Friday, March 27, 2015

Don't Fear This Love - Chapter 1

KADARATING lang ni Sharian sa school nang bigla niyang makasalubong ang pinsan niyang si Sandra sa pinto ng classroom na papasukan niya. Kumakaway ito at agad siyang nilapitan nito.

"Nagawa mo na ba iyong assignment natin? Muntik na akong mangamote doon sa hirap ng mga tanong, sa totoo lang," reklamo ni Sandra at napakamot pa ito ng ulo.

Natawa na lang siya sa sinabi nito. "Eh bakit hindi ka kasi nagpaturo sa akin kagabi? Tatlong bahay lang naman ang nakapagitan sa atin, ah. Mukhang tinamad ka pang pumunta para lang magpatulong."

"Wala naman ako sa bahay magmula noong alas-singko ng hapon hanggang ala-una ng madaling-araw."

"Ha? Saan ka naman nanggaling?" tanong niya.

"Saan pa? Eh 'di nakipag-date kay Clement," nagmamalaking sabi nito sa kanya na ikinailing na lang niya. Ang tinutukoy nito ay ang current boyfriend nito na kasasagot lang nito noong isang araw. Pang-limang boyfriend na nito iyon sa loob ng apat na buwan kung tutuusin pero hindi na lang siya nagsasalita tungkol doon.

"Naisipan mo pang makipag-date gayong alam mo naman na may assignment ka pa. Aba, hindi sa lahat ng pagkakataon, magagawa kitang tulungan sa bagay na 'yan."

"Oo na. Huwag mo na lang akong pangaralan at tulungan mo na lang ako sa assignment ko," sumusukong wika nito at dumiretso na lang sa upuan nito.

Bumuntong-hininga na lang si Sharian. Papasok na sana siya nang bigla siyang mabangga ng isang taong naglalakad at muntikan na siyang matumba sa kinatatayuan niya. Mabuti na lang at kaagad siyang nakakapit sa railings ng binata ng classroom kaya naman hindi siya tuluyang natumba.

Agad naman siyang tinulungan ng taong bumangga sa kanya na makatayo. At nang magawa na niyang ayusin ang kanyang sarili ay ilang beses muna siyang huminga nang malalim bago hinarap ang taong responsable.

Only to find out na ang bumangga sa kanya ay ang taong laging panira ng araw niya. Walang iba kundi ang rival niyang si Nelmark Ortega.

"Ikaw?" nang-aasar na tanong niya sa binatang kaharap niya ngayon.

"O, ano ngayon kung ako nga? May reklamo ka?" ganting-tanong nito sa nang-aasar na tono.

Hindi niya naiwasang mainis sa lalaking ito. Kaya naman nginitian niya ito bilang pang-uyam.

"Wala naman. Gusto ko lang naman kasing malaman kung bakit sa pinakagilid ka pa ng hallway dadaan samantalang ang luwang ng daan para mabangga mo pa ako. Sa pagkakaalam ko kasi, hindi pa ganoon karami ang tao dito sa school nang ganitong oras," nakataas ang kilay niyang wika dito.

Umismid naman si Nelmark at tiningnan pa siya nang matalim. Kung nakakamatay lang siguro ang tingnan nang masama, baka kanina pa siya patay bago pa man siya makapagsalita.

Grabe naman kasing makatingin 'tong kumag na 'to. Kahit na ba guwapo ito sa malapitan, pumapangit naman kapag ganito kasama ang tingin sa akin. Parang kaya nitong pumatay, sa totoo lang.

"Eh ano ngayon kung dito ako sa gilid ng hallway dumaan? Sa pagkakaalam ko, hindi mo naman pag-aari itong hallway na 'to. Kaya naman wala kang karapatang pagsabihan ako kung saan ko gustong dumaan. Maliwanag ba?" matigas na wika nito.

Hindi siya makapaniwalang ganito ang angas ng lalaking ito. Akala mo kung sinong may kontrol sa sino man. Makapaubos ng dugo, sobra!

