IKALAWANG gabi pa lamang ni Alexis sa hacienda subalit ito ang unang gabing hindi nakapagpatulog sa kanya dahil sa labis-labis na katanungang nasa kanyang isipan na hindi agad mahahanapan ng kasagutan. Idagdag pa ang mga sikretong alaala nila ni Angela na muli niyang nakikita sa kanyang isipan na nagpapaigting sa init na ilang taon din niyang ikinubli sa kanyang sarili.
Lalong-lalo na ang tungkol sa misteryong bumabalot sa diary na pag-aari ng kanilang ninuno. Hindi na niya alam kung saan pa ibabaling ang kanyang isipan para magawang resolbahan ang mga bagay na biglang sumulpot sa kanya ngayong nagbalik na nga siya sa hacienda.
Litong umalis sa kanyang kama si Alexis at tila wala sa sariling tinungo ang hallway papunta sa dulong silid. Ang silid ni Angela.
Nag-aalangan pa siyang kumatok sa pinto ng silid nang siya'y makarating na roon. Subalit nang makita niyang maliwanag mula sa siwang ng pinto sa ilalim, alam niyang may tao pa sa loob ng naturang silid.
Pinili niyang maghintay kung may lalabas sa silid na iyon. Nang walang marinig ni mahinang kaluskos, bahagya niyang itinulak ang pinto at sumilip.
Wala siyang nakitang tao sa loob kaya nagpatuloy na siya sa pagpasok at pagpunta sa kama ni Angela.
Malambot ang sahig dahil sa carpet kaya hindi marinig ang yabag ng mga paa ni Alexis.
Natagpuan niya ang sarili na matamang tinititigan ang payapang pagtulog ni Angela habang siya'y nakaupo sa gilid ng kama nito. At sa pagtitig na ginawa niya rito ay isang bagay ang nasiguro niya sa sarili.
'Hanggang ngayon, hindi ko talaga maitatangging mahal na mahal pa rin kita, Angela. Kahit noong mga panahon na akala kong patay ka na, nanatili pa rin ang pag-ibig na iyon sa puso ko. At ngayong muli kitang nasilayan, hinding-hindi na kita hahayaang mawala sa buhay ko.'
Kung gaano katagal niyang tinitigan si Angela, hindi niya alam. Basta natagpuan na lang niya ang sarili na masuyong hinahaplos ang pisngi ng dalaga.
'Hindi ka pa rin nagbabago, Angela. Parang hindi lumipas ang sampung taon. Kung may pagbabago man sa 'yo, sa tingin ko ay lalo kang gumanda.'
Dahan-dahang inilapit ni Alexis ang kanyang mukha sa mukha ng dalaga at ilang sandali pa ay masuyong inilapat niya ang kanyang mga labi sa nakapinid na mga labi ni Angela.
Banayad lang ang halik na iyon na ilang sandali lang nagtagal.
"I'm sorry kung hinalikan kita sa ganitong kalagayan. Maraming taon kong pinangarap na gawin ulit sa iyo ang bagay na ito, kung alam mo lang. Kung wala tayo sa ganitong sitwasyon, baka sakaling natupad na ang pangarap ko noon pa man na pakasalan ka. I never thought of marrying anyone else all this time, kung alam mo lang," wika niya sa dalagang natutulog pa rin. "That's how much I want you in my life even back them. So, please... Please, bumalik ka na. Bumalik ka na sa buhay ko, Angela. Hindi ko na kakayaning mawala ka pa sa buhay ko sa ikalawang pagkakataon. Sapat na ang sampung taong pangungulila ko sa 'yo."
Pagkatapos niyon ay kinitalan niya ang mga labi ng dalaga ng isang mabilis na halik.
Saka siya tumayo at lumabas ng silid na iyon.
xxxxxx
LINGID sa kaalaman ni Alexis, nauulinigan ni Angela ang mga sinabi ng binata sa kanya.
Ang totoo, hindi pa siya talaga natutulog. Nakapikit nga ang kanyang mga mata subalit hindi nakikisama ang kanyang utak.
