NAPAHINGA nang malalim si Lianne nang sa wakas ay matapos na niyang asikasuhin ang mga naipong trabaho noong nagbakasyon siya. Hindi naman ganoon karami iyon kung ikukumpara sa nakasanayan na niya. Pero pakiramdam pa rin niya ay pagod na pagod siya dahil doon. May isang linggo na rin pala ang lumipas mula nang umalis siya sa Casimera. Subalit hindi pa rin nawawaglit sa kanyang isipan ang mga naganap sa pagitan nila ni Aeros
It was just for four days. Hindi pa nga lahat ng pagkakataon na magkasama sila ng binata ay masasabi niyang matino. O baka siya lang ang nag-iisip nang ganoon.
Tumayo siya mula sa pagkakasubsob niya sa office table na gamit niya sa study room ng mansyon malapit sa kanyang silid. Dumiretso siya sa isang glass door at binuksan iyon. Plano niyang magpahangin muna sa malaking veranda ng silid na iyon at nang sa gayon ay maipahinga na rin niya ang kanyang isipan.
"Okay ka lang, Lianne?"
Agad siyang napatingin sa kaliwa niya at mula sa kinatatayuan ay nakita niya si Mikoto na nakaupo sa bintana ng silid na gamit nito. Tumango siya matapos bumuntong-hininga at saka siya naupo sa balustrada ng veranda. "Pagod lang siguro ako."
"Dalhin mo ba naman hanggang dito sa mansyon ang mga trabaho mo."
"Hindi ko puwedeng ipagpaliban iyon, 'no? Bukod sa magagalit sa akin si Kuya, hindi ako mapakali kapag may nakatambak pa akong mga trabaho. Kung bakit ba naman kasi nagkaproblema pa tayo nang ganito ngayong malapit na ang birthday ni Kuya." Napasimangot siya bago ibaling ang atensyon niya sa paligid ng mansyon.
Sa Baguio nakalagak ang mansyon na iyon na nagsisilbi ring base of operations ng third branch ng Monceda clan kung saan siya kabilang. Kaya hindi na nakakapagtaka kung bakit naroon din si Mikoto. Marahil ay ipinatawag ito ni Riel doon upang tapusin ang nakatakda nitong gawin. Ang totoo, ayaw ni Riel na isama siya roon nang malaman niya mula kay Jian ang problemang kinakaharap ng buong Monceda clan. Pero nagmatigas siya. Hindi niya puwedeng hayaan lang ang kapatid na harapin iyon nang mag-isa.
Isa iyon sa dahilan kung bakit hindi niya in-elaborate kay Aeros ang problema ni Riel. Delikado ang problemang kinakaharap ng kanilang angkan. At hindi niya gustong madamay ang binata at matulad ang kapalaran nito kay Henry kapag hindi sila nag-ingat at hindi niya ito nagawang protektahan.
"Sigurado ka bang ang problema natin ang dahilan ng ipinagkakaganyan mo o ibang tao?" nananantiya at nanunudyo na ring usisa ni Mikoto na pumutol sa pagmumuni-muni niya.
Kunot-noong hinarap niya ito. "Umiral na naman ang pagiging tsismoso mo, alam mo ba 'yon?"
"That's what you call information gathering. So?"
"Anong 'so'?"
"Totoo ang sinabi ko, 'no?"
Ilang sandali rin siyang hindi nakapagsalita. Gusto niyang itanggi ang sinabi ni Mikoto pero wala naman siyang maisip sabihin. "Paano kung sabihin kong pareho?"
"I don't get it." Si Mikoto naman ngayon ang nagkunot ng noo.
Huminga muna nang malalim si Lianne bago sumagot. "Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko para sa kanya. Aaminin ko, sa umpisa pa lang, nakuha niya ang interes ko kahit na hindi ko alam ang pangalan niya sa loob ng walong buwan. And after eight months—going nine, nagkaroon na ako ng pagkakataong makilala siya kahit papaano at maging kaibigan. Pero hindi ko naman akalain na ang pagkakataong iyon ang tuluyang bubulabog nang ganito sa puso ko."
"Alam ba niya ang tungkol dito?"
"Sinong 'niya'?"
"'Yong taong tinutukoy mo."
Umiling siya. "Kahit kay Kuya, hindi ko pa sinasabi ito. Hindi ko naman kasi siya makausap. At 'ayan pa. May problema pang ganyan na dumating sa 'tin. If I allowed Aeros even more to come closer to my heart and actually change my feelings like that in a short time, I don't know if I'd be able to handle another loss. Ayokong isipin pero kung ganyan na buong angkan na natin ang tinatakot, hindi malabong humarap na naman tayo sa isang labang walang kasiguraduhan kung babalik pa tayo ng buhay," puno ng pag-aalalang paliwanag niya at muling inilibot ang tingin sa paligid ng mansyon.
