"GUSTO ko na talagang magwala, Kuya. Tama ba namang dito ko pa makikita ang kaibigan mong iyon?" reklamo ni Lianne kay Riel nang gabing iyon sa kanyang hotel suite.
Isa sa kabilin-bilinan ng kuya niya ay tumawag siya rito kapag nakarating na siya sa Casimera. Pero distracted siya sa mga nangyari kanina lang sa pagitan nila ni Aeros. Ikinuwento niya iyon sa kapatid nang sa wakas ay naalala na niyang tawagan ito. Pero ang lokong Riel na iyon, tinawanan lang siya.
So much for asking for a concerned brother, nakasimangot na saisip niya. "Sige lang. Tawanan mo pa ako. Diyan ka naman magaling, eh."
"Sorry, sis. It's not to mock you or to irritate you, okay? Natatawa lang kasi ako sa sitwasyon ninyong dalawa. Sino ba naman kasi ang mag-aakala na diyan din siya pupunta sa Casimera nang i-suggest ko sa kanya na lumayo muna sa mga lugar na magpapaalala sa kanya ng nangyari sa kanila ni Maricar."
Ayaw man niya ay lalo siyang napasimangot sa narinig. "Ano ba ang kasalanan ng Maricar na 'yan—kung sino man siya—para makita ko na wagas kung pagsakluban ng langit at lupa ang pagmumukha ng Aeros Francisco na iyon?"
"Sis, kailan ka pa naging intrigera?"
"Sagutin mo na lang ang tanong ko, Kuya. At huwag mo akong gagantihan ng isa pang tanong kung ayaw mong upakan kita pag-uwi ko riyan," banta niya rito. Pero sigurado siya na alam ni Riel na biro lang ang sinabi niyang iyon. Ni minsan ay hindi niya nagawang upakan ang kuya niya dahil unang-una, mas matanda ito sa kanya. Pangalawa, mas malakas ito na 'di hamak kaysa sa kanya. Pangatlo, lagi itong nakakaiwas.
Well, her brother had always been that witty. He was living up to his title to the clan, after all.
"Siya na lang ang tanungin mo tungkol diyan, Lianne. I'm sure he'd open up to you. Nabanggit ko rin kasi sa kanya na kung may isang tao na paniguradong makakapagbigay ng advice sa kanya para maka-move on, ikaw iyon. Huwag kang mag-alala. Hanggang doon lang ang sinabi ko."
Bumuntong-hininga na lang si Lianne. "Kailan mo pa ako ibinubugaw sa kaibigan mong iyon, ha? At kailan pa ako naging love advisor, pakisabi nga sa akin?"
Pero tumawa lang si Riel na ikinailing niya. "Sige na. Tulungan mo na lang siya kung kinakailangan, lalo na kapag hiningi niya ang tulong mo. He doesn't know how to strengthen his heart despite the heartache he's going through. Ituro mo sa kanya ang naging paraan mo para matanggap ang lahat."
Parang ganoon lang daw kadali iyon, 'no? gusto sana niyang ireklamo sa kuya niya pero malabong makinig ito sa kanya. Kung makapagsalita naman si Riel, mukha siyang expert pagdating sa pagmu-move on. Parang nakalimutan pa yata nito na inabot siya ng limang taon bago tuluyang bumalik sa dating buhay niya.
= = = = = =
LIANNE just kept on twirling her pen as she was looking outside the window of her hotel suite. Pero wala talagang pumapasok sa utak niya na gustong isulat sa stationery na binili niya bago siya nagpunta sa Casimera. Isa sa mga madalas niyang gawin kapag nagpupunta siya sa bayang iyon ay ang magsulat ng mensaheng gusto niyang sabihin kay Henry.
Kaya naman hindi niya maintindihan kung bakit ngayon ay walang pumapasok na kahit isang salita sa kanyang isipan. Marahas na lang siyang bumuntong-hininga at padabog na inilapag sa mesa ang ballpen. Ano ba 'tong nangyayari sa kanya? Kinamot niya ang likod ng kanyang ulo at nagdesisyong lumabas na lang muna.