Hindi malaman ng dalaga kung ano ang magiging reaksyon sa mga sinabi ni Alexis kanina. Halo-halong emosyon ang namamayani sa kanyang dibdib ng mga sandaling iyon.
Kilig, tuwa, at takot.
Kilig at tuwa dahil hindi niya akalain na hanggang sa mga sandaling iyon ay pareho pa rin pala sila ng nararamdaman ng kababata. Noon pa man, mahal na niya si Alexis subalit wala siyang lakas ng loob na sabihin ang bagay na iyon sa binata noon. Kahit ilang beses nang muntik may mangyari sa kanilang dalawa.
Dalawang muntikang pangyayari na hanggang ngayon ay hindi mawala sa kanyang isipan. Kahit nang mawala ang kanyang alaala noon ay ilang beses na nagpapakita ang mga iyon sa kanyang mga panaginip.
Kaya naman matinding kalungkutan ang sumasakanya nang magbalik siya sa hacienda tatlong taon matapos ang aksidente at hindi niya naabutan doon ang binata.
Ngunit mas namamayani ang takot sa kanyang puso. Takot na hindi na gumaling pa at hindi na muling makakilos na kagaya ng dati. Takot na hindi na maamin pa kay Alexis ang tunay niyang damdamin para rito. Na sana ay nagawa na niya noon pa bago pa mangyari ang trahedya.
At sa isiping iyon, nalaglag ang dalawang patak ng luha sa kanyang nakapikit na mga mata.
Hindi siya maaaring manatiling ganito ang kanyang kalagayan... lalo pa't siya lamang ang makakatulong sa mga kapatid at kababata upang tuklasin ang lihim na nakapaloob sa diary ng dalawang angkan.
Kaya kinakailangan niyang makabalik.
Pero kailan pa mangyayari iyon?
xxxxxx
SA KANYANG silid naman, balisa pa rin si Alexis. Ang ginawa niyang paghalik kay Angela ay lalong hindi nakapagpatulog sa kanya. Lalo pa't muli na naman niyang naalala ang kapangahasang minsan na nilang pinagsaluhan ng dalaga bago pa ito mawala sa buhay niya noon.
Subalit pinili niyang ipikit muli ang mga mata sapagkat kailangan niyang magpahinga para makapagsimula sa pag-iimbestiga tungkol sa diary. At ilang sandali pa ay nakatulog na siya.
Ngunit sa pagpikit ng kanyang mga mata, muling nagbalik sa kanyang gunita ang ginawang kapangahasan sa dalaga. At kasabay niyon, isang bangungot ang labis na nakapagpabalisa sa kanya nang magising siya kinabukasan.
Nakita niya roon si Angela na nabaril daw ng mga taong tumutugis sa kanila.
Napatay ito dahil ito raw ang sumalo ng balang dapat ay sa kanya tatama. Bago ito malagutan ng hininga, patuloy ito sa paghingi ng tawad at saka nagtapat ng tunay nitong nararamdaman sa kanya.
Patuloy naman ang pag-iyak niya nang matiyak niyang patay na ito.
Doon siya humihingal na napabalikwas ng bangon.
'Oh, God! Bakit ganoon ang panaginip ko? Ano'ng ibig sabihin niyon?' litong tanong niya sa sarili. 'Sana naman, hindi magkatotoo iyon. Hindi ako papayag na mangyari iyon sa kanya. Ako muna ang kailangan nilang mapatay bago si Angela. Pero... pero kung sakali mang... magkatotoo iyon, baka tuluyan na akong mabaliw. Sapat nang napatay si Mama na hanggang ngayon ay hindi pa malaman kung sino ang tunay na salarin. Hindi ko na makakaya pa kung tuluyan nang mawala si Angela sa buhay ko.'
Sa dami ng kanyang isipin, pinili ni Alexis na magtungo muna sa kabayanan upang makapag-relax. At kahit papaano ay maialis sa isipan niya ang matinding alalahanin para kay Angela.
