Sunday, August 27, 2017

Yuna's Tulip: Believe In Me - Chapter 9

CHAPTER 9

"NAGKA-GIRLFRIEND ka na ba?" pambungad na tanong ni Yuna kay Jerricko nang maisipan ng binata na umalis muna sila sa beach house at mamasyal sa tabing-dagat nang araw na iyon. Nagpaalam naman sila kay Tita Marissa, pati na rin kina Guia at Lexus, tungkol doon at pumayad naman ang mga ito.

Gusto kasi ni Jerricko na mag-strolling habang tinatahak ang kahabaan ng tabing-dagat. At ang loko, gusto siyang isama. Mas mabuti na raw na magkuwentuhan sila na malayo sa iba pa nilang mga kasamahan. Baka maupakan pa raw nito ang mga iyon kapag nag-umpisa nang mang-asar ang mga ito. Pabor naman iyon kay Yuna. Walang nakakahalata pero kasinglala yata ng Falcon Knights kung mang-asar ang mga kasama niya sa Imperial Flowers. Hindi pa niya gustong mapagdiskitahan ng mga ito dahil doon.

Besides, she needed to do something in order to be sure of her current feelings.

Napaubo naman si Jerricko at tila gulat na tiningnan siya. "B-bakit mo naman naitanong 'yan? Pambihira, ngayon ko lang nalaman na usisera ka pala."

"Ito naman. Hindi ako usisera. Nagtataka lang ako kasi parang ang dami mong oras nitong mga nakaraang buwan para istorbohin ako. Halata naman sa ginagawa mong iyon na walang selosang girlfriend na nang-aaway sa akin. At saka itinanong ko iyon dahil curious lang ako. Huwag mo na akong kontrahin. Sagutin mo na lang," dire-diretsong sagot niya na hindi ito tinitingnan. Hanggang sa mga sandaling iyon ay ramdam pa rin niya ang matiim na titig ni Jerricko sa kanya.

Kung bakit ba naman kasi ganito makatingin sa kanya ang lalaking ito nang mga sandaling iyon. Heto ang puso niya—matindi kung makatibok nang mabilis. Kung noon, nakakaya niyang dedmahin iyon, iba na ngayon. Lalo pa't may pagninilay-nilay siyang kailangang gawin kung gusto niyang makita ang sagot na hinahanap niya.

"Alam mo, Jerricko, kung ayaw mong iwanan kita rito at hayaan ka na lang na mamasyal mag-isa, itigil mo na 'yang titig mo sa akin," aniya kapagkuwan na hindi ito tinitingnan. Please lang, sundin mo na 'tong sinasabi ko sa 'yo. Ang hirap kayang mag-focus na ganito ang nararamdaman ko, eh, reklamo pa niya sa isip.

Narinig na lang niya ang mahinang tawa ng binata. "Bakit? Naiilang ka pa? May epekto ba ang pagtitig ko sa 'yo?"

At ang lokong 'to, nakuha pang mang-asar. Kung nandito lang siguro si Mirui, baka kanina pa niya pinakiusapan ang kaibigan niyang iyon na upakan ang lalaking ito. "Wow! Nang-inis ka pa. 'Asa ka naman." Kahit na sa totoo lang, muntik na niyang masabing "oo". Hay, bakit ba ganito ang kailangan niyang pagdaanan?

Ito na ba ang patunay bilang sagot sa mga tanong na gumugulo sa kanya pagdating sa nararamdaman niya kay Jerricko?

Tinawanan na naman siya ng binata. Pero pagkatapos niyon ay nagawa naman na nitong sagutin ang naunang tanong niya rito. "No. I never had a girlfriend at all. Kahit marami ang nagsasabi na naging girlfriend ko raw si Ria, hindi naman totoo iyon. Hanggang kaibigan lang talaga ang turing ko sa kanya. Isa pa, masyado siyang abala dahil siya ang hinahasa ng tatay niya para pumalit sa posisyon ni Tito. Ako naman, nagpo-focus muna ako sa pag-aaral bago ko pagdesisyunan kung ako ba ang hahalili kay Mama sa furniture business namin o ang pinsan kong si Tristan."

