Wednesday, July 26, 2023

i'll hold on to you 106 - girls' talk

[Relaina]

I wasn't sure if I would consider this a good thing or a bad one. Oo nga't may hinala na ako na may kinalaman si Brent sa petals from the balcony phenomenon na nangyari last year. Pero hindi ko naman inakala na may makukuha akong kumpirmasyon tungkol doon.

Seriously, that was unexpected...

And for who knows how many times that day, bumuntong-hininga na naman ako.

"Seryosong usapan, Relaina. Ilang beses kang bubuntong-hininga sa buong araw, ha? Wala ka nang ibang ginawa tuwing break time kundi ganyan, ah," narinig kong sabi ni Ate Katrina na nasa harap ko lang ng mga sandaling iyon at abalang kinakain ang baon nito.

Nasa rooftop kami ng Arts building ng araw na iyon para mag-lunch. Sa gulat ko, si Mayu na sa CEA building pumapasok ang nag-imbita sa amin nina Ate Katrina at pati na rin si Vivian. Hindi ko na alam kung ano ang tumatakbo sa utak ng babaeng ito para gawin iyon.

Then again, ayoko na rin namang tumambay sa cafeteria para mag-lunch. Kaya napapayag na rin ako ng pinsan ko.

Agad akong napatingin kay Ate Katrina at inayos ko ang pagkakaupo ko. "Marami lang akong iniisip, Ate Katrina. Sorry. Nakakairita na ba?"

"Ang sabihin mo, mas nakakapag-alala ang ginagawa mong 'yan, 'no? Ano ba'ng problema mo, ha?" tanong naman ni Mayu na abala namang ngumunguya ng kinakain nito.

"Hindi 'ano'. 'Sino'."

Tumango-tango na lang ang tatlong babae sa tabi ko, dahilan upang mapakunot-noo ako.

"Ah, si Brent na naman. Diyos ko po! Hindi na ba magsasawa ang lalaking iyon na guluhin ang utak mo?" natatawang tanong ni Vivian habang umiiling-iling na rin.

"Ewan ko ba roon. Sino ba kasi ang nagsabi sa kanya na gawin na niyang life goal ang guluhin ang utak ko ng mga bagay na pinaggagagawa niya sa akin."

"Bakit? Malapit ka na ba niyang patayin sa kilig at sakit sa puso?"

Kulang na lang ay maeskandalo ako sa tanong na iyon ni Ate Katrina. Ito pa yata ang mamatay sa kilig, eh.

"Hindi! At wala pa akong planong mamatay nang maaga sa kahit na anong paraan, 'no? Ang dami ko pang gustong gawin sa buhay para mamatay nang maaga."

"Kasama na ba roon ang maging boyfriend si Brent?"

Isa pa 'tong Mayu na ito, eh. Bakit ba ang lakas makabugaw sa akin ng pinsan kong ito sa lalaking iyon, ha?

"Hindi. Sakit na nga siya sa ulo ko ngayon, eh. Bibigyan ko pa ng dagdag na sakit ng ulo ang sarili ko kapag naging kami nga. Huwag na. Ayoko nang guluhin pa nang husto ang buhay ko."

This time, si Mayu ang bumuntong-hininga bago ako tiningnan nang seryoso. Hindi ko tuloy napigilang kabahan nang kaunti sa nakita ko. Ano na naman kaya ang isesermon nito sa akin?

"In denial ka pa rin ba hanggang ngayon, Aina? Bakit ba hindi mo matanggap sa sarili mo na napakalaki ng posibilidad na maging kayo ni Brent in the near future? Wala namang masama kung mangyari nga iyon. In fact, magiging masaya pa nga kami para sa 'yo. Lalo na para sa kanya dahil na rin sa dami ng pinagdaanan niya."

Wala akong maisip isagot sa tanong na iyon ni Mayu. Oo nga't kilala ko ang sarili ko sa maraming bagay. Pero sa mga sandaling iyon, hindi ko na alam.

"I don't know... Parang hindi naman ganoon kadali iyon, eh."

"Relaina... may kinatatakutan ka ba?"

Napatingin ako kay Vivian nang itanong nito iyon. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Obviously, there's something holding you back from actually allowing yourself to be loved by someone like Brent. And I don't mean about a part of him that once hurt women just to exact his so-called vengeance. Parang... natatakot kang mahalin ng isang single-minded at devoted na tulad ni Brent."

