HINDI sigurado si Guia kung tama ba ang naisip niyang gawin nang mga sandaling iyon. Pero may isang bagay siyang gustong gawin, gustong patunayan para sa sarili niya. Kahit alam niyang masakit, kahit alam niyang sobra-sobra siyang mahihirapan, gusto pa rin niyang subukan.
Humugot muna siya ng pagkalalim-lalim na hininga. Iyon bang klase ng paghinga ng malalim na parang hindi na niya gagawin iyon sa susunod niyang buhay. Pero kailangan niyang kunin ang lahat ng lakas na meron siya sa katawan at ilabas iyon. Kailangan niya iyon para magawa ng maayos ang dapat na gawin sa huling stage na pagsasayawan niya.
Yes. After a long time, Guia was going to find out if all her efforts--with Lexus' help to bring it all out from her--was going to pay off. At gagawin niya iyon sa stage na ilang taon nang nagsilbing multo para sa kanya.
Sa stage ng auditorium.
Hindi na napigilan ni Guia ang sarili na umiyak na naman dahil sa pagragasa ng mga alaala.
Ang nakakatawa pa, hindi patungkol kay Jeric ang mga naaalala niya.
"Ano ba namang klaseng nilalang ka, Lexus Willard del Fierro?" naitanong na lang niya sa sarili sa sobrang pagkainis.
Sinaktan na nga siya ng binata pero heto siya, ito pa rin ang naaalala niya.
Napatingin si Guia sa stage. Noon lang niya namalayan na nakalapit na pala siya roon at paakyat na ng hagdan para tumuntong sa stage. This was supposed to be the last phase. Ang sumayaw siya sa stage na matagal na niyang kinatatakutan.
Pero paano pa niya magagawa iyon kung ang mismong dahilan ng paglaban niya sa sariling takot ay tuluyan nang lumayo sa kanya?
ーーーーーー
HINDI pa rin tuluyang nawawala ang kabang nararamdaman ni Lexus habang pinagmamasdan ang paglapit ni Mirui sa direksyon niya. Nang pasadahan niya ng tingin ang mga kasamahan, pagtataka ang karamihan sa mga nakita niya sa mukha ng mga ito. May ilan na halatang kinakabahan.
Sino ba naman ang hindi kakabahan? Iyon ang unang pagkakataon na nakita niyang ganoon kaseryoso ang mukha ni Mirui. Para bang naghahamon ito ng away. At sa nakikita niya, nakapili na ito ng aawayin.
Tiningala siya ni Mirui nang agad itong tumigil sa harap niya. Hindi maipaliwanag ni Lexus ang mga nakikita niyang emosyon na nakapaloob sa mga mata ng kapatid. Pero bago pa siya makabuo ng konklusyon tungkol sa bagay na iyon, agad na nagsalita si Mirui.
"So hanggang dito ka na lang? Wala ka nang ibang gagawin para ayusin ang gulong ginawa mo?" may pagkasarkastikong umpisa ni Mirui na nakapamaywang pa.
Nag-iwas lang siya ng tingin at tinalikuran ang dalaga.
Pero hindi pa man siya tuluyang nakakalapit sa bench kung saan naroon ang sports bag niya ay agad siyang natigilan sa idinugtong ng kapatid.
"Ilang araw na siyang umiiyak nang dahil sa ginawa mo. Ni hindi mo man lang siya binigyan ng pagkakataong ipaliwanag sa 'yo ang totoo. Ang sagot sa mga nakita mo nang araw na iyon sa hallway. From what I can see, you're doing exactly the same thing that Mom did to me before. Ipinagkait mo kay Ate Guia ang pagkakataong maging masaya."
Hindi nakaimik si Lexus sa mga narinig. Ano ang ipinagkait niya kay Guia? Ginawa lang naman niya ang alam niyang tama at nararapat. At isa pa, siya ang higit na nasaktan sa ginawa niyang pagtataboy sa dalaga. He just did her a favor. Tutal naman, nagkaayos na sina Guia at Jeric. Wala nang dahilan para pumagitan pa siya sa mga ito.
