap si Erin tatlong araw matapos masaksihan ang eksenang iyon sa café. Dumagdag din ang tatlong araw na iyon sa mga panahong hindi na nagpakita sa kanya si Akio. Dapat nga ay pabor iyon sa kanya. Wala na siyang dahilan pa para mainis dahil sa pangungulit nito.

But the worse thing happened. She missed him even more because of that. Sasandali lang silang nagkasama na medyo maayos na ang pakikitungo niya kay Akio. Pero lahat ng iyon ay nagbigay ng malakas na impact sa kanya. Iyon na nga ba ang sinasabi niya. Hindi lang siya kay Akio naiinis kundi pati na rin sa sarili niya.

Bakit ba niya hinayaang mangyari iyon? Ngayon, ganito na ang nangyari sa kanya. Oo na, aaminin na niyang nasaktan siya sa nakita niya sa café ni Priscilla. Pero sino ba naman kasi ang mag-aakala na makikita niya roon ang lalaking hindi na nagpakita sa kanya nang ilang araw? Sinunod lang naman niya ang suhestiyon ni Karel na mamasyal sila dahil ilang araw na rin siyang naroon lang sa loob ng bahay at walang ginagawa habang nagpapagaling ng pilay.

Huminga na lang nang malalim si Erin sa mga naiisip. Apat na taon na ang nakalipas nang unang beses niyang maramdaman ang 'di maipaliwanag na sakit sa puso niya na tila pinupunit iyon nang pinung-pino. Halos hindi siya makahinga sa sobrang sakit. Hindi niya inakala na muli niyang mararamdaman iyon. At iisang tao pa ang dahilan.

Naroon siya sa kanyang silid at pinagmamasdan ang pagpatak ng ulan habang nakahiga sa kama. Kanina lang ay nakatulog siya sa labis na pag-iisip at nang magising siya ay nakita niyang alas-tres na pala ng hapon at malakas na ang buhos ng ulan.

Muli ay bumuntong-hininga siya at naisipan nang umalis sa kama upang makapagmeryenda. Hindi pa nga pala siya nagtatanghalian dahil sinabakan niya ng tulog. Kapag nakita siya ni Karel o ni Priscilla, tiyak na kagagalitan siya ng mga ito. Ayaw na ayaw pa man din ng mga ito na nagpapalipas siya ng gutom.

Pagkababa niya ng hagdan, noon lang niya naalala na hindi pa niya naaayos ang trapal na ginagamit niyang proteksyon sa ulan sa bahay ng alaga niyang aso. Hindi pa niya ito pinapakain ng tanghalian. Tiyak na gutom na iyon.

Nagmamadali na siyang nagsuot ng kapote at kinuha ang plastic ng dog food na nasa cabinet. Kapagkuwan ay agad na siyang dumiretso sa front door at binuksan iyon. Pero ganoon na lang ang pagkagulat niya nang bumulaga sa kanya ang tila hapong-hapo at natutulog nang si Akio. Nakaupo ito sa sahig at bahagya na lang nasisilungan. Maliit lang naman kasi ang bubong sa entrance ng bahay niya. Basang-basa na rin ito ng ulan.

Kanina pa ba ito roon? At ano'ng ginagawa nito sa bahay niya? Ngayon pa talaga nito naisipang magpakita sa kanya. Dinadagdagan lang nito ang paghihirap niya.

Pero hindi naman pupuwedeng iwan niya ito roon. Marahas siyang bumuntong-hininga at nilapitan ang natutulog na si Akio. Sana nga lang ay natutulog ito. Kapag nagkataong wala na itong malay, mahihirapan siyang gisinging ito at ipasok sa bahay. Nakahinga siya nang maluwang nang magising naman ito matapos tapikin ang pisngi.

Kahit pala bagong gising at basang-basa ng ulan ang lalaking ito, ang guwapo pa rin nito. 'Grabe naman! Naiisip ko pa talaga iyon?' Napaungol na lang siya sa inis.

"Erin... Dumating ka na pala," halos pabulong nang simula nito.

"Ha? Ano ba'ng pinagsasasabi mo riyan? Nandito lang ako sa bahay buong maghapon. Hindi ako lumabas." Kung ganoon, inakala pala nito na umalis siya ng bahay nang mga oras na natutulog siya. Pero bakit hindi man lang yata niya narinig ang pagkatok nito kung sakali mang kumatok ito? Isa pa, hindi naman naka-lock ang front door ng bahay mula sa labas.

Napansin ni Erin ang mapaklang pagngiti nito. "Galit ka nga yata sa akin. Sorry kung hindi ako nagpapakita sa 'yo nitong mga nakaraang araw."

'Mabuti naman at alam mong galit ako sa 'yo.' Pero paano naman nito nahalata iyon? At isa pa, bakit ito nagso-sorry dahil lang hindi ito nagpakita sa kanya nang ilang araw? Gusto sana niyang isigaw rito na wala siyang pakialam kahit huwag na itong magpakita sa kanya. Kaya lang, alam niya sa kanyang sarili na nagsisinungaling siya.

"Saka mo na sabihin sa akin 'yang sorry mo kapag nakapagpatuyo ka na ng sarili mo at nakapagpalit ka na ng damit." Agad niyang hinawakan ang noo nito. Pero ganoon na lang ang pagdagsa ng alalahanin sa kanya nang maramdamang mataas na ang temperatura ni Akio. Pambihira! Ngayon pa talaga ito nagkasakit? "Tumayo ka na riyan at maligo. Magpalit ka na rin ng damit at nang makapagpahinga ka. Sino ba naman kasi ang may sabi sa 'yo na magpaulan ka, ha?"

"Ayoko kasing umalis dito nang hindi kita nakakausap, Erin."

"Pero hindi naman nangangahulugan na kailangan mong tumambay dito sa harap ng bahay at magpaulan. Halika na." Tinulungan niya itong tumayo at pumasok sa bahay. Inihatid niya ito sa banyo upang makapag-shower. "Mag-shower ka muna, okay? Kukuha lang ako ng damit sa master's bedroom. Mga damit iyon ng Papa ko na hindi ko naibigay sa kanya noon. Ikaw na lang ang gumamit."

"Kung sa tatay mo 'yon, huwag mo nang ipagamit sa akin."

"Huwag ka nang magreklamo. Ang importante, may ipapampalit ka riyan sa basa mong damit. Sige na. Kailangan ko pang ayusin 'yong trapal sa bahay ng alaga kong aso. Papakainin ko muna siya at saka ako magluluto ng kakainin mo."

Oo na, natataranta na siya sa kaalamang may sakit na si Akio. Pero pilit niyang pinapakalma ang kanyang sarili. Mahirap na. Wala siyang magagawang matino kapag nag-panic pa siya. Sana lang talaga ay hindi na umiral ang pagkapasaway ng lalaking ito at sundin na lang nito ang gusto niya.

No comments:

Post a Comment