WALA sa orihinal na plano ni Lianne ang lumiban sa trabaho nang araw na iyon. Pero iyon ang unang pumasok sa kanyang isipan pagkagising niya. Bumalik siya sa trabaho isang linggo pagkatapos ng birthday party ni Riel. Sa totoo lang, alanganin si Riel sa desisyon niyang iyon. Pero in-insist niya iyon dahil gusto niyang ibaling ang isip sa ibang bagay. Sa nakikita niya, may ideya na ang kapatid sa gumugulo sa isipan niya kahit wala itong sinasabi. Her brother had always been like that.
And yes, may kinalaman lang naman iyon kay Aeros na hindi na naman niya nasilayan sa nakalipas na linggo matapos ang huli nilang pagkikita. Abala pa kasi ito sa ilan pang trabaho nito at ganoon din naman siya. Hindi pa tapos ang problemang kinakaharap ng kompanyang hawak nito at nangangailangan ng atensyon nito. Habang siya ay abala dahil magre-release sila ng panibagong issue ng mga magazine para sa buwan na iyon. Idagdag pa ang ilang problemang sumalubong sa pagbabalik niya sa trabaho na may kinalaman naman sa mga empleyado niyang hindi na nagagawa nang matino ang mga dapat gawin.
Siniguro lang niya na maayos na ang lahat at tapos na ang mga problema bago niya naisipang lumiban sa trabaho. May iba siyang plano para sa araw na iyon. She had to do it before she could come up with a decision. Kaya wala na siyang pinalampas na sandali at nagbihis na siya. Kailangan niyang makaalis kaagad.
Katatapos lang niyang mag-ayos ng sarili nang marinig niyang tumunog ang doorbell ng kanyang apartment. Nagtaka siya dahil wala naman siyang inaasahang bisita nang araw na iyon. O baka naman ang sekretarya niyang si Fatima ang dumating. Pero ano naman kaya ang kailangan nito sa kanya? Naku po! Mukhang natunugan yata nito na a-absent siya sa trabaho.
Huminga muna si Lianne nang malalim bago niya buksan ang pinto. Pero ganoon na lang ang pagkunot ng kanyang noo nang makita ang isang babaeng nakataas pa ang kilay na nakatayo sa harap ng kanyang apartment. Animo pag-aari nito ang lugar na iyon kung makaasta. "Yes? May kailangan kayo?"
"Ikaw ba si Lianne Willard?" mataray na tanong nito.
At hindi rin maganda ang dating ng tono ng tanong nitong iyon sa kanya. Siya naman ngayon ang napataas ang kilay. "Ako nga. May maipaglilingkod ba ako sa iyo?"
"For a rich girl like you, I can't believe you have to live in such crappy apartment. Don't tell me, hindi ka sinusustentuhan ni Aeros sa mga luho mo? Ganoon na ba siya kakuripot pagdating sa bago niyang girlfriend? Natakot na siguro siya dahil sa nangyari sa amin."
Tuluyan nang nakuha niyon ang atensyon niya. Mukhang alam na rin niya kung sino ang mahaderang kaharap niya nang mga sandaling iyon. "Sustento? Hindi ko na kailangan iyon. Isa pa, hindi pera ang kailangan ko. Hindi ako katulad mong binulag na ng kayamanan ng ibang tao kaya pati buhay nila, sinisira mo para lang makuha ang gusto mo. Kaya kung iinsultuhin mo rin lang ang ex-boyfriend mo sa harap ko sa halip na gumagawa ka ng paraan para maayos ang buhay mo na sinisira mo, mabuti pang umalis ka na lang. Okay? Mas gugustuhin ko pang kausapin ang ex-boyfriend mo at ang lalaking nilalandi mo ngayon kaysa sa 'yo."
"Huwag mong sabihing isa ka sa mga kumakalantari kay Jian? You bitch! Akin lang siya!"
Akmang susugurin siya ng babae nang mapatigil ito sa narinig na pagdagundong ng isang pamilyar na tinig.
"Didn't I tell you not to mess with her, Maricar?!"