"Bakit hindi mo na lang inamin sa kanya na nagselos ka nang makita mong nag-uusap at magkayakap sina Ate Guia at ng ex-boyfriend niya? Hindi 'yong ganoon mo na lang itinaboy 'yong tao matapos mong paasahin nang pakitaan mo ng labis na concern na bumalik siya sa dati."
"Dahil wala naman akong karapatang gawin iyon, eh!" bulalas niya nang hindi matagalan ang pinagsasasabi ni Mirui. Kung makapagsalita ito, parang ganoon na siya kasama. Tiningnan niya niya ng masama ang kapatid at marahas na bumuntong-hininga nang makita na hindi man lang ito natinag. "Kahit gusto kong aminin sa kanya ang totoong dahilan kung bakit ganoon na lang ang kagustuhan kong tulungan siya, alam kong wala ring patutunguhan iyon. Nakipagmabutihan na siya sa ex-boyfriend niya. Or rather, boyfriend."
Si Mirui naman ang bumuntong-hininga at nagkamot pa ng likod ng ulo nito. Parang ito pa ang nabubuwisit sa kanilang dalawa kung umakto ito. Kapagkuwan ay binalingan nito si Theron.
"Alam mo, Ron, maihahampas ko na talaga sa mukha ng kapatid nating 'to ang dala kong gitara, eh." Matapos lang itong tawanan ng isa pang kapatid ni Lexus ay hinarap naman siya nito. "Ngayon ko lang nalaman na magkapareho na pala ang definition mo ng nagkaayos at nagkabalikan. Sa pagkakaalam ko, nagkabati lang sila at inayos na nila ang gusot sa pagitan nilang dalawa ni Jeric. And for your information, my dear brother, mananatiling ex-boyfriend na lang ang status ng Jeric na iyon sa buhay ni Ate Guia."
Halos lahat ng mga kasamahan ni Lexus ay gulat na napatingin sa dalaga. Maging siya ay ganoon ang ekspresyon niya na hinarap si Mirui. Pero sigurado siya na siya lang ang naiiba ang dahilan kung bakit ganoon ang reaksyon. Ibig sabihin ba n'on ay siya lang ang nagkamali ng pagkakaintindi sa nakita niyang tagpo?
Aminin man niya ngayon o hindi, unti-unti nang nalilinawan ang isip niyang nanatiling malabo nitong mga nakalipas na araw.
Dapat niyang sisihin doon ang nararamdamang selos, sakit, at kawalan ng pag-asa. Isa nga siya sa pinangingilagan sa Alexandrite University pero agad na natitibag ang pader na lagi niyang ipinapalibot sa puso niya pagdating kay Guia.
"Brother? Mirui, magkapatid kayo ni Captain?" hindi makapaniwalang tanong ni Jerrold nang makahuma ito.
"At saka tama ba 'yong narinig namin? Kapatid ninyo ni Ron si Captain? Paano nangyari iyon?" sunud-sunod na dagdag pang tanong ni Selwyn.
Huminga muna ng malalim si Mirui at hinarap si Lexus. "Saka na kami magpapaliwanag ni Kuya Lexus. Kailangan muna niyang ayusin 'tong gulo na ito na ginawa niya sa sarili niya," anito na binigyan pa ng diin ang salitang "kuya" at hindi inaalis ang tingin sa kanya.
"Lexus," tawag ni Errol sa atensyon niya nang makahuma na rin ito sa pagkagulat sa narinig kay Mirui.
Nabaling ang tingin niya rito at nakitang papalapit ito.
"Alam ko, iniisip mo na wala ka namang mapanghahawakan para manatili sa tabi mo si Guia. Pero pare, hindi pa ba sapat ang nararamdaman mo para sa kanya para mangyari ang gusto mo? Ibigay mo sa kanya ang totoong dahilan na puwede niyang tanggapin at panghawakan para huwag siyang malayo sa iyo. I'm sure she's been wanting to have something that she can use as a reason to stay by your side."
