"SO HOW'S your day with my sister?" Iyon ang bungad ni Riel kay Aeros mula sa kabilang linya nang makabalik na sila ni Lianne sa Casimeran Castle Hotel nang araw na iyon at magtungo na sa kani-kanilang hotel suites.
Gaya ng sabi sa kanya ng dalaga, sinamahan nga niya itong mamasyal. Pero hindi niya naramdamang napipilitan lang siyang gawin iyon kaya siya sumama rito. Sa totoo lang, nag-enjoy siyang kasama ito sa pamamasyal. Hindi siya makapaniwala na nagagawa niyang tumawa at ngumiti nang dahil sa isang babae sa kabila ng dinaranas na heartache. Hanggang sa ma-realized niya na ibang babae si Lianne. Hindi ito katulad ni Maricar—in more ways than one.
"Aside from the fact na masyadong prangka at straight to the point na katulad mo ang kapatid mo, okay lang naman. Muntikan ko nang hindi kayanin ang kaprangkahan niya. Demanding din kapag ginusto niya. Pero okay lang sa akin," pag-amin ni Aeros habang abalang nagpapalit ng damit-pantulog.
"Sinabi ba niya sa 'yo ang tungkol sa fiance niya?"
"Oo. At mukhang nakapag-move on na nga nang husto si Lianne kung ibabase ko na rin sa mga bulaklak na binili niya kanina bago kami nagpunta sa dating templo. She bought a bouquet of sweetpea and a bouquet of zinnia. Pati language of flowers, malaki ang halaga sa kapatid mo."
"Kung galing ka sa pamilyang pinahahalagahan nang husto ang sinisimbolo ng isang partikular na bulaklak, maiintindihan mo rin siya. Pinalaki kaming ganyan ng Mama namin. Kaya huwag ka nang magtaka. But besides the point, do you think she could help you?"
Doon siya natahimik at napatingin sa labas ng binata. Madilim na roon at tumambad sa kanya ang madilim na langit na napapalibutan ng mga bituin. "Hindi ko alam, Riel. Tama ka nang sabihin mo sa akin na magkaiba kami ng dahilan para mawala ang taong mahal namin. Kung ikukumpara mo sa akin, parang mas mahirap pa para sa kanya na tuluyang makaalis sa sakit na dulot ng mga nangyari sa fiance niya. Hindi ko mapigilang isipin na napaka-pathetic ko para hayaan ang sarili ko na patuloy na nasasaktan dahil sa panloloko sa akin ni Maricar."
"Minahal mo pa rin naman siya. Hindi naman natin maitatanggi iyon, eh. Ang mali lang ng ex-girlfriend mo, hindi niya nakita ang pagpapahalaga mo. Na seryoso ka sa nararamdaman mo sa kanya. Mapapalampas mo pa sana ang kasalanan niyang iyon kung sinabi lang niya sa 'yo na kahit papaano ay nabago mo ang nararamdaman niya. Tama?"
Huminga siya nang malalim para pakalmahin ang kanyang sarili. Dumagsa na naman ang sakit sa pagkakaalala ng gabing iyon sa restaurant ni Riel. Doon niya nalaman na ilang buwan na pala siyang niloloko ni Maricar. Huli na nang malaman niyang nakikipaglapit pa rin ito sa kanya sa kabila ng katotohanang may iba pa itong kinakasama. At ang mas masakit, ginagamit na lang siya ng babae para sa perang makukuha nito sa kanya.
Oo, aaminin niyang nagpakatanga siya sa ganoong klaseng babae. Pero totoo ang sinabi niya kay Lianne na kung totoo lang sana ang ipinakita nitong pagmamahal sa kanya na hindi involved ang pera, mapapatawad pa sana niya ito sa panlolokong ginawa nito.
"Ayoko nang pag-usapan iyon, pare. Malaki ang pasasalamat ko sa kapatid mo at nagawa niya akong tulungan na ibaling sa ibang bagay ang sakit na nararamdaman ko. Nagawa ko na ring tumawa kahit papaano. Saan ba nakuha ng kapatid mo ang pagiging joker niya, ha?"
Halakhak ni Riel ang sumalubong sa pandinig niya mula sa kabilang linya. "Sisihin mo na lang si Jian. Siya ang may kasalanan sa bagay na iyan. Madalas kasing magkasama ang dalawang iyon noon, eh."
Kagyat siyang nakaramdam ng pagkainis sa narinig na pangalan. "Jian? Sino naman 'yon?"