Gamit ang kotse ni Joel na kanyang hiniram, tinahak niya ang daan patungo sa kabayanan. Sementado na ang mga daan papunta roon kaya naman hindi na siya nahirapan pang baybayin iyon.
Nang makarating na siya roon ay ipinarada niya sa isang tabi ang kotse at lumabas na.
Maraming napatingin sa kanya nang makababa na siya sa kotse. Kahit na doon na siya lumaki at nagkaisip, ang sampung taong pagkawala niya sa kinilalang bayan ay sapat na marahil upang maging isang estranghero siya sa mga tao rito.
Nagpatuloy lang siya sa pagmamasid sa paligid habang palakad-lakad nang biglang huminto sa kanyang harapan ang tatlong lalaki na mahihinuha niyang nasa labing-siyam na ang edad ng bawat isa.
Ang nasa kaliwa ay nasa 5'2" ang taas at medyo kalbo. Pinakamatangkad naman ang nasa gitna na mahihinuhang 5'7" ang height. Mas guwapo ang lalaking iyon sa tatlo. Mas malaki rin ang katawan nito dahil sa malapad na dibdib at mga muscles. Samantalang ang pangatlong lalaki ay medyo mataba at kasingtangkad ng unang lalaki.
Sa pagkatitig ni Alexis sa tatlong lalaki, alam niyang kilala niya ang mga ito. Hindi lang niya matandaan kung paano at kailan niya nakilala ang mga ito.
"Kuya Alexis?" Nananantiyang tanong ng lalaking nasa gitna.
"O-oo. Sino kayo?"
"Kami 'yong mga batang tinuturuan n'yo ng martial arts noon. 'Yong lagi kayong kinukulit para turuan kami."
Bahagyang kumunot ang kanyang noo.
May naaalala nga siyang mga batang nasa siyam na taong gulang ang edad na tinuruan niya ng martial arts noon.
Hindi nga siya nagkamali. Kilala nga niya ang mga ito.
"Celso?" Tanong niya sabay turo sa pinakamatangkad.
Nabakasan ng katuwaan ang binata.
"Opo. Ako nga po si Celso. Ito naman po sina Butch at Marcus." Inuna nitong ipakilala ang kalbo bago ang lalaking may katabaan.
"Ang laki na ng ipinagbago ninyong tatlo, ah."
"Marami po talagang nagbago sa loob ng sampung taon, Kuya Alexis."
"Kumusta naman ang pag-aaral ninyong tatlo?" kapagkuwa'y tanong niya sa mga ito.
"Okay naman, Kuya," sagot ni Butch.
"Ang totoo nga niyan, pare-pareho na po kaming graduating ng kolehiyo sa susunod na taon."
"Talaga?" Napangiti si Alexis sa kuwento ni Marcus. "Mabuti naman kung ganoon."
Ilang saglit na namagitan ang katahimikan sa paligid.
"Gusto n'yo po bang ipasyal namin kayo sa kabayanan? Para naman po makita ninyo ang mga pagbabago rito."
"Sige."
"Kung gayon, tara na po."
At sila ngang apat ay sabay-sabay na namasyal sa buong kabayanan.
Bawat lugar na madaanan nila ay may pagbabago na. Kahit na ang mga kabahayan doon ay dumaan din sa mga pagbabago.
At bawat lugar na kanilang mapuntahan, may kakabit na alaala ni Angela.
'Kailan ka kaya babalik, Angela? Bawat lugar na lang na puntahan ko rito, kakabit nito ang mga alaalang pinagsaluhan nating dalawa bago ako umalis dito. Hindi ko na talaga kayang manatili na lang sa mga alaala. Pleaseー' Naputol ang daloy ng pag-iisip ni Alexis nang marinig niya ang pagtawag ng isang babae kay Celso.
Nang ilinga niya sa paligid ang mga mata, nakita niyang palapit sa kinaroroonan nila ang isang babaeng nakadaster ng kulay asul.
At alam niyang kilala rin niya ito.
"Celso!" Muli nitong tawag.
Agad na lumapit si Celso sa naturang babae.
"O, ano'ng problema, Ate Yucca?"
