KAHIT hindi pa rin magawang kalmahin ni Guia ang sarili ay pinilit pa rin niyang lakasan ang loob para makarating sa closed court. Hindi na talaga niya matatagalan ang patuloy na pag-iwas sa kanya ni Lexus sa kanya. Ayaw na niyang patuloy na bigyan ng palaiaipan ang sarili kung ano ba ang maling nagawa para gawin nito iyon sa kanya.
Tinimbrehan siya ni Mirui sa oras ng pagdating ni Lexus sa closed court. Ayaw niyang makakuha ng atensyon ng mga ka-teammate ng binata sa gagawing pagkumpronta rito. Kaya sinabihan niya si Mirui na siguraduhin nito na wala ang ibang Falcon Knights sa closed.court. At ayon sa kasamahan, mag-isa lang ito sa locker room nang mga sandaling iyon.
Ngayon nga ay naroon na siya sa pinto ng locker room. Humugot muna siya ng malalim na hininga bago kumatok ng ilang beses. Unti-unting bumibilis ang tibok ng puso niya habang hinihintay na bumukas ang pintong iyon, kung may magbubukas man. Hindi naman siya nabigo.
Bumukas ang pinto at pareho pa silang natigilan ni Lexus nang magtama ang kanilang mga mata. Bumahid din ang pagkagulat sa mukha ni Lexus pagkakita sa kanya.
"Umm... P-puwede ba tayong mag-usap? Kahit sandali lang. And please... Huwag mo akong iiwasan this time," nangingilid ang luhang pakiusap niya.
Walang salitang lumabas kay Lexus. Pero niluwagan nito ang pagkakabukas ng pinto. Agad naman siyang pumasok sa locker room. Ngayon ay doble ang kabang nararamdaman niya, lalo na sa kaalamang silang dalawa lang ang naroon at balot pa ng tensyon ang paligid.
Sa kabila niyon ay hinarap pa rin ni Guia si Lexus. Kahit blangko ang ekspresyon nito, kahit nasasaktan na talaga sa pagiging malamig nito, tiniis niya iyon. Gusto niyang malinawan, at iyon ang mahalaga sa kanya.
"A-ano'ng pag-uusapan natin?" walang emosyong tanong ni Lexus.
Mariin siyang napapikit para pigilin ang nagbabadyang pagtulo ng kanyang luha. Agad din siyang nagmulat ng mga mata at tiningnan si Lexus.
Nakatingin lang ito sa isang bahagi ng locker room. Hindi talaga nito gustong tingnan pa siya.
"Ano'ng nangyari sa 'yo? May naging kasalanan ba ako para bigla mo na lang akong iwasan? Basta ka na lang kasing nagbago, eh."
Pero walang naging tugon ang binata. Nanatili lang itong nakaiwas ng tingin sa kanya. Para bang ayaw na talaga nitong makita siya. Imposibleng nahihiya lang itong tingnan siya. Hindi nito gagawin iyon kung nahihiya lang.
Something was wrong and she knew it. Iyon ang gusto niyang malaman.
"I just got tired. That's it," sagot ni Lexus kapagkuwan.
Hindi niya napigilang mapaismid. "Just got tired?" sarkastikong ulit niya. "Matapos mo akong bigyan ng sangkaterbang emotional stress dahil sa kagustuhan mong tulungan ako, sasabihin mo na lang na napagod ka na? Bakit hindi mo pa ako diniretso kung ganoon din lang pala? Nang sa gayon, hindi na umabot sa sangkaterbang guessing game para lang malaman kung bakit bigla-bigla ay nilayuan mo na ako."
"Bakit? Kung sasabihin ko ba sa 'yo, gagawin mo kaagad?"
"Bakit hindi ko magagawa? Nasanay nga ako na lumalapit ka lang sa akin kapag tungkol kay Mirui ang isyu, 'di ba? But this time, I'll pretend that you never approached me at all. Madali lang naman iyon, eh." Hindi na napigilan ni Guia ang pagtulo ng kanyang luha pero agad din niyang pinunasan iyon.
Ano ba 'tong nangyayari sa kanila ni Lexus? Paanong umabot sa ganito? Nakita niya ang pagdaan ng sakit sa mga mata nito pero sandali lang. Agad ding napalitan iyon ng pag-aalals, siguro ay dahil sa pagluha niya.
Muli niyang hinarap ang binata. "Alam mo, okay na sana, eh. Kung nagtuloy-tuloy lang ang lahat, magagawa ko nang makasiguro. Pero dahil sa mga sinabi mo, ngayon alam ko na kung saan ako nakalugar sa buhay mo. At sigurado na rin ako na kahit pagkakaibigan, hindi na pupuwede sa ating dalawa."
