Sunday, August 20, 2017

Yuna's Tulip: Believe In Me - Chapter 8

CHAPTER 8

"JOINT vacation?!" halos sabay-sabay na bulalas ng mga miyembro ng Imperial Flowers at Falcon Knights nang magkaroon sila ng meeting sa open field nang araw na iyon. Siyempre pa, sina Guia at Lexus ang pasimuno niyon.

Natapos na kasi ang activities at tournaments na dahilan upang maging busy silang lahat sa isang buong semester. Kaya ang joint vacation na iyon ang magsisilbing reward nila para sa buong limang buwan na nagpakapagod sila sa mga kanya-kanyang gawain. I-s-in-uggest iyon dahil ilang araw na lang, semestral break na. A vacation for a day or two—or even a week—wouldn't hurt, as Guia and Lexus said.

Kunsabagay, pabor naman iyon sa kanilang lahat. Pahinga rin iyon para sa kanila. Kaya lang, hindi maitatangging nagulat sila dahil hindi nila akalaing magkakasama ang dalawang grupo na magbabakasyon. Ano kayang topak ang dumapo kina Guia at Lexus para maisipan ang bagay na iyon?

Pero hindi iyon ang talagang gumugulo sa isipan ni Yuna nang mga sandaling iyon. Pasimple siyang tumingin sa kinauupuan si Jerricko. Ilang araw na niya itong napapansing wala sa sarili at tila malalim ang iniisip. Kapag tatanungin niya ito kung ano ang problema, palaging wala ang isasagot nito at ngingitian siya. Ayaw man niyang aminin, nag-aalala siya para sa binata. Nasanay kasi siya na lagi itong masaya na para bang walang problema. Gustung-gusto niyang nakikita na good mood ito. Sa totoo lang, nami-miss na nga niya ang kakulitan nito sa kanya, lalo na kapag alam nitong may naaalala na naman siyang hindi maganda. Pero ngayong nakikita niya itong ganito, wala man lang siyang magawa para bumalik ang magandang mood nito.

She didn't know how. At nahihirapan siya dahil doon.

"Alright, guys! Since okay na rin naman sa inyo ang plano nating ito, wala na tayong poproblemahin pa. Mag-i-stay tayo sa beach house na pag-aari ng pamilya ni Stacie. Don't worry, pumayag na si Tita Marissa at siya ang mag-a-accommodate sa atin pagdating natin doon," imporma ni Guia.

"Kaya ang iisipin n'yo na lang ay kung paano ninyo ie-enjoy ang bakasyong iyon. Basta huwag lang kayong gagawa ng kalokohan," dagdag naman ni Lexus.

"'Sus! Takot lang namin sa 'yo, 'no?" banat ni Selwyn na sinundan ng tawa ng ibang Falcon Knights.

Siya naman ay napangiti pero sandali lang. Agad kasi niyang ibinaling ang tingin kay Jerricko na seryoso pa rin ang mukha. Sa totoo lang, hindi na niya alam kung ano ang nangyayari sa kanya. Napapadalas na rin yata ang pagka-miss na nararamdaman niya para sa lalaking ito. But when would she be able to acknowledge the truth if she remained like that?

Huminga na lang siya nang malalim at agad na tumayo matapos ianunsyo ni Guia na tapos na ang meeting na iyon. Pero nakakaisang hakbang pa lang siya ay napahinto siya nang makitang nakatayo sa harap niya si Jerricko. This time, with a wide smile on his face. Napakunot tuloy siya ng noo.

Okay, teka nga lang. Ano'ng nangyaring milagro at bigla yatang nagbago ang mood nito?

"B-bakit naman ganyan ka kung makangiti? Para kang gagawa ng kalokohan." Gusto tuloy niyang magdiwang dahil nagawa pa niyang magbiro sa kabila ng kabang naramdaman.

"Ito naman. Grabe ka. Kalokohan talaga? Hindi ba puwedeng may magandang plano para naman maging mas malapit pa tayo sa isa't-isa, lalo na't ganitong magkakaroon tayo ng joint vacation? Kaya lang, marami pala tayong kasamang asungot doon. Mukhang pahirapan ang magiging implementation n'on 'pag nagkataon," napapailing na tugon ni Jerricko at saglit na natawa kapagkuwan.

Hindi na niya napigilang mapangiti sa nasilayan. Kung ano man ang nangyari at nagkaganito ito, ipinagpapasalamat niya iyon. "Well, deal with it. At saka, bakit naman gusto mo pang maging malapit tayo? Hindi pa ba tayo malapit sa lagay na 'to? Ikaw lang naman itong parang nawawala sa sarili mo nitong mga nakaraang araw, eh. Tingnan mo, napapalayo ka pa."