"Jian Vluerona. Kilalang hotel owner hindi lang dito sa Pilipinas kundi pati na rin sa buong Asya. Nagmamay-ari rin iyon ng ilang wineries sa Europe. Nagkataon na matagal na namin siyang kaibigan. Sabihin na nating distant relative namin siya ni Lianne."
Oo nga pala. Minsan nang nabanggit sa kanya ni Riel na may Japanese ancestry ang pamilya ng mga ito. So kasama pala ang Jian na iyon sa Monceda clan? "Pinakikinggan pa lang kita pero parang ang gulong ipaliwanag ng family history ninyo, sa totoo lang."
"Kaya huwag mo na lang alamin ang buong kuwento kung ayaw mong mahilo. In any case, mabuti naman at nagawa kang patawanin ni Lianne. Ang akala ko, tatarayan ka niyan, eh."
"Quite the opposite. Mabait ang kapatid mo kung sa mabait. At napabilib din ako ng lakas ng loob niya para magawang tanggapin ang mga nangyari sa kanya," malamlam ang mga matang sabi ni Aeros kahit alam niyang hindi siya nakikita ni Riel.
"Pero nagbigay na rin ng 'di maipaliwanag na takot sa kanya ang nangyaring iyon."
Ilang sandaling bumalot ang katahimikan sa kanilang dalawa. Para bang hinihintay nila kung sino sa kanilang dalawa ni Riel ang unang magsasalita. Hindi niya maitatangging naramdaman niya ang sinasabi ng kaibigan tungkol kay Lianne. Ang takot na mawalan uli ng taong minamahal sa kahit na anong dahilan pa.
"Pero may gusto akong malaman mula sa 'yo, Aeros. Ano ba ang totoong iniisip mo ngayong nakasalamuha mo na ang kapatid ko?" seryosong usisa ni Riel.
Hindi niya ikakailang nabigla siya sa tanong nitong iyon. Dumating na talaga sa ganoong punto si Riel para itanong sa kanya iyon? Posibleng nag-aalala lang ito para sa kapatid nitong si Lianne. Pero ano ba ang gusto nitong malaman mula sa kanya? Ilang sandali rin niyang pinag-iisipan ang isasagot niya sa kaibigan. May palagay siyang malalaman nito kaagad kapag nagsisinungaling siya. Kaya dapat lang na ang katotohanan ang sabihin niya rito.
Ang ikinakabahala niya, baka may masabi itong hindi maganda kaugnay ng magiging sagot niya sa tanong nito. Huminga siya nang malalim upang pakalmahin kahit papaano ang kanyang puso bago sinagot ang tanong ni Riel sa kanya na matiyagang naghihintay sa sasabihin niya.
"Baka hindi ko mapanindigan ang sinabi ko sa 'yo noon."
= = = = = =
IT WAS April 17 and Lianne's fourth day in Casimera. Iyon na rin ang huling araw niya sa bayang iyon. At least, para sa taong iyon. Bagaman nagpaalam na siya nang tuluyan kay Henry at pinakawalan na niya ang lahat ng resentment na meron siya dahil sa biglaang pagkawala ng fiance niya, hindi naman nangangahulugan iyon na hindi na siya babalik sa Casimera.
That town became her other home to return to. Ipinaramdam iyon sa kanya ni Renz at ng iba pang mga nakatira roon. At sisiguraduhin niya na babalik siyang muli roon kapag may pagkakataon rin lang siya. Kahit na iyon naman ang gawain niya kada taon matapos mamatay ni Henry, baka sa pagkakataong iyon ay bumalik siya sa bayang iyon na hindi pa lumilipas ang isang taon. Basta ba masisiguro lang niya na hindi siya abala sa mga trabaho niya.
Nag-inat siya ng katawan matapos hawiin ang kurtina ng glass window sa kanyang hotel suite. Sa pakiwari niya ay magiging maganda ang takbo ng huling araw niya sa bayang iyon kung ibabase na rin niya sa ganda ng panahon na sumalubong sa kanya nang umagang iyon. Sa loob ng ilang taon, lagi niyang ibinabase ang magiging mood ng bawat araw na magdaraan sa panahong sasalubong sa kanya sa paggising niya sa umaga. It was a little childish to some, but it one of her ways to have fun and prepare for the day.
Agad siyang natapos mag-ayos ng hinigaan at magpalit ng damit. Wala siyang partikular na lugar na planong puntahan sa araw na iyon dahil ang pagpunta lang naman sa dating templo ang pinakadahilan niya kung bakit naroon siya sa Casimera. Aside from buying souvenirs for her brother, she'd just wander around the town.
