AGAD na lumabas ng silid sina Angela at Elizza.
Papunta pa lang sila sa hagdan ay may lumabas na dalawang lalaki sa silid ni Nathan.
Bago nakapagpaputok ang mga ito ay agad na silang pinatamaan ni Angela. Parehong duguang bumagsak ang mga ito.
"Eliz, magtago ka na lang muna sa hidden place mo sa kuwarto at huwag na huwag kang lalabas doon hanggang wala sa sinuman sa amin ang magbigay ng hudyat sa 'yo. Hindi pa kita puwedeng hayaang gumamit ng baril, lalo na't alam kong takot kang gumamit n'on."
Makikita man ang pag-aalangan sa mga mata ng dalaga ay tumango ito. "Okay." Iyon lang at agad na tinungo nito ang daan patungo sa silid na binanggit.
Siya naman ay dineretso ang pasilyong patungo sa hagdan. At nang makarating siya roon, nakita niya ang mga lalaki na nakikipagpalitan ng putok sa kanilang kalaban.
Pilit niyang inaalala kung sino ang isa sa mga taong nakikipagbarilan sa mga kapatid at kababata.
At bago pa man niya tuluyang maalala ang lahat, nakita niya ang pagdaplis ng bala sa balikat ni Alexis na ikinabahala niya nang husto.
"Alex!" hindi niya napigilang sigaw.
Ang lahat ay napatingin sa pinanggalingan ng tinig na iyon. At nakita niya ang pagkagulat ng mga ito nang makita siyang nakatutok na ang baril sa isa sa mga kalaban.
"Angela?" hindi makapaniwalang bulalas ni Alexis.
"Aba! Bumalik na pala sa dati ang naging dahilan ng pagkawasak ng buhay naming mag-ama," nakangising wika ng lalaking pilit niyang inaalala kung sino na sa mga sandaling iyon ay nakatutok ang baril sa isang partikular na tao.
Hindi siya nagkakamali. Kay Alexis nakatutok ang baril nito.
"Ano ba talaga ang gusto mong mangyari, ha, Ricardo Mariano?" kalmado pang tanong ni Angela sa lalaking sa wakas ay naalala na niya kung sino. Ito ang anak ng taong pumatay sa magkaibigang Isabella Cervantes at Criselda dela Vega-si Fidel Mariano.
"Simple lang. Gusto kong makuha ang diary para sa Daddy ko. Gusto kong matupad ang lahat ng kahilingan niya. At isa na roon ay ang tapusin ang mga taong nagbibigay sa kanya ng pasakit."
"Patay na ang taong tinutukoy mo, Ricky. Pinatay na niya ito sampung taon na ang nakalilipas."
"Pero hindi pa rin sapat iyon sa kanya!" galit na ang tinig nito. "Hanggang nabubuhay pa ang mga alaalang iniwan ng taong iyon, hindi matatahimik ang Daddy ko."
"Wala ka pa ring mapapala kahit mapatay mo pa kaming lahat ngayon."
"Ano'ng ibig mong sabihin?" matalim ang tinging tanong ni Ricky kay Angela.
"Dahil wala naman sa posesyon namin ang diary na tinutukoy mo, eh."
"Ano? At nasaan iyon?"
Sa halip na sagutin niya ang tanong nito ay pinaputukan na lamang niya ang isa sa mga tauhan ni Ricky mula sa kanyang kinatatayuan na nagtangkang barilin si Joel mula sa likod.
Lalo lang ikinainit iyon ng ulo ni Ricky.
"Mga walang-hiya kayo! Pagbabayaran ninyong lahat ang pagwasak ninyo sa buhay naming mag-ama!"
"Matagal nang wasak ang buhay ninyong mag-ama, Ricky. Magmula nang patayin ni Fidel Mariano ang iyong ina."
"Tumahimik ka!" galit nang sigaw nito at pinaputok ang baril na hawak nito sa bandang sikmura ni Alexis.
Nagulat siya nang makita iyon, lalo na ang pagbagsak nito sa sahig at agad na dinaluhan ng mga kapatid niyang lalaki.
Napahigpit ang hawak ni Angela sa kanyang baril habang nakatayo sa taas ng hagdanan at pinagmamasdan ang pagtitiis ni Alexis sa kirot sa sugat nito.
"Pagbabayaran mo ang ginawa mong pagdamay kay Alex sa galit ninyong mag-ama sa mga magulang namin!"