"Uy! Napansin mo 'yon? Nami-miss mo ako, 'no? Aminin mo na. Wow! Akala ko, dedma pa rin ang kaguwapuhan ko sa 'yo hanggang ngayon," tudyo nito na ikinainit naman ng mga pisngi niya.

Wala sa sariling pinaypayan na lang niya iyon ng sariling kamay. Pero ang bruho, nakuha pa talagang tawanan siya nang malakas kaya naman nahampas niya ito sa braso. Napansin iyon ng mga kasamahan nilang hindi pa pala tuluyang umaalis doon. Todo-todong pang-aasar at panunudyo ang natanggap nilang dalawa mula sa mga ito. Pero wala lang sa kanya iyon.

Sa mga sandaling iyon, mas mahalaga sa kanya ang makitang muli ang ngiting iyon ni Jerricko na ilang araw din niyang na-miss na makita. Oo, inaamin na niya iyon—pero sa sarili lang niya. Ang ngiti nitong iyon ang pumapawi sa lahat ng mga alalahanin niya. Hindi man niya alam kung bakit ganoon ang nararamdaman niya, unti-unti na niyang nasisiguro ang isang bagay sa mga sandaling iyon. Iyon ay kahit hindi pa rin naglalaho sa puso niya ang isang bagay na kinatatakutan niya.

"Just smile like that, okay?" mahinang sabi niya nang sa wakas ay nagawa na nilang makaalis sa mga kasama nila.

Ilang sandali rin siyang tinitigan nito na ikinagulat niya. Pero hindi siya nag-iwas ng tingin. Kapagkuwan ay tumango ito. "I will... if that's enough to make you okay."

= = = = = =

SI YUNA ang unang nakarating sa meeting place nila ng iba pang members ng Imperial Flowers at Falcon Knights nang umagang iyon. Naroon siya sa waiting shed malapit sa entrance ng park. Kung hindi siya nagkakamali, doon sa park na iyon madalas mamasyal sina Guia at Lexus mula nang maging magkasintahan ang dalawang iyon. Nahalata na sana niya kung bakit malapit pa roon ang meeting place nila.

Pero okay lang iyon. At least it was an open space. Kapag nagkataong mag-isa lang siya sa isang lugar na medyo tago sa iba, baka nag-back out na siya kanina pa.

May sampung minuto na rin siguro siyang naghihintay nang makita niyang paparating sina Ria at Jerricko. Agad na nawala ang ngiting dapat sana ay ipapakita niya sa binata dahil sa nakita. Oo nga't alam niyang wala namang relasyon ang dalawang ito base na rin sa sinabi ni Ria sa kanya noon. Pero hindi pa rin niya maiwasang makaramdam ng konting pagkaasar sa nakita.

Unti-unti na nga talaga niyang napapansin sa mga kilos at nararamdaman niya ang isang realisasyon. At sigurado siya kung ano ang ibig ipakahulugan ng pagkairitang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. But she must not show it to them.

"Woah! Ikaw pa lang ang nandito, Yuna?" bungad ni Ria.

Tumango lang siya at nag-iwas ng tingin. Kapagkuwan ay bumuntong-hininga siya.

"Napaaga yata ang punta mo rito. The assembly time's supposed to be at nine this morning. Eight o'clock pa lang, ah. May iba ka pa bang pinuntahan?" usisa naman ni Jerricko.

"Wala naman," mahinang tugon niya. Hindi pa rin niya ito tinitingnan.

Wala nang nagsalita sa kanilang tatlo matapos niyon. Pero ramdam niya na nakatingin pa rin si Jerricko sa kanya. Kaya naman lalo siyang nagyuko ng ulo niya. Pambihira lang talaga 'tong lalaking ito. Bakit ba kasi siya kailangang titigan nito? Ilang sandali pa ay narinig niyang bumuntong-hininga ito at umupo sa tabi niya. Namalayan na lang niyang ipinatong nito sa kanya ang varsity jacket nito.

"Eight o'clock na nga ng umaga pero iba pa rin ang lamig sa lugar na 'to. Mabuti nang suot mo 'yan para hindi ka lamigin," anito at saka isinalpak ang earphones sa tainga nito bago pa man siya makapagsalita.

Nang mag-angat siya ng tingin para tingnan ang reaksyon ni Ria—na hindi niya alam kung bakit naisipan niyang gawin, lihim niyang ipinagtaka ang nakikitang ngiti sa mga labi nito. Para bang nagugustuhan nito ang nasilayan. Pero bakit?