"Hoy! Mas lalo namang wala kang karapatang utusan ako na akala mo ay kaya mong manipulahin at takutin ang lahat ng tao dito. At isa pa, wala ka ring karapatang pigilan ako sa mga gusto kong sabihin sa 'yo dahil hangga't nagkakasalubong tayo ng landas, walang makakapigil sa akin na punahin ka."

"Sino ba kasi ang nauna sa ating dalawa, ha? At isa pa, ikaw naman ang may kasalanan. Kung hindi ka ba naman kasi tatanga-tanga diyan, hindi sana kita mababangga."

Talagang iniinis siya ng lalaking ito, kahit na kailan.

"For your information, Mr. Nelmark Ortega, ikaw itong piprente-prenteng naglalakad sa gilid ng hallway na para bang naglalakad ka diyan sa Luneta samantalang ang luwang ng hallway ng floor na ito para banggain mo pa ako. Kaya ikaw ang talagang may kasalanan sa ating dalawa. Naiintindihan mo ba?" naiinis na niyang sabi rito.

In-snob na lang siya ni Nelmark at umalis na ito. "Alam mo, sinasayang ko lang ang oras ko sa 'yo."

"Sino ba kasi ang may sabing kausapin mo ako, ha? At puwede ba? Huwag ka nang magpapakita sa 'kin! Panira ka lang talaga ng araw ko! Buwisit!" habol niyang sabi rito at inis na pumasok sa loob ng classroom nila.

Padabog siyang naupo sa kanyang upuan at huminga nang malalim bago kinuha ang isang notebook sa bag, saka nagbasa.

At dahil sa sobrang inis niya kay Nelmark ay nakalimutan na niyang may mga nakatingin sa kanya at sa ikinikilos niya. Kung hindi pa siguro siya tinapik ni Sandra sa pisngi ay hindi pa siya matatauhan.

"O, ano? Sino na ang nanalo sa giyera ninyo ni Nelmark?" nang-aasar na tanong nito na lalo niyang ikinainis.

"Puwede ba? Ngayong araw lang, ayoko munang marinig ang pangalan ng buwisit na 'yon! Nasisira lang nang husto ang maganda ko na sanang araw," pakiusap niya sa pinsan habang pilit na pinakakalma ang sarili.

"Okay, if you say so."

Hinayaan na lang siya ni Sandra na manahimik na lang habang nagbabasa ng kanyang notes. Ngunit dahil sa hindi na maganda ang mood niya ay hindi na niya magawang i-concentrate ang isip niya sa binabasa.

Nakakainis ka talaga, Nelmark! Ang galing-galing talaga ng timing mo na sirain ang araw ko!

TAPOS NANG gawin ni Sharian ang assignment niya, at ngayon ay wala na siyang ibang maisip gawin. Mabuti na nga lang at nagawa pa niyang tapusin ang mga ito dahil sa totoo lang, nagngingitngit pa rin siya sa sobrang inis niya kay Nelmark.

Kung bakit ba naman kasi nakasalubong ko pa ang buwisit na 'yon, eh! Akala mo kung sino ng boss na makaastang parang pag-aari niya ang mundo.

Huminga na lang siya nang malalim nang muling maalala ang mga nangyari kanina.

Hindi niya maintindihan kung bakit parang laging ganoon ang nangyayari kapag nagkakasalubong sila ni Nelmark. Magmula nang mag-transfer siya sa GreenfieldCollege ay laging nagkakaroon ng giyera sa tuwing magkakaharap sila ng kumag na 'yon.

Paano ba kasi nagsimula ang lahat?

Sa pagkakaalala niya, nag-umpisa ang lahat nang mapili siya ng kanilang professor na sumali sa isang IT Quiz Bee. At ang nagkataong kasama niya sa kompetisyong iyon ay walang iba kundi si Nelmark. Wala naman siyang reklamo doon.

Kaya lang, ang hindi niya nalalaman ay gumagawa na pala ng paraan ang binata na huwag siyang isali sa Quiz Bee. Sukat suhulan ba naman nito ang instructor na pumili sa kanya upang matanggal lang siya sa listahan ng mga sasali. Mas gusto daw kasi nito na ito na lang ang sumali dahil kaya naman daw nitong manalo nang mag-isa sa competition.

