Wednesday, April 19, 2023

i'll hold on to you 93 - don't give up on her

[Brent]

Okay. Here was my question. Did I go too far when I said that to her? Alam kong hindi ko dapat kinukuwestiyon ang mga nasabi ko na kay Relaina dahil kahit saan man tingnan, totoo ang mga sinabi ko rito.

Gagawin ko ang lahat para patunayan sa amasonang babaeng iyon na hindi ako nagbibiro sa mga nasabi ko na rito tungkol sa nararamdaman ko. Oo, maituturing pa ring biglaan iyon kahit sabihin pang matagal na rin kaming malapit ni Relaina. Pero napilitan akong sabihin ang mga iyon, eh.

And to think I ended up saying those feelings of mine para lang tigilan na ng sira-ulong Marjie na iyon si Relaina. Kung bakit ba naman kasi ako lapitin ng mga baliw at sira-ulong mga babae. At this point, naiisip kong may kahalong sumpa yata ang charm ng mga Rialande na namana ko sa mga ito.

‘Oy, Mr. Brent Allen Montreal. Dahan-dahan lang sa pagiging hambog. Kaya ka nasusuntok ni Relaina dahil sa hangin ng utak mo, eh,’ banat ng isang bahagi ng isip ko na ikinatawa ko na lang.

Hindi na ako nagulat na ganoon ang narinig ko sa isipan ko. Tama nga naman ito. May pagkahambog talaga ang dating ng mga pinag-iisip ko. Pero kung iyon lang naman ang paraan para magawa kong kalmahin ang sarili ko sa galit na nararamdaman ko sa nangyari kay Relaina, hindi ko na pipigilan ang mga isiping iyon.

“Ang lalim na naman ng isinisid ng isipan mo, Kuya.”

Agad akong napalingon sa pinagmulan ng boses na iyon. Napakunot ako ng noo nang mapansin kong pumasok pala ng kuwarto ko si Andz. “Ang aga mo yata ngayon. Tapos na ba ang klase mo?”

“Opo. Wala naman kaming masyadong ginawa ngayon. Isa pa, ayokong tumambay sa labas sa ngayon. Hindi pa tayo sigurado na ligtas na nga tayo.”

Hindi na ako nakapagsalita pagkatapos ng sinabing iyon ng bunsong kapatid ko. Mukhang pareho lang pala kami ng hinala nito.

“So you thought about the same thing, huh?” I commented and sighed not long after.

“Wala naman kasing ibang dahilan kung bakit ta-target-in ng kung sinong gago na iyon si Ate Relaina, eh. It’s either ikaw ang may atraso sa sira-ulong iyon o baka may iba pang involved kay Ate Relaina na gusto lang siyang idamay. Pero isa lang ang palagay ko sa mga nangyari. Gusto nilang pasakitan ang kung sino mang malapit kay Ate Relaina na gustong gantihan ng kung sino mang iyon.”

Gusto ko talagang isipin na pagiging detective yata ang magiging trabaho ni Andz kapag naka-graduate na ito. Pero alam kong nakasisiguro na ito sa kagustuhan nitong maging isang doktor gaya ni Mama. Then again, minsan ko na ring nasabi kay Mama na may pinagmulan ang pagkakaroon naming magkakapatid ng detective instincts.

Kaya wala na sigurong nakakapagtaka na ganito kung mag-isip si Andz. Maging ako man ay ganoon din ang naiisip ko pagdating sa mga posibleng dahilan kung bakit sinagasaan si Relaina ng araw na iyon. Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin humuhupa ang galit na nararamdaman ko sa kung sinong gago na iyon.

Pero ayokong sirain ang tiwala sa akin ni Relaina, pati na rin ang ipinangako ko rito. I’d rather put my energy into proving my feelings true to that young woman than continue pouring it into the hatred and anger that once nearly consumed me.

Aaminin ko, hindi madaling gawin ang ipinangako kong iyon kay Relaina. Na-realize ko iyon kinabukasan pagkatapos kong sabihin ang pangako kong iyon. Pero hindi ko rin kayang sirain ang naipangako ko na. This was one reason why I rarely make a promise to anyone.