Muntik na nga lang siyang mapasigaw nang mabungaran si Renz na nasa labas pala ng suite niya at akmang kakatok. "At kailangan mo talaga akong takutin, 'no? Pambihira ka. Bibigyan mo pa yata ako ng sakit sa puso, eh."
"That's what you call perfect timing. Kakatukin na dapat kita, eh. Inunahan mo lang ako," nakangising sabi ni Renz.
Napailing na lang siya at ini-lock na ang hotel suite niya bago hinarap ang kaibigan. "At ano;ng topak meron ka para maisipan mo akong katukin nang ganito kaaga?"
"Maaga pa sa 'yo ang alas-siyete?" manghang ganting-tanong nito, bagaman napansin niya sa tinig na nagbibiro lang ito.
Kaya naman tinaasan lang niya ito ng kilay. Alam naman siguro nito kung ano ang ibig sabihin niyon, 'di ba? Nginitian siya ng binata at sinabayan na sa paglalakad papunta sa elevator. "I was just wondering kung may pinag-awayan ba kayo ni Aeros kahapon."
Napatigil siya sa paglalakad at kunot-noong hinarap si Renz. "Kami, mag-aaway? Bakit mo naman nasabi iyan? At saka nakasalubong mo pa nga kaming dalawa kagabi, 'di ba? Mukha ba kaming may pinag-awayan?"
"Then I guess something else must have frustrated him," mahinang tugon nito at tila nahulog sa malalim na pag-iisip.
Hindi naman maintindihan ni Lianne ang itinatakbo ng pag-uusap nilang iyon ni Renz. Bakit naman nito naisipang magtanong nang ganoon? "Ano ba'ng pinagsasasabi mo riyan, ha? Bakit mo naisip na nag-away kami ng pinsan mong iyon?"
"Eh nandoon siya sa private bar namin buong magdamag at lumaklak ng alak na para bang hindi na makakainom ulit kinabukasan. Nagiging ganoon lang iyon kapag depressed, may dinaramdam o may gumugulo sa isipan niya."
"At sa akin mo pa talaga ipinasa ang sisi kung bakit ganoon siya ngayon?" Pero hindi na rin niya napigilan ang pagdagsa ng alalahanin sa dibdib nang mga sandaling iyon. May nangyari nga kaya kay Aeros para magkaganoon ito?
"Ang mabuti pa, puntahan na lang natin siya sa private bar namin," mayamaya'y anunsyo ni Renz.
"Nandoon pa rin siya hanggang ngayon?"
= = = = = =
"AT HUMIHILIK pa talaga ang lokong 'to, ah. Ang dali lang para sa kanya na magpakakomportable sa kahit na anong lugar, 'no?" iiling-iling na komento ni Lianne habang pinapanood ang mahimbing na pagtulog ni Aeros sa isang sofa na naroon sa private bar nina Renz sa hotel.
Napakainosente palang tingnan ng pagmumukha ng lalaking ito kapag tulog. Pero nakikita niya rito na tila may dinaramdam nga ito kaya ganoon ang binata nang mga sandaling iyon. Huminga siya nang malalim para pawiin ang pagkairita na hindi niya alam kung saan nagmula at bigla na lang niyang naramdaman. May palagay na siya kung ano ang dahilan kung bakit nagkaganito si Aeros.
"Huwag mong sabihing si Maricar na naman ang dahilan? Malapit na akong maubusan ng pasensiya sa ex-girlfriend niyang iyon, ah," aniya at saka naupo sa sahig. Ngayon ay nakaupo siya kung saan nakatapat na ang mukha niya sa mukha nito.
Kumunot ang noo ni Lianne nang makitang hawak na ng kaibigan niya ang isang cellphone. "Kanino namang cellphone iyan? Sa pagkakaalam ko, hindi iyan ang model ng cellphone mo."
Itinuro lang ni Renz ang nahihimbing na si Aeros sa sofa. Instinctively ay napatingin siya sa binata at muling ibinalik ang tingin sa kaibigan niya. "Talagang nanghalungkat ka pa ng cellphone ng ibang tao, ah."
"Kailangan, eh. At saka alam ko naman ang password ng cellphone niya. Mukhang hindi pa rin niya pinapalitan ang password nito," anito na nakatuon ang atensyon sa cellphone ni Aeros.