Tumango-tango na lang si Yuna. Kahit papaano, satisfied naman siya sa naging sagot nito. Hindi naman pala nagkakalayo ang sinabi nito sa sinabi sa kanya ni Ria noon. "Then, bakit hindi ka pa rin nagkaka-girlfriend hanggang ngayon?"

"Ano ba 'to, question and answer portion sa pageant?"

"Hindi tinatanong ang ganito sa pageant. Sira-ulo ka talaga. Personal interview ko lang ito sa 'yo, kung iyon ang gusto mong malamang dahilan."

Si Jerricko naman ang napatango-tango. "Okay. Akala ko naman kung ano na. Wala pa sa plano ko ang magka-girlfriend. Masyado akong focused sa mga gusto kong gawin sa buhay ko ngayon, eh. Tulad ng pag-aaral at sa tennis team. Hindi pa naman ako pinoproblema ni Mama sa business namin kaya pa-chill-chill lang ako ngayon."

"Bakit? May standard ka ba sa pagpili ng magiging girlfriend mo?"

"Nakakarami ka na ng tanong sa akin, ah. Nakakahalata na ako sa 'yo."

"Bayad sa pangungulit mo sa akin. Kaya sagutin mo na lang."

Nginitian lang siya ng binata at sa gulat niya ay inakbayan pa siya nito habang patuloy sila sa paglalakad. Hindi niya alam kung bakit hinayaan lang niya ito kahit na ang puso niya, wala nang tigil sa pagkabog nang mabilis.

"Isa sa mahalaga sa akin, ako lang ang mamahalin niya. She has to be someone who can really change me in a good way. Iyon bang tatatak talaga sa puso ko ang lahat ng katangian niya," sagot ni Jerricko. "Ideally speaking, I want her as pure, simple, beautiful, and amazing all at the same time. Pero malabo ko na yatang mahanap ang ganoong klaseng babae. O kung meron man, baka hanggang pagkakaibigan lang ang kaya kong ibigay sa kanya. Parang 'yong mga kaibigan mo sa Imperial Flowers."

Lihim siyang natigilan sa isang sinabi nito. Pure? Does that mean...?

"O, okay ka lang? Bakit parang natulala ka naman yata riyan? May nasabi ba akong masama?" nag-aalalang tanong ni Jerricko.

Umiling lang siya. "May... n-naalala lang ako sa sinabi mo. Pero kahit papaano, alam ko na ang dahilan kung bakit wala ka pang nililigawan. Pero sa totoo lang, ang taas pala ng standard mo. Talagang wala ka nang makikitang ganoon ngayon. O kung meron pa ngang ganoon, baka nagpakaermitanyo na siya kaya hindi kayo nagtatagpo."

"Teka nga lang, Yuna. Kailan ka pa naging ganito kadaldal?" nangingiting tanong ng binata na tila amused na amused pa sa napansin sa kanya.

Pinamulahan naman siya ng mukha at inialis ang kamay nitong nakaakbay sa kanya. "Ewan ko sa 'yo." Nauna na siyang naglakad pabalik sa beach house. natatawa naman siyang sinundan ni Jerricko at muling inakbayan. Sabay nilang tinahak ang dalampasigan pabalik sa beach house.

Hindi siya sigurado kung bakit hindi yata maganda ang dating sa pandinig niya ang isang salitang kabilang sa naging sagot ni Jerricko sa tanong niya. Nakakainis lang. Mukhang ito na nga yata ang hinahanap niyang sagot. At parang ayaw na talaga niyang i-acknowledge iyon dahil sa naging sagot nito.

= = = = = =

NAKATUWAAN naman ng dalawang grupo na mag-karaoke habang nagba-barbeque party sa malaking hardin sa likod ng beach house. Ikaapat na gabi na nila iyon doon at kinabukasan ay maghahanda na sila sa pag-uwi nila pabalik. Kaya naman sinusulit na nila ang kanilang limang na araw na bakasyon. Na-engganyo kasing mag-stargazing sina Lexus at Guia na sinulsulan naman nina Kane at Selwyn. Kaya ang resulta, lahat sila ay kinaladkad na ng dalawang lalaking iyon para sa isang mag-barbecue party.