Mula nang sabihin ni Jian sa kanya ang tungkol sa problema nila, nilukob siya ng 'di maipaliwanag na takot para sa kapakanan ng kapatid niya. Higit sa lahat, inaalala niya sina Renz at Aeros. Parehong konektado sa kanilang magkapatid ang dalawang binata. Hindi niya mapigilang isipin na baka madamay ang mga ito sa gulong kinasasangkutan nila.
"Then do what you can to protect him. Kahit sabihin mo pa na hindi ka sigurado sa nararamdaman mo para sa kanya, alam mo na nariyan lang sa puso mo ang kagustuhan mong huwag maulit ang nangyari kay Henry sa lalaking susunod mong mamahalin. Masakit mawalan ng taong minamahal. Alam ng angkan natin kung gaano kasakit. Kaya tayo lumalaban ngayon nang husto dahil gusto nating pigilan ang trahedyang nagpahirap sa atin noon," seryosong saad naman ni Mikoto na nagpaisip sa kanya.
Ang kailangan niyang gawin ay lumaban para hindi na maulit pa ang nakaraan. Hindi ba't iyon ang ipinangako niya kay Henry at sa pamilya nito noon?
= = = = = =
DALAWANG linggo pa ang lumipas pero walang balita si Lianne kay Aeros. Naalala niya na hindi nga pala niya nagawang kunin mula rito ang cellphone number nito noong nasa Casimera pa lang sila. Wala naman kasi sa isip niya iyon. Isa pa, hindi siya ang tipo ng taong nagbibigay ng cellphone number niya sa kung sino.
The way you said that, it's like Aeros is still a stranger to you, ani isang bahagi ng kanyang isipan. Ganoon pa nga ba ang tingin niya rito hanggang ngayon? Kahit kailan talaga, ang labo ng takbo ng utak niya.
Pero sa ngayon, mas mabuting ituon muna niya ang kanyang atensyon sa ibang bagay. Laking pasalamat niya nang makapagplano pa sila sa third branch ng birthday party para kay Riel. Oo nga at hindi pa tapos ang problemang kailangan nilang resolbahan lahat. Pero hindi nangangahulugan iyon na kakalimutan na nila ang isa sa pinakaimportanteng okasyon sa kanila. Isa pa, kinumpirma naman nina Jian at Mikoto na hindi pa ganoon kalaki ang panganib na posibleng kaakibat ng problema nilang iyon. For a short while, they would resume living their normal, ordinary lives as others knew it.
Tatlong araw pa ang lumipas at ginanap sa mansyon ang birthday party ni Riel na dinaluhan ng halos lahat ng mga malalapit na kaibigan ng kanilang pamilya. Siyempre pa, imbitado si Renz at ang mga kaibigan nito na nagmamay-ari sa Casimeran Castle Hotel. Oo nga at masaya siya na muling makita ang kaibigan. Pero may isang tao pa siya na gustung-gusto na niyang makita. Ang sabi ni Riel sa kanya, inimbitahan nito si Aeros gaya ng dati. Pero hindi daw sigurado kung makakadalo ito dahil abala sa pag-aasikaso sa problemang kinakaharap naman ng ilan sa mga kompanyang hawak nito.
"Ang saya ng birthday ng kuya mo, pero ang mukha mo, para kang namatayan."
Lihim siyang napapitlag nang marinig ang pamilyar na tinig ng nagsalitang iyon. Nang dahan-dahan siyang lumingon, hindi na niya napigilan ang pagrigodon ng kanyang dibdib dahil sa pagtambad ng guwapong mukha ni Aeros na ilang linggo na niyang kinasabikan na makita. Kung umaapaw na ang charisma nito kahit simple lang ang suot nitong damit, lalo namang nadagdagan iyon ngayong nakasuot ito ng amerikana. Muli siyang lihim na napapitlag nang makita niya itong ngumiti.
Grabe lang. Paano pa kaya niya pakakalmahin ang kanyang puso kapag ganito nang ganito ang sasalubong sa kanya?
"Ngayon naman, para kang nakakita ng multo. Ayaw mo pa yata akong makita, eh," pagpapatuloy ni Aeros sa tonong nagbibiro na hindi inaalis ang tingin sa kanya.