Napatingin na lang siya sa pinagmulan ng dumadagundong na tinig na iyon. Hindi nakaligtas sa kanya ang pagpitlag ng babaeng siniguro na ng boses na iyon na si Maricar nga, ang ex-girlfriend ni Aeros. Pero paano kaya nito nalaman ang tungkol sa kanya at pati na rin ang apartment na tinitirhan niya? At kung makaasta, para naman itong inagawan ng boyfriend. Iniwan na nga nito si Aeros, 'di ba?
"Jian. Himala at napadaan ka rito," kaswal na aniya at hindi na pinansin si Maricar na nasa harap pa rin ng apartment niya.
"I need to talk to you about the problem. Pero hindi ko naman akalaing may istorbong darating dito sa apartment mo," seryosong saad ni Jian na hindi na pinagtuunan ng pansin si Maricar.
Mukhang hindi iyon nagustuhan ng babae kaya sinugod nito si Jian. Akmang sasampalin nito ang binata pero nakita niyang tila nanigas ito nang gawaran ni Jian ng isang matalim at nakakakilabot na tingin. Lianne knew that this guy wasn't playing around anymore.
"At ikaw. Sinabi ko na sa 'yo na huwag na huwag kang makikialam sa mga ginagawa ko. Huwag mo ring guguluhin ang mga taong malapit sa akin kung ayaw mong mapahiya nang husto," mas malamig pa sa yelo ang tinig na banta ni Jian kay Maricar.
Hindi niya ipinahalata pero maging siya ay kinilabutan sa narinig. Hindi na nga talaga siya magtataka kung bakit magkasundo ito at ang kuya niya.
"How could you?!" nanggagalaiti nang sigaw ni Maricar. "Matapos mo akong pagsawaan, ganyan na lang ang gagawin mo sa akin? Ang itapon ako para sa babaeng 'to?" At saka siya tiningnan nang masama.
Napaangat lang siya ng kilay at napailing kapagkuwan. Mukhang isa ito sa mga hindi nakakaalam ng rules ni Jian. O baka naman ayaw lang nitong tanggapin ang hangganan ng kayang ipakita at ibigay ng binata sa mga babaeng naghahabol dito.
"Pagsawaan? Maricar, we only did it once. Ikaw pa nga ang desperadang ialok ang sarili mo sa akin nang malaman mo kung sino ako at ano ang trabaho ko. Sa tingin mo ba, hindi ko alam? You're willing to use your body to get what you want. Hindi lang nangyari ang gusto mo nang maging boyfriend mo si Aeros Francisco. Oo nga at nagtagal ng tatlong taon ang relasyon ninyo. Pero nagsawa ka sa patuloy na pagtanggi niya sa kagustuhan mong may mangyari sa inyo para lang may magamit ka laban sa kanya kapag nagkataong magbunga iyon. Kaya hinahanap mo sa ibang lalaki ang hindi maibigay sa 'yo ng ex-boyfriend mo," nang-uuyam na saad ni Jian.
Hindi na bago sa kanya ang paraan ng binata na ipamukha sa tao ang totoo, lalo na sa target nito. But she could also tell that Jian was angry about something. Hindi nga lang niya matukoy sa ngayon kung ano. Mukha ring walang sasabihin sa kanya ang lalaking ito sa mga sandaling iyon kahit itanong pa niya. Pero hindi lang iyon ang gumugulo sa kanya. Kilala ni Jian si Aeros? Sa palagay niya, inimbestigahan nang husto ng lalaking ito si Maricar. Pasimple niyang tiningnan si Maricar. Bukas-sara ang bibig nito at halata ang matinding gulat dahil sa mga narinig mula kay Jian. Gustuhin man niyang maawa dahil sa nakukuhang treatment nito kay Jian, hindi niya iyon maramdaman. Lalo na nang may mapansin siyang isang partikular na emosyon na nakapaloob sa mga mata ng babae.
"S-sino ka ba talaga? P-paano mo..." Pero hindi na maituloy ni Maricar ang nais sabihin nito.
