Wednesday, July 12, 2023

i'll hold on to you 104 - what the future holds

[Relaina]

The lunch proceeded well, kung ako ang tatanungin. Pero sa totoo lang, hindi pa rin ako nakaka-recover sa mga nangyari nang makilala na ako ni Tita Marie. Hanggang sa mga sandaling iyon ay nararamdaman ko pa rin ang mahigpit na yakap sa akin nito at pati na rin ang panginginig nito habang ginagawa iyon. Nasa isip ko rin ang panginginig sa boses ni Tita habang nagpapasalamat sa akin tungkol sa nagawa ko para kay Brent.

Sa palagay ko nga, hindi pa tuluyang nagre-register sa utak ko ang lahat ng mga iyon. Pero ano naman kasi ang dapat kong asahan? Biglaan naman ang mga nangyaring iyon. But it did prove one thing for me.

Malaking bagay para sa kanila na nagawa nang makakawala ni Brent sa pait ng nakaraang hindi nito magawang kalimutan. Brent coming out of that darkness was something that made it all too important and special for them.

"Relaina, huwag kang mahihiyang magtanong kung may kailangan ka, ha? Kung may gusto ka pang kainin, sabihin mo sa akin," sabi ni Tita Marie habang nasa dining table kami at salu-salong kumakain.

Kaming apat nina Brent, Tita Marie, at Miette ang nasa hapag-kainan at sabay-sabay na kumakain. Sa buong durasyon ng tanghalian namin, walang tigil sina Tita Marie at Miette sa pagkukuwento ng mga bagay tungkol kay Brent. Lalo na ang mga pinaggagagawa nito noong bata pa ito.

Siyempre pa, karamihan sa mga iyon ay pilit na pinipigilan ni Brent na huwag ipaalam sa akin. Pero talo ito. Natatawa na lang ako sa mga reaksyong nakikita ko sa mukha nito. Kulang na lang ay isipin kong pinahiran ng kung anong mapula ang mukha nito dahil sa pamumula niyon.

"Pambihira ka naman, Brent. Ngayon ka pa talaga nakaramdam ng hiya? Eh mas malala pa nga ang mga kalokohang pinaggagagawa mo sa akin noong kasagsagan ng pang-aasar mo sa akin, eh," hindi ko napigilang sabi na hindi nawawala ang ngiti sa labi ko.

It was indeed fascinating to see this embarrassed side of this guy. Minsan ko lang naman kasing makita ang bahaging ito ng lalaking hindi na makatingin nang diretso sa akin ng mga sandaling iyon.

"Ibang usapan naman iyon," banat ni Brent at muling iniiwas ang tingin sa akin.

Hindi ko na tuloy napigilang mapatawa. Mukhang nahihiya nga yata talaga ito sa mga ipinapaalam sa akin ng mga kamag-anak nito.

"Walang dahilan para makaramdam ka ng hiya sa mga nagawa mo na noon, Brent. Aba, mas mabuti nang alam na ni Relaina ang mga bagay na ito tungkol sa 'yo para naman mas makilala ka pa niya nang husto. Hindi mo alam ang mga puwedeng mangyari sa hinaharap tungkol sa inyong dalawa," sabi ni Tita Marie.

Hindi ko na napigilang pangunutan ng noo sa narinig ko. Bakit parang may ibang gustong ipunto yata sa akin ang Tita ni Brent?

"Mama, ang advanced na naman ng takbo ng isip mo pagdating sa kanila," sabad ni Miette na pumutol sa namumuong awkwardness sa paligid.

Then again, baka ako lang naman ang nakakaramdam niyon.

"Hindi ako advanced mag-isip, anak. Mukhang doon na rin naman patutungo ang pangungulit ni Brent kay Relaina."

Say what now? Nanlaki ang mga mata ko ng mga sandaling iyon dahil sa implikasyon ng mga sinabing iyon ni Tita Marie. Teka, iniisip na ba nito na...?

