"WOW! Himala, Kuya! Nakauwi ka na talaga?"
Natawa na lang si Shigeru sa naging pagsalubong ni Kana sa kanya sa kuwarto niya sa Miyuzaki mansion. Pagkatapos ng naging pag-uusap nila ni Mari sa study room nito ay agad siyang umuwi sa bahay para maghanda. Hindi pa siya sigurado kung ano ang gagawin niya para mabantayan si Kourin pero alam niya na hindi siya dapat magtagal sa pag-iisip. May palagay na siya kung sino ang sinasabi ni Mari na isa sa mga Dark Rose members na desidido nang patayin si Kourin.
Pero magkakamatayan muna bago magawa ng sira-ulong naiisip ni Shigeru ang plano nito para sa Shinomiya clan princess. Humigpit ang hawak niya sa baril na ina-assemble niya bago dumating si Kana.
"Hay... Trabaho na naman ang aatupagin mo, 'no? Hindi ka talaga mapirmi sa isang lugar, alam mo ba 'yon, Kuya?" sabi ni Kana na pumutol sa pag-iisip ni Shigeru.
Tinawanan na lang ni Shigeru ang sinabing iyon ng kapatid. "Nasaan nga pala si Nanami? Hindi ko siya naabutan dito pagdating ko. Sa pagkakaalam ko, wala silang pasok sa university ngayon."
"Sa dojo, nagpa-practice. Nakarating naman na siguro sa 'yo na inatake siya nina Theia at Phoebe, 'di ba?"
"Yeah. Satoru told me about it."
"After that attack, naging tambay na ulit si bunso sa dojo. Wala namang bago roon, eh."
"Ikaw? Ano'ng nangyayari sa 'yo nitong mga nakaraang linggo na wala ako rito? Maliban sa muntik ka nang pasabugin ni Hera sa templo."
Ngumiwi si Kana. "Narinig mo rin pala iyon."
"Si Ryuuji ang nagsabi sa akin. He also told me about the vault you two had found in that temple. Tapos n'yo na bang imbestigahan iyon?"
Umiling si Kana at nanlulumong bumuntong-hininga bago umupo sa tabi ni Shigeru sa sofa. "Everything I do with it, it always ends up with nothing but mere puzzles."
Kumunot ang noo ni Shigeru sa huling sinabi ni Kana. "Puzzles?"
Tumango si Kana. "Basta! Mga journal entries nga ang mga iyon, pero parang may mali pa rin sa mga nababasa ko roon. Parang sadyang isinulat iyon para guluhin ang isip ng magbabasa niyon."
Walang naging tugon si Shigeru at nabaling na lang ang tingin niya sa baril na hawak at tapos nang i-assemble. Nabaling na rin doon ang tingin ni Kana at hindi nakaligtas sa kanya ang lungkot sa mga mata nito.
"I really wish I could hold a gun without remembering that past..." bulong ni Kana at ngumiti nang mapakla.
"Takot ka pa rin bang humawak ng baril?"
Nakakapagtaka man ang tanong ni Shigeru sa kapatid, alam ng lahat ang dahilan kung bakit. Lalo na sa mga nakakaalam ng nakaraan ni Kana at ang dahilan kung bakit kahit kabilang ito sa 12 Knight ay hindi man lang ito humawak ng baril para lumaban. Mas sinanay ni Kana ang sarili sa paggamit ng polearm weapons at martial arts kaysa ang mag-rely sa paggamit ng baril gaya ng karamihan sa mga miyembro ng 12 Knights.
"Hindi na ako umaasang makakagamit pa ako ng baril katulad n'yo, Kuya. Tanggap ko nang hindi na mawawala ang sakit na iniwan ng pagkamatay ni Mama sa puso ko dahil lang sa baril na hindi ko nagamit para ipagtanggol siya noon," malungkot na pahayag ni Kana.
Instinctively, hinila ni Shigeru si Kana at niyakap ito. "Kahit kailan, Kana, hindi ka namin sinisisi sa pagkamatay ni Mama. Natural lang na hindi mo pa magagawang gumamit ng baril dahil bata ka pa noon. Pinalaki tayong normal nina Mama at Papa kaya ano'ng alam natin sa paggamit ng mga sandata noon?"
Hindi na nagsalita pa si Kana at ipinagpatuloy na lang ang tahimik na pag-iyak. Hinayaan naman ni Shigeru ang kapatid na gawin iyon. Si Kana ang tipo ng babaeng bihira lang kung maglabas ng kahinaan kahit sabihin pang ito ang pinaka-hyper sa kanilang magkakapatid. Mas madalas na para itong bata. Pero alam niya kung paano ito magtrabaho, lalo na sa mga misyong iniaatang sa kanila. Masasabi niyang wala ring patawad si Kana pagdating sa mga nakakalaban nito. Hindi nga lang niya matukoy kung kasing-brutal din nga ba niya si Kana.
Ilang sandali pa ay natapos na si Kana sa pag-iyak nito. Bahagya siyang lumayo kay Shigeru at pinunasan ang mga naglandas na luha sa kanyang pisngi.
"Arigatou, Shigeru-nii."
Ngumiti lang si Shigeru at ipinagpatuloy ang pag-aayos sa mga gamit na kakailanganin niya para sa misyong iniatang sa kanya ni Mari. Noon naman muling nagsalita si Kana.