"Kinilala mo muna sana ako nang husto bago mo naisipang makipaglapit sa akin dahil sa pera ko, Maricar Diaz. Because even without those money, I still have the necessary skills to make sure I'd be able to bring down opportunistic and destructive people like you. Kung ako ang tatanungin, hindi na dapat nabubuhay sa mundo ang tulad mong nagagawang manira ng buhay at pinaghirapan ng ibang tao para lang sa pansariling kapakanan. Pero wala akong karapatang magparusa sa mga katulad mo at pati na rin sa mga ginamit mo para nakawan ang kompanyang pinaghirapang itaguyod ng pamilya ni Aeros. Kaya kung ako sa 'yo, maghanap ka na ng ibang magagawa mo na hindi mo kailangang manira pa ng buhay ng ibang tao. Habang may pagkakataon ka pa," kalmado nang tugon ni Jian at saka lumapit sa kanya.
Wala siyang maisatinig dahil sa gulat niya sa mga narinig mula sa binata. So the embezzling issue in Aeros' companies was something that Maricar had planned? Alam kaya ni Aeros ang tungkol doon?
"You're heading somewhere? Mukhang hindi sa office ang punta mo, ah," untag ni Jian sa kanya.
Tumango lang siya bago sinundan ng tingin si Maricar na nagpupuyos ang kaloobang umalis na sa harap ng apartment niya sa wakas. "You really went all out with that one, huh?"
"Kailangan, para naman tuluyan nang matauhan. Pero kilala ko ang mga tulad niya. At paniguradong may pinaplano na namang hindi maganda iyon."
"I know. I can tell. I saw danger when I had a glimpse of her eyes when she looked at you earlier. Alam ba ni Aeros na si Maricar ang may pakana ng tungkol sa embezzlement issue na iyon?"
Ilang sandali siyang tiningnan ni Jian bago ito ngumisi. "Why don't you ask him?"
= = = = = =
NOONG una, hindi maintindihan ni Lianne ang ibig ipahiwatig ni Jian sa sinabi nito. Hanggang sa payagan na niya itong ihatid siya sa sasakyan niyang nakaparada sa parking lot ng apartment building na iyon. Nagulat siya nang makitang nag-aabang na roon si Aeros. Ano'ng ginagawa ng lalaking ito roon?
"Nakita mong nag-walk out ang ex mo?" nakangising tanong ni Jian kay Aeros.
"Kahit hindi ko pa tingnan, alam kong iyon ang gagawin niya. Hindi na ako magtataka kung ipinamukha mo na sa kanya na alam mo na ang lahat ng mga kalokohan niya."
Sa puntong iyon, mukha ngang magkakilala na ang dalawang binata. Siya naman ay nanatili lag nakatingin kay Aeros. Hindi pa rin niya maintindihan kung bakit naroon ang lalaking iyon sa parking lot at talagang tumambay pa sa sasakyan niya.
"Be careful, though. Panigurado na hindi maganda ang mga susunod na plano niya para pabagsakin ka," seryosong paalala ni Jian kapagkuwan at saka siya tiningnan. "Ikaw rin, Lianne. Ayokong masermunan ni Riel kapag may nangyaring masama sa 'yo."
"I don't think she could lay a finger on me."
"Don't be so confident. Hindi pa tayo sigurado kung sino ang tumutulong sa babaeng iyon."
Tumango na lang siya upang matahimik na si Jian at kahit papaano ay maibsan ang pag-aalala nito sa kanya. May punto naman ang mga sinabi nito. The embezzlement issue at Aeros' companies alone was the proof of that. "Teka nga lang. Magkakilala kayong dalawa ni Aeros?"
"At first, only by name. Alam mo na. Business-related," sagot ni Jian.
Napaikot na lang siya ng mga mata. "As expected. But you said 'at first'. What happened next para maging close kayo?"
"At the time Maricar used my public phone, I talked to Aeros after that. Sinabi ko sa kanya ang totoong pakay ko para makipaglapit sa babaeng iyon. At nang madamay na ang mga kompanyang hawak ni Aeros sa masasamang balak ni Maricar, inumpisahan ko na ang pag-iimbestiga tungkol sa babaeng iyon at sa mga kasamahan niya na ginamit niya para nakawan ang mga kompanyang iyon."
"Alam naman siguro ni Kuya ang tungkol sa bagay na 'to, 'di ba?"
"Si Riel ang nakiusap sa akin na imbestigahan iyon," pag-amin ni Jian na ikinagulat nila ni Aeros.
Hinarap ni Lianne si Aeros. "Hindi mo alam ang tungkol dito? Kung paano nalaman ni Kuya ang mga plano ng sira-ulo mong ex-girlfriend."
