Sunday, May 28, 2017

Yuna's Tulip: Believe In Me - Chapter 1

CHAPTER 1

NAPAILING na lang si Yuna nang hindi sagutin ni Mirui ang tanong niya tungkol sa dahilan ng pagiging inspired nito. Agad naman kasi niyang nahalata iyon nang mapansin ang kakaibang sigla nito habang nagpa-practice sila sa malawak na skating rink ng Yukihana Ice Skating School. Matagal na siyang trainee doon at kasabayan niya si Mirui. Sa katunayan, limang taong gulang pa lang siya ay ini-enroll na siya roon ng Mama niya para may mapaglibangan naman daw siya.

Pero kung tutuusin, ang isa pang dahilan kung bakit siya nagtagal doon ay dahil gusto niyang siya ang tumupad sa naunsiyaming pangarap ng kanyang ina na maging isang figure skater. Iyon din ang pangarap sa kanya ng yumao niyang ama noong maglilimang taong gulang pa lang siya. Idagdag pa na ang personal coach niya ay ang iniidolo nitong dating sikat na figure skater na si Sierra del Fierro—na Asahiro na ang apelyido ngayon dahil napangasawa nito ang isang sikat na Japanese pianist. Ito ang ina ng kasamahan niya sa Spiritual Garden Society at isa sa labingdalawang miyembro ng Imperial Flowers na si Mirui.

Suwerte nga siyang maituturing dahil isa siya sa limang ice skaters na kasalukuyang personal na tinututukan ni Sierra sa training. Istrikta ito, oo, pero alam niyang may direksyon ang pagiging istrikta dahil sa training lang ito ganoon. Outside of the skating rink, parang pangalawang nanay na rin niya ito.

Pinanood na lang niya si Mirui na magpatuloy sa pagpa-practice ng routine nito. Nagtataka talaga siya sa kakaibang energy nito habang inuulit-ulit ang routine na ipapakita nito sa ice skating competition na nakatakda nitong salihan kasama siya. Parang hindi man lang niya ito makitaan ng pagkapagod.

Hay... Ang nagagawa nga naman ng inspired. Napangiti na lang si Yuna at lumabas muna ng skating rink upang magpahinga kahit sandali lang. May mahigit dalawang oras na rin siyang nagpa-practice ng sarili niyang routine kaya naman nakaramdam siya ng pagkahapo. Kahit pagod, ipinagpapasalamat pa rin niya iyon dahil kahit papaano ay nagawa niyang ibaling sa iba ang takbo ng isipan niya na isa sa mga nagbibigay takot sa kanya.

She took a deep breath and looked at the skating rink. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang abala pa rin si Mirui sa pagpa-practice ng routine nito roon. Hindi niya gustong pag-alalahanin pa ang kaibigan dahil sa nararamdamang takot na tila hindi na yata niya magagawang palisin sa kanyang sistema hanggang hindi niya nagagawang labanan iyon.

I wonder if I'd be given a chance to fight it one day...

"Your turn, Yuna!" sigaw ni Mirui mula sa skating rink at kumaway pa.

Ngumiti na lang siya at tumango. Okay, time to start another round of practice. Mas mabuti pa nga na sa practice na lang siya mag-focus kaysa sa kung anu-ano ang nagpapagulo sa kanya. Agad siyang tumayo at muling nagtungo sa skating rink.

"Coming!"

= = = = = = =

"PARANG kailan lang, kinukulit kita sa katatanong kung sino ba ang nagbibigay ng inspirasyon sa iyo. Ngayon naman, malalaman kong kayo na pala ni Theron. Ang bilis naman yata," natatawang sabi ni Yuna habang naroon sila sa clubhouse ng Imperial Flowers at kasalukuyang itinigil ang pagre-rehearse ng mga piyesang nakatoka sa kanila.

Exclusive ang clubhouse na iyon sa mga napiling maging miyembro ng Imperial Flowers, ang subgroup ng society ng mga pinakatalentadong arts and music students ng Alexandrite University—ang Spiritual Garden Society. Kinabibilangan ng pinakamagagaling sa society ang Imperial Flowers na siyempre ay pulos babae ang miyembro. May sarili rin namang subgroup ang pinakamagagaling na mga lalaking miyembro ng SGS, pero hindi sila ganoon kasikat tulad ng nasa Imperial Flowers na sa kasalukuyan ay may labing-dalawang miyembro. And just as its name represented, the members were given flower codenames.

In Yuna's case, she was given the flower code Tulip. Ang currently appointed leader ng Imperial Flowers ang nagbibigay sa mga bagong miyembro ng flower code kapag nakapasa sa standards na kailangan para mapabilang sa Imperial Flowers.

"Ano'ng mabilis doon? Tatlong taon! Ganoon katagal niya akong tinikis na huwag lapitan at ligawan kahit matagal na pala niya akong gusto kasi nga akala niya na kami ni Lexus. Kung alam lang talaga ng lahat na kuya lang ang turing ko sa loko-lokong iyon, 'no," ani Mirui na umalis sa practice space nito at naupo sa settee kung saan siya nakaupo.

"Well, hindi mo siya masisisi. Sabi nga, mas mabilis kumalat ang tsismis kaysa sa katotohanan. Kaya ang daming nasisirang buhay."

