Wednesday, April 12, 2023

i'll hold on to you 92 - staying consistent

[Relaina]

I’d really like to think that this guy was spouting nonsense again. Pero hindi iyon ang nakikita ko sa mga kilos ni Brent ng mga sandaling iyon. Hindi rin iyon ang nakikita ko sa mga mata nito. I knew this guy when he was serious.

At ng mga sandaling iyon, iba ang kaseryosohang nakita ko rito.

“So ang gusto mong sabihin sa akin ngayon, kay Relaina mo lang sinabi ang mga salitang iyon, ha?” naghihinakit na tanong ni Marjie.

Kung hindi pa ito nagsalita ay hindi pa magbabalik sa realidad ang isip ko.

“Eh ano ngayon kung sinabi ko nga sa kanya iyon? Ano’ng pakialam mo? Ako ang namili ng taong susuyuin ko at hahabulin ko. Kaya wala akong dahilan para ipaalam pa sa ‘yo ang tungkol doon,” sabi ni Brent.

Sa totoo lang, sa bawat salitang sinabi nito, ramdam ko ang pinipigilan nitong galit. Marjie was definitely asking for trouble at the moment. Pero wala akong planong makialam. Kahit sabihin pang ako ang idinamay ng bruhang Marjie na ito, hahayaan ko na lang muna na si Brent sa gusto nitong gawin.

“At isa pa, hindi ba binalaan na kita noon pa? Na kapag may ginawa kang hindi maganda kay Relaina, sisiguraduhin kong pagsisisihan mong nakilala mo ako? Hindi mo alam kung ano ang kaya kong gawin, Marjie. Kahit babae, kaya kong patulan lalo na kapag ang mga taong pinahahalagahan ko ang idinadamay ng kung sino na kagaya mong hindi marunong makaintindi.”

Huli na nang mapansin kong kinukuyom ko na pala ang kamay ko dahil sa mga naririnig ko mula kay Brent. I should know kung ano ang kakayahan ng lalaking ito. At hindi ito nagbibiro nang sabihin nito na kahit babae ay papatulan nito, depende sa kasalanan ng babaeng iyon dito.

Hindi ko man nakita iyon nang personal, nalaman ko naman ang tungkol doon dahil sa mga naikuwento na sa akin nina Mayu at Vivian. Idagdag ko na rin ang mga nasabi sa akin nina Oliver at pati ni Andz nito lang.

I really hoped it wouldn’t come to that point na mananakit na naman ito dahil lang nasaktan ang isang taong mahalaga rito. Kahit malakas ang naging pagtibok ng puso ko nang hantaran nitong sabihin sa madla na… ako ang sinusuyo nito, ayokong ituon ang atensyon ko roon.

Ang galit ni Brent na parang gusto nang lumabas ang mas dapat kong pagtuunan ng pansin. Pero sa totoo lang, ano naman ang gagawin ko? May magagawa ba ako in the first place?

Huminga muna ako nang malalim bago ko nilapitan si Brent at hinawakan ang nakakuyom na palang mga kamay nito. Noon ko lang naisip na talagang nagpipigil lang talaga ito ng galit. Hindi ko napigilang mapatingin doon. Pero sandali lang iyon.

Ginawa ko ang lahat para alisin ang pagkakakuyom ng kamao ni Brent at pinagsalikop ko ang mga daliri namin. Noon naman ito napatingin sa akin, nanlalaki ang mga mata nito.

“Tama na ‘yan. Hayaan mo na siya. Wala naman akong planong patulan siya, eh. Ayokong magsayang ng oras sa mga taong walang matinong magawa sa buhay,” sabi ko at saka ko na kinuyog si Brent na umalis na roon.

Pero kitang-kita ko pa rin sa mukha ni Marjie ang galit at pati na rin ang pagkapahiya. Alam ko na kahit binantaan na ito ni Brent, magpapatuloy pa rin ito sa panggugulo sa akin. Hindi ko man alam kung ano ang kurso nito, sigurado ako na gagawa ito ng paraan para guluhin ang buhay ko rito sa Oceanside.

Then again, hindi naman ako papayag na mangyari iyon. At sigurado rin ako na may ibang tutulong sa akin para matahimik ang buhay ko sa university, lalo na at ibang kurso na ang kinukuha ko.

“Hindi pa tayo tapos, Relaina! Tandaan mo ‘yan!” banta ni Marjie at mukhang susugod pa yata sa akin.

“Tapos na ang kalokohan mo, Marjie. Wala akong dahilan para patulan pa ang mga ilusyon mo. At isa, sa tingin mo, hindi ako lalaban sa ‘yo? Siguro naman, alam mo kung paano nagkrus ang landas namin ni Brent last year at kung ano ang ginawa ko sa kanya dahil sa galit ko. Hindi ako magdadalawang-isip na gawin din iyon sa ‘yo kapag hindi mo pa ako tinigilan. Kaya kung ayaw mong basagin ang pagmumukha mo, tigilan mo na ako at ng mga ilusyon mo,” sabi ko kay Marjie bago ako bumuntong-hininga at hinarap si Brent.