"Wala siyang nababanggit sa akin kahit nang magpunta ako sa mansyon n'yo sa Baguio noong birthday niya. Pero binalaan niya ako tungkol sa mga nahuling embezzler sa kompanya ko. Hindi pa raw tapos gumawa ng kalokohan ang mga iyon."
Walang nagsalita sa kanila pagkatapos niyon. Ilang sandali pa ay nagpaalam na si Jian sa kanila dahil may date pa raw ito at kailangan din daw nitong pumunta sa isa sa mga hotel na pinamamahalaan nito.
"Ang tagal mong nawala, ah," pagsisimula niya nang tuluyang makaalis ang babaero niyang kaibigan.
Ngumiti si Aeros subalit napansin niya na hindi iyon umabot sa mga mata nito. Nagtaka siya sa nakita.
"May kailangan lang akong gawin para makasiguro na ako kung ano ang susunod kong hakbang sa pagsasaayos ng buhay ko. Idagdag mo pa 'yong gulong iniwan ng mga empleyado kong naglakas-loob na magnakaw roon. Hindi ka ba pupunta sa office?"
Napayuko siya. Hindi niya alam ung dapat ba niyang ipaalam dito ang plano niya para sa araw na iyon.
"Lianne?"
Bumuntong-hininga muna siya bago nag-angat ng tingin at hinarap ang binata. "Pupunta ako sa puntod ni Henry."
= = = = = =
NAPATINGIN lang si Aeros sa dalagang kasalukuyang natutulog sa tabi niya matapos niya itong samahan sa puntod ng dating kasintahan nito. Naroon sila ni Lianne sa ilalim ng malaking puno sa labas ng sementeryo kung saan nakalibing si Henry. Ang totoo niyan, hindi na ito sinamahan hanggang sa mismong puntod. Sinabi na lang niya sa dalaga na maghihintay siya sa labas ng sementeryo. Pasalamat na lang at hindi na siya pinilit nito na sumama.
Ikinagulat niya nang sabihin ni Lianne na plano nitong puntahan ang puntod ni Henry nang araw na iyon. Sa katunayan, hindi siya kaagad nakakilos nang marinig niya iyon mula rito. Nang magpapaalam na ito sa kanya at akmang sasakay na sa kotse nito, namalayan na lang niya ang sarili na hinawakan ang braso nito na tila ba pinipigilan niya itong umalis at magpunta roon. Ang mas malala pa, sinabi niya sa dalaga na sasamahan niya ito at siya pa mismo ang magmamaneho para rito.
Hindi pa rin inaalis ni Aeros ang tingin niya kay Lianne na nakapatong ang ulo sa balikat niya. Sa nakikita niya, hindi lang isang simpleng pagbisita ang dahilan kung bakit ito naroroon nang mga sandaling iyon. She went there to say something important. Probably something that she needed to unload to someone and she wanted Henry to hear it first hand. Malaki pa rin ang pagpapahalaga nito sa dating kasintahan kahit matagal na itong wala sa buhay niya.
"Dahan-dahan lang ng tingin sa akin, Mr. Francisco. Baka pagsisihan mo kapag na-in love ka sa akin dahil diyan," wika ni Lianne habang nakapikit sa gulat niya at nagpabalik ng isipan niya sa realidad.
Ganoon ba ka-intense ang tinging iginagawad niya rito at naramdaman nito iyon? Nararamdaman pa rin niya ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso dahil doon. Pero sa huli, hindi na niya napigilan ang sarili na mapangiti kasabay ng pagmulat ng mga mata ni Lianne at saka siya tiningnan. Tila tumigil sa pag-inog ang mundo niya nang magkatinginan sila. Unti-unti ring naglaho ang ngiting ipinakita niya. Tahimik ang lahat sa paligid niya at ang naririnig lang niya ay ang malakas na tibok ng kanyang puso nang mga sandaling iyon.