Gusto kong mangako sa isang tao kung alam ko sa sarili ko na kaya kong panindigan iyon. At gagawin ko ang lahat para magawa kong panindigan ang ipinangako ko na kay Relaina na may kinalaman sa galit at pagnanais kong maghiganti sa mga taong malaki ang kasalanan sa akin.

“Pero sa totoo lang, mukhang matatagalan pa bago natin malaman ang sagot tungkol diyan, Andz,” sabi ko sa kapatid ko kapagkuwan. Ilang sandali pa ay napabuntong-hininga ako.

“Himala yata na hindi ka nagwawala ngayon, Kuya.”

Hindi ko naiwasang magtaka sa sinabing iyon ni Andz. “Ano’ng ibig mong sabihin?”

“You’re currently feeling hopeless, kahit na hindi mo sabihin sa akin. And yet… nandiyan ka lang na nakaupo. Kung noon siguro, baka ilang unan at mga libro mo na ang naitapon mo sa iba’t-ibang sulok ng kuwarto mo.”

Bago ko pa nagawang pigilan ang sarili ko ay natawa na ako sa mga sagot na iyon ni Andz. Pero hindi ito nagbibiro. Ganoon nga talaga ang gawain ko kapag nakakaramdam ako ng frustration at hopelessness. Lalo na noong mga panahong sariwa pa ang sugat sa puso ko dahil sa pagkamatay ni Vanz.

But perhaps I owed Relaina so much for me to be able to subdue those negative feelings whenever things wouldn’t go my way. Ang dami nang nagawa para sa akin ng babaeng iyon mula nang mangako ako sa kanya noong araw na iyon. Karamihan sa mga iyon, hindi nito alam. Pero okay lang iyon sa akin. Walang kaso sa akin kung ako lang ang nakakaalam ng mga iyon.

Since they were about Relaina, it didn’t matter if it was just me who could remember the deeds she did for me and my sake.

“Dapat ko pa bang sagutin kung sino ang dapat nating sisihin tungkol sa bagay na iyan?” tanong ko sa kapatid ko.

Nakita ko na lang itong umiling at saka tumawa nang mahina. “Hindi na ako nagtataka ngayon kung bakit ganoon ka ka-fixated sa kanya. Kahit siguro sinong lalaking makakakilala sa kanya nang mabuti, mai-in love kay Ate Relaina. Mabuti na lang pala at kay Ate Mayu naman nakatuon ang atensyon ni Kuya Neilson.”

“Hindi ako papayag na may ibang lalaking makakakuha ng atensyon ni Laine maliban sa akin. Ang problema lang, hindi pa rin ako magawang paniwalaan ng babaeng iyon pagdating sa nararamdaman ko sa kanya. Nakailang beses na akong nagtatapat sa kanya pero iniisip lang niya na nagbibiro ako.”

“At talagang sa akin ka pa nagreklamo, Kuya? Isa pa, ano’ng aasahan mo? Unang tumatak sa isipan niya ang reputasyon mo sa Oceanside. Idagdag mo pa ang ginawa mo sa kanya noong unang beses kayong nagkakilala. Pero sa tingin ko naman… unti-unti nang tumatalab ang pagpapahiwatig mo sa kanya,” sabi ni Andz kapagkuwan.

Kunot-noo naman akong napatingin sa bunsong kapatid ko nang marinig ko iyon. “Ano’ng ibig mong sabihin?”

Ilang sandali itong hindi sumagot sa tanong kong iyon. Pero nakita ko sa mga mata nito ang pag-asa na hindi ko alam kung para saan.

“Seryoso ka naman talaga sa kanya, ‘di ba, Kuya?”

Tumango ako, hindi ko alam kung bakit nito itinanong sa akin. Magkaganoon man, wala rin akong dahilan para magsinungaling dito.

“Huwag mo siyang sukuan. Iyon lang ang masasabi ko sa ‘yo, Kuya. Darating din ang araw na magkakaroon din ng katugon ang nararamdaman mo para kay Ate Relaina.”

Okay… Just what in the world happened? Bakit ganito ang mga sinasabi ni Andz sa akin ng mga sandaling iyon? May nangyari ba rito na hindi ko alam?

No comments:

Post a Comment