Thursday, April 21, 2016

Our Turn To Heal This Broken Heart - Chapter 10

"KANINA ka pa wala sa sarili mo. Ano na naman ba ang nangyari at hindi ko na naman maabot ang inilipad ng utak mo?"

Nakapangalumbabang napatingin na lang si Lianne sa nagsalita at saka bumuntong-hininga. "Akala ko, lalaki lang ang torpe. Pati rin pala ang mga babae," wala sa sariling saad niya kay Elias na kasama niyang nagme-merienda sa canteen ng building na eksklusibo para sa magazine publishing company ng kapatid niya. Kapag may mga project ito sa Pilipinas ay ang building na iyon ang madalas nitong pagtambayan. O paniguradong tumatakas na naman ito sa trabaho nito.

"Ha? Saan mo na naman ba iniuntog 'yang ulo mo at kung anu-ano na naman ba ang sinasabi mo riyan?"

"Ito naman. Minsan mo na nga lang akong bisitahin dito, hindi mo pa ako tulungan," reklamo niya at saka padabog na itinuloy ang pagkagat sa cupcake na kanina pa dapat niya inubos kung hindi lang okupado ang utak niya ng kung anu-anong isipin.

Umiling lang si Elias at tinapok ang ulo niya na lalo niyang ikinasimangot. "Pinapatawa lang kita. Hindi ako sanay na nakikita kang balisa. Well, considering your family's situation, I wouldn't wonder."

"Let me guess. My brother told you about that?" Tumango ang lalaki na ikinabuntong-hininga na lang niya. "Sinasabi ko na nga ba. Parang lahat yata ng mga taong malapit sa amin, binalaan na niya."

"He's just being cautious. Lalo na't siya ang tumatayong guardian mo, bukod sa pagiging kapatid mo."

Siya naman ngayon ang napatango bilang pagsang-ayon sa sinabi ng kaibigan niyang ito. "By the way, mukhang hindi ka tinambakan ng trabaho ng manager mo, ah. Ang lakas din ng loob mong magpunta rito."

Umismid si Elias matapos kumagat ng cupcake na ipinabili niya kaninang umaga kay Fatima sa café ni Diosa. "Kahit naman tambakan niya ako ng trabaho, tatakas at tatakas pa rin ako, 'no? At saka effective naman ang disguise ko, 'di ba?"

"Disguise pala ang tawag mo riyan sa suot mo ngayon?" napapantastikuhang aniya at saka pinasadahan ito ng tingin. Napailing na lang siya nang matapos ang assessment niya. "Magdi-disguise ka na nga lang, 'yong hindi pa bagay sa 'yo. Hindi pa akma sa panahon. Pasalamat ka na lang at istrikto ang rule dito sa kompanya tungkol sa dapat gawin ng mga empleyado kapag may mga sikat na personalidad na bumibisita rito."

"Isa pa 'yan sa mga dahilan ko kung bakit malakas ang loob kong magpunta rito," wika ni Elias at saka tumikhim. "Siyanga pala. Ano ba ang problema mo at bigla mong naisipang sabihin na pati ang mga babae, torpe? Bakit, tinamaan ka na rin ba ng katorpehan? Hindi bagay sa 'yo."

Napakamot siya ng ulo sa pang-aasar nito sa kanya. "Wala ka talagang matinong sasabihin sa akin for once? Problemado na nga ako rito, hindi mo pa ako tulungan."

"Paano nga kasi kita matutulungan kung may nalalaman ka pang pa-mysterious effect sa mga pinagsasasabi mo sa akin kanina pa?"

Ilang sandaling inabot si Lianne sa pag-iisip kung ikukuwento ba niya rito ang mga pangyayari o hindi. Nakatingin lang sa kanya si Elias na wala siyang nababakas na emosyon sa mukha nito. Malayong-malayo talaga ang personalidad nito kina Aeros at Renz. Mayamaya ay natagpuan niya ang sarili na ikinukuwento rito ang nangyari nang samahan siya ni Aeros sa sementeryo kung saan nakalibing si Henry.