Ito ang napapala ni Lianne sa kaiisip ng ibang bagay na alam niyang hindi talaga siya tatantanan kapag naumpisahan na. Ano ba talaga ang meron sa Aeros Francisco na iyon at naiisip na naman niya ito? Oo nga't nagkasama sila nito sa burol kahapon kahit sabihin pang medyo naiilang siya sa presensiya nito. Hindi naman kasi niya akalaing may pagka-intimidating pala ang dating ni Aeros sa malapitan. Brokenhearted pa ito sa lagay na iyon.
Pero hindi naman niya maalala kung ganoon din ba ang impresyon niya sa binata nang unang beses niya itong makita sa White Rose Gates. Napailing na lang siya.
Hindi mo talaga tatantanan ang utak ko, 'no, Mr. Francisco? Napaungol siya dahil sa naisip. Mukhang mababaliw pa yata siya nang wala sa oras nito. Kailangan na nga siguro niyang lumabas at magpahangin. Kung anu-ano nang agiw ang namumuo sa utak niya.
= = = = = =
MALUWANG na napangiti si Lianne nang mailabas na mula sa parking area ang bisikleta ni Renz na hiniram niya rito. Bigla kasi niyang naisip na magbisikleta na lang sa halip na maglakad sa pamamasyal na gusto niyang gawin para lang klaruhin ang kanyang isipan. Naalala niya na si Renz ang madalas niyang kasama noon sa pagbibisikleta. Kaya ito ang una niyang nilapitan kung may alam ba itong puwedeng pagrentahan ng magagamit na bisikleta.
Agad namang inalok ni Renz ang isa sa mga bisikleta nito. Gusto sana nitong sumama sa kanya pero may mga trabaho pa itong kailangang tapusin sa hotel. Ayaw naman niya abalahin pa ito kaya sinabi na lang niya na okay lang sa kanya ang mamasyal nang mag-isa gamit ang bisikleta nito.
Wala namang partikular na lugar na gustong puntahan si Lianne. Gusto lang niyang maglibot para matanggal ang kung anu-anong isiping bumabagabag sa kanya mula pa kagabi pagbalik niya sa hotel galing sa burol kasama si Aeros. Kung alam lang niya na ganoong klaseng gulo pala ang dadalhin ng lalaking iyon sa kanyang isipan, hindi na lang sana siya nagkaroon ng kagustuhang lapitan ito at alamin ang totoong nangyari rito. Pero ito naman ang lumapit sa kanya kahapon, 'di ba?
Sumakay na siya sa bisikleta nang marating na niya ang kalsada at pinapaandar niya iyon na hindi umaalis sa bicycle lane. Nang mga sandaling iyon, naisip niya na baka maglagi na lang muna siya sa parke kung saan alam niyang mas makakapagbisikleta siya nang walang aberya. Isa pa, maraming nakapalibot na mga puno sa magkabilang gilid ng mga daan doon. Baka sakaling makatulong ang mga iyon sa pag-iisip niya.
Pero hindi pa man siya nakakarating doon ay kagyat siyang napatigil sa pagbibisikleta nang may mapansing pamilyar na pigura. Mabagal ang lakad nito at may kalayuan pa naman sa puwestong pinagtigilan niya.
Mukhang may iniisip na namang malalim ang lalaking 'to. Napailing na lang si Lianne nang maisip iyon. Ano ba'ng pakialam niya? Ginugulo na nga ng Aeros Francisco na ito ang utak niya. Dadagdagan pa ba niya iyon dahil lang nakita niya itong naglalakad nang wala sa sarili nito? Kaya lang, pakiramdam niya ay hindi na siya matatahimik sa lagay na ito ngayong nakita na niya si Aeros na ganito.
"Nakausap ko naman na siya kahapon. Kahit sabihin pang siya ang lumapit sa akin. At ang sabi ni Kuya, tulungan ko raw ang kaibigan niyang ito," bulong niya sa sarili habang patuloy pa ring pinagmamasdan ang mabagal na paglakad ni Aeros. Papayag kayang magpaistorbo ang taong ito kapag nilapitan niya ito ngayon?