"Alam kong single-minded si Brent in some ways. Pero hindi yata ako aware sa pagiging devoted niya." Dinig ko sa boses ni Ate Katrina ang pagbibiro nang sabihin nito iyon.

"Iilan lang naman kasi ang nakakaalam n'on, Katrina. And to be honest, Relaina here is the lucky girl na pinakitaan ni Brent ng bahaging iyon ng pagkatao nito."

"And to think ipinakilala ka na rin niya sa isa sa mga importanteng tao sa buhay niya... Aina, napakalaking bagay na n'on para sa kanya. It only means na gusto niyang makilala mo pa siya sa mata ng ibang taong talaga namang nakakakilala nang husto sa kanya," dagdag ni Mayu.

Oo, na-realized ko naman iyon, eh. Lalo na nang walang pag-aalinlangang nagkukuwento sa akin sina Tita Marie at Miette tungkol kay Brent noong bumisita ako sa kanila that day. Pero... ang dami ko pa ring mga tanong na hindi ko mailabas. Na hindi ko mahanapan ng sagot. Na... ayaw kong i-acknowledge ang sagot dahil sa takot ko.

Ang daming rason, sa totoo lang. At iyon yata ang ginagawa ko para lang makaiwas sa lahat ng mga tanong at isyu na may kinalaman kay Brent Allen Montreal.

"Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit sa akin pa niya ibinaling at ibinuhos ang atensyon niyang iyon," nasabi ko na lang at saka ako muling bumuntong-hininga.

"Maraming dahilan, Aina. At marami ang makakapagsabi n'on sa 'yo at makakapagpatunay na rin na hindi siya nagbibiro pagdating sa... panliligaw na ginagawa niya sa 'yo," sabi ni Mayu.

"Alam mo bang ikaw lang ang talagang niligawan ni Brent nang ganito katagal? Ang problema lang, mukhang hindi ka pa rin aware o ayaw mo lang tanggapin na nililigawan ka na nga niya," dagdag naman ni Vivian.

At si Ate Katrina, tumatango-tango lang. Grabe... Were they ganging up on me because of this issue?

"Kung bakit ba naman kasi nauso pa ang ligaw-ligaw na iyan."

"Huwag ka na ngang bitter diyan."

"Hindi ako bitter. Talagang magulo lang ang lalaking iyon. Dakilang panggulo sa utak ko." Talagang makikipagdebate pa ang pinsan kong ito sa akin, ah.

"Hindi naman kasi magiging magulo sa 'yo ang lahat ng ito kung kaya mo lang tingnan sa hindi saradong perspective ang ginagawa niya sa 'yo at para sa yo."

"Teka nga lang. Bakit ba ang tindi ninyong mambugaw sa akin papunta sa Brent na 'yon, ha?"

Natawa na lang sina Ate Katrina at Vivian bago sumagot ulit si Mayu sa eksasperadong tanong kong iyon. "Hindi ka namin binubugaw. Binubuksan lang namin ang mga mata mo. Pambihira ka rin naman kasi, Relaina! Kitang-kita na ng buong uiniversity kung gaano ka kagusto ni Brent. Samantalang ikaw, ayaw mo pa ring tingnan ang tunay na kahulugan ng mga ginagawa niya para lang mapansin mo ang nararmdaman niya para sa 'yo."

"Ang drama mo, Mayu. Ikaw na lang yata ang magka-boyfriend, 'no? Tutal, ikaw ang mas excited sa ating dalawa pagdating sa bagay na 'yan."

"Darating din tayo riyan. Ikaw ang inaalala ko dahil nga parang walang pinatutunguhan ang nangyayari sa inyong dalawa ni Brent."

"May dapat pa bang patunguhang iba ang kung ano mang meron kami ngayon ni Brent?"

"Meron. Buksan mo lang ang mga mata mo. Lalo na ang puso mo. Seryoso si Brent sa 'yo. Alam ko iyon at nakikita namin iyon. Magtiwala ka lang sa mga bagay na kaya niyang gawin para sa 'yo, para makita mo nang husto ang totoong nararamdaman niya para sa 'yo."

Wala na akong naging tugon sa mga sinabing iyon ni Vivian. Ano ba naman ang laban ko rito gayong ilang taon na nitong kilala ang lalaking pinag-uusapan namin? Idagdag pa si Mayu na kababata na ng magkambal na Montreal.

Pero... magagawa ko nga ba talaga nang ganoon lang iyon? Ang pagkatiwalaan si Brent?

No comments:

Post a Comment