Walang nagsalita sa kanilang dalawa pagkatapos niyon. Napailing na lang siya nang makitang nilalantakan na ni Elias ang huling cupcake na naroon sa box. "Hindi ka rin gutom sa lagay na 'yan, 'no?"

Nilunok muna nito ang kinakain bago nagsalita. "Minsan lang akong makakain nang ganito na nagagawa kong i-enjoy. Kaya pagbigyan mo na lang ako. As for your situation, I think the solution to that is simple."

Napatuwid siya ng upo sa narinig. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Mas mabuting sabihin mo sa kanya ang totoo kahit hindi pa tapos ang problema niya. Hindi ko alam kung ano ang magiging epekto ng gagawin mong pagtatapat sa kanya ng nararamdaman mo. Pero kung patatagalin mo pa ang lahat, baka pagsisihan mo na hindi mo nasabi sa kanya ang dapat niyang malaman. Ano man ang maging resulta, masaya man o masakit, kailangan mong tanggapin. It's better to deal with the pain of rejection than to forever confront your own regrets because you lost the only chance you had to be happy," malungkot na sagot ni Elias. Mukhang may naalala na naman ito dahil sa sinabi nito.

Pero kung pakaiisipin niya, may punto naman ito. She had dealt with so many regrets in her life. Sa lahat ng pagsisising kailangan niyang maramdaman, isa na siguro ang pagkawala ng minamahal niya sa mga dapat niyang gamitin para lumakas ang kalooban niya. Dapat na siguro niyang sabihin ang totoo kay Aeros. Tatanggapin niya ang anumang sasabihin nito tungkol sa pagtatapat na gagawin niya. She'd deal with the consequences after that.

= = = = = =

HINDI maikakaila ni Aeros na tila tinusok ng libo-libong karayom ang kanyang puso sa nasilayang tagpo mula sa glass window ng canteen ng building na iyon. Pinlano niyang sunduin sana si Lianne mula sa trabaho nito kaya maaga siyang umalis sa opisina niya. Napagdesisyunan niyang kausapin ito tungkol sa sinabi nito sa kanya pagkatapos bisitahin ang puntod ni Henry. Gusto niyang malinawan tungkol doon.

Ilang gabi na rin kasi siyang ginugulo ng pag-uusap nilang iyon sa kanyang panaginip. Naisip niya na kapag wala pa siyang ginawang paraan para malaman ang totoo ay baka tuluyan na siyang mabaliw. Baka sa paraang iyon ay tuluyan na siyang matahimik at magawa na rin niyang malaman kung saan siya lulugar sa buhay ni Lianne.

Pero hindi naman niya akalaing sasalubong sa kanya ang tagpo kung saan nakikita niya ang dalaga na masaya at tila nakikipagbiruan pa sa isang lalaking pamilyar sa kanya. Teka, hindi ba iyon ang singer na si Elias Song? Kilala iyon ni Lianne? Agad siyang nag-iwas ng tingin para hindi na muling makita pa ang tagpong iyon. Huli na ba siya?

Parang hindi yata ganoon kadali sa kanya na tanggapin iyon. There had to be an explanation to that.

Nang tingnan niyang muli ang dalawa mula sa puwesto niya, nakita niyang wala na sina Lianne at Elias sa table na ginamit ng mga ito. Dumagsa ang kung anu-anong isipin sa kanya dahil doon. Kapagkuwan ay napailing na lang siya sa naiisip nang mga sandaling iyon. Hahakbang na sana siya paalis sa kinatatayuan at patungo sa entrance ng building. Pero bigla ang pagsigid ng matinding sakit sa kanang bahagi ng kanyang likod kasabay ng narinig niyang mabilis na pag-andar ng isang motorsiklo. Agad siyang bumagsak sa sementadong sidewalk at napahawak sa kanang dibdib. Nakita niyang namantsahan na ng dugo ang kamay niya kasabay ng pagdidilim ng kanyang paningin.