"Ma, alam nating hindi malabong mangyari iyon pero huwag mong madaliin si Kuya Brent. At saka huwag mo rin namang biglain si Ate Relaina. Sige ka. Baka mamaya niyan, hindi na siya bumisita rito sa atin. Sayang naman dahil mukhang gustung-gusto rin ni Ate Relaina ang mga bulaklak dito."

Okay... What the heck was going on here?

"Sorry, Laine," hinging-paumanhin ni Brent nang kalabitin ako nito at tingnan. "Binibigla ka na naman ni Tita ng mga sinasabi niya."

Hindi na ako tumugon at nagpatuloy na lang ako sa pagkain. Ayokong idamay iyon sa mga iniisip ko ng mga sandaling iyon. Yes, the atmosphere became a little bit awkward. Pero hindi naman nagtagal iyon. Ilang sandali pa ang lumipas at naging magana na naman ang durasyon ng tanghalian.

After dealing with that many dishes in one eating session, napagdesisyunan nina Tita Marie at Miette na samahan ko sila sa porch kung saan naroon ang pangalawang sala ng mga ito. Iyon ang isa sa madalas tambayan ng mag-ina pagkatapos mag-almusal at magtanghalian.

"Ang ganda naman po ng property ninyo. Nagulat din po ako sa dami ng mga bulaklak na inaalagaan n'yo rito," umpisa ko nang makaupo na ako sa mahabang sofa katabi si Tita Marie.

"Ito lang naman ang isa sa mga nagpapaalala sa akin ng asawa kong maagang namatay dahil sa cancer. At masaya ako na maraming napapasaya ang lugar na ito hanggang ngayon."

Hindi nagtagal ay nagpatuloy na naman ang pagkukuwento ng mag-ina sa akin ng mga tungkol kay Brent. Wala ngang kaduda-duda na isa ang lugar na iyon sa madalas puntahan ni Brent noong bata pa ito. At mukhang kahit ngayong malaki na ito ay tumatambay pa rin ito roon.

"Sa inyo po ba natuto si Brent ng tungkol sa language of flowers?" kapagkuwa'y naisipan kong itanong kay Tita nang mapunta roon ang usapan namin.

"Oo. Naikuwento ko kasi sa kanya na ang language of flowers ang ginagamit ng asawa ko noon para ligawan ako bago pa kami ikasal. At mukhang na-inspire ang pamangkin kong ito sa mga kuwento ko sa kanya tungkol sa gawaing iyon ng asawa ko. Pero hindi ko naman inakala na magagamit nga niya ang mga natutunan niya sa akin sa pagbibigay ng mensahe sa 'yo." At umiling-iling pa si Tita Marie na para bang hindi makapaniwala.

Natawa na lang ako sa reaksyong iyon.

"Pero mukhang ang pinaggagagawa ng pamangkin ko sa iyo para kunin ang atensyon mo ang tuluyang nagpahilom sa sugat ng puso mo, ah," sabi nito makalipas ang ilang sandali.

Doon na ako natahimik at napatingin kay Tita Marie. There was an understanding look in her eyes that also said she knew my story —-- or at least, some parts of it. Si Brent lang ang dapat niyang sisihin tungkol doon. Pero hindi ako nakakaramdam ng galit o inis dahil sa realisasyong iyon.

"Hindi ko po alam kung dapat po ba akong matuwa dahil doon," sabi ko na lang sa mahinang tinig. 'Yong hindi maririnig ni Brent na kasalukuyang nakikipag-usap kay Miette ng mga sandaling iyon.

"Natatakot ka ba sa mga nangyayari?"

Tumango ako, wala nang nakikitang dahilan para maglihim o magsinungaling dito.

"Naiintindihan ko ang takot mo. Pero sa tingin ko naman, walang gagawing masama si Brent para madagdagan pa ang takot na nararamdaman mo ngayon."

Napatingin ako kay Tita Marie matapos nitong sabihin iyon. "Ano po'ng ibig ninyong sabihin?"

