"HINDI ka pa rin tapos diyan sa ginagawa mo hanggang ngayon?"
Tiningnan lang ng masama ni Heidi si Raiden bago muling ibinalik ang atensyon sa ipinipinta. Kaninang tanghali pa siya naroon sa painting room sa College of Arts ng Skyfield University kung saan sila nag-aaral ni Raiden. Iisa lang ang kursong kinuha nila--Business Administration. Palibhasa, lumaki silang dalawa sa kani-kanyang pamilya na mga business-minded. Sa kaso niya, kilala ang Terradenio clan sa mga negosyong may kinalaman sa IT at gadgets. Pero may mga iba pang business sa ilalim ng Terradenio Group of Companies na walang kinalaman sa gadgets at computers.
Pero sa ngayon, ang mga kapatid niya at isa sa mga pinsan niya ang nagma-manage ng mga iyon para sa kanya habang nag-aaral pa siya. Idagdag pa na mas mahirap ang trabahong ipinasa sa kanya ng namayapang ama. Napahinto siya sa ginagawa nang maalala iyon.
"Kung ako sa 'yo, ipahinga mo na lang iyan. Hindi ka ba napapagod na magmukmok dito? Aba'y sumasakit na ang ilong ko sa amoy ng pintura rito, eh."
"Sinabi ko ba kasing magpunta ka rito in the first place?" ganting banat ni Heidi at umiling-iling. "Salamat sa concern pero kilala mo na ako kapag may nasimulan akong ipinta. Well, in this case, I've only started with the pencil sketch. Iuuwi ko rin ito sa bahay para doon na lapatan ng kulay at nang hindi ka na nagrereklamo sa amoy ng mga pintura rito."
"Ito naman. Nagbibiro lang ako, eh." Bumuntong-hininga si Raiden at kinuha ang isang stool malapit sa kanya na inilagay sa tabi niya upang doon ito maupo. "At mukhang galing pa yata sa panaginip mo ang plano mong ipinta ngayon."
Hindi na lang umimik si Heidi. Itinuon na lang niya ang atensyon sa pencil sketch na katatapos lang niyang gawin buong hapon. Tiningnan niya ang oras sa wallclock sa silid na iyon. Alas-kuwatro na pala ng hapon.
Kaya pala nangungulit ang kaibigan niyang ito ngayon. Mabuti na lang at hindi naman siya nahirapang tapusin ang sketch.
"Hindi mo talaga ako kakausapin, 'no?"
Masasapak talaga ni Heidi ang lalaking ito, sa totoo lang. Ang kulit! "Kinausap na kita kanina, 'di ba? Ano ba'ng gusto mong pagkausap ang gawin ko sa 'yo? 'Yong dumaldal beinte-kuwatro oras?"
"Dapat pala, hindi kita kinakausap kapag ganitong may ipinipinta kang galing sa panaginip mo. Lumalala ang pagiging pilosopo mo."
"Sisihin mo si Tristan sa bagay na 'yan," aniya na ang tinutukoy ay ang madaldal niyang kaibigan at shadow guardian. "Shadow guardian" ang tawag sa mga itinalagang personal bodyguard-cum-assistant ng mga mahahalagang tao sa angkang kinabibilangan niya. "Ikaw na ang walang sawang asarin at pilosopohin ng loko-lokong iyon. Tingnan ko lang kung hindi ka mahawahan ng pagiging pilosopo n'on."
"Anyway, saka mo na ituloy iyan. Tutulungan na rin kitang iuwi 'yan para maipagpatuloy mo sa bahay. Mamasyal muna tayo bago ka umuwi. Okay ba 'yon?"
Tumango na lang si Heidi. Mukhang kailangan nga siguro muna niyang ipahinga ang isipan bago isabak ang sarili sa pagpapatuloy ng plano niyang ipintang obra. Sigurado na bibigyan na naman siya niyon ng panibagong stress, lalo na sa posibleng maging kahulugan ng kanyang ipininta.
========
"HEY, princess... Wake up. Dito ka na naman nakatulog sa painting room mo."
Naalimpungatan si Heidi sa narinig na masuyong tinig na iyon. Pagmulat niya ng mga mata ay nakita niyang ngumiti ang kuya niyang si Louie at sinundot-sundot ang kanyang ilong. Doon na siya tuluyang nagising at naiinis na tinabig ang kamay nito. Pero ang bruho, tinawanan lang siya.
"Lalong mapapango ang ilong ko sa ginagawa mo, Kuya, eh," reklamo niya at hinawak-hawakan ang ilong niyang pinag-trip-an ng kapatid.
"Mas okay na iyan. Pampagising. Pasalamat ka't wala rito si Kuya Davi. Kung hindi, sermon na naman ang aabutin mo sa kanya," sabi ni Louie.