There's one way for me to find out. Iyon lang at ipinagpatuloy na niya ang pagbibisikleta—patungo sa direksyon ni Aeros. Naglagay lang siya ng kaunting distansya sa pagitan nila ng binata nang makalapit na siya rito. "Hindi ka kaya matalisod niyan, Mr. Francisco? Wala pa yata sa mundong ibabaw ang utak mo ngayon."
Kagyat na tumigil si Aeros at lumingon sa direksyon niya. Agad din siyang tumigil at bahagyang kinawayan ang binata nang may nag-aalangang ngiti sa kanyang labi.
"Ah... Hi?"
Kumurap-kurap pa ito at bahagyang umiling. Doon niya napagtanto na may iniisip nga ito at mukhang nawala sa realidad ang utak nito.
"Gising ka na?" tanong niya ulit at inilapit pa ang bisikleta sa kaliwa naman na nito. "Ano'ng ginagawa mo rito?"
"Nag-iisip. Mabuti nang nandito ako sa labas kaysa naman sa hotel. Baka sa susunod, maisipan ko nang tumalon mula sa rooftop kapag hindi ako nakapag-isip nang maayos," hindi tumitinging sagot nito sa kanya.
Tumango-tango lang si Lianne. Pareho silang natahimik pagkatapos niyon. Ilang sandali rin iyon at medyo tensyunado pa ang paligid. Pero nanatili lang siyang nakatingin dito. Sa nakikita niya, nagbibiro lang si Aeros nang sabihin nito ang mga salitang iyon. But she could also see that he was troubled. Paano ko kaya tutulungan ang taong ito? Hindi lang dahil request iyon ni Kuya sa akin.
"Okay lang ba sa 'yo na samahan ako?" kapagkuwan ay nananantiyang tanong niya kay Aeros na pumutol sa katahimikang nakapalibot sa kanilang dalawa.
Nagtatakang napatingin naman sa kanya si Aeros. "Samahan? Saan naman?"
"Hmmm... Kahit saan? Wala naman akong partikular na pupuntahan, eh. Magliliwaliw lang. Isa pa, malapit din tayo sa kalikasan. Baka sakali lang naman na makatulong sa iyo para kumalma ka at makapag-isip nang matino. Kung... okay lang naman sa 'yo. Hindi naman kita pipilitin kung ayaw mo."
Ilang sandali rin siyang tinitigan ng binata na nagpakaba sa kanya. Hindi naman sa hindi siya sanay titigan nang ganoon. Pero aaminin niya, may kakaiba sa tingin na iginagawad sa kanya ng lalaking ito nang mga sandaling iyon. Sinikap niyang huwag magpatinag at sinalubong pa ang tingin nito sa kanya.
Kapagkuwan ay bumuntong-hininga si Aeros at pinagkrus ang kamay sa dibdib. "Okay. On one condition."
Kumunot ang noo ni Lianne. Condition? Ano naman kaya iyon? Hinintay lang niya itong magsalitang muli.
"I'll be the one to ride your bike. You'll sit in front. Okay lang? Ikaw naman ang magsasabi kung saan tayo pupunta, eh."
Hindi siya sigurado kung ano'ng meron sa sinabi nito para mapangiti siya nang maluwang. "Sure! Walang problema. Kahit pumunta pa tayo sa dulo ng mundo, okay lang sa akin," pabirong aniya at agad iniabot ang bisikleta rito nang makababa na siya roon. Lihim na lang niyang kinastigo ang sarili nang tuluyang rumehistro sa kanyang isipan ang nasabi.
Pambihira! Kailan pa siya nagkaganito nang dahil sa isang lalaki?
"Basta ba hindi mo ako iiwan, walang problema sa akin kung magkasama tayong pupunta sa dulo ng mundo," mahinang tugon nito nang makasakay na ito sa bisikleta.
"Ha?" Ano raw? Parang nag-short circuit pa yata nang wala sa oras ang utak niya sa narinig.
"Sumakay ka na lang. I still have to make sure na nakasakay ka nang maayos. Mahirap na. Makagalitan pa ako ng Kuya mo."