"Don't tell me. May kinalaman kay Maricar ang password niyan?" walang ganang tanong niya na hindi naman inaalis ang tingin kay Aeros.
"Not really. Date ang password nito, eh. Weird enough, walang kinalaman kay Maricar iyon. It's April 23, 2015."
April 23, 2015. Hindi na siya nagtanong pa, bagaman hindi niya itatanggi na nakuha niyon ang interes niya. What was with that April 23, anyway? Umiling na lang siya nang walang makuhang sagot sa kanyang isipan. Hinintay niya si Renz na tapusin ang pagkalikot nito sa cellphone ni Aeros at ipinakita lang nito sa kanya ang call logs na naroon. Kumunot ang noo niya nang makita ang pangalan ni Riel sa ibaba ang isang unregistered number.
"Tumawag sa kanya si Kuya pagkarating namin ni Aeros dito sa hotel? Panigurado, nagtanong na iyon tungkol sa akin." Naningkit ang kanyang mga mata nang mapansin na tila pamilyar yata sa kanya ang unregistered number na naroon. "Wait a minute." Kaagad niyang kinuha ang sariling cellphone at hinanap roon ang isang number sa list of contacts na posibleng mag-match sa number na naroon sa cellphone ni Aeros. Napailing na lang siya at natawa. "You got to be kidding me."
"Bakit? Ano'ng nakita mo?" excited na tanong ni Renz.
Ipinakita na lang niya kay Renz ang pangalan ng taong may contact number na katulad ng unregistered number na nasa cellphone ni Aeros.
"Jian? Sino naman 'yon? Kilala mo?"
"Ilalagay ko ba naman siya sa list of contacts ko kung hindi ko siya kilala? Kaibigan namin siya ni Kuya. A family friend, actually. Huwag mong sabihing hindi mo kilala ang sikat na hotel owner na si Jian Vluerona?" Kapagkuwan ay may naisip siyang gawin. Walang pasabing kinuha niya ang cellphone ni Aeros kay Renz na ikinagulat naman ng binata. "Let me do something."
Hinayaan na lang siya nito sa pagkalikot sa cellphone na iyon. Isa lang naman ang naisip niyang gawin—ang tawagan ang unregistered number na naroon para kumpirmahin ang hinala niya. Tiningnan muna niya si Aeros na bulagta pa rin. Hindi na niya napigilan ang mapangiti nang malungkot sa nakikitang ayos ng binata. Ilang sandali pa, pinindot na niya ang Answer Call button at itinapat sa tainga niya ang cellphone.
"Hello?" bungad ng nasa kabilang linya.
Napapikit na lang siya at nahilot ang sentido nang marinig iyon. "Jian..." Sinasabi ko na nga ba.
= = = = = =
PARANG binibiyak ang ulo ni Aeros nang magmulat siya ng kanyang mga mata. Noong una ay malabo pa ang tingin niya sa paligid pero alam niyang maliwanag pa rin. Ilang sandali rin ang inabot bago luminaw ang paningin niya. Inilibot niya ang tingin sa paligid kapagkuwan. Kumunot ang noo niya nang mapansing naroon siya sa hotel suite niya. Sa pagkakaalala niya, buong magdamag siyang naroon sa private bar nina Renz matapos matanggap ang tawag ni Maricar gamit ang ibang numero.
Nakaramdam siya ng pagngingitngit nang maalala iyon. Ang lakas pa talaga ng loob ng babaeng iyon na ipamukha sa kanya na nakahanap na ito ng iba na ipinalit sa kanya. Of course, it hurts him. Pero pilit din niyang pinawi iyon dahil alam niyang siya lang ang mahihirapan. Pinanatili niya sa kanyang isipan ang magandang mukha ni Lianne at ang mga ngiti nito sa kanya. Hindi niya alam kung paano pero nakatulong iyon nang husto para kumalma siya.
More than a month had already passed since he and Maricar called it off. Hindi pa niya masabi sa mga sandaling iyon kung naka-move on na siya dahil kahit papaano ay ramdam pa rin niya ang sakit ng paghihiwalay nila sa tuwing naiisip niya ito. Tama si Riel sa lahat ng mga sinabi nito sa kanya kagabi tungkol sa nararamdaman niya para kay Maricar na hindi pa rin naglalaho. Iyon siguro ang dahilan kung bakit uminom siya nang uminom ng alak na para bang hindi na iinom ulit sa susunod na araw.