Ang tinutukoy nito ay ang pinakamatanda sa kanilang apat na magkakapatid na Terradenio.
"Anong sermon? Baka ang sabihin mo, interrogation ang aabutan ko sa kanya."
"Interrogation?"
Tumango siya. "Tatanungin niya ako tungkol sa pinagkakaabalahan kong painting. Kung ano raw ang napanaginipan ko at bakit ang scene na iyon ang gusto kong ipinta. Hindi ko nga lang nagagawang sagutin 'yong huling tanong na iyon."
"Huwag ka nang magtaka kung ganoon nga ang gagawin niya. Alam mo naman kung ano ang hatid ng mga ipinipinta mo na may kinalaman sa panaginip mo."
Natahimik na lang si Heidi.
Bata pa lang siya ay alam na niya iyon. Iniikot niya ang tingin sa painting room. Ilan sa mga painting na naroon ay mga eksenang galing sa mga panaginip niya--lahat ay may ibig sabihin at minsan nang tumukoy sa ilang pangyayaring may kinalaman sa Eight Thorned Blades.
Eight Thorned Blades was the name of a four-and-a-half centuries old group comprising of eight well-known clans in the country.
Pero lingid sa kaalaman ng karamihan, tunay na mas kilala ang grupo sa galing ng karamihan sa mga miyembro niyon sa martial arts at paggamit ng iba't-ibang sandata. Doon sila talaga kinatatakutan ng mga nakasagupa na nila sa loob at labas ng kanilang mga trabaho at mga negosyo. Hindi sila involved sa anumang ilegal na gawin dahil iyon ang pinakaunang batas sa grupo. Kaya ginagamit lang nila ang tunay nilang kakayahan sa pakikipaglaban at pag-iimbestiga para lihim na tulungan ang awtoridad. As much as possible, they wanted to keep a low profile when it comes to these issues and their involvement to it.
The group was divided into three, each subgroup was referred to its designated name. Shrouded Flowers was composed of four clans, including the Terradenio clan that Heidi belonged to. Hagelin, Correia, at Eremiah ang tatlo pang angkan na kabilang sa Shrouded Flowers. Triad Guardians naman ang tawag sa ikalawang subgroup at tatlong angkan ang bumubuo rito--ang Kigonia, Reozar, at Chantez.
Habang ang Monceda clan ay naging isang grupo na binubuo ng limang branches. Bagaman ang tawag sa Monceda clan ay Silhouette Rose dahil magkakaibang kulay ng rose ang flower emblem ng mga branches niyon, naiiba ang flower emblem ng ikalimang branch na ang gamit ay iris. Ang kaibigan niyang si Raiden ay kabilang sa third branch ng Monceda clan. Iyon ang isang dahilan kung bakit sila naging magkaibigan nito.
"Mamaya mo na ituloy 'yang ipinipinta mo, okay? Makakagalitan ako ni Ate Mari kapag hindi ko inasikaso ang pagkain mo. Wala rio ang personal maid mo dahil may kailangang bilhin sa palengke. Kaya ako na muna ang maniniguro na nakakain ka nga nang maayos," ani Louie at ginulo pa talaga ang buhok ni Heidi.
Inis na tinabig niya ang kamay nito. "Ano ba? Plano mo lang talaga akong papangitin, 'no? Nakakarami ka na ng panggulo sa itsura ko, ah."
Hindi na lang siya pinansin ni Louie at tuluyan na siyang hinila patayo para makapunta na sila sa dining room.
Kung minsan, iniisip niya kung nagkapalit lang ba sila ng edad ni Louie at ito dapat ang bunso sa kanilang dalawa. Kung umakto ito, mas isip-bata pa sa kanya. Gayunpaman, ipinagpapasalamat niya ang suportang ibinibigay ng kanyang mga kapatid. Lalo na at siya ang itinalagang pumalit sa kanyang ama bilang leader ng Terradenio clan at pati na rin ng Shrouded Flowers dalawang taon na ang nakakaraan. Disisyete anyos pa lang siya nang mga panahong iyon.
Dapat ay ipapasa pa lang sa kanya ang posisyong iyon kapag tumuntong na siya sa edad na disinuwebe. Pero dahil sa pagpatay sa kanyang mga magulang at sa ilan pang active members ng Eight Thorned Blades sa isang ambush two years ago, mas maaga niyang kinailangang gampanan ang pagiging leader. Huli na nang malaman niyang nasa isa sa mga painting niya ang tumutukoy sa pangyayaring iyon. Kaya naman ganoon na lang ang pagsisisi niya na wala siyang nagawa para mapigilan ang lahat.