Lianne could see admiration in his eyes as he remained staring at her. Hindi nagtagal ay tuluyan na ring rumehistro sa kanyang isipan ang mga sinabi nito. "Huwag ka nang magtaka kung bakit. Wala nga akong balita tungkol sa 'yo sa loob ng mahigit tatlong linggo, eh. Ano ba'ng nangyari sa 'yo?"
Nagkibit-balikat ang binata at saka tumabi sa kanya sa sofa roon sa sala kung saan siya nakaupo nang mga sandaling iyon at paminsan-minsang tumutulong kay Riel sa pag-eestima ng mga bisita nila.
"Gaya ng nangyari sa 'yo. Problema rin ang sumalubong sa akin pagkatapos ng bakasyon ko sa Casimera. Work-related naman since involved ang tatlo sa sampung kompanyang pinamamahalaan ko. I can't believe I have to deal with embezzlers in my own company. But I'd rather not talk about it. Laking pasalamat ko na lang at nagawa ko pang ayusin iyon. Kahit gustung-gusto ko nang tawagan ka para kumustahin man lang, hindi ko naman magawa dahil binalaan ako ni Riel tungkol sa problema ninyo rito," paliwanag ni Aeros.
Si Riel? "A-ano'ng sinabi sa 'yo ni Kuya tungkol sa problema namin?" 'Di maipaliwanag na takot ang lumukob sa kanya nang mga sandaling iyon dahil sa nalaman niya.
"Hindi na niya in-elaborate sa akin. Basta ang malinaw na sinabi niya sa akin, nasa delikadong sitwasyon kayo. Kung alam mo lang kung paano ako pinag-alala nang husto sa sinabi niyang iyon. Halos hindi ko na mai-concentrate nang maayos ang utak ko sa mga trabahong dapat na inaasikaso ko dahil sa pag-aalala ko sa inyong magkapatid."
Na-touch siya sa sinabi ni Aeros, lalo na nang mabakas niya sa tinig nito ang pag-aalala. Pero hindi pa rin sapat iyon upang maibsan ang takot na nararamdaman niya. So Riel had already taken a preventive measure to protect Aeros. Sana ay ganoon din ang ginawa nito kay Renz.
Hanggang sa may naalala siya sa mga sinabi nito. Marahas na hinarap niya ang binata at nakita niya na ikinabigla nito iyon pero sandali lang. "Ang ibig sabihin ba n'on, alam mo kung ano ang cellphone number ko?" kapagkuwan ay tanong niya.
"Yeah. Riel gave it to me since the first time I learned your name. It was April 23, 2015. At alam kong sinabi na sa 'yo ni Renz na iyon ang password na ginamit ko sa phone ko," diretsong pag-amin nito na labis niyang ikinagulat.
So that's what April 23, 2015 means? The day he learned what my name was? Hindi siya makapaniwala. Natampal na lang niya ang kanyang noo. "Pambihira naman si Kuya! All this time, ibinubugaw na niya ako sa 'yo?"
Tumawa naman si Aeros. Tiningnan niya ito ng masama at hinampas pa sa braso. "Sige, tawa pa. Masasapak na talaga kita."
"Mas pipiliin ko pang maisayaw ka kaysa ang masapak mo. So..." Tumayo ito sa harap niya at inilahad ang isang kamay nito sa kanya.
Pakiramdam niya ay isa siyang prinsesa na inaalok na maisayaw ng isang prinsepe. Well, kung si Aeros rin lang ang prinsepeng iyon, okay na okay lang sa kanya.
"Will you dance with me?" he asked with that charming smile on his face.
At that point, she confirmed one thing. And there would be no turning back.
= = = = = =
SANDALI lang isinayaw ni Aeros si Lianne dahil pareho silang nakaramdam ng pagod na hindi rin nila alam kung saan nagmula. Baka sa kakaisip sa problemang kinakaharap nilang dalawa nang mga sandaling iyon ang dahilan. At least, iyon ang sinabi ni Lianne sa binata. Kaya naman naisipan na lang nilang tumambay sa malawak na hardin ng mansyon.
"This is the first time I went here," sabi ni Aeros habang inililibot ang tingin sa buong paligid. "Sino ba naman ang mag-aakala na ganito pala kalaki ang property ninyo dito sa Baguio. Sa tagal na naging kaibigan ko sina Riel at Natsume, kahit kailan ay hindi ako nagkaroon ng pagkakataong pumunta rito. So this mansion is exclusive for the third branch of your clan, right?"
Tumango siya. "Mukhang alam mo ang tungkol sa branches ng angkan namin, ah."