Nang tingnan ni Lexus ang mga kaibigan, halos lahat ay sabay-sabay na tumango bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Errol. Napatingin din siya sa dalawang kapatid na sina Mirui at Theron. Umiiling-iling lang ang dalaga habang sumesenyas naman si Theron na umalis na siya.
Wala nang dahilan para pairalin pa ang takot. This was Guia he was talking about. Ang babaeng iyon lang ang pinagtuunan niya ng ganitong klaseng atensyon at damdamin sa loob ng mahabang panahon. Bahala na kung ano ang mangyayari. Basta sigurado na siyang gusto niya itong manatili sa buhay niya.
"Nasaan siya?"
xxxxxx
GUSTO nang mainis nang husto ni Guia sa sarili. Hindi na ba talaga siya titigil sa pag-iyak. Wala na ngang nagagawang maayos iyon sa kanya, 'di ba? Kaya bakit ayaw pa rin siyang tigilan niyon?
Isinubsob na lang niya ang mukha sa mga kamay nang halos pabagsak siyang naupo sa stage ng auditorium. Sinusubukan niyang bumuo ng isang dance routine on the spot sa stage na iyon. Pero kabi-kabila ang pagdagsa ng mga alaala sa isipan niya dahil sa ginawa. Lahat ng iyon ay patungkol sa lalaking dahilan kung bakit pinipilit niya ang sarili na patunayang nagawa na niyang labanan ang takot sa dibdib.
Hindi takot ang nagpapahinto kay Guia sa pagsayaw sa lugar n iyon, kundi ang mga alaala niya na kasama si Lexus.
Patuloy lang sa pagtugtog ang kanta mula sa iPod niya. Pero naroon lang siya, walang tigil sa pag-iyak at wala na ring planong kumilos pa.
I guess I failed, huh? Kung kailan naman nasa final stage na ako.
Ilang sandali ring ginawa ni Guia ang lahat para kalmahin ang sarili. Kung hindi niya magagawa ang dapat na gawin ngayon, puwede niyang subukan bukas.
"I guess I failed to help you, huh?"
Pakiramdam ni Guia ay tumigil sa pagtibok ang puso niya. Napasinghap siya nang sa paglingon sa direksyon pinagmulan ng tinig na iyon ay nakita niya ang 'di inaasahang tao. Pero sa loob-loob ay ilang beses niyang pinangarap na mangyari iyon.
Hindi naman siguro siya nagha-hallucinate o nananaginip lang, 'di ba? "L-Lexus..."
Napatunayan niya na totoo ang nakikita nang lumakad ang binata palapit sa kanya at inilahad ang isang kamay. Nakatingin lang siya rito ng ilang sandali bago nag-aalangang kinuha ang kamay nito. Ganoon na lang ang pagtataka niya sa nakitang lungkot at pag-aasam sa mga mata ni Lexus habang hindi inaalis ang tingin sa kanya.
Teka, para saan ang mga iyon?
"Ganoon ba talaga kahirap para sa 'yo na sumayaw sa stage na 'to? Hindi ba talaga sapat ang lahat ng ginawa kong paraan para matulungan ka?" disappointed at puno ng lungkot na tanong ni Lexus bago nito pinahid ang kanyang mga luha.
Pero lalo lang siyang napaiyak sa ginawa nito. Na-miss niya ang pag-aalala nito, ang concern nito sa kanya. Maging ang mga ginagawa nito para pakalmahin siya kapag umiiyak siya.
"I'm sorry, Guia," puno ng pagsisising sabi ni Lexus.
Nag-angat si Guia ng tingin at matamang tiningnan ang binata. Hindi nakaligtas sa kanya ang pagpitlag nito na ginawa niya pero hindi nito inaalis ang tingin sa kanya. Hindi na muna niya pinagtuunan ang pagbilis ng tibok ng puso kahit parang pinipiga rin iyon sa nakikitang lungkot at pagsisisi sa mga mata nito.
