Saturday, August 15, 2020

The Story Behind The Secret Of The Rose Clans


Medyo mahaba-haba ang entry na 'to considering the fact na ito ang background story ng "Chronicles of the Roses". As usual, isinulat ko ito way back 2008 pa, kaya may kadramahan ang writing style ko rito. Since nai-share ko na rito ang mailking description ng series na ito, gusto ko na ring i-share ang background story ng dalawang pamilyang ito.

By the way, sinubukan ko lang gumawa ng aesthetic ng mismong series. I think I captured most of the topic tha surrounded the romance series of these two clans. Baka nga gawan ko rin ng ganito ang "Eight Thorned Blades" one of these days. Tingnan natin. ðŸ˜„✌️💕

Here goes:

Kilala at respetadong mga angkan sa isla ng Panay, ito ang katayuan ng mga Cervantes at dela Vega. Subalit isang lihim ang maglalagay sa kanila sa panganib. Ano nga ba ang lihim nilang ito?

Ang nasabing lihim ay nakapaloob sa isang diary na pag-aari ng magkapatid na Alfonso at Victoria Cervantes na namuhay noong ika-labing anim na siglo sa Madrid, Spain. Ang mga Cervantes ay isa lang sa pinakamayamang angkan noong mga panahong iyon. Ngunit lingid sa kaalaman ng nakararami, may nakatago pang baul-baul na kayamanan ang mga Cervantes sa isang malayong isla. Ang kayamanan nilang ito ay nakuha ng kanilang mga ninuno mula sa pamimirata sa mga lugar na mapuntahan ng mga ito ilang siglo na rin ang nakararaan. Isa pa, ang mga ninuno nila ay kabilang din sa maharlikang angkan ng mga Maya at Inca sa Latin America noon. At kung pagsasama-samahin ang mga kayamanang ito, ang mga Cervantes na ang ituturing na pinakamayamang angkan sa buong mundo. Subalit wala silang plano na ipaalam sa mundo ang tungkol sa bagay na iyon. Sapat na sa kanila ang tinatamasang karangyaan na handa ring itulong sa mga mahihirap.

Malaki ang hirap na dinanas nila sa pagtatago ng lihim. Hindi dahil sa ipinagdadamot nila ito kundi dahil nais nila itong protektahan laban sa mga ganid at mga gahaman. Talamak na noon pa man ang mga ganoong klaseng tao. Nagagawang nakawin ang pera ng ibang tao upang mabuhay at maging tanyag sa 'di halahatng paraan. Ginagamit ang posisyon sa pamahalaan upang manggamit ng iba.

Paano nagkaroon ng koneksyon ang mga dela Vega sa mga Cervantes?

Iyon ay dahil sa unica hija ng mga Cervantes na si Victoria at sa isa sa tagapagmana ng mga dela Vega na si Hernando. Gayon din kay Alfonso at ang isa pang tagapagmana ng mga dela Vega na si Sofia. Hindi dahil sa sila'y ipinagkasundo kundi dahil sa iyon ang nais ng tadhana sa kanila.

'Di sinasadyang magkakilala sina Victoria at Hernando sa England kung saan nang mga panahong iyon ay pareho silang nag-aaral doon. Sa tagal ng kanilang pamamalagi roon ay namalayan na lamang nilang nahuhulog na ang loob nila sa isa't-isa. Subalit nagkaroon ang pangamba ang dalawa sa kanilang relasyon dahil walang alam ang kanilang mga magulang tungkol dito. Nang makapagtapos ay nagbalik ang dalawa sa Spain upang pormal na ipahayag sa kanilang pamilya ang kanilang relasyon.

Ang akala nila'y magagalit ang kanilang mga magulang sa kanilang relasyon. Subalit nagtaka sila nang makita nila ang katuwaan sa mukha ng mga ito nang makita silang magkasama at magkahawak-kamay pa. Hanggang sa malaman nilang naipagkasundo na pala silang ikasal noon pa mang mga sanggol pa lang sila. Isang malaking biyaya iyon sa kanila. Kaya naman hiniling ni Hernando sa kanyang ama na sila'y maipakasal na ni Victoria sa oras na makaya na nilang pamahalaan ang mga negosyo ng kanilang pamilya. Ganoon na lamang ang kanilang katuwaan nang pumayag ang mga ito.