Sigurado kang iyon ang dahilan mo o natatakot ka nang panindigan ang ipinangako mo sa kaibigan mo noon? Napahilot na lang siya sa kanyang sentido dahil sa sinabing iyon ng isang bahagi ng kanyang isipan. Iyon pa.
"Mabuti naman at naisipan mo na ring gumising."
Nanigas siya at hindi kaagad nakakilos nang marinig ang malamyos na tinig na iyon. Ilang sandali rin bago niya nagawang ikilos ang kanyang ulo at iginala ang tingin sa paligid. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita sa sofa si Lianne na naka-de kwatro pa at kumaway sa kanya habang nagbabasa ng isang libro. Ano'ng ginagawa ng babaeng ito sa hotel suite niya?
"Nasira ang plano kong mamasyal sa huling araw ko rito dahil sa ginawa mong ito. Alam mo ba 'yon? Ang hilig mo talagang bigyan ng alalahanin ang mga kaibigan mo. Ano na namang topak ang pumasok diyan sa isipan mo at naglasing ka, ha?"
Nanatiling walang imik si Aeros at nakatingin lang kay Lianne na kinakagalitan siya. Mukhang napansin na rin nito na hindi siya sumasagot sa mga tanong nito na hindi naman rumehistro sa kanyang isipan. Huminga ito nang malalim at tumayo mula sa sofa para lapitan siya.
"Puwede ba? Sa susunod, kung may gagawing kababalaghan sa 'yo ang ex-girlfriend mo, sabihin mo sa akin at nang mabigyan natin ng leksyon sa panloloko niya sa 'yo? Pambihira, imbes na okay ka na kahit papaano, eh," pagpapatuloy ni Lianne na may pag-aalala sa tinig nito.
"Sorry," mahinang sabi na lang niya at yumuko siya. "Pati ang bakasyon mo, naistorbo ko pa."
"Huwag mo nang alalahanin iyon. Okay lang naman sa akin. Let's just say I forced myself to get used to that. Sinabi naman sa akin ni Kuya na tulungan kita, eh. Ano ba'ng nangyari at naisipan mong maglasing, ha? Pasalamat ka at pinagbigyan ka nina Renz at Ephraim na gamitin ang private bar nila para sa kalokohan mo."
Hindi niya alam kung bakit nakaramdam siya ng pagkadismaya sa isang sinabi nito. Sinabihan pala ito ni Riel na tulungan siya. Kunsabagay, pinakiusapan din naman niya ito na tulungan siya, 'di ba? Kaya dapat lang na wala siyang dahilan para madismaya. Pero hindi pa rin niya napigilan. Padabog na umalis siya sa kama at dumiretso sa banyo.
Kaya lang, mukhang napansin na rin iyon ni Lianne at wala itong planong pakawalan siya dahil sumunod pa ito sa kanya at iniharang ang katawan sa labas ng banyo.
"Uy, Aeros? Okay ka lang? May problema ba? Sagutin mo muna ang tanong ko bago kita hayaang pumasok sa banyo."
Napapantastikuhang tiningnan niya ang dalaga na tila seryoso sa sinabi nitong iyon. Umiling siya kapagkuwan. "Lianne, umalis ka muna riyan sa pintuan ng banyo, okay? Kung ayaw mong masukahan kita dahil sa totoo lang, hindi maganda ang pakiramdam ko ngayong alam ko na kung gaano karami ang nainom ko."
"Sigurado kang iyon lang ang dahilan kung bakit ka umiiwas sa interrogation ko?" nananantiya pang tanong nito.
Hindi siya nakaimik kaagad dahil sa nakitang sinseridad at pag-aalala sa mukha ni Lianne. Now that he thought about it, had Maricar ever looked at him that sincerely before? Grabe, hindi na niya gaanong matandaan. Tumango lang siya bilang tugon. Ngumiti naman ang dalaga, tila kontento sa naging sagot niya. At hayun ang puso niya, biglang bumilis ang tibok dahilan upang mapahawak siya sa dibdib niya. Mabuti na lang, agad na umalis si Lianne sa harap ng pinto ng banyo. Nagmamadali siyang pumasok roon at isinara iyon.
Damn it! What's happening to me? Nang mga sandaling iyon, tila nawala ang pagkahilo at sama ng pakiramdam niya kanina dahil mas nakatuon ang pansin niya sa mabilis na tibok ng puso niya. Napangiti na lang siya habang hinihimas ang kanyang dibdib sa pagbabaka-sakaling kumalma siya.
No comments:
Post a Comment