Come to think of it, when was the last time he felt something like that? Oo nga at parang sa nobela lang nag-e-exist ang ganoong scenario. Pero hindi maikakaila na iyon ang nararamdaman niya. Kung hindi siya nagkakamali, parang ganoon din ang naramdaman niya noong gabing hinalikan niya si Lianne. Pilit niyang inaalala kung ganoon din ba ang nangyari sa kanya noong bago siya magtapat kay Maricar. But every memories he had with that woman seemed to have become hazy. Natabunan na yata ng galit at sakit na naranasan niya dahil sa panloloko nito sa kanya.
"W-wala naman sigurong dumi sa mukha ko, 'di ba?" mahinang usisa ni Lianne na nagpabalik muli ng kanyang isipan sa realidad.
Kapagkuwan ay muling bumalik ang ngiti niya na naglaho kanina. Ang cute talaga ni Lianne kapag ganitong nauutal ito. "Kahit naman tapalan pa ng dumi 'yang mukha mo, hindi pa rin mababawasan ang ganda mo." Lalong lumuwang ang pagngiti niya nang makitang pinamulahan ng mukha ang dalaga.
"Nagiging bolero ka na, ah."
"Hindi ka talaga sanay na pinupuri, 'no?" aniya bago sumeryoso ang mukha. "What made you come here, anyway? Hindi ka kaya makagalitan ng kapatid mo?"
Ilang sandaling natahimik si Lianne at nag-iwas ng tingin kay Aeros. Lihim niyang kinastigo ang sarili dahil mukhang may nasabi pa yata siyang masama rito.
"May gusto lang akong ipaalam sa kanya," kapagkuwan ay sagot ni Lianne. "Alam ko sa sarili ko na nagawa ko nang tanggapin ang lahat, lalo na ang pagkawala niya sa buhay ko. Pero dahil din sa nangyari sa kanya kaya masyadong malaki ang takot ko na magmahal ulit kahit na iyon ang gusto niyang mangyari sa akin. I can't love someone with this kind of fear lingering in my heart. Henry might have died not because of what he knew about my family. Pero nasa puso ko pa rin 'yong takot na hindi ko maprotektahan ang taong mahal ko. Ayokong may mamatay na naman sa harap ko dahil sa kagustuhan niyang protektahan ako," paliwanag ni Lianne, unti-unting lumalabas sa tono nito ang kaakibat na takot na nararamdaman.
"Ano ba ang ipinaalam mo sa kanya?" naisipang itanong ni Aeros.
Walang salitang namutawi sa labi ng dalaga nang ilang sandali. Tila pinag-iisipan pa nito kung sasagutin ang taong niya o hindi. Hindi niya inaalis ang tingin kay Lianne at matiyagang hinintay ang magiging sagot nito kung sakali mang maisipan nitong sumagot.
"Ipinaalam ko kay Henry na... baka dumating na ang pagkakataong hindi ko na mapigilan ang puso ko na magmahal ulit sa kabila ng takot na nararamdaman ko," sagot ng dalaga na hindi tumitingin sa kanya.
Nakatuon lang ang atensyon nito sa paligid. Habang siya ay tila nahirapang huminga nang maayos sa narinig. Naramdaman din niya ang 'di maipaliwanag na kirot sa puso niya dahil doon.
It couldn't be... right? Pero hindi pa ba sapat na patunay ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon bilang sagot sa mga tanong na gumugulo sa kanya mula nang magkahiwalay sila ng landas ni Lianne sa Casimera? Kahit ang naging pagyakap at paghalik niya rito noong birthday ni Riel. "S-sinabi mo rin ba sa kanya kung sino ang taong iyon na pinili mong mahalin?"
Tumango si Lianne at tiningnan na rin siya sa wakas. Sa kabila ng halo-halong emosyon na nararamdaman dahil sa sinabi nito sa kanya, nagawa pa rin niyang salubungin ang tinging iginagawad nito sa kanya. Kapagkuwan ay ngumiti ito nang matamis at hinawakan ang magkabilang pisngi niya.
"Sasabihin ko rin sa 'yo... kapag nasiguro ko nang okay siya at wala nang kinakaharap na problema. Ayoko kasing biglain siya kapag ipinagtapat ko sa kanya ang totoo. I promise. Ikaw ang unang makakaalam ng tungkol doon. Okay?"
Sa totoo lang, hindi niya alam kung dapat ba siyang matuwa sa bagay na iyon o hindi. Manhid ba talaga ang babaeng 'to?
No comments:
Post a Comment