At bago pa makagawa ng anumang kilos si Ricky o kahit na sino roon, agad na itong pinaputukan ng baril ni Angela. Ilang malalakas na putok ng baril ang umalingawngaw sa ancestral house.
Duguang bumagsak ang katawan ni Ricky, nakadilat pa ang mga mata nito.
'Di nagtagal ay isang may edad na lalaki ang nakita niyang lumapit sa duguang katawan ni Ricky.
"Sir Ricky..."
"M-Mang Ambo?" hindi makapaniwalang bulalas ni Joel.
Napatda naman ang matanda nang makita nito si Joel.
"S-Sir Joel..."
"Isa ka pa!" galit na sambit ni Angela nang makababa na siya ng hagdan.
"M-Ma'am Angela!" Lalong nagulat ang matanda nang makita ang galit na nakasungaw sa mga mata niya.
"Hindi ko inakala na nag-alaga pala kami ng traydor dito."
"M-Ma'am, nagkakamali po kayo."
"At siguradong ikaw ang nagpapasok sa mga kumag na ito para patayin ako nang tuluyan."
"H-hindi po..." patuloy na tanggi ng matanda.
"Huwag kang mag-alala. Wala naman akong planong patayin ka. Sayang lang ang bala ko kapag ginawa ko iyon."
Ilang sandali pa ay pumasok na ang mga pulis na kinontak nila.
Habang hinuhuli ng mga pulis ang mga lalaking nanloob sa ancestral house, agad na dinaluhan ni Angela si Alexis na patuloy pa ring nagtitiis sa nararamdamang kirot sa sugat nito.
Kinalong ng dalaga ang ulo nito at umiiyak na niyakap ang binata.
"Alex, I'm so sorry. Nadamay ka pa rito."
"I-it's okay," hirap nang wika ni Alexis habang dahan-dahang iniangat ang duguang kamay at hinaplos ang pisngi niya. "I-I'm glad you're back, Angela."
Umiiyak pa ring inilayo ni Angela ang kanyang sarili rito at hinaplos ang mukha ng binatang kaytagal niyang hinintay na muling magbalik sa kanyang buhay.
"You're right... I'm back."
Kapagkuwa'y binalingan niya si Joel na katabi lang niya.
"Kuya, dalhin na natin siya sa ospital. Please. Naroon pa ba si Fate?"
"Yeah, nandoon pa rin siya. And don't worry, darating na ang ambulansyang tinawagan ni Nathan."
"Thanks, Kuya." Kahit papaano ay nakahinga nang maluwag si Angela.
Kapagkuwa'y muli niyang niyakap si Alexis habang nakapikit ito.
xxxxxx
PATAKBONG isinusugod ng mga doktor si Alexis patungo sa OR. Kasunod nito ay sina Joel, Elizza, Cheska, Joaquin, at Angela.
Nanatili sa ancestral house sina Nathan, Elena at Kevin upang makapagbigay ng pahayag sa mga pulis tungkol sa nangyaring pagsugod ng mga tauhan ni Nicky.
Isa pa ay kailangang bantayan ng mga ito ang dalawang don upang hindi mapahamak.
Sinalubong sila ni Fate sa waiting area bago pumasok sa loob ng OR.
"Ano'ng nangyari kay Kuya? Bakit siya nabaril sa tiyan? Sino ang may gawa n'on sa kanya?" sunod-sunod na tanong ng dalagang doktor.
"Fate, mamaya na lang namin ipaliliwanag sa 'yo ang mga pangyayari," wika ni Joel.
"Please, Fate, iligtas mo ang kuya mo. Do it for me. I can't afford to lose him again," umiiyak na pakiusap ni Angela.
Hinawakan nito ang kamay ni Angela.
"Don't worry. Gagawin ko ang lahat para mailigtas lang siya."
Paalis na sana ito upang magpunta sa operating room nang makasalubong nito ang isa sa mga resident na humahangos.
"Dr. Ortega, may problema ba?"
"Dra. Cervantes, marami pong dugo ang nawala sa pasyente at kailangang masalinan kaagad. Naubos naman po ang supply ng dugong kailangan niya."
Napatingin si Fate sa dalawang kapatid na naroon.
Nagkatinginan sina Joaquin at Cheska.
Ang binata ang nag-volunteer na magbigay ng dugo para sa kapatid.
At ilang sandali pa ang nakalipas, sinimulan na ni Fate ang pag-oopera kay Alexis.
Habang si Angela na nakaupo sa waiting area ay lihim na nagdarasal para sa kaligtasan ni Alexis... ng lalaking matagal na niyang minamahal...