Ilang buwan din siyang depressed at walang araw na hindi niya pinilit na labanan iyon. Sa kabila ng lahat ay hindi siya iniwan at pinabayaan ng kanyang mga kapatid. Louie, Mari, and Davi were doing their best all this time to help her cope up and move on. Tanggap na niya ang pagkamatay ng kanyang mga magulang. Pero hindi nangangahulugan iyon na napatawad na niya ang pumatay sa mga ito at sa iba pa niyang mga kasamahan.
Sa katunayan, bagaman lihim sa karamihan, isa sa ginawa niyang misyon ay hanapin ang may pakana sa pagpatay na iyon. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit laging wala ang shadow guardian niyang si Tristan. Ito ang nagpasyang kikilos at mag-iimbestiga para sa kanya. Kahit papaano ay may progress ang ginagawa nitong imbestigasyon.
"Siyanga pala," umpisa ni Louie na pumutol sa pag-iisip ni Heidi. "May kaibigan akong makikituloy dito sa atin next week. Sinasabi ko na sa 'yo para hindi ka na magulat kapag may naabutan kang hindi mo kilala rito sa bahay."
Kunot-noong nilingon ni Heidi ang kapatid niyang tumutulak sa kanya. "Himala! Ano'ng nakain mo't nagdala ka na rin sa wakas ng kaibigan mo rito?"
"Ako na ang nag-offer sa kanya na dito na lang sa atin makituloy pansamantala. Kababalik lang niya galing New Zealand dahil doon siya nag-aral ng college. Ayaw niyang tumira sa bahay ng Lolo niya at baka lalo lang daw siyang ma-depressed."
"Ibig sabihin, ulila na siya?" Hindi pa man nakikilala ni Heidi ang kaibigan ni Louie ay nakaramdam na siya ng awa para rito.
"Ganoon na nga. Pero pakiusap lang, Heidi. Huwag mong ipapakita sa kanya na naaawa ka, okay?"
"Bakit ko naman gagawin iyon? Eh pareho lang naman kami ng sitwasyon. Ang kaibahan lang siguro, may mga kapatid pa ako. Habang siya--"
"Oo na, oo na. Nakuha ko na ang punto mo," putol nito sa mga sinasabi niya.
Nginitian na lang niya ang kapatid at inunahan na niya itong pumunta sa kusina.
========
MAY isang linggo na ring pinagpupuyatan ni Heidi ang tinatapos na painting. Hindi talaga siya mapakali sa isang tabi hanggang alam niyang may mga pending pa siyang obra. Sa tuwa niya ay nakalahati na niya iyon. Nakikita na rin niya ang posibleng final output niyon. Kaya naman kahit anong pigil niya, dinadagsa na siya ng 'di maipaliwanag na kaba. Ano kaya ang gustong iparating sa kanya ng matatapos na obra?
Kapagkuwan ay humikab siya. Hindi na siya nagpakamahinhin nang gawin iyon. Isa pa, wala namang makakakita sa kanya. Tiningnan niya ang wristwatch at inis na napabuntong-hininga dahil alas-sais pa lang ng gabi. Mahaba pa ang oras na puwede niyang ilaan sa tinatapos na painting pero heto at mukhang ayaw magpatalo ng antok na nararamdaman niya. Pasalamat na lang siya at Linggo kinabukasan kaya wala siyang pasok. Gusto pa sana niyang magpuyat para matapos na niya iyon at ilalaan na lang niya sa pahinga ang buong araw niya kinabukasan.
Inilapag na lang ni Heidi sa tabi ng paint pallette na nakapatong sa mataas na mesitang katabi niya ang hawak na paintbrush. Muli siyang humikab at tumingala sa kisame kapagkuwan. Pero ganoon na lang ang gulat niya nang tumambad ang guwapong mukha ng isang lalaking hindi pamilyar sa kanya. Kasalukuyan itong nakayuko at matamang nakatingin sa kanya. Dahil doon, nawalan siya ng balanse sa pagkakaupo niya sa stool. Huli na para pigilan ang sarili na tuluyang tumumba at bumagsak sa sahig. Napapikit siya at hinintay ang tuluyang pagtama ng kanyang pang-upo sa sahig.
Sa pagtataka niya, hindi nangyari iyon. Dahan-dahan siyang nagmulat ng mga mata. Hindi niya maintindihan ang pagtalon ng kanyang puso nang muling tumambad ang mukha ng lalaking nangahas pumasok sa private place niyang iyon. Pero nakakapagtaka na wala siyang maramdamang anumang panganib mula rito. Mukhang wala namang planong masama ang lalaking ito.
"Sorry, Miss, kung nagulat kita."
Lalong naumid si Heidi nang marinig ang tinig nito. Lalo na nang rumehistro na sa kanyang isip ang puwesto nilang dalawa. He was actually carrying her while kneeling. Hindi nito inaalis ang tingin sa mukha niya na para bang pinag-aaralan nito ang itsura niya. Mukhang sinalo siya ng lalaking ito bago pa man siya tuluyang bumagsak.