Isa pa, ayaw daw nito na may kasamang babae. Laking tuwa na lang niya nang hindi pumayag ang instructor niya. Nakapagdesisyon na daw kasi ang department coordinator na isali siya bilang partner ni Nelmark sa Quiz Bee.

Nalaman niya ang lahat ng ito nang kausapin siya ng isang student assistant na nagkataong narinig ang lahat.

Bagaman nagulat ay ipinagpasalamat na lang niya na ganoon na nga ang nasabi ng instructor niya. Kaya naman nang magkita sila nito ay dinedma niya ito at kapag nagre-review naman sila ay palagi siyang inaasar nito. Mabuti na lang at nagagawa pa niyang tiisin ang pang-aasar nito.

Marami pa itong ginawa para lang inisin siya ngunit lumalaban din siya sa mahinahong paraan. Kaya nga naging sikat siya sa campus dahil siya lang yata ang may record na nakatagal sa mga pambubuska ni Nelmark sa kanya.

Kung ang ibang babae pa siguro ay baka tuluyan nang sumuko. Or worse, baka na-in love pa sa lalaking iyon na may pusong-bato na yata.

Ay! Mali pala.

Hindi naman pala may pusong bato. May mapaglarong puso ang dapat na ibinabansag dito. May record kasi ito na kada linggo yata ay nagpapalit ng nobya kapag nagsawa na ito. Mabuti na nga lang at hindi talaga siya nagpapatihulog sa charisma ng kumag na 'yon.

Paano naman mangyayari 'yon?

Sa tuwing magkikita na lang yata sila ay laging may giyerang nangyayari sa pagitan nilang dalawa. At sa totoo lang ay parang ito na yata ang daily routine ng lalaking iyon. Hindi naman kasi maiiwasang hindi magsalubong ang landas nila dahil sa iisang campus lang sila nag-aaral, kahit na sabihin pang malaki ang GreenfieldCollege. Isa pa, sa iisang building lang sila pumapasok dahil pareho pa sila ng course.

Kinuha na lang niya ang isang CD sa bag niya at isinalpak iyon sa kanyang portable DVD player. Mabuti pang magpatugtog na lang siya ng music kaysa ang alalahanin ang kumag na iyon na magaling manira ng kanyang araw.

Agad niyang narinig ang isang Japanese song na pamilyar sa kanya. Napangiti siya dahil hindi pala nalimutan ng kaklase niyang ipa-burn ang Japanese song na iyon na pinamagatang "This Love" by Angela Aki. Hindi niya maintindihan pero naging fascinated siya sa kantang iyon magmula nang marinig niya ito. Even so nang mabasa niya ang translations ng kanta.

I heard someone say, "If there is love, there is peace," and one may agree with that or not. Whenever I was in pain, you'd hold me closely. And it was in the warmth of those arms that I felt peace. But then I stopped talking to you and closed off my heart, this love was torn apart.

At habang pinakikinggan niya ang kantang ito, hindi niya maintindihan ang kanyang sarili kung bakit bigla niyang naiisip si Nelmark. Wala namang dapat na isipin sa lalaking 'yon, ah. Sa katunayan ay nakakainis pa nga ito dahil ang hilig sirain ang araw niya, intentional man o hindi. Subalit naalala niya kasi ang sinabi nitong dahilan sa instructor niya noon kung bakit ayaw siya nitong maging ka-partner.

Ayaw nitong may kasamang babae bilang partner. Bakit kaya?

May dahilan kaya kung bakit ayaw nitong may kasamang babae? Pero grabe naman kung magpalit ng girlfriend. Hindi kaya... broken-hearted iyon kaya siya ganoon?

Dahil doon ay lalo siyang napaisip nang malalim.

At sa totoo lang, may posibilidad nga na ganoon ang sitwasyon nito. At kung ganoon nga ay hindi na siya magtataka pa kung bakit ito nagkaganoon. Pero sino naman kaya ang babaeng may kakayahang wasakin ang mapaglarong puso ng isang Nelmark Ortega? Ganoon nga ba talaga ito noon?

No comments:

Post a Comment