'Lord, pakiusap po. Huwag N'yo pong hahayaan na mawala si Alexis sa buhay ko. Sapat na ang sakit na naranasan ko nang mawalan ako ng ina walong taon na ang nakararaan. Sapat na rin ang lungkot na nadama ko nang malaman kong umalis si Alexis patungong Canada sampung taon na ang nakalilipas. Hindi ko na po gustong magdusa pa. Pakiusap, hayaan N'yong iparamdam ang pag-ibig ko sa kanya na matagal nang nagkukubli sa puso ko...'
xxxxxx
SUCCESSFUL ang naging operasyon kay Alexis at ngayon ay naka-confine na ito sa isang private room sa fourth floor na nasa west wing ng Rose General Hospital na matatagpuan sa lungsod.
Nang matapos ang operasyon ay pinauwi muna si Angela upang makapagpahinga ito at nang makita na rin ang amang si Don Carlos.
At ngayon, kagagaling lang niya sa bahay. Subalit hindi pa rin nagigising ang binata.
Napapansin niyang tila iniinda pa rin nito ang kirot ng sugat na iyon. At sa tuwing maaalala niya ang ginawang pagbaril ni Ricky kay Alexis ay hindi niya maiwasang sisihin ang kanyang sarili sa nangyari rito.
Wala itong alam tungkol sa nasaksihan niya.
At least, sa ngayon ay wala pa.
Sinabi na niya sa lahat ang tungkol sa nakita noong gabing maaksidente siya at hindi naiwasang mahindik ang lahat sa nalaman.
At ngayon, tanging si Alexis na lang ang hindi nakakaalam niyon.
Patuloy pa ring pinagmamasdan ni Angela si Alexis at hindi niya maiwasang mapaiyak sa ginagawang pag-iinda nito sa kirot ng sugat nito kahit na wala pa itong malay.
At dahil sa nararamdamang awa para rito, natagpuan niya ang sariling ginagap ang palad ng binata at marahang pinisil iyon.
Baka sa ganoong paraan ay maibsan ang nararamdamang kirot ng binata.
'I'm really sorry, Alex. Hindi ko gustong madamay ka sa gulong ito. Lalo namang hindi ko ginustong mapahamak ka sa kamay ng Fidel Mariano na iyon. Dahil-' Natigilan sa pag-iisip si Angela nang maramdaman niya ang pagpisil ni Alexis sa palad niya.
Hanggang sa makita niyang unti-unting nagmumulat ng mga mata ang binata.
"Alex..."
Dumilat ang mga mata ni Alexis at hinagilap ng tingin ang taong tumawag sa pangalan nito. At nang makita ang hinahanap ay napangiti ito habang hawak pa rin ang kamay niya.
"Hi..." bati ng binata sa kanya.
Napabuntong-hininga si Angela at hinaplos ang buhok nito. "Kumusta ka na? Masakit pa ba ang sugat mo?" masuyong tanong niya habang patuloy ang paghaplos sa buhok ni Alexis.
"Medyo masakit pa. Pero kaya ko naman. Isa pa, nandito ka naman na, eh."
"Ano naman ang koneksyon ko riyan sa sugat mo?"
"Kapag nakikita ko kasi ang mukha mo, nawawala ang sakit na nararamdaman ko. Kaya naman hindi na ako nahihirapan pa."
"Hmp! Kahit na kailan talaga, bolero ka."
"Siguro... sa ibang babae, bolero ako. Pero kapag sa 'yo, hindi ko yata kayang gawin iyon."
"Talaga lang, ha?" nakangiting tanong ni Alexis.
"Oo naman. Bakit, hindi ka ba naniniwala?"
Hindi kumibo si Angela. Tinitigan lang niya ang binata.
"Angela..."
"I don't know kung gusto kong paniwalaan iyon."
"It only means na hindi ka talaga naniniwala sa akin, hindi ba?" nagtatampong wika ni Alexis.
At lihim na nataranta ang dalaga nang mahimigan iyon sa tinig nito.
"Paano naman kasi ako maniniwala? Eh hindi mo nga napatunayan sa akin 'yang sinasabi mo?"
"Ano bang patunay ang gusto mong gawin ko para lang maniwala ka?"
Saglit na napaisip si Angela. "Bago ko sagutin ang tanong mo, sagutin mo muna ang itatanong ko sa 'yo."
"Ano 'yon?"
"Bakit mo ako niyakap noon sa kasukalan?"