"That kid may be a playful one na parang wala nang ginawang matino sa paningin mo, pero alam ko kung kailan siya seryoso sa isang bagay. At sa buong panahong nakikita kong nagpapahiwatig na siya sa 'yo gamit ang mga bulaklak na kinukuha niya mula rito sa farm ko, isa lang ang masasabi ko. This is the first time I've ever seen him dedicate himself and his time this much to a woman."

Lalo akong natahimik sa mga narinig ko kay Tita Marie. Nakikita ko sa mga mata nito na hindi ito nagbibiro sa mga sinabi nito tungkol sa intensyon ni Brent sa akin. Needless to say, nakakaranas na naman ang puso ko ng matinding excitement.

"At ito lang ang gusto kong malaman mo, Relaina. Hindi ako magiging tutol sa inyong dalawa ng pamangkin ko kung sakaling kayong dalawa nga ang magkatuluyan," pagpapatuloy ni Tita Marie.

At that point, hindi ko na napigilan ang pagsinghap ko kasabay ng gulat na naramdaman ko. Pero si Tita Marie, hayun at nakangiti lang sa akin. Samantalang ako, hirap na i-process nang husto ang sinabi nitong iyon.

"H-huwag naman po kayong magsalita nang tapos. Hindi n'yo po alam kung ano ang pupuwede pang mangyari sa hinaharap," pilit kong sinabi para pakalmahin ang sarili ko. Pero alam kong hindi sapat iyon.

"Whether or not kayong dalawa ni Brent ang magkatuluyan, alam kong malaking bahagi ka na ng buhay ng pamankin ko. At wala nang makakapagpabago pa roon."

Hindi ko na talaga alam kung ano pa ang dapat kong sabihin bilang sagot sa mga naririnig ko kay Tita Mari ng mga sandaling iyon. Kung makapagsalita ito, mukhang sigurado na talaga ito sa mga iyon.

But that would be impossible, right? And yet... heto ako, kinakagalitan ko ang sarili ko dahil sa pagiging impokrita ko. There were signs everywhere. Pero ako, patuloy na itinatanggi ang kahulugan ng mga pinaggagagawa ni Brent para sa akin, para kunin ang atensyon ko.

I knew what he wanted. I just couldn't easily accept it because of reasons. Some of them might be too stupid, to be honest.

"Brent would continue to use the flowers here para iparating sa 'yo ang mga bagay na gusto niyang sabihin sa 'yo. Hanggang sa tuluyan mo nang maintindihan ang nararamdaman niya. Sana... pagdating ng araw na iyon, magawa mo siyang pakinggan nang maayos at walang halong panghuhusga."

Tuluyan na akong naubusan ng sasabihin bilang tugon na rin sa mga sinabing iyon ni Tita Marie. At sa totoo lang, hindi ko alam kung nagagawa pa nga bang iproseso nang husto ng utak ko ang mga naririnig ko ngayong araw na ito.

Wala sa sariling napatingin ako kay Brent. Sa gulat ko, nakatingin na rin pala sa akin ito. Nginitian ako nito makalipas ang ilang sandali pero wala akong naging tugon doon. Instead, I just lowered my head and sighed deeply.

It startled me when I felt two warm hands held my cold ones. Agad akong nag-angat ng tingin at nanlaki ang mga mata ko nang makita kong ang mga kamay ni Brent ang may hawak sa kamay ko.

"Are you okay?" nag-aalalang tanong nito.

Tumango na lang ako bilang sagot. Ilang sandali pa ay huminga ako ng malalim.

Wala ngang kasiguraduhan ang mga susunod na araw sa aming dalawa ni Brent. Pero siguro, kung ano man ang kahahantungan ng mga ginagawa ni Brent sa akin para iparating sa paraang alam nito ang mga gusto nitong sabihin sa akin, sana maging handa ako.

At sana... may matino na akong magiging tugon sa kung ano ba talaga ang nararamdaman nito para sa akin.

No comments:

Post a Comment