The last thing he heard was the voice of a woman calling his name in distress.

= = = = = =

GAYA ng dati ay wala sa sarili si Lianne habang pinagmamasdan ang walang malay na si Aeros sa hospital room kung saan ito naka-confine. May isang linggo na rin ang nakakalipas mula nang makita niya ang pagbaril dito ng isang lalaking nakamotorsiklo gamit ang baril na kinabitan ng silencer. Sa sobrang gulat sa pangyayari, hindi na siya nakapag-isip nang matino para makita man lang ang plate number ng motorsiklong iyon.

Pilit niyang pinagana ang utak nang mga panahong iyon. Sa tulong ni Elias na ihahatid sana niya sa labas ng building ay nadala nila sa ospital si Aeros at agad itong naoperahan. The gunshot wound was a through and through that even injured his lungs. But the doctors were able to save him, much to her relief. Walang tigil sa pagtulo ang kanyang mga luha habang nasa operating room si Aeros at siya ay nagdarasal na sana ay makaligtas ito.

Naputol lang ang pagmumuni-muni ni Lianne nang marinig niyang bumukas ang pinto ng hospital room na iyon. Agad siyang napalingon at nakita niyang pumasok ang mama ni Aeros kasabay nina Renz at ang isa pang pinsan ni Aeros na si Nathaniel Riasol. Nakilala niya ang ginang at si Nathaniel nang araw na dinala nila ni Elias ang binata sa ospital. Ito ang tumutulong sa kanya na kumalma habang patuloy sa paghiling na makaligtas ang lalaking minamahal.

Nang makalapit na ang ginang sa kanya ay hinawakan siya nito sa magkabilang pisngi. "Hija, why don't you go home and rest first? Kami na muna ang magbabantay kay Aeros."

Malungkot siyang umiling at napatingin kay Aeros. "Ayoko po munang umalis sa tabi niya hanggang hindi siya nagigising."

"Pero, Lianne, wala ka nang matinong pahinga," sermon ni Renz sa kanya. "Alam kong nag-aalala ka sa kalagayan ni Aeros. Pero hindi naman nangangahulugan na dapat mong pabayaan ang sarili mo, kahit sabihin pang pinayagan ka ni Riel na bantayan ang pinsan ko."

Natahimik na lang siya at muling naupo na tila ba nanghihina siya. Siguro nga ay tama ang kaibigan niya. Napapabayaan na niya ang sarili sa kagustuhang masiguro na nasa maayos na kalagayan si Aeros. Stable naman ang vitals nito at sapat na sana iyon para kumalma siya. Pero hindi talaga siya matatahimik hanggang hindi nagigising ang binata.

"Naaalala mo na naman si Henry, 'no?" mayamaya ay untag ni Renz sa kanya.

"Hindi lang si Henry. Pati na rin ang Mama ko. The only difference is that Henry was only caught up in the explosion while my Mom was deliberately killed by those bastards who wanted to eliminate the whole clan. Ginawa naman ng doktor ang lahat para mailigtas si Mama. Pero bumigay din siya sa huli," maluha-luhang aniya at saka hinawakan ang kamay ni Aeros.

Madalas niyang gawin iyon mula nang maospital ito, lalo na kapag tinatamaan siya ng takot at matinding pag-aalala sa sitwasyon ng binata.

"He'll pull through, Lianne. Sigurado ako sa bagay na iyon. At least, I know he'd do it for you," narinig niyang wika ni Nathaniel, dahilan upang kunot-noong mapatingin siya rito.

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

Pero isang misteryosong ngiti lang ang iginawad nito kay Lianne. "You'll know when he wakes up."

Nagkatinginan naman sina Lianne at Renz. Sa nakikita niya, hindi rin maintindihan ng kaibigan niya ang pinagsasasabi ni Nathaniel. Mukhang may nalalaman ito kay Aeros na patungkol sa kanya. Pero may gusto siyang panghawakan ang sinabi nito higit anupaman. Aeros would be able to make it through.

She just had to believe in it.

No comments:

Post a Comment