"Dinala si Tatang sa ospital," humihingal na wika ng babaeng tinawag ni Celso na Yucca.
"Ano?" Natural na magulat ang binata sa narinig. "Pero bakit, Ate?"
"Sinaksak si Tatang habang nagtatabas ng damo sa bakuran natin. Mabuti na lang at nagawi roon sina Sir Joel at Sir Joaquin. Sila ang nagdala kay Tatang sa ospital."
"Nasa ospital na ba sila?" hindi nakatiis na tanong ni Alexis.
"O-opo."
"Tara na, kung ganoon. Doon na sa kotseng gamit ko kayo sumakay." Akmang hahakbang na siya papunta sa kinaroroonan ng kotse nang marinig niyang nagsalita si Yucca.
"Okay lang po ba sa inyo, Sir?" nag-aalangang tanong ng dalaga.
"Oo, okay lang. Tara na."
Patakbong pinuntahan nila ang pinagparadahan ni Alexis ng kotse.
xxxxxx
PAGKARATING nila sa ospital ay nasalubong nila si Cheska sa information booth at kinausap ang nakatalagang receptionist doon.
"O, Kuya, ano'ng ginagawa mo rito?"
"Saang room naroon ngayon si Mang Sonny? 'Yong lalaking dinala nina Joel at Joaquin?" humihingal pa niyang tanong dito.
"S-sa Room 601, second floor."
"Thanks, Sis." Tinapik nito ang balikat ni Cheska at agad na tumakbo pataas ng hagdanan, kasama sina Yucca at Celso.
'Ano'ng problema ng mga iyon?' Nailing na lang si Cheska.
Nang nakarating naman si Alexis sa kuwarto kung saan naka-confine si Mang Sonny, naabutan naman niya sina Joel at Joaquin na nag-uusap sa labas ng silid.
"Alex, bakit nandito ka?"
"Inihatid ko lang sila rito." Lumingon siya kina Celso at Yucca na humihingal pa rin sa katatakbo.
"K-kumusta na po ang tatang namin?"
"Huwag na kayong mag-alala. Nasa mabuti na siyang kalagayan," wika ni Joaquin.
"P-puwede po ba namin siyang makita?" kapagkuwa'y tanong ni Celso.
Tumango na lang ang dalawang lalaki.
"Huwag n'yo na lang siyang gisingin pansamantala."
"O-opo." Kapagkuwa'y bumaling si Celso sa kanya. "Salamat po talaga sa tulong, Kuya Alexis."
Napangiti siya.
"Wala iyon. Sige na. Dito na lang muna kami sa labas at may pag-uusapan pa kami nina Joel at Joaquin."
"Sige po." At pumasok na sa silid sina Celso at Yucca.
Sila namang tatlo ay sabay-sabay nang naglakad sa hallway papunta sa opisina ni Fate.
"Ano ba'ng nangyari?" panimula ni Alexis sa pag-uusapan.
"Hindi kami basta-basta nagawi roon ni Joaquin. Talagang si Mang Sonny ang sadya namin."
"Bakit naman?"
"Alexis, may alam siya sa nangyari kay Angela."
"Ano?"
"Kuya, siya ang isa sa mga witness sa aksidenteng nangyari kay Angela."
"Paano nangyari iyon? At... paano ninyo nalaman iyon?"
"Isa sa mga tauhan natin ang nakaalam niyon. At kahapon lang nila ibinigay sa akin ang report."
"Sino'ng sumaksak sa kanya?"
"Hindi pa rin namin alam kung sino ang utak niyon sa ngayon dahil ini-interrogate pa nina Nathan at Aaron ang taong nahuli naming tumatakas mula sa bakuran ng matandang sinaksak nila."
"Ano ba'ng nangyayari rito?" tila nanghihinang wika niya.
"Kuya, masyado nang maraming tao ang nadadamay sa paghahanap natin ng sagot sa nangyari kay Angela."
"Pero hindi pupuwedeng basta-basta isuko ang lahat ng pinaghirapan natin para matuklasan ang lahat ng lihim ng pamilya natin. Lalo na't alam nating tiyak na madadamay ang ibang taong posibleng nagtago ng diary."