Pero gaya ng dati, nakaupo lang sa isang tabi si Yuna habang pinapanood ang mga kasamahan niya na nagkakasiyahan. Kuntento na siya sa ganoon. Ang totoo niyan, hanggang sa mga sandaling iyon ay naiisip pa rin niya ang naging pag-uusap nila ni Jerricko sa dalampasigan. At sa ginagawa niyang iyon, lubusan na niyang naintindihan kung bakit naapektuhan siya sa sinabi nito sa kanya tungkol sa ideal girlfriend nito.

Bumuntong-hininga na lang siya nang malalim. Ano ba naman 'tong pinag-iisip niya? Dati naman siyang walang pakialam sa mga ganoong bagay. Bakit ngayon, parang tinakasan siya ng lakas na gumawa ng kahit ano dahil lang sa nalaman niya? Kung bakit pa kasi niya naisipang itanong kung ano ang ideal girlfriend ng lalaking iyon.

Heto tuloy siya...

"Yuna, mamaya ka na magmukmok diyan. Samahan mo na kami rito, o!" tawag ni Aria sa kanya at saka siya nilapitan.

Umiling siya. "Hindi na. Dito na lang muna ako."

"Ay, hindi puwede! Uubusan ka na nina Selwyn at Errol ng barbecue, o," sabi naman ni Yuri at hinila na siya papunta sa mesa kung saan nagsasalo-salo ang mga kaibigan niya.

Mukhang tama nga ang sinabi ni Yuri. Wagas lang kung makakain sina Selwyn at Errol ng barbecue. Parang mauubusan. Hindi na niya napigilang matawa sa nakita. "Ano 'to? Hindi na ba kayo pakakainin sa susunod na buhay n'yo kung makalantak kayong dalawa ng barbecue?"

"Gutom lang kami, Yuna. At saka masarap, eh," sagot ni Errol habang ngumunguya ng kinagat nitong barbecue.

"Grabe talaga! Ang sarap magtimpla ng barbecue ni Mirui. Sa susunod, dadalaw kami sa inyo para makikain, ha?" dagdag naman ni Selwyn na sinundan ng tawa ng iba.

"O, sino'ng susunod na kakanta? Samantalahin n'yo na ang umatungal ngayon dahil paniguradong bukas na bukas, babagyo nang malakas," biro ni Clifford at patuloy lang sa pagtugtog ng gitarang hawak nito.

Nagturuan pa ang iba kung sino ang susunod. Siya naman ay nanonood lang sa kalokohan ng mga ito. Kahit ganoon ang ginagawa niya, hindi niya akalaing mag-e-enjoy siya. She could truly see the other side of the serious people behind Imperial Flowers and Falcon Knights because of this short vacation. Just as how she had seen another side of herself because of Jerricko.

"Ako na lang. Tutal, may gusto akong kantahin ngayon, eh," anunsyo ni Jerricko at tumayo na upang lumapit sa karaoke machine. Sinundan naman iyon ng kantyaw mula sa mga kasamahan nito.

Sinundan lang niya ito ng tingin hanggang marating nito iyon at pumindot ng mga numero. Hindi niya nakita kung ano ang title ng kanta. Pero nang pumailanlang ang intro ng kanta, agad na niyang nalaman kung ano ba ang kakantahin nito. Kaya lang, bakit kaya iyon ang napili nito?

"Bawat umagang dumarating, pag-ibig mo'y hihintayin... Bawat gabi'y panalangin, puso ko'y iyong dinggin... Bawat kislap ng mga bituin at bawat ihip ng hangin, pangarap ko ay ikaw ang kapiling..."

Nang mga sandaling iyon, napaisip siya kung para kanino ba nito idini-dedicate ang kantang iyon. Hindi niya maiwasang makaramdam ng inggit para sa taong iyon. Of course, a part of her was hoping that the song was actually meant for... her. Pero parang ang weird naman yata para hilingin pa niya iyon.

She wasn't the girl meant for Jerricko. Iyon ang isang bagay na sigurado siya. She would never be his ideal girl whatever she does. Masakit man ang katotohanang iyon para sa kanya, kailangan na lang niyang tanggapin iyon.

"Walang ibang mas mamahalin... Bulong ng puso, sana'y mapansin... Walang iba na akong hiling kundi sana, sana, sana ako'y dinggin..."

Hiling lang ni Yuna na mapansin na ng babaeng pinapatungkulan ni Jerricko sa kantang iyon ang kung anumang damdamin meron ang binata para sa taong iyon. It was her wish for the guy who she now acknowledged as someone who made her capable of loving again.

