[Relaina]
The day before the first day of school for that semester.
Huminga ako nang malalim nang makalabas na ako sa hospital building kung saan naroon ang opisina ni Dra. Fate. Nagpunta ako roon para magpa-check up dahil gusto kong siguraduhin na okay na ako kapag pumasok na ako sa university kinabukasan. Isa pa, isa iyon sa ibinilin sa akin ni Doktora bago ako na-discharged.
Mabuti na lang at wala na silang nakitang anumang problema sa akin. Laking-pasalamat ko talaga na wala na akong aalalahanin pa kapag pumasok na ako. Makakakilos na ako ulit nang maayos.
Pero kahit naman sabihin ko sa sarili ko na wala na akong aalalahanin, may isa pa ring sumisingit sa utak ko. Dapat ko pa bang sabihin kung sino?
Kahit papaano ay magaan na ang pakiramdam ko na umalis ng ospital. Pero habang naglalakad ako, iniisip ko kung saan ba ako susunod na pupunta. Ayoko pa kasing umuwi sa bahay, eh. Na-bored na siguro ako nang husto noong mga panahong hindi ako pinayagang lumabas dahil kailangan kong magpagaling. Kaya heto na ang naiisip kong gawin sa mga sandaling iyon.
Alam naman ng mga magulang ko na nagpunta ako sa ospital para sa final check-up ko. At sinabi rin naman ng mga ito na kung may gusto pa akong puntahan pagkatapos n’on, gawin ko raw. Basta huwag lang akong magtatagal sa labas. Marami pang ibinilin sa akin ang mga ito at tumango na lang ako. Alam kong nag-aalala pa rin ang mga ito dahil hindi pa nakikita ang taong sinadya akong banggain sa sidewalk nang araw na iyon. Kahit si Brent ay walang nasasabi sa akin na kung ano tungkol doon.
Pero kilala ko si Brent. Mas gusto nitong itinatago sa sarili nito ang anumang malalaman nito tungkol sa bagay na iyon. Hindi na rin ako magugulat kung malalaman kong may hakbang na itong ginagawa kahit noong bago pa ako masagasaan para mahanap ang sino mang posibleng maging utak sa nangyari.
“Ate Relaina?”
Agad akong napatigil sa paglalakad nang marinig ko iyon. Pero sa paglingon ko, napakunot-noo ako nang makita ko ang isang lalaking papalapit sa kinatatayuan ko. Wala naman akong maramdamang hindi maganda tungkol dito. Isa pa, nilalapitan talaga ako nito na para bang magkakilala kami.
Teka… kilala ko ba ito?
“A-ako ba ang tinatawag mo?” tanong ko sa lalaking alam kong mas bata nang kaunti sa akin nang sa wakas ay tuluyan na itong nakalapit.
Tumango naman ito at ngumiti pa. “Relaina po ang pangalan n’yo, ‘di ba?”
Ako naman ngayon ang napatango. Oo nga at iyon ang pangalan ko. Pero papaano nito nalaman ang pangalan ko? As far as I knew, hindi ko pa nakikilala ang lalaking ito. Pero… hindi ko maide-deny na… may kahawig ito.
“Paano mo nalaman ang pangalan ko?” hindi ko napigilang itanong dito nang hindi na ako makatiis.
Ngumiti ito sa akin. Doon ko na na-realize kung bakit sinasabi kong may kahawig ang lalaking kaharap ko ng mga sandaling iyon. Sina Brent at Neilson. May similarities ang ngiti ng lalaking nasa harap ko sa magkambal na iyon.
“Bunsong kapatid po ako ni Kuya Brent. Ako po si Carl Armand Montreal.”
“Wait… ikaw si Andz?”
Nakita kong kumunot ang noo nito. Mukhang hindi nito inaasahan na malalaman ko ang tungkol sa impormasyong iyon. “Alam n’yo po ang palayaw ko?”
Tumango ako. “Madalas kang banggitin sa akin ni Brent, eh. At saka… sinabi rin niya na ikaw raw ang tumulong sa akin noong sinagasaan ako. Salamat, ha?”
“Wala po iyon. At saka, hindi ko rin po kayo nagawang balaan tungkol sa paparating na sasakyan noong araw na iyon. Hindi ko rin naman po kasi inaasahan na mangyayari iyon, eh. Sino ba naman kasing sira-ulo ang basta na lang babanggain ang isang tao na nasa sidewalk na nga naglalakad?”
Hindi ako nakatugon sa mga sinabing iyon ni Andz. Kahit ako ay hindi ko maintindihan iyon. Gustuhin ko mang hanapan ng dahilan ang tungkol sa nangyari, ang magagawa ko lang sa mga sandaling iyon ay ang magdasal at umasa na may sagot na darating sa akin.
Pero alam ko rin, kahit hindi nagsasabi si Brent, may ginagawa na itong paraan para lumabas ang sagot na kailangan ko. Na kailangan naming dalawa. Sana lang ay hindi nito pinahihirapan ang sarili nito sa paghahanap ng mga sagot na iyon.
“Kumusta na po pala kayo? Naka-recover na po ba kayo sa nangyari?” tanong ni Andz na nagpabalik ng isipan ko sa realidad.
Napangiti ako nang marinig ko sa boses ni Andz ang pag-aalala at kuryosidad sa sitwasyon ko. Of course, I had to be truthful to this young man.
“Physically, okay na ako. Ang totoo niyan, kagagaling ko lang sa ospital kanina. Kailangan ko rin kasing siguraduhin na okay na ako bago ako pumasok sa university bukas. Mentally… hindi ko masasabi.”
At that point, I wanted to be truthful.
“May mga pagkakataon na napapanaginipan ko pa rin ang nangyari. Paulit-ulit lang, pero walang malinaw na dahilan kung bakit.”
Kahit kay Brent, hindi ko nasasabi ang tungkol doon. Hindi ko alam kung bakit naging madali para sa akin na sabihin ang mga ito kay Andz. But maybe because he was Brent’s younger brother that I was able to do so.
“Alam ba ni Kuya Brent na ganoon ang nangyayari sa ‘yo, Ate?”
Napatingin lang ako kay Andz nang marinig ko iyon. He really took the words right out of my mind. Yes, my mind. Not my mouth. Hindi ko naman talaga planong sabihin iyon.
Umiling ako bilang sagot at saka ako bumuntong-hininga. “Ayoko nang bigyan ng alalahanin ang Kuya mo. Kilala ko si Brent. Masyadong nakatuon ang atensyon niya sa akin kapag pinag-aalala ko siya. Hindi siya matatahimik hanggang hindi niya nahahanapan ng sagot ang mga katanungan ko. Ang mga nangyayari sa akin. Tama nang may suspetsa na ako na gumagawa na siya ng paraan para mahanap ang may gawa ng pagsagasa na iyon sa akin. Ayoko nang bigyan pa siya ng dagdag na stress dahil sa nangyari.”
Ilang sandali ring walang namagitan sa salita sa amin ni Andz. Pero okay lang. I could tell that both of us respected the silence.
And then, after a while…
“Ate Relaina, gusto mo po bang pumunta tayo sa coffee shop? Doon na lang po tayo mag-usap,” yaya ni Andz.
“Sa coffee shop?”
“Opo. Para… mailabas n’yo rin po ang kung anumang pag-aalalang meron kayo para kay Kuya Brent. Huwag po kayong mag-alala. Wala po akong sasabihin sa kanya tungkol dito.”
Whether I admitted it or not, hindi ko inasahan ang offer nitong iyon. Gusto nitong mag-usap pa kami nang matagal?
No comments:
Post a Comment