Nagkatinginan sina Joel at Joaquin bago bumuntong-hininga na lang.
"So, ano'ng gusto mong gawin natin?"
"Sa ngayon... isang bagay lang muna ang gusto kong gawin nating lahat. Walang sinuman ang dapat sumuko hanggang wala pang linaw ang lahat. Sa ganoong paraan man lang, makatatagal tayo na hanapin ang nararapat sa pamilya natin."
Napangiti si Joaquin.
"Walang problema, Kuya. Iyon lang naman pala, eh."
"Alam mong wala sa bokabularyo ng dalawang angkan ng mga rosas ang sumuko, hindi ba?"
Kahit papaano ay napanatag si Alexis sa sinabi ng dalawa.
xxxxxx
BALISA pa rin si Alexis habang nakahiga na sa kanyang kama. Napapansin kasi niyang sa bawat araw ng pamamalagi niya sa San Jose, may mga bagay siyang natuklasan.
Noong unang araw, natuklasan niyang buhay si Angela na sa loob ng sampung taon ay inakala niyang patay na. Kasama rin dito ang pagkamatay ng kanyang Tita Criselda.
Sa ikalawang araw, natuklasan naman niya ang kahong pag-aari ng kanyang ina na pinaglalagyan ng diary at ilang sulat na hindi pa niya nababasa.
At kanina, ang natuklasang may kinalaman ang ama nina Celso at Yucca sa nangyari kay Angela ang lalong nagpagulo ng utak niya.
Hindi na niya alam pa ang iisipin. Sa mga natutuklasan niya, lalong tumitindi ang paghahangad niyang malaman ang natatagong lihim ng kanilang pamilya.
Sa dami ng isipin, pinilj niyang lumabas muna at magtungo sa sala.
Pero bago siya magtungo roon, pumunta muna siya sa study room at kinuha ang dalawang diary, kasama na ang mga nakatuping papel na nakalagay sa kahon.
Wala siyang naabutang tao sa sala pero nakabukas ang lamp shade na naroon. Hindi na siya nag-abala pang buksan ang ilaw roon.
Dumiretso siya sa pang-isahang sofa na malapit sa lamp shade at dahan-dahang inilapag ang mga dala. Ayaw niya kasing lumikha ng ingay na makakaistorbo sa iba.
Nang makaupo na sa sofa ay kinuha niya ang diary ni Doña Criselda na nasa ibabaw lang ng diary ng kanyang ina.
Binuksan niya ito at tumambad sa kanya ang unang pahina na may nakasulat na ganito: 'Criselda Santos-dela Vega. The truth behind my best friend's murder...'
Kumunot ang noo niya sa pagtataka nang mabasa iyon.
Kapagkuwa'y inilipat niya sa susunod na pahina ang diary.
xxxxxx
NANGHIHINANG isinubsob ni Alexis sa mukha ang nakabukas na diary matapos na mabasa ang ilang bahagi niyon.
Lito pa rin ang isipan niya kaya naman hindi na niya namalayan ang pag-upo ng isang tao sa katabi niyang sofa.
"Alexis, ano'ng problema?"
"Ha?" Nagulat ang binata nang may magsalita at nakita niya si Joel na naroon at nakaupo. "Ikaw pala, Joel."
"Ano'ng ginagawa mo rito? Maghahating-gabi na, ah."
Inilapag ni Alexis ang diary at isinuklay ang mga daliri niya sa sariling buhok.
"May kinalaman talaga sa lumang diary ang nangyari kay Mama," tila wala sa sariling wika niya.
"Ano'ng ibig mong sabihin?" kunot-noong tanong ni Joel.
Napabuntong-hininga siya at dinampot ang diary bago iniabot iyon kay Joel.
"Basahin mo ang nilalaman ng diary ni Tita Criselda, ng Mama mo, para malaman mo ibig kong sabihin."
Kinuha ni Joel ang diary at ilang sandaling tumitig kay Alexis bago sinimulang basahin iyon.
No comments:
Post a Comment