Kaya lang, hindi iyon alam ng binata. Hindi na nito malalaman iyon. Walang nakakaalam na mahal na niya si Jerricko.

= = = = = =

"IKAW pa talaga ang nagbuhat nitong mga gamit ko. Hindi mo naman kailangang gawin iyan, eh," sabi ni Yuna nang sa wakas ay makarating na sila ni Jerricko sa harap ng bahay niya. Ito kasi ang nag-insist na buhatin ang dala niyang duffel bag na pinaglagyan ng kanyang mga gamit sa bakasyon nila. Iyon ay kahit may dala rin itong sariling travel bag.

Tapos na ang bakasyon ng dalawang grupo. Nagpahatid lang siya hanggang sa bus stop malapit sa tinitirhan niya. Pero hindi niya inakalang sasamahan pa siya ni Jerricko hanggang sa makarating sa bahay niya. Hindi na siya tumanggi dahil gusto pa naman niyang makasama ito kahit sandali lang bago matapos ang araw na iyon.

"Ito naman. Hayaan mo na lang ako sa ginagawa ko. Masaya ako sa ginagawa kong ito para sa 'yo. Okay?" nakangiting sabi ni Jerricko at saka iniabot na sa kanya ang duffel bag.

Kinuha niya iyon mula rito. Halos gusto na niyang bawiin agad ang kamay niya mula rito nang maglapat ang kanilang mga palad dahil sa sensasyong mabilis na dumaloy sa kanya. Mukhang sinadya pa nitong hawakan ang kamay niya habang iniaabot sa kanya ang bag.

"I really had a great time, Yuna. Lalo na nang makasama kita sa dalampasigan nang araw na iyon," kapagkuwan ay matapat na sabi nito na nagpabilis sa tibok ng puso niya.

Paano ba naman kasi hindi bibilis ang tibok ng puso niya, eh nakatitig pa ito sa kanya habang sinasabi iyon. Doon niya nakita na totoo ang sinasabi nito. Halata kasi iyon sa mga mata ng binata.

"Same here, Jerricko. Thank you," she replied sincerely and finally took the bag from his hold. Noon lang siya nakahinga nang maluwag.

Pero hindi nagtagal ay nagulat siya sa sumunod na ginawa ni Jerricko. Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at dahan-dahang hinila palapit dito. Namalayan na lang niya ang sarili na mahigpit na niyayakap nito. Hindi siya makakilos. Hindi niya alam kung ano ang tamang reaksyon maliban sa pagkagulat. May nakaharang pang duffel bag sa pagitan nila. Pero tila hindi alintana iyon ni Jerricko.

He was just there, hugging her tight as if he was afraid to let her go and lose her. Oo nga at minsan na siyang niyakap nito. Pero iba sa pakiramdam niya ang yakap na iyon ng binata nang mga sandaling iyon. Hindi nga lang niya matukoy kung ano ang kakaiba.

Sa kabila ng gulat na naramdaman, hindi maikakaila na kinumpirma na nga talaga ng ginawa nitong iyon ang damdamin niya para rito. She, too, could feel that she didn't want to let him go. She couldn't afford to lose him. Pero alam niyang hindi puwede. Hindi siya puwede para kay Jerricko kahit na ano'ng gawin niya.

"Magkikita pa naman tayo pagkatapos nito, 'di ba?" mahinang tanong ni Jerricko na kababakasan pa ang tinig nito ng pakiusap at kadesperaduhan.

Huminga muna si Yuna nang malalim bago sumagot. "Ito naman. Para naman akong mawawala kung makapagsalita ka riyan, ah."

He chuckled as his embraced tightened ever slightly. But it was okay for her. In fact, she loved the warm feeling of being enveloped in his strong arms. It gave her a feeling of security that she hadn't felt for a long time.

"Mabuti na 'yong nakakasiguro. In case you're not aware, you're one tough act to follow. But that doesn't mean I'll stop."

Hindi na siya nakaimik pa matapos niyon. Hinayaan na lang niya ang sarili na namnamin ang kaiga-igayang pakiramdam habang nakapaloob sa mahigpit na yakap ni Jerricko. At least, even though there would surely come a time for them to separate, she had something definitely worth remembering by.

No comments:

Post a Comment