"Hindi naman siguro lahat, nasisira ang buhay sa tsismis. Pagalingan na lang iyon sa pandededma. Maliban na lang kung mahina ang loob ng taong iyon at masyado niyang dinidibdib ang lahat ng sasabihin ng ibang tao, aba'y ibang usapan na 'yon."

Hindi siya nakapagsalita matapos niyon. Muli ay may naalala siya dahil sa sinabing iyon ng kaibigan. "Mukhang hindi yata ako magaling sa pandededma. Pero kahit papaano naman siguro, hindi pa naman nasira ang buhay ko dahil sa mga maling tsismis sa akin noon."

"But you ended up depriving the right people of your trust. Hindi nga nasira ang buhay mo. Pero inilayo mo na ang sarili mo at pati ang puso mo sa lahat dahil natatakot ka nang masaktan at magtiwala ulit," seryosong saad ni Mirui, dahilan upang mapatingin siya rito.

Pero sandali lang iyon. Agad din siyang nag-iwas ng tingin at bumuntong-hininga. "Hindi naman na kasi ganoon kadali iyon, Mirui. Ganito na nga siguro ang nangyayari kapag ibinigay mo ang buong tiwala mo sa taong mahalaga sa 'yo. Hanggang sa walang pakundangang sisirain iyon sa harap mo, basta maging satisfied lang siya sa resulta ng ginawa niya." Tila nagkaroon ng bikig sa kanyang lalamunan habang sinasabi iyon. Kasabay niyon ay ang pag-usbong ng 'di maipaliwanag na galit sa kanyang dibdib sa nagsusulputang mga masasamang alaala sa kanyang isipan.

"Alright, I'm sorry. I didn't mean to bring that up again." Kapagkuwan ay niyakap siya ni Mirui. "Hay... Grabe na nga yata talaga ang tabas ng dila ko."

"It's not your fault. I was the one who unintentionally brought it up. Ipinahayag mo lang ang opinyon mo." Yuna leaned her head more to Mirui's shoulder and basked herself in the comfort that her friend was offering. "Well, at least I'm glad hindi ako kasama sa mga taong ayaw mong pagkatiwalaan."

Natawa na lang siya at bumuntong-hininga kapagkuwan bago dumistansya sa kaibigan. "Mirui, isa ka sa mga nakakaalam kung ano'ng nangyari sa akin kung bakit ganito ako ngayon. Kung bakit mas lalo kong minahal ang ice skating at ang Imperial Flowers. Kahit na ang kapalit n'on, tuluyan ko nang inilayo ang totoong ako sa mundo."

"Don't let it be like that much longer, Yuna. Sa palagay ko naman, nasa paligid mo lang 'yong taong nararapat mong pag-alayan ng tiwala mo, partikular na ang taong mamahalin mo. You also deserve to be happy and be loved."

Hindi na lang siya umimik. Happy? Loved? For Yuna, that seemed to be a really faraway dream... for now.

= = = = = =

HINDI na mabilang ni Yuna kung ilang beses siyang napabuntong-hininga nang mga oras na iyon habang tinatahak niya ang daan palayo sa clubhouse ng Imperial Flowers. Nauna nang umuwi si Mirui sa kanya dahil kailangan nitong asikasuhin ang kung ano mang iniuutos na naman dito ni Lexus, ang captain ng tennis team ng Alexandrite University at kaibigan ni Mirui. Or at least, iyon ang pagkakaalam ng halos lahat kahit na ilan sa mga iyon ay nilalagyan na rin ng iba pang kulay ang relasyon ng dalawang iyon. Pero labas na muna siya sa isyung iyon.

Mabagal ang kanyang mga hakbang dahil sa dami ng tumatakbo sa kanyang isipan. Heto na naman kasi siya. Ang dami na namang naaalala dahil sa naging usapan nila ni Mirui kanina. Kapag ang salitang tiwala talaga ang naipapasok sa usapan, aminin man niya o hindi ay may pagka-bitter siya roon. Minsan na siyang nagkamali na magtiwala sa isang taong napakahalaga sa kanya. Hindi na niya gustong maulit pa iyon.

Kagyat siyang napatigil sa paglalakad nang may makitang isang pamilyar na bulto 'di kalayuan sa kinatatayuan niya. Sapat na iyon upang maramdaman niya kaagad ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso. Kasabay niyon ay ang panlalamig ng kanyang mga kamay.

Oh, great! Why am I feeling this way now? Wala sa sariling napailing siya upang mapalis ang kung anumang isiping gumugulo sa kanya. Bakit ba siya nagkakaganito ngayon? Namalayan na lang niya ang sariling napapaatras hanggang sa maramdaman niyang bumangga ang likod niya sa isang matigas na bagay.

"Oops! Are you okay?"

Sa kabila ng mabilis na pagkabog ng dibdib niya dahil sa 'di mawaring kaba, napalingon siya upang makita kung sino ang nabangga niya. Nanlaki na lang ang kanyang mga mata nang makilala ang isang pamilyar na mukha. Pero hindi kaagad rumehistro sa isip niya iyon dahil mabilis pa sa alas-kuwatrong nilampasan niya ito matapos humingi ng pasensiya sa ginawang pagbangga niya rito.

Habang tumatakbo palayo sa lalaking nakita niya, isa lang ang tumatakbong tanong sa kanyang isipan.

"Bakit ba ako tumatakbo palayo sa kanya? Samantalang siya naman ang nagligtas sa akin noon," pabulong niyang pagsasatinig sa tanong na iyon.

No comments:

Post a Comment