"They told me some of it. Pero hanggang doon lang iyon. Alam ko naman kung saan ako dapat lumugar pagdating sa mga bagay na dapat kong alamin sa kanila o hindi. Pero ang alam ko lang talaga, apat ang branches ng Monceda clan. Hindi pa ako pamilyar sa family history ninyo na alam kong masyadong magulo kaya hindi ko na inalam. At sa nakikita ko, hindi rin basta-basta ang gulong pinapasukan ninyo."
Napangiti na lang siya at pinagmasdan si Aeros na inililibot ang tingin sa paligid. Hindi maikakaila sa mukha nito ang pagkamangha sa nakikita. Halata rin sa mga mata nito na unti-unti nang nawawala ang sakit na pinagdadaanan nito. "How's your relationship status? Magulo pa rin ba? Kinakausap ka pa rin ba ni Maricar after that?"
"I'm still single, if that's what you're asking. Kaya available pa ako kung gusto mo akong ligawan," anito na ngumisi pa nang ilapit nito ang mukha sa kanya at ikinainit naman ng kanyang mga pisngi. Nasapak tuloy niya ito sa braso. Kapagkuwan ay umiling ang binata at bumuntong-hininga. "Ayoko muna siyang pag-usapan, hanggang maaari. She could go to hell for all I care. Ang dapat kong isipin ngayon ay kung paano ko aayusin ang buhay ko pagkatapos ng lahat ng nangyari."
"Sorry. I didn't mean to bring that up," nagi-guilty tuloy niyang saad. Bakit ba naman kasi naisipan pa niyang itanong iyon? Hindi na siya magtataka kung masira na naman ang mood ng lalaking 'to dahil doon.
Walang salitang namagitan sa kanila matapos niyon. Dahan-dahan silang naglakad habang nililibot ang tingin sa buong hardin. Hindi nagtagal ay narating nila ang maliit na pavilion na naroon sa dulo. Bihira na lang siyang magpunta roon mula nang maka-graduate siya at mag-umpisa nang magtrabaho. Iyon ang madalas nilang pagtambayan ni Riel noon lalo na kapag gusto nilang magkuwentuhan na malayo sa iba.
"It must be a rough time to all of you in the clan, huh?" mayamaya ay narinig niyang umpisa ni Aeros.
Tumango siya matapos tumingin dito nang ilang sandali. "Kung alam mo lang. Sobra-sobra rin ang takot na nararamdaman ko dahil sa problema naming iyon." Hanggang sa napaisip siya. Bakit ba nagagawa niyang sabihin iyon nang walang pag-aalinlangan sa lalaking 'to? Kung tutuusin ay hindi naman ito malapit sa kanya. Ang masasabi lang niyang koneksyon nila ay ang kapatid niya at si Renz.
Okay. Puwede na rin siguro niyang isama na pareho silang nasaktan dahil sa pag-ibig kahit na sa magkaibang rason pa iyon.
"Bakit pakiramdam ko, bihira kang magpakita ng takot na nararamdaman mo kapag may ganito kayong sitwasyon na kinakaharap?"
Kunot-noong napatingin siya rito. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Ang sabi sa akin ni Riel, ikaw ang pinakakalmado sa inyong dalawa kapag ganito ang humaharap na sitwasyon sa inyong dalawa. Kaya naman ikaw ang iniisip niya at nagsisilbi niyang dahilan kung bakit nagagawa pa rin niyang maging kalmado sa pinakanakaka-stress na pangyayari. Your face would always show unending hope—every time."
Hindi na niya napigilan ang pagsilay ng ngiti dahil sa mga nalaman niya kay Aeros. Riel always thought of her like that? "Alam mo, sa mga naririnig ko sa 'yo ngayon, parang ang dami nang nasabi sa 'yo ni Kuya tungkol sa akin. Kulang na lang talaga, isipin ko nang ibinubugaw niya ako sa 'yo. Pero sana, huwag namang ganoon."
"Bakit? Ayaw mo ba sa akin? Wala namang problema sa akin kung ganoon nga."
"Ha?"
Pero tinawanan lang ni Aeros ang gulat na ekspresyon niya. Noon lang niya naisip na nagbibiro lang ito. "Sira-ulo ka talaga kahit na kailan. 'Yan ba ang epekto ng sobrang pagtatrabaho mo? Kung anu-ano na ang nasasabi mo."
He didn't say anything, though. Namalayan na lang niya na hinila nito ang kamay niya at napasubsob siya sa dibdib nito. Hindi pa siya nakakahuma nang maramdaman niya ang mahigpit na yakap nito sa kanya na para bang takot itong pakawalan siya. Teka, ano ba ang nangyayari rito? Bakit ganoon na lang kung umakto ang lalaking ito sa kanya ngayon? Maiintindihan pa siguro niya 'yong naging pagyakap nito sa kanya noon sa Casimera. Pero ngayon?