Sabi ko nga. Ang Kuya na naman niya ang puno't dulo ng lahat. Ito rin ang panira ng maganda na sanang mood sa pagitan nilang dalawa ni Aeros. Oh, well. Wala nang bago. Kaya wala na rin siyang dapat ipagtaka.
= = = = = =
PILIT na ipinopokus ni Aeros ang tingin sa daan habang nagpe-pedal ng bisikleta habang nakaupo sa harap niya si Lianne. Doon niya gustong pumuwesto ang dalaga nang sabihin nitong samahan ito sa pamamasyal. Wala namang problema kung sa likod ito puwesto pero in-insist niya ang gusto niya.
Gusto lang naman kasi niyang mapagmasdan ito nang malapitan. It would have been the first time. Ang bango din nito. Bagaman hindi pa naman talaga ganoon kataas ang sikat ng araw, sapat naman na ang init niyon upang mabilis na pagpawisan ang mga nasa labas. Pero hindi man lang nag-amoy-araw si Lianne. Sa line of sight niya, kitang-kita niya ang ngiti sa mga labi ng dalaga habang tinatahak nila ang daan sa bahaging iyon ng parke na maraming naglalakihang mga puno.
Tama si Lianne. It was a calming sight. At talagang nakakatulong sa kanya nang mga sandaling iyon ang nakikita niya. Pero kung siya ang tatanungin, hindi lang ang nasa paligid niya ang dahilan kung bakit nagagawa niyang kumalma nang mga sandaling iyon. Pasimple niyang tiningnan ang babaeng nakaupo sa harap niya at masayang nagmamasid sa paligid. Hindi alam ni Lianne ang pasimpleng pagtingin-tingin niya rito kapag nagpupunta ito sa White Rose Gates at binibisita si Riel doon.
Well, Riel already saw it the first time he did it. At nasita pa siya ng kaibigan niyang iyon dahil doon. Pero in-assure niya ito na wala siyang masamang intensyon at totoo iyon. Hindi niya masabi kung simpleng fascination lang o ano ang dahilan kung bakit tinitingnan niya ang dalaga. Isa siguro ang nakikita niyang liwanag sa mukha nito na para bang lagi itong positibo sa buhay. Imposibleng wala itong pinoproblema. Sa kabila ng mga iyon, nakikita niya kay Lianne na magagawa nitong malampasan ang lahat ng suliranin nito.
Kaya nga nagulat siya nang sabihin ni Riel sa kanya noon na kagaya niya si Lianne—nasaktan nang dahil sa pag-ibig pero sa magkaibang dahilan. At ito raw ang isa sa mga posibleng makatulong sa kanya para magawa naman niyang makaalis at makalimot sa sakit ng panloloko sa kanya ni Maricar.
Pero magawa naman kaya siyang tulungan ng babaeng ito? Papayag kaya ito kapag hiniling niya iyon dito?
"Ang weird," bigla ay mahinang sabi ni Lianne. Pero sapat na ang lakas niyon upang marinig niya at matigil siya sa pagmumuni-muni niya.
"Ang alin? May nakita ka bang weird?"
Sa pagtataka niya ay umiling ito. "Ikaw ang weird."
"Ako?" Kailan pa siya naging weird?
"Alam mo bang ang first impression ko sa 'yo, napaka-unapproachable mo? Pero ngayon, hindi ganoon ang nararamdaman ko, eh."
"A-ano'ng ibig mong sabihin?" Hindi niya alam kung bakit nakaramdam siya ng kaba habang hinihintay ang magiging sagot ni Lianne sa tanong niyang iyon.
"It feels warm to be this close to you. Para bang wala akong nararamdamang negatibo sa 'yo. It's like you've never been heartbroken recently."
Now her words had truly left Aeros completely speechless. Ganoon ba talaga siya nang mga sandaling iyon?
"Hey," untag ni Lianne. "I didn't mean it the bad way."
"I know." Iyon lang ang kaya niyang sabihin. This woman really knew how to surprise him, that was one thing he was sure of.
Hindi nga lang niya alam kung magandang bagay ba iyon para sa kanya o hindi. Sa ngayon, hindi na muna niya iisipin nang husto.
No comments:
Post a Comment