"WALA ka talagang planong magkuwento, 'no?" nakasimangot na tanong ni Lianne kay Aeros habang naglalakad sila sa plaza at bumibili ng pang-souvenirs. Well, si Riel lang naman ang pagbibigyan niya niyon, eh.
Pero ang sabi ni Aeros, mabuti na raw ang nakakasiguro dahil hindi niya alam kung sino ang posibleng bumisita sa kanya at mag-usisa kung saan siya nagpunta para magbakasyon.
"Ano naman ang ikukuwento ko? Iyong inis ko sa pagtawag ni Maricar para lang kumustahin ako at itanong kung nakahanap na raw ba ako ng kapalit niya sa buhay ko? O baka naman 'yong mapang-asar niyang tawa nang hindi ako makasagot sa sinabi niyang iyon. Puwede ko rin sigurong idagdag 'yong sakit ng kalooban na patuloy ko pa ring nararamdaman hanggang ngayon." There was bitterness and anger in Aeros' voice. Pero hinayaan lang niya ito na ganoon. Makakatulong nga naman dito ang paglalabas ng resentment nito sa pamamagitan ng pagkukuwento.
Kunsabagay, wala pa sa kalahati ang inireklamo nito. Ni ayaw nga nitong magsalita, eh. Pero isa siyang nilalang na sadyang makulit kapag ginusto niya. Siguro naman, alam na ni Aeros ang tungkol sa bagay na 'yon, 'di ba?