"Ano'ng inihihingi mo ng sorry? Iyong pagtataboy mo sa akin ng walang dahilan? Iyong pag-iiwan mo sa akin sa ere na hindi pa natatapos ang sinasabi mong misyon mo na bumalik ako sa pagsasayaw?" Garalgal man ang tinig habang sinasabi iyon, ipinagpatuloy pa rin niya ang pagsasalita. "Alam mo, palagi ka na lang ganyan, eh. Gagawa ka ng isang aksyon na wala man lang signal na gagawin mo iyon. Ni ha ni ho, wala. Kaya ngayon pa lang, linawin mo na sa akin kung ano ba ang inihihingi mo ng sorry habang kaya ko pang makinig sa 'yo."
"Marami. Handa naman akong isa-isahin iyon kung gusto mo. Alam kong nasaktan kita nang basta na lang kitang itaboy. Isa iyon sa ihihingi ko ng tawad sa 'yo. At sa palagay ko, hindi lang iisang beses na iniwan kita sa ere. Lagi na lang kitang pinag-iisip sa mga nagiging kilos ko pagdating sa 'yo. Hindi lang talaga ako siguro magaling sa pagpapaliwanag," saad ni Lexus na mahigpit ang pagkakahawak sa isang kamay niya.
Kahit nagtataka sa kung ano na naman ang totoong saloobin ng lalaking ito na mahal na mahal niya, nanatili pa ring nakikinig si Guia. Kaya pa naman niyang pakinggan ang iba pang sasabihin nito.
"Kung sinabi ko na lang sana sa 'yo ang totoong dahilan kung bakit kita itinaboy, baka hindi na umabot sa ganito na lagi na lang kitang napapaiyak kahit wala ako sa tabi mo," pagpapatuloy nito. "I really hate myself when I can't properly express my feelings to you."
Hindi alam ni Guia kung saan nagmula ang kabang nararamdaman. Nag-e-expect lang ba siya ng kung ano sa mga sinasabi ni Lexus?
"Puwede bang diretsuhin mo na ako? Lalong nakukulta ang utak ko sa dami ng guessing game na gusto mong ipagawa sa akin, eh."
"Nagselos ako sa ex-boyfriend mo, okay?" bulalas ni Lexus na ikinagulat niya. "Nang makita ko kayong magkayakap at masayang nag-uusap sa hallway, lumabo na ang takbo ng isip ko. Mas pinairal ko pa ang sakit at inis na naramdaman ko kaysa aminin sa 'yo ang totoo."
Daig pa ni Guia ang estatwa sa paninigas na naramdaman dahil sa gulat. Nagselos ito? Totoo ba ang narinig niya?
Pero nakakaramdam lang naman ng pagseselos ang isang lalaki pagdating sa ibang lalaking kausap ng babaeng malapit sa una kapag--
Teka, teka! Hindi ba ako nag-i-imagine lang o ano?
Ang paghinga ng malalim ni Lexus ang nagpabalik sa isipan ni Guia sa realidad. Halata sa mukha nito ang matinding tensyon na pilit nitong nilalabanan. Sa kabila niyon ay hinarap pa rin siya nito, hindi inaalis ang tingin sa mukha niya. Ang isang partikular na emosyong nakita niya sa mga mata nito na lalong nagpabilis sa tibok ng kanyang puso. Kasabay niyon ay ang pag-usbong ng pag-asa sa kanyang dibdib.
"Ibig bang sabihin...?"
Dahan-dahang tumango si Lexus. "Mahal kita, Guia. Mula pa noong unang beses kitang makitang sumayaw sa stage na 'to noong second year pa lang ako. Ikaw lang ang babaeng gusto kong pagmasdan at panoorin sa kahit na anong lugar ka pa nakatayo at nagbibigay-inspirasyon sa pagsasayaw mo. Iyon ang dahilan kung bakit gusto kitang tulungang makabalik sa pagsasayaw. Ganoon ka kahalaga sa akin at pati na rin ang mga bagay na mahalaga sa 'yo."