Hindi naman ganoon ka-provocative ang scenario pero hindi pa rin niya napigil ang pag-iinit ng kanyang mukha. Sigurado siya na pulang-pula na iyon.
"Okay ka lang naman, 'di ba?" tanong nito, hindi napapalis ang pag-aalala sa mukha nito.
Tumango na lang siya at tumayo na. Hindi na niya matagalang manatili ng ganoon kalapit sa lalaki. Wala sa sariling napahawak siya sa magkabilang pisngi. Hindi nga siya nagkamali. Mainit na pareho ang mga iyon. Sa kabila niyon ay pilit niyang inayos ang sarili at pumormal siya bago ito hinarap.
"Sino ka at ano'ng ginagawa mo rito? Paano ka nakapasok rito?" sunud-sunod na tanong ni Heidi. Hindi niya inaalis ang tingin dito.
"I'm... I'm sorry kung bigla na lang akong pumasok dito. Nakita ko kasing bahagyang nakabukas ang pinto. Na-curious din ako kung anong silid ba ito kaya pumasok na ako. Umalis na sana ako nang makita kitang abala sa ginagawa mong painting. Pero hindi pa ako nakuntento, ginusto ko pang makita kung ano ba ang pinagkakaabalahan mo," paliwanag ng lalaki at nagkamot pa ng ulo.
Hindi alam ni Heidi kung bakit pero ramdam niya na nagsasabi naman ng totoo ang lalaking ito. Nanatili lang siyang pormal na nakatingin dito at kitang-kita niya na tila hindi ito mapakali. "Okay. Nasagot mo na ang pangalawa kong tanong. Sagutin mo na ang una at pangatlo. Sino ka at paano ka nakarating sa lugar na 'to? And I mean this house."
"My name is Yrian Telleria. Kaibigan ko si Louie Terradenio," pakilala nito sa sarili. "Ang totoo niyan, siya ang nagsabi sa akin na maglakad-lakad muna habang inaayos pa ang hapunan."
"Kaibigan ni Kuya? Ang ibig mong sabihin, ikaw 'yong sinabi ni Kuya sa akin na kaibigan niyang makikitira rito pansamantala?"
Ngumiti ang lalaking nagngangalang Yrian at tumango. "Nabanggit na pala niya sa 'yo."
Kaya naman pala nasa teritoryo nila ang lalaking ito at malayang nakakapagliwaliw. "Sinabihan na niya ako. Para raw hindi na ako magulat kung sakali mang may kung sinong estranghero akong maabutan dito sa bahay. Pero sa huli, nagulat pa rin ako."
"Pasensiya na talaga. Hindi ko sinasadya."
"A-ano na nga ulit ang pangalan mo?"
"Yrian. Yrian Telleria. P-puwede ko bang... malaman ang pangalan mo?"
Ilang sandaling nag-alinlangan si Heidi pero agad din niyang pinawi iyon. Makakasama niya ng pansamantala ang lalaking ito sa iisang bubong. Ang pangit naman siguro kung magiging estranghero ang tingin niya rito at ganoon din ito sa kanya dahil lang hindi nito malaman ang pangalan niya.
"Heidi Iara Terradenio. Iyon ang buong pangalan ko," sagot niya kapagkuwan.
Tumango-tango ito at nginitian siya. "Heidi... Nice name."
Gusto niyang matakot dahil sa nagiging epekto ng ngiti ni Yrian sa kanyang puso. Hindi niya alam kung bakit parang gumanda sa pandinig niya ang sariling pangalan nang ulitin nito iyon. Naku po! Ano na 'tong nangyayari sa kanya?
"O, nagkita na pala kayo," bungad ni Louie nang makapasok na ito sa painting room. "Ano na, pare? Plano mo na bang ligawan 'tong prinsesa namin?"
Hindi makapaniwalang napatingin si Heidi sa kapatid na ngingisi-ngisi lang. Sa inis niya ay dinampot niya ang isang paintbrush sa mesa at ibinato iyon kay Louie. Madali lang nitong nailagan iyon.
"Get out of this room, both of you. Nagulo na ang concentration ko nang dahil sa inyong dalawa. Out, out!" pagtataboy niya sa dalawang lalaki.
Hindi pa siya nakuntento, itinulak pa talaga niya si Yrian hanggang sa mapalabas na niya ito ng silid. Agad niyang isinara ang pinto at napasandal siya roon.
Huminga siya ng malalim bago napahawak sa dibdib kung saan ramdam niya ang lakas ng pagtibok ng puso niya.
Kung kanina ay inaantok na siya, tila nawala na iyon dahil sa mga kaganapan kanina. Sa malas niya, pati ang concentration niya sa tinatapos na painting ay nawala na rin.
No comments:
Post a Comment