Tila may bumara sa lalamunan ni Guia habang sinasabi ang mga iyon. Nang tingnan niya si Lexus, nawalan na ng buhay ang mga mata nitong minsan ay hinangaan niya. Lumabo na kapagkuwan ang tingin niya kay Lexus dahil na rin sa walang tigil na pagtulo ng kanyang luha. Pero wala na siyang pakialam. At least gusto niyang ipakita sa lalaking ito kung gaano kasakit ang ginawa't sinabi nito.
"Huwag kang mag-alala. Ito na ang huli. Hindi na ako lalapit sa 'yo. Gagawa na rin ako ng paraan para iwasan ka at nang hindi ka na mahirapan," garalgal na ang tinig na sabi ni Guia at walang lingon-likod na nilisan ang lugar na iyon.
Hindi na siya nag-abalang punasan ang kanyang mga luha at dire-diretsong lang siya sa paglalakad. Tiyak na ang direksyong tinatahak niya--patungo sa clubhouse.
Nang makarating doon ay agad siyang nagtungo sa banyo at ini-lock iyon. Doon niya inilabas ang sakit at hapdi na ibinigay sa kanya ng confrontation nilang iyon ni Lexus.
She cried with all she got, knowing that the pain she was feeling at the moment was nothing compared to when Jeric and his other girlfriend destroyed her dream to dance two years ago.
Hindi lang naman pangarap na maipagtapat at matugunan ang nararamdaman niyang pagmamahal kay Lexus ang nawasak nang mga sandaling iyon. Kasama na rin doon ang puso niyang nagawang magmahal sa ikalawang pagkakataon kasabay ng pagtulong nito na buuin ang pangarap na minsan niyang tinalikuran.
ーーーーーー
THIS wasn't how Lexus wanted things to turn out between him and Guia. Pero nangyari na. Nasabi na niya ang mga kasinungalingang iyon. Alam niyang nasaktan niya ang dalaga dahil doon pero hindi na talaga niya napigil ang sarili.
Nagmistulang blangko ang isip niya nang sabihin ni Guia na kahit pagkakaibigan ay hindi na puwede sa kanilang dalawa pagkatapos ng mga sinabi niya. Iyon ay kahit ilang beses niyang pilit at sa hindi nakakabiglang paraan na ipinakita niya rito ang kanyang tunay na damdamin. Idagdag pa na hindi pa rin maalis sa isip ang nakitang tagpo sa hallway.
Mukhang nagkakamabutihan naman na ulit sina Guia at Jeric. Kaya ano pa ang silbi ng pananatili niya sa tabi ng dalaga? Isa pa, mukhang hindi naman na siya kailangan nito para tuluyang labanan ang kung ano pang natitirang takot dito.
Nahilamos niya na lang ang mukha at inihagis ang hawak na tennis racket sa dingding ng locker room sa sobrang galit at inis.
Tama ba talaga ang ginawa niyang ito?
Sa unang pagkakataon, ginawa niya ang isang bagay na matagal na niyang hindi nagagawa. Pero wala na siyang pakialam. Sa sobrang sakit na nararamdaman dahil sa kinahinatnan ng pag-uusap nilang iyon ni Guia, ang pag-iyak na lang ang pinakatahimik na paraan para mailabas ang nararamdaman.
xxxxxx
KAHIT wala pang matinong tulog mula kagabi, pinilit pa rin ni Guia ang sarili na tumayo sa kama. Hindi na siya puwedeng um-absent. Tatlong araw na siyang hindi pumapasok. Kapag pinatagal pa niya iyon, tiyak na magtataka na ang mga kasamahan niya.
Kaya pa naman siguro niyang tiisin ang sakit. Oo nga, mahirap. Isa pa, hindi niya gustong mag-alala pa nang husto ang nanay niya. Kahit sabihin pa na alam na nito ang dahilan kung bakit gabi-gabi ay umiiyak siya, hindi pa rin rason iyon para bigyan niya ito ng alalahanin.
Nang makapaligo at makapagbihis, agad siyang nagtungo sa dining room kung saan abala ang kanyang ina sa paghahanda ng almusal nilang dalawa. Kitang-kita niya ang pagdaan ng gulat sa mukha nito pagkakita sa kanya. Agad ding napalitan iyon ng pag-aalala nang makaupo na siya sa harap ng mesa.
"Sigurado ka ba na kaya mo nang pumasok, anak?"
Tumango siya at malungkot na ngumiti. "Kailangan, 'Ma. Hindi naman puwede na kalimutan ko ang dapat kong gawin dahil lang nasasaktan ako."
Sooner or later, Guia knew she had to face him, anyway. 'Kahit alam kong hindi na yata mawawala sakit na ibinigay ni Lexus sa puso ko,' dagdag niya sa isipan. Huminga siya ng malalim kapagkuwan at inumpisahan na ang pagkain.