Muling napaiyak si Guia na ikinataranta ni Lexus. Pero natigil iyon nang sunggaban niya ito ng mahigpit na yakap at ibinaon niya ang mukha sa dibdib nito. Hindi siya makapaniwala sa lahat ng mga narinig. Mahal siya ni Lexus, ng lalaking matagal nang itinatangi ng kanyang puso at ang pinakamalaking inspirasyon niya para patuloy na sumayaw.
Ginantihan ni Lexus ng mas mahigpit ang yakap niya at hinalikan pa nito ng ilang ulit ang buhok niya at hinaplos iyon. Napapikit siya para namnamin ang pagmamahal na nakapaloob sa ginagawa nitong iyon.
"Mahal din kita, Lexus," mahinang usal ni Guia na hindi inaalis ang pagkakabaon ng mukha sa dibdib nito.
Naramdaman niya ang pagkagulat nito bago siya bahagyang inilayo at nanlalaki ang mga matang pinakatitigan siya. Parang hirap pa yatang iproseso ng utak nito ang narinig. "A-ano'ng sabi mo?"
"Hindi ko na uulitin," nakalabing tugon ni Guia. "Matapos kong pakinggan ang speech mo. 'Tapos ikaw, hindi ka nakikinig. Nakakainis ka na."
"Please, Guia. Ulitin mo 'yong sinabi mo kanina," pakiusap ni Lexus.
Ilang sandaling tinitigan niya ang binata bago bumuntong-hininga. "Mahal. Din. Kita. O, 'ayan! Klaro na, ha?"
"Kailan pa?"
"Hindi ko alam. Ang sigurado ako, nagbago ang lahat noong first year pa ako. Foundation Day iyon, at nakita kitang kumanta sa stage na ito. Akala ko nga, napaka-unfaithful kong girlfriend kay Jeric dahil nagka-crush ako sa 'yo mula nang araw na iyon. Now that I remember it, nauna ka palang nagkaroon ng feelings sa akin ng tatlong buwan." Natawa siya. "Siguro isa iyon sa dahilan kung bakit parang wala lang sa akin nang sabihin ni Jeric na girlfriend niya si Clara habang kami pa. In my heart, I could tell that my feelings for him wasn't as deep as I thought. Hindi iyon kasinglalim ng nararamdaman ko para sa 'yo."
Hindi inaalis ni Guia ang tingin kay Lexus habang ipinagtatapat iyon.
Kitang-kita niya ang kasiyahang pumalit sa lungkot, pagsisisi, at pag-aasam na kanina lang ay nasa mga mata ni Lexus. Gumaan din ang pakiramdam niya matapos isiwalat ang lahat ng iyon.
Hindi niya napaghandaan ang biglang paghapit ni Lexus sa baywang niya at ikulong siya sa isang mahigpit na yakap. Pero kapagkuwan ay napangiti na lang siya ng maluwang bago ginantihan ang yakap nito.
"Tama nga si Errol sa mga sinabi niya kanina," ani Lexus matapos ang mahabang sandali na katahimikan sa pagitan nila. Hindi pa rin sila naghihiwalay. "Kung noon ko pa sana sinabi sa 'yo ang lahat ng ito, noon pa sana ako may pinanghahawakan para manatili ka sa tabi ko... maging sa buhay ko." Bahagya itong dumistansya sa kanya at pinakatitigan siya. "I love you, Guia. And I'm sorry for hurting you like that."
"Basta huwag mo na akong itataboy ulit nang ganoon. Okay?"
Tumango ito at muli siyang niyakap. Isang kampanteng buntong-hininga ang pinakawalan niya. Siguro naman ngayon, puwede na niyang gawin ang last phase ng pagtulong ni Lexus sa kanya.
Pero mamaya na iyon. Guia has all the time in the world to do that now. Basta ba laging nasa tabi niya si Lexus para magbigay-inspirasyon sa kanya. Sa ngayon, ie-enjoy muna niya ang pakiramdam na mapaloob ulit sa mga bisig ng lalaking mahal na mahal niya.
-WAKAS-
No comments:
Post a Comment