May isang oras pa silang naghintay sa iba pa nilang kasamahan bago sila tuluyang nakumpleto. At hindi na niya namalayan na nakatulog na pala siya sa paghihintay sa mga ito. Nakita na lang niya ang sariling nakahilig sa balikat ni Jerricko na tila wala namang pakialam sa ginawa niyang iyon at patuloy lang sa pakikinig ng kung anong kanta mula sa iPhone nito.

"Okay lang ba ang naging tulog mo?" mahinang tanong ng binata sa kanya.

Isang tango lang ang naging tugon niya at ibinalik ang jacket nito. "Thanks for this." Pero umiling lang ito at hindi nito tinanggap iyon na ipinagtaka niya.

"Wear it for now. Mahirap na. Baka lamigin ka pa sa biyahe."

Sa totoo lang, parang higit pa sa sinabi nito ang totoong dahilan kung bakit nito ipinapagamit sa kanya ang jacket na iyon. Her proof for that?

Ang kakaibang tinging ibinibigay sa kanya ng Falcon Knights members at pati na rin sina Ria, Mirui, at Guia nang makita siya ng mga ito na suot ang varsity jacket ni Jerricko. Hindi tuloy niya maiwasang isipin na may malalim na ibig sabihin sa mga ito ang nakita sa kanya.

= = = = = =

MAAYOS namang nakarating ang Imperial Flowers at Falcon Knights members sa beach house na pag-aari ng pamilya ni Stacie. At gaya ng sinabi sa kanila ni Guia, ang ina ni Stacie ang sumalubong at nag-asikaso sa kanila. Hindi napigilan ni Yuna ang humanga dahil parang wala lang kay Tita Marissa ang dami nilang iyon na kailangan nitong asikasuhin.

And to think the total number of combined members of Imperial Flowers and Falcon Knights was twenty two, including Stacie. Iyon pala ay sanay na ang ginang na maraming inaasikasong mga bisita dahil gusto raw nito na maging feel at home ang mga nagiging bisita nito.

Indeed, she could feel that she was at home in that place. Pero may mga pagkakataon pa rin na tila naglalakbay sa kung saan ang kanyang isipan. Kaya naman kapag ganoon na ang sitwasyon ay tumatambay siya sa front porch ng beach house. Nakakatulong naman sa kanya ang ginagawang pagmamasid sa dagat habang nag-uumpisa nang lumubog ang araw.

Agad niyang naalala ang araw na dinala siya ni Jerricko sa burol kung saan kitang-kita nila ang Aeraven Lake at pinanood nilang dalawa ang paglubog ng araw. Seriously, that guy really made that day feel so special to her. She couldn't even believe it. What had transpired that day somehow felt surreal. Pero dahil kasama niya si Jerricko nang mga panahong iyon, napagtanto rin niya na totoo ang lahat ng nasilayan niya.

And yet she was only acknowledging that now.

"Ang hilig mo talagang mapag-isa. Hindi na ba mababago 'yan?"

Bagaman lihim na nagulat, bumuntong-hininga na lang siya at malungkot ang ngiting napatingin sa pinagmulan ng pamilyar na tinig na iyon. Nakita niyang agad na naglaho ang ngiti sa mga labi ni Jerricko nang makita siya nitong ganoon.

"What's wrong? Are you okay?" Nilapitan siya nito at umupo sa tabi niya. Concern was written all over his face.

Hindi siya umimik at muling pinagmasdan ang sunset.

"Hey..." untag nito sa kanya, dahilan upang mapatingin siya rito ulit. "Don't be like that. Pinag-aalala mo ako, eh. Ano'ng problema? Bakit ganyan ang itsura mo?"

Ilang sandali rin siyang natahimik habang tinitingnan si Jerricko. Ito yata ang unang pagkakataon na nakaya niyang tingnan ang lalaking ito nang ganoon katagal at hindi nag-iiwas ng tingin dito. Honestly, it felt so good. Lalo lang niyang nakumpirma sa sarili na isa sa mga nagustuhan niya rito bukod sa guwapo nitong mukha ay ang pag-aalala at kabaitang ipinapakita nito sa kanya. What he was showing right now was all sincere.

Natigilan siya nang ma-realize kung ano ang tumatakbo sa kanyang isipan. Nagustuhan?

Iyon ang salitang hindi kaagad nag-sink in sa kanya. She made it as a cue to face the sunset once more. Grabe, ano na ba 'tong pinag-iisip niya? Saan niya nakuha iyon? Oo nga, unti-unti na niyang nasisiguro ang dahilan kung bakit ganoon na lang siya kakomportable nitong mga nakaraang buwan sa lalaking ito. Pero iyon nga ba talaga ang dahilan?