"Hindi ko akalaing magagawa sa 'yo ng batang 'yon ang ganoong bagay," iiling-iling na wika ng ginang.
"Ganoon naman talaga, 'di ba? Ang sabi nga nila, 'The person you trusted or even loved can sometimes hurts you the most.' Hindi ko lang inasahan na kaagad kong mararanasan iyon," mapait niyang tugon. Bigla ay nahirapan siyang lumunok nang makaramdam ng tila pagbara ng lalamunan.
Grabe naman! Iiyak na naman ba siya? Hindi puwede.
"Patunay lang kung gaano mo kamahal si Lexus. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit niya ginawa sa 'yo ang ganito. I really thought he loves you."
Tila tumigil sa pagtibok ang puso ni Guia sa narinig. Kapagkuwan ay napatingin siya sa ina, puno ng pagtataka ang mukha.
"Lexus loves me? 'Ma, kung totoo ang sinasabi mo, hindi na sana ganito ang nararamdaman ko ngayon." Imposible ang sinasabi nito.
"Minsan din akong nagmahal, Guia. Kaya alam ko at nakikita ko kung ano ang itsura ng taong nagmamahal. Of course, hindi ko pa rin alam ang totong iniisip niya habang tinitingnan ka na hindi nawawala ang pagmamahal na iyon sa kanyang mga mata. But I could tell that he had held that feeling in his heart for a long time," seryosong turan ng kanyang ina bago ipinagpatuloy ang pagkain.
Napailing na lang siya matapos tingnan ng ilang sandali ang ina. Bakit ganoon ito? Why was her mother continue to give her false hopes? Hindi siya mahal ni Lexus at iyon ang totoo. Patunay na ang ginawa nitong pagtataboy sa kanya.
ーーーーーー
KAHIT na sa totoo lang ay gusto nang ihagis ni Lexus ang hawak niyang tennis racket, pilit pa rin niyang pinipigilan ang sarili. Wala nang magagawang maganda sa kanya ang palaging moody at mainitin ang ulo. At ang mas malala, nawawala na ang matinong daloy ng isip niya nitong mga nakaraang araw.
Mag-iisang linggo na rin pala mula nang huling beses silang magkita't magkausap ni Guia. Pero sa totoo lang, walang tigil na minumura niya ang sarili dahil sa nangyari. Kahit sabihin pa na wala naman siyang puwedeng panghawakan kay Guia para manatili ito sa tabi niya, hindi pa rin sapat na dahilan iyon para itulak na lang ito palayo.
Kaya ngayon, siya ang nagdurusa sa kagaguhang ginawa. Oo, aaminin niyang gago siya. Iyon naman ang totoo. Sa katunayan, hinihintay niya na isigaw iyon ni Errol sa mukha niya. Alam niya na may ideya na ito sa nangyari sa kanila ni Guia. Imposibleng hindi nito alam iyon.
"Captain, wala ka talagang planong magpahinga muna? Lie low ka lang muna kahit sandali. Hindi ko na maatim na makita kang ganyan, eh," nag-aalalang sabi ni Selwyn nang lapitan nito si Lexus.
Pero marahas na iling lang ang naging tugon niya. Walang pahinga ang makakatulong sa kanya sa mga sandaling iyon. "Okay lang ako." Kahit hindi, mapait niyang dagdag sa isip.
"Anong okay ang pinagsasasabi mo riyan? Eh mas malala ka pa kay Theron noong depressed 'tong Iceman ng team natin dahil sa nangyari sa kanila ni Mirui. Ngayon, ikaw naman ang problemado at nawawala sa sarili," mariing saad ni Kane.
Tiningnan ni Lexus ng masama ang kaibigang halos kaedad niya pero hindi man lang natinag si Kane. Para bang inaasahan na nito iyon. Marahas siyang bumuntong-hininga kapagkuwan at napahilamos ng mukha. "Alam mo kung bakit ako nagkakaganito? Dahil ngayon ko lang na-realize kung gaano ako kagago."
"Akala ko aabutin ka pa ng siyam-siyam bago mo maisip iyan."
Lahat sila sa Falcon Knights na naroon sa closed court ay napalingon sa pinagmulan ng pamilyar na tinig na iyon. Ganoon na lang ang gulat at pagtataka ni Lexus nang makitang palapit sa kanila si Mirui.
Ano ang ginagawa nito sa closed court? At bakit... hindi niya maipaliwanag ang kaseryosohan sa mukha ng dalaga? Noon lang niya nakitang ganoon ang kapatid. Nang tingnan niya si Theron ay nagkibit-balikat lang ito. Bakas sa mukha ng isa pang kapatid niya ang pagtataka sa kilos ni Mirui.
Dapat na ba akong kabahan?
No comments:
Post a Comment