"Aeros..."
"I really, really miss you, Lianne," he whispered huskily to her ear that sent shivers down her spine. But she tried her best to fight it down.
Noong una, hindi alam ni Lianne kung ano ang gagawin. Hindi talaga niya maintindihan ang ikinikilos ni Aeros nang mga sandaling iyon. May pakiramdam pa nga siya na hindi lang ang nalalaman nito tungkol sa problema ng pamilya niya ang dahilan kung bakit ito nagkakaganoon. Kalaunan ay natagpuan na lang niya ang sarili na ginagantihan ang yakap nito sa kanya.
"Miss mo nga ba talaga ako? O baka naman wala lang nagtitiyagang kausapin ka kapag tinatamaan ka ng topak mo dahil brokenhearted ka?" biro niya.
Musika sa pandinig niya ang narinig na pagtawa nito kapagkuwan. Hindi na niya napigilang mapangiti dahil doon. Sa tingin niya, hindi na ganoon kabigat para sa binata ang nangyaring heartbreak noon kung ibabase na rin niya sa reaksyon nito sa sinabi niya.
"But I'm glad you're okay now. Wala na pala akong dapat na ipag-alala pagdating sa 'yo," mahinang pagpapatuloy niya at saka hinigpitan ang pagkakayakap sa binata.
"Cold?"
Umiling siya. "Just scared... about everything. Lalo na ngayong alam mo na rin kung ano ang pinagdadaanan namin. Kahit sabihin pang kakaunti lang iyon." At hindi siya nagbibiro sa bagay na iyon. Pero kahit na kailan ay hindi niya nagawang aminin iyon sa kahit na kanino, maging kay Riel. Kaya bakit nagagawa niyang isiwalat iyon sa harap ng lalaking ito na mahigpit siyang niyayakap nang mga sandaling iyon?
"Ako ang dapat na nakakaramdam ng ganyan para sa inyong dalawa ng kuya mo, eh. But let me do my best to fade your fear away," he whispered. Before she knew it, he place a gentle kiss on her slightly parted lips which surprised her to many extent.
Ano'ng ginagawa ng lalaking ito sa kanya ngayon? Totoo ba ito? Hindi ba siya nananaginip lang? Pero nang mag-umpisang kumilos ang mga labi nito sa labi niya, naramdaman niyang unti-unti siyang napapapikit. Gusto niyang namnamin ang paghalik na iyon ni Aeros kahit na hindi siya sigurado kung bakit iyon ang naisip nitong gawin sa kanya nang mga sandaling iyon. Pero hindi niya maitatangging gusto niya iyon. Whatever his reasons, for now she wouldn't care.
Ilang sandali pa silang nanatili na magkayakap matapos ang halikang iyon. Tila ba sapat na ang presensiya ng bawat isa para kahit papaano ay maibsan ang namumuong takot sa puso niya nang mga sandaling iyon. Kahit na sa totoo lang, hindi pa rin siya makapaniwala na hinalikan siya nito. Pambihira! Ano ba ang tumatakbo sa utak ni Aeros sa mga sandaling iyon? Bakit nito ginawa iyon?
Halos ayaw pa niyang umalis sa pagkakayakap nito nang dumistansya si Aeros sa kanya pero sinikap niyang huwag ipakita iyon.
"Let's go inside. Baka hanapin na tayo ng kapatid mo. Magwala pa 'yon kapag nakita niya tayong dalawa dito," anito bago siya tuluyang pakawalan. Sa gulat niya, hinawakan pa nito ang kamay niya habang sabay silang naglalakad pabalik sa mansyon. He smiled at him as he saw the confusion on her face. "Mahirap na. Baka iwanan mo ako rito nang biglaan. Hindi ko pa naman alam kung ano ang tumatakbo riyan sa isipan mo ngayon. Okay lang naman, 'di ba?"
Wala siyang ibang naging tugon kundi isang dahan-dahang pagtango. Paano ba naman kasi siya makakasagot nang matino kung ganitong halos gusto nang lumabas sa ribcage niya ang puso niya sa lakas ng pagkabog niyon? Para tuloy siyang teenager sa nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.
At aminin man niya o hindi, nagugustuhan niya iyon. To the point na nagbigay din iyon sa kanya ng 'di maipaliwanag na takot dahil sa sagot sa tanong na matagal nang gumugulo sa kanyang isipan.
No comments:
Post a Comment