Sa sitwasyon naman ni Alfonso, kababata niya si Sofia. Madalas niya itong kalaro noon pa mang mga bata sila nito. At sa kanilang murang edad na siyam na taong gulang, umusbong ang isang batang pag-ibig sa pagitan nila. Subalit nasubukan ang katatagan ng pag-ibig na ito nang puwersahang pag-aralin sa Vienna, Austria si Sofia. Hindi man nila gusto ay wala na silang nagawa. Isang pangako na lamang ang iniwan nila sa isa't-isa na sila pa rin ang magsasama sa bandang huli. Tatapusin na lamang nila ang nararapat na tapusin at magagawa na nila ang kanilang nais. Inabot ng labing-limang taon bago natapos ang pangako nilang iyon sa isa't-isa. Wala namang naging tutol sa kanilang pamilya nang magdesisyon silang magpakasal. Lamang, kailangan munang asikasuhin ni Alfonso ang negosyo ng kanilang pamilya hanggang sa dumating ang kapatid niyang si Victoria mula sa England.

At dahil sa nabuong relasyon sa pagitan ng dalawang angkan, dito na kinailangang ipagtapat ng mga Cervantes sa mga dela Vega ang lahat tungkol sa kanilang lihim. Dahil kilala na nila ang mga dela Vega na marunong magtago ng kanilang sikreto, nagawa na nilang sabihin dito ang lahat-lahat. Sa pagsasanib-puwersa na rin nila ay  mas nakilala pa ng husto ang dalawang angkan. Taglay ng dalawang pamilyang ito ang ang simbolo ng pula at puting rosas bilang family emblem nila. At dahil dito, nakilala aila bilang "The Rose Clans". Nang makumpleto na ng magkapatid ang lahat ng impormasyon tungkol sa nakatagong kayamanan ng kanilang angkan ay isinulat nila iyon sa isang hardbound notebook at nang matapos ay isinilid sa isang chest box na taglay ang emblem ng dalawang angkan. Sa totoo lang ay may lihim din ang mga dela Vega. May nakatago ring kayamanan ang mga ito na katapat lamang nila sa dami. Kaya naman hindi nakapagtatakang magsanib ng puwersa ang mga Cervantes at mga dela Vega.

'Di nagtagal, ikinasal ang dalawang pareha sa parehong oras at araw. At siyempre, masaya ang lahat sa naganap na kasalan. Matapos ang selebrasyon ay nagtungo ang mga bagong kasal sa kanilang mga honeymoon. At makalipas ang siyam na buwan ay nagkaroon ng kambal na anak na lalaki sina Hernando at Victoria. Ganoon din ang naging anak nina Alfonso at Sofia makalipas ang siyam na buwan. Nag magbalik ang dalawang pareha sa Spain, napagdesisyunan ng magkapatid na Cervantes na hanapin ang kayaman ng kanilang pamilya. Lamang, wala silang kaalam-alam na ang paghahanap nilang ito ang magbibigay sa kanila ng matinding pagdurusa at panganib.

Habang patungo sa Englan ang magkapatid na Cervantes, sinalubong sila ng malakas na bagyo na nagpataob sa barkong kanilang sinasakyan. At sa kasamaang-palad ay walang nakaligtas sa nasabing trahedya, maging sina Alfonso at Victoria. Matinding pagdadalamhati ang pumalibot sa sa pamilyang iniwan ng magkapatid, lalong-lalo na ang kanilang mga asawa at kanilang mga naiwang anak na wala pang isang taong gulang nang lisanin nila. Bagaman wala nang magawa sa pagkamatay nina Alfonso at Victoria ay pinagpatuloy na lamang nina Hernando at Sofia ang mabuhay ng normal.

Lumaki ang kambal na anak ni Sofia kay Alfonso na walang nakagisnang ama at ang kambal na anak naman ni Hernando kay Victoria ay walang nakagisnang ina. Pero hindi ito naging hadlang upang magkulang sa pagmamahal ang mga bata. Si Sofia ang tumayong ina ng mga anak ni Victoria na sina Fernando at Antonio; at si Hernando naman ang tumayong ama ng mga anak ni Alfonso na sina Diego at Gerardo. Wala silang kaide-ideya na may kinakailangan pa silang gawin bago sila matahimik.