He was looking at me with worries, But I just smiled at him at saka ito hinila paalis sa lugar na iyon. Bago ako tuluyang makalabas ng classroom ay tinapik pa ni Ate Katrina ang balikat ko at nginitian ako.

Sapat na sa akin iyon para malaman kong hindi ako mag-isa. Pero siyempre, unang-una sa listahan ng mga taong magtatanggol sa akin ang lalaking hawak-hawak ko ang kamay ng mga sandaling iyon.

Sa ngayon, ang pagpapakalma rito ang mas mahalaga sa akin.


xxxxxx


“Ang lambot talaga ng kamay mo.”

I rolled my eyes at Brent’s comment pero hindi ko pa rin inaalis ang pagkakahawak ko sa kamay ko. I’d rather do this para malaman ko kung kumakalma na ba ang lokong ito o hindi.

“Sure. Samantalahin mo nang mambola habang nagpapakalma pa ako ng inis ko sa mga nagpapahiwatig ng pagkagusto nila sa ‘yo,” sabi ko.

Pero teka… Bakit parang hindi yata maganda ang tono ng boses ko nang sabihin ko iyon? May mali yata.

“Uy… magandang pahiwatig iyan, ah. Huwag mong sabihing nagseselos ka na?”

Tiningnan ko ng masama ang nakangising si Brent at pinakitaan ko ito ng nakakuyom kong kamao gamit ang libre kong kamay. “Gusto mo bang ito ang mag-landing diyan sa mukha mo, ha?”

“Selos ka nga,” sabi ni Brent.

Napabuntong-hininga na lang ako dahil sa pagiging insisting nito.

“Pero huwag kang mag-alala. Totoo ang mga sinabi ko sa Marjie na iyon,” pagpapatuloy nito.

Napakunot-noo ako at saka ko ito hinarap. “Alin doon? Ang dami mo kayang sinabi sa kanya. Ang isang alam ko lang na totoo sa mga sinabi mo ay ‘yong tungkol sa gagawin mo sa kanya kapag may ginawa pa siyang hindi maganda sa akin.”

“Oh, yeah. Naroon ka pala sa classroom noong sabihin ko iyon noon sa babaeng iyon, ‘no? Pero hindi lang naman iyon ang totoo roon, eh. Lahat ng mga sinabi ko sa kanya, lalo na ang tungkol sa nararamdaman ko sa ‘yo, ay totoo. At handa akong maghintay sa ‘yo hanggang sa tuluyan mo nang matanggap na seryoso ako sa mga sinasabi ko sa ‘yo.”

Okay. For real, this guy really knew how to make me speechless with his words. Alam ko namang nagsasabi ito ng totoo, eh. Ramdam na ramdam ko naman iyon.

Pero sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ko sasagutin nang maayos ang mga pahayag nitong iyon.

“Brent…”

“Huwag kang mag-aalala. Kaya kong maghintay nang matagal para sa ‘yo. Pero habang hinihintay kong dumating ang araw na iyon, huwag mo sana akong pigilang iparamdam sa ‘yo na totoo at walang halong biro ang nararamdaman ko para sa ‘yo,” pagtatapat ni Brent bago nito hinigpitan ang pagkakahawag nito sa kamay ko.

Napatingin na lang ako roon at napapikit makalipas ang ilang sandali. Seryosong usapan, kalmado na kanina ang puso ko, eh. Bakit may ganito na namang banat ang lalaking ito sa akin?

Huminga na naman ako ng malalim bago ako tumingin kay Brent. “Umuwi na nga tayo. Gusto ko nang magpahinga.”

“Yeah, it’s for the best. May mga kailangan din akong asikasuhin, eh.”

“Kailangang asikasuhin?”

Tumango ito. Nawala na ang mapang-asar na ngiti nito at seryoso na ang mukha nito. Too serious for my taste, to be honest. May nangyari na naman ba?

“Gumagawa pa rin ako ng paraan para mahanap ang taong sinadya kang sagasaan. Hindi puwedeng hindi siya magbayad sa kasalanang ginawa niya sa ‘yo.”

At this point, this was another reason for me to be speechless at Brent’s words. Ang tono nito na nagsasabing wala itong sasantuhin kapag may nagawang kasalanan ang isang tao sa mga mahahalaga sa lalaking ito.

“Don’t ever think I would forgive that jerk for hurting you like that.”

May magagawa pa ba ako para pakalmahin naman ang galit nitong iyon sa nangyari sa akin?

No comments:

Post a Comment