Hindi nakasagot si Alexis.
"O, bakit hindi mo na ako sinagot? May mali ba sa tanong ko?"
Umiling ito, saka napabuntong-hininga. "Gusto mo ba talagang malaman ang totoong dahilan kung bakit ko ginawa iyon?"
"Siyempre naman, 'no?"
"Okay." Humigpit ang hawak nito sa kamay niya. Saka matiim na tinitigan ang mukha niya. "Ang totoo niyan, nasa high school pa lang tayo, na-realized ko na sa sarili ko na... mahal na kita."
"A-ano?" Sabihin pa ay nagulat siya sa nalaman.
"I know, hindi ka naniniwala sa akin," wika nito sabay iwas ng tingin. "Pero sa maniwala ka't sa hindi, iyon ang totoo. Ang akala ko nga noon, pagtinging-kapatid lang ang kaya kong iukol sa iyo. And then I realized na nagkamali lang ako ng inakala. Dahil sa paglipas ng panahon, lalo akong nai-in love sa iyo at kahit na anong pigil ang gawin ko, hindi ko magawa."
Walang masabi si Angela sa narinig niya.
Paano naman kasi siya magsasalita? Eh hindi naman niya akalaing sasabihin nito ang nararamdaman sa kanya sa ganoong sitwasyon.
"Iyon ang totoong dahilan kaya kita niyakap noon. Gusto kong iparamdam sa 'yo na mahal kita kahit na alam kong ang tingin mo lang sa akin ay pangalawang kuya mo, bukod kay Joel. Kaya hindi mo alam kung paano ako nagdusa nang inakala kong namatay ka sa plane crash."
"Sino ba'ng may sabi sa 'yo na kuya lang ang tingin ko sa 'yo?"
"Ha? H-hindi ba, iyon naman talaga ang tingin mo sa akin mula pa noon?"
"Sigurado ka ba?"
"A-ano ba talaga ang gusto mong ipunto sa sinasabi mo?"
"Manhid ka talaga, alam mo 'yon? Hindi ba halata na mahal na rin kita, noon pa?"
"H-ha? K-kailan pa?" Nagulat man ay kinabakasan ng tuwa ang mukha ni Alexis.
"Ever since I learned how to fall in love. Na-realized ko lang iyon noong araw na tinawag kita sa pangalan mo for the first time na hindi kinakabitan ng salitang 'kuya'."
"Talaga? Hindi ka nagbibiro?" naninigurong tanong nito.
"O, ngayon naman, ikaw na ang hindi naniniwala sa akin. Sa maniwala ka't sa hindi, iyon ang totoo. At kaya kong patunayan iyon."
"Sige nga. Paano?"
Dahan-dahang dumukwang si Angela at bago pa makapag-react si Alexis ay banayad nang dumampi ang mga labi niya sa mga labi nito.
Saglit lang na natigilan si Alexis. Kapagkuwa'y tinugon na nito ang halik niya. Naghiwalay lang ang mga labi nila nang pareho na silang kapusin ng hininga.
Wala mang salitang namamagitan sa kanilang dalawa ay bakas naman ang kakaibang kislap sa mga mata nila ㅡ ito ay ang kislap ng kaligayahang noon lang nila naramdaman magmula nang maganap ang isang trahedya sa pamilya nila.
"Ano? Naniniwala ka na sa sinasabi ko?" untag ni Angela sa kanya.
"Oo na, naniniwala na. Pero mas paniniwalaan kita kung hahalikan mo uli ako."
"Bakit ako ang hahalik? Hindi ba dapat ay ikaw naman?"
Napailing na lang ang binata. "Sige na nga."
Unti-unting bumangon ang binata at muling hinalikan si Angela, with all his heart.
Hindi man nila natapos ang misyong nakaatang sa mga pamilya nila, natapos naman nila ang pangungulilang ilang taon nilang dinanas para sa isa't-isa. At alam nila, ito ang simula ng kanilang magiging kasaysayan...
FLORENCE JOYCE
-THE END-
xxxxxx
COMING NEXT:
Ano ang gagawin ni Elena kapag nalaman niyang nag-e-exist pala sa tunay na buhay ang lalaking humihingi ng tulong sa kanya sa panaginip? Sino nga ba ang lalaking ito at ano ang magiging koneksyon nito sa dalawang angkan?
Witness her love story on the CHRONICLES OF THE ROSES # 2: Elena dela Vega (My Destiny From A Dream).
No comments:
Post a Comment