"Hindi mo talaga ako kakausapin, 'no? Ang sakit sa pakiramdam na parang hindi ako nag-e-exist dito sa tabi mo, alam mo ba 'yon? Pero hindi ako aalis dito hanggang hindi ko nakikitang okay ka," sabi nito at talagang ipinihit pa siya paharap dito. "Kaya sabihin mo na sa akin kung ano'ng problema. Baka sakaling matulungan kita. Wait, scratch that. Tutulungan talaga kita. Just have faith in me, okay?"

Have faith... in you? Hindi siya kaagad nakapagsalita sa sinabi nitong iyon. Come to think of it, this guy never used the word "trust" whenever he wanted to let her do something with him. Naalala tuloy niya ang kanyang ama. Her father never used the word "trust", either. He would always use the word "believe" and "faith", especially when it comes to relationship.

"Bakit "faith" ang sinasabi mo? How come you never use the word "trust" kahit na iyon ang madalas na ginagamit ng iba kung gusto nilang pagkatiwalaan sila?" hindi niya napigilang itanong sa binata.

It caught Jerricko off-guard. Mukhang hindi nito inaasahan na itatanong ni Yuna iyon dito. Dahan-dahan siyang binitiwan nito at ito naman ngayon ang humarap sa sunset. "Dahil alam ko namang hindi na madali para sa 'yo ang magtiwala, eh. Minsan nang binanggit sa akin nina Mirui at Lexus ang tungkol doon."

"S-sinabi nila sa 'yo?" kinakabahang tanong niya.

Umiling ito. "No. Mirui only said that it would be hard for me to earn your trust, especially since I'm a guy. Siyempre, aaminin kong na-curious ako nang malaman ko iyon. Pero ayokong pilitin ka na sabihin sa akin ang totoo. So I just focused on becoming your friend. Na sana, isang araw, magawa mong paniwalaan at pagkatiwalaan." Matapos niyon ay hinarap siya nito at nginitian. "Is that enough for an answer?"

Dahan-dahan siyang tumango nang tumimo sa kanyang isipan ang mga sinabi nito. Kapagkuwan ay napangiti na rin siya. "Yeah. That's more than enough. Pero sana... magawa mong intindihin kung bakit hindi na ganoon kadali para sa akin na magtiwala sa isang lalaki. Exempted lang naman doon sina Kuya Lexus at Dyran dahil matagal ko na silang kilala at ni minsan ay hindi nila ako ginawan ng masama. Unlike... my ex-boyfriend na pinagkatiwalaan ko nang buong puso."

"So it's still has something to do with love, huh?"

Mapait siyang tumawa at umiling. "Hindi ko nga alam kung bakit nagawa kong ibigay sa kanya ang tiwala ko nang ganoon lang nang sabihin ko sa sarili ko na mahal ko siya. Pero sa huli, sinira lang niya iyon. Siya ang dahilan kung bakit ganito ako ngayon, takot nang magtiwala at magmahal." Hindi na niya napigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha, lalo na nang magsulputan ang mga alaalang kaakibat ng mga sinabi niyang iyon.

Great! Why does she have to break down now, especially in front of Jerricko? Ito ang huling taong ginusto niyang makita siya sa ganoong estado. Pero hindi na niya nagawang pigilan iyon. What he said and how she knew that those were the sincerest words she had ever heard from a guy other than Lexus and Dyran made her like that.

Walang naging tugon si Jerricko sa sinabi niya. Namalayan na lang niya ang sarili na nakakulong sa mahigpit na yakap nito. Siyempre pa, ikinagulat niya iyon. Pero sandali lang niyang naramdaman iyon. She didn't know what had gotten over her to just decide to bask herself into the warmth of his embrace. She could feel it—the undeniable comfort it gave to her that she never felt from anyone. Ano bang meron ang lalaking ito at dito lang niya nararamdaman iyon?

"Don't let it consume you forever, Yuna. Hindi lahat ng tao ay katulad ng lalaking iyon, kung sino man siya. Bigyan mo ang sarili mo ng pagkakataong maging malaya sa lahat ng sakit at takot na ipinaranas niya sa 'yo," kapagkuwan ay sabi ni Jerricko na hindi siya pinapakawalan. Patuloy rin lang ito sa paghaplos sa kanyang buhok.

Hindi siya umimik upang tugunan iyon. Hinayaan na lang niyang gantihan ang yakap nitong iyon at hinigpitan pa niya. Baka sakaling maiparating niya rito sa ganoong paraan na nakikinig naman siya sa sinasabi nito.

"I'll stay with you like this for now, okay? Umiyak ka lang nang umiyak kung gusto mo. Hindi kita pipigilan. I guess it's time for you to release it. Ang tagal mo nang hinayaan iyan sa puso mo."

And so she did...

No comments:

Post a Comment