Makalipas ang labing-tatlong taon, naibsan na ang sakit at pait ng pagkamatay ng magkapatid na Cervantes. Subalit hindi malaman kung imahinasyon, kung minamaligno o ano, sabay-sabay na napanaginipan ng apat na bata ang kanilang mga magulang na namatay. Hinihingi ang kanilang tulong na hanapin ang lugar na kinalalagyan ng kayamanan at ang diary na nawala noong gabing bumagyo. Agad na ipinagsabi ng mga bata kina Hernando at Sofia ang tungkol sa napanaginipan. Nagkataon namang naroon ang ibang miyembro ng mga Cervantes at mga dela Vega, lalo na ang ama nina Alfonso at Victoria, maging ang ama nina Hernando at Sofia.

Nang gabi ring iyon ay napag-usapan ng lahat na ito ang misyong kinakailangan nilang gampanan. Walang tumutol sa bagay na ito dahil naisip rin nilang baka ito pa ang maging dahilan ng katapusan ng dalawang angkan. Nakatakdang umalis ang magkapatid na dela Vega kasama ang kanilang mga anak patungong Inglatera kung saan uang nagdesisyon ang kanilang mga asawa na tunguhin labing-tatlong taon na ang nakararaan. Ngunit nang tuluyan na silaag nakaalis, wala silang kaalam-alam na ito ang magigingsimula ng lagim na dadanasin nila.

Eksaktong nakalayag na ang barko nang salakayin ng isang grupo ng mga rebelde ang tahanan ng mga Cervantes at pinatay ang lahat ng taong naroon, kabilang na ang karamihan sa miyembro ng mga Cervantes at dela Vega. Ito ang isa sa pinakamalaking balitang nalaman ng mga taga-Espanya na gumulat sa lahat. Marami ang nagluksa sa pagkamatay ng mga ito, lalong-lalo na sa pagkamatay ng dalawang pinuno ng dalawang angkan. Kung nasaan man ang magkapatid, na dela Vega ay wala silang kaalam-alam. Mahalaga na lamang sa kanila na maging ligtas ang mga ito.

Nalaman ng magkapatid ang kinahinatnan ng kanilang pamilya na ikinagalit nila nang husto. Hindi na matanggap ng magkapatid ang nagaganap sa mga buhay nila. Ang nagdala ng mensahe sa kanila ay ang pinagkakatiwalaang mayordomo ng kanilang pamilya at ang isa sa nakaligtas sa pagsugod sa tahanan ng mga Cervantes, si Florentino Elzevir.

Iyon ang nagbigay ng dagdag na dahilan upang ipagpatuloy nila ang nasimulan nina Alfonso at Victoria. Ginagwa nina Hernando at Sofia ang lahat ng makakaya nila upang mahanap ang diary at ang kinalalagyan ng kayamanan. Subalit laging umuuwing bigo ang magkapatid. Hanggang ang misyong ito ay naipasa na sa apat na bata upang ipagpatuloy ang paghahanap. Naging ganito na ang buhay ng bawat henerasyong nagdaan sa pamilya Cervantes at dela Vega. Ipinagpapatuloy ang bigong misyon upang makita ang hinahanap nila. At ngayon nga, umabot na sa henerasyong kinabibilangan nina Alexis, Joaquin, Cecille, Nathan, Fate, at Cheska sa angkan ng mga Cervantes at nina Joel, Elena, Aaron, Angela, Kevin, at Elizza sa angkan naman ng mga dela Vega ang misyon sa paghahanap sa nawawalang diary.

Ilang henerasyon pa ba ang kailangan nilang pagdaan para lang matapos na lahat ng paghihirap nila?

⚜️⚜️⚜️⚜️

For sure, iisipin ng karamihan na ang daming cliche ng series na ito. Exaggerated pa nga siguro. But at the time, I just love exaggerating things, especially story plots like this. Wala pa akong planong ipasa sa kahit saang publishing houses ang mga pinagsususulat ko noon. Kaya siguro hinayaan kong i-expand nang ganito ang background story ng series na ito.

Anyway, baka may mahagilap pa akong mga trivia para sa series na 'to. Next time ulit! ðŸ˜„✌️💕

No comments:

Post a Comment