"Kuya, kaninong shamisen iyon? Parang ngayon ko lang yata nakita iyan."
Tiningnan ni Shigeru ang kapatid at sinundan ang tingin nito na nakapokus sa shamisen na nasa loob ng glass cabinet. Naalala niya na inilabas nga pala niya ang isa sa mga souvenir na nakuha niya sa Karuizawa noong isang taon--ang pinaniniwalaang shamisen na pag-aari ng asawa ng founder ng Miyuzaki clan.
"Just something I got last year. Sinasabi nila na pag-aari daw iyan ng asawa ng founder ng Miyuzaki clan," Shigeru answered casually, but still with the hint of intrigue.
"Founder ng Miyuzaki clan..." mahinang ulit ni Kana at saka may naalala kaugnay niyon. "Teka, Kuya. May itatanong lang sana ako. Hindi ba late nang naging bahagi ng Shrouded Flowers ang Miyuzaki clan? At ang kuwento pa, may naunang pamilya na kasama roon bago tayo pumalit sa kanila?"
"Matagal nang kuwento iyon, 'di ba? Bakit naman naisipan mong itanong iyan sa akin ngayon?"
"Curious lang kasi ako sa isang bagay," nakasimangot na sagot ni Kana.
Ipinagtaka naman iyon ni Shigeru. "Gusto mo bang itanong kung sino ang pamilyang dating kabilang sa Shrouded Flowers bago pumalit ang Miyuzaki clan?"
Kahit nagulat sa sinabi ni Shigeru, nagawa pa ring tumango ni Kana. "Paano mo alam na ganoon nga ang itatanong ko?"
"Eh doon din patutungo ang mga sinasabi mo sa akin." Kapagkuwan ay hinarap ni Shigeru si Kana. "Malalaman mo rin ang totoo kapag naisaayos na natin ang mga dapat nating iayos. Sa ngayon, ang ipokus mo ay ang trabaho mo sa paghahanap ng mga bagay na may kinalaman sa Yasunaga clan. I'm sure you already figured out that the Miyuzaki clan had served not just the Shinomiya clan in the past."
"Pero, Kuya Shigeru, that's 300 years worth of information. Saan ako hahanap ng mga bagay na patungkol sa angkang ngayon ko lang narinig ang pangalan at posibleng may koneksyon din sa Miyuzaki clan? Gusto mo lang talaga akong pahirapan, 'no?"
"Hindi. Gusto ko lang maalis ang utak mo sa pagsisising ginagawa mo sa sarili mo kapag nakakakita ka ng baril."
Inis na bumuntong-hininga si Kana at tumango na lang. "Oo na. Gagawin ko na ang sinasabi mo."
Iyon lang at iniayos na ni Shigeru sa holster sa baywang ang mga baril na gagamitin niya. Tinulungan din siya ni Kana at ito na ang nag-ayos ng mga iba pang gamit niya na nakapatong lang sa center table.
"Susubukan kong umuwi kaagad pagkatapos nito. Tatawag na lang ako para maipagluto n'yo ako ni Nanami ng mga paborito kong pagkain. Okay?"
Nangingiting tumango na lang si Kana at pinagmasdan ang pag-alis ni Shigeru sa silid na iyon. Pero nanatili lang siyang nakatayo roon. Wala pa siyang planong umalis sa kuwarto ng kapatid niya. Nakuha na kasi ng shamisen na nakita niya sa silid na iyon ang kanyang atensyon.
"If it was last year, that means Shigeru-nii found this in Karuizawa..." Kana muttered. Nilapitan niya ang glass cabinet kung saan niya nakita ang shamisen at pinakatitigan iyon.
Hindi sigurado si Kana kung totoo ang sinasabi sa kanya ni Shigeru na posibleng pag-aari iyon ng asawa ng founder ng Miyuzaki clan. Pero nakaukit sa shamisen na iyon ang crest ng Miyuzaki clan, kasama na ang Peruvian heliotrope na flower emblem ng angkan. Kaya lang, hindi pa rin sapat iyon para sabihin ng kapatid niya na ganoon na kaluma ang shamisen na iyon.
Biglang nabago ang pokus ni Kana nang makita na bukod sa crest at flower emblem ng Miyuzaki clan ang nakaukit roon, may mga salita rin siyang nabasa na nakaukit sa shamisen. 'Nabasa rin kaya ni Shigeru ang mga salitang iyon?'
Nilapitan pa ni Kana nang husto ang glass case at pinakatitigan nang mabuti ang mga salitang nakaukit sa shamisen. Ganoon na lang ang pagtataka at gulat niya nang mabasa ang mga salitang naroon.
<The roses may have lived their lives in the shadows and the darkness clouded them for a long time. But the stars that vowed their loyalty to the life guarded by the Heaven and Earth will remain shining to guide them all back to the light that they once possessed.>
"'Guide them all back'? Sino ang gagabayan nila pabalik? In the first place, sino ang tinutukoy nila?" tanong ni Kana sa sarili.
Hanggang sa may maisip si Kana tungkol sa ilang salitang nakita niya roon.
Roses... Star... Heaven... Earth...
'Roses and star...' Hindi kaya ang dalawang angkang naiisip ni Kana ang tinutukoy ng dalawang salitang iyon?
"Yasunaga... and Miyuzaki...?"
No comments:
Post a Comment