Thursday, March 31, 2016

Our Turn To Heal This Broken Heart - Chapter 7

"WALA ka talagang planong magkuwento, 'no?" nakasimangot na tanong ni Lianne kay Aeros habang naglalakad sila sa plaza at bumibili ng pang-souvenirs. Well, si Riel lang naman ang pagbibigyan niya niyon, eh.

Pero ang sabi ni Aeros, mabuti na raw ang nakakasiguro dahil hindi niya alam kung sino ang posibleng bumisita sa kanya at mag-usisa kung saan siya nagpunta para magbakasyon.

"Ano naman ang ikukuwento ko? Iyong inis ko sa pagtawag ni Maricar para lang kumustahin ako at itanong kung nakahanap na raw ba ako ng kapalit niya sa buhay ko? O baka naman 'yong mapang-asar niyang tawa nang hindi ako makasagot sa sinabi niyang iyon. Puwede ko rin sigurong idagdag 'yong sakit ng kalooban na patuloy ko pa ring nararamdaman hanggang ngayon." There was bitterness and anger in Aeros' voice. Pero hinayaan lang niya ito na ganoon. Makakatulong nga naman dito ang paglalabas ng resentment nito sa pamamagitan ng pagkukuwento.

Kunsabagay, wala pa sa kalahati ang inireklamo nito. Ni ayaw nga nitong magsalita, eh. Pero isa siyang nilalang na sadyang makulit kapag ginusto niya. Siguro naman, alam na ni Aeros ang tungkol sa bagay na 'yon, 'di ba?

"Sa palagay ko, hindi lang iyon ang gusto mong ireklamo, eh. Meron pa, alam ko. May iba pang gumugulo riyan sa utak mo bukod kay Maricar," pangungulit niya habang tumitingin naman ng sumbrero na naka-display sa isang stall kasama ang mga naggagandahang summer dress.

Natahimik na naman si Aeros at nag-iwas ng tingin sa kanya. I guess I hit a sensitive spot again. Bahagya siyang napangiwi sa naisip. Binayaran niya ang summer dress na napili niya at nagpasalamat sa tindera kapagkuwan. Hinila niya si Aeros mula roon at nagpatangay naman ito. "Hindi ka talaga sanay na nagwawala, 'no? 'Yong tipo na ilalabas mo ang galit mo sa mundo."

Tiningnan siya ng binata. "Galit lang ako sa sarili ko dahil nagpakatanga ako at hanggang ngayon ay hindi ko pa rin magawang alisin sa puso ko ang pagmamahal ko kay Maricar sa kabila ng lahat. Kaya walang dahilan para idamay ko pa ang mundo."

"Malay ko ba kung ikaw 'yong tipo ng tao na all-out kung maglabas ng galit. Sa pag-inom mo lang ng alak talaga idinadaan ang lahat?"

"As much as possible, ayokong uminom. Nakita mo naman, pagkagising ko, ang sama ng pakiramdam ko at gusto kong isuka lahat ng kinain ko. Pero may mga pagkakataon talaga na iyon lang ang naiisip kong paraan para makalimutan kahit sandali lang ang mga problema ko. Pinagbibigyan ko lang ang sarili ko."

Pero bago pa makaimik si Lianne, natigilan siya nang may marinig na tumawag sa pangalan niya. Kapagkuwan ay maluwang na napangiti siya nang makilala kung sino iyon.

"Diosa!" bulalas niya at nilapitan ito. "Oh, my gosh! Ano'ng ginagawa mo rito?"

Agad silang nagyakapan ni Diosa nang mahigpit na para bang taon silang hindi nagkita. Sa sobrang excitement ay hindi na niya napansin na may kasama pala itong lalaki. Dumistansya siya sa babae at sinenyasan ito tungkol sa kasama nito. Agad naman nitong naintindihan iyon.

"Ah. Hindi mo pa pala nakikilala ang asawa ko. Sven, meet Lianne Willard. Isa siya sa mga suki ko sa café, kahit na ang mga cupcakes ko lang naman ang binibili niya at wala nang iba. Lianne, si Sven Matthew Racelis. Asawa ko."

Siyempre pa, ikinagulat ni Lianne ang sinabi ni Diosa. "Teka nga lang. The last time na nakausap kita, para kang pinagsakluban ng langit at lupa dahil sa problema mo sa pag-ibig. Ngayon, mababalitaan kong may asawa ka na? Ibig sabihin, honeymoon ang dahilan ng pagpunta n'yo rito sa Casimera?"

Tumango si Diosa na may maluwang na ngiti at niyakap ang lalaking ipinakilala nitong si Sven. "Ang galing, 'di ba? Masyado ka naman kasing busy sa trabaho mo kaya hindi ko na nasabi sa 'yo. Hindi ka na rin bumibisita sa café at laging 'yong sekretarya mong si Fatima ang inuutusan mong bumili roon. Pero salamat, ha? Ang laki ng naitulong mo sa akin noong araw na iyon."

"Mabuti naman at nakatulong ako sa 'yo para matauhan ka. Akala ko, kailangan pa kitang upakan nang husto para maisip mo nang maayos ang mga sinabi ko sa 'yo noon," biro niya.

"Grabe naman 'to. Ganyan ka ba talaga ka-brutal? Pero thank you talaga. Ikaw, ano'ng ginagawa mo rito?"

"May kailangan lang akong gawin dito. Pinayagan naman ako ng kapatid ko."

Tumango-tango ulit si Diosa. "Sino naman ang kasama mo?"

"Ah. Si—" Pero natigilan si Lianne nang makitang wala si Aeros sa kanyang likuran. Wait a minute. Nasaan na 'yong lalaking iyon? Pambihira! Iniwan na lang siya nang basta-basta ng lalaking iyon. Kapagkuwan ay hinarap niya ang babae matapos mapakamot ng kanyang ulo. "May kasama ako kanina. Ewan ko lang kung saan nagpunta. Mukhang umiral na naman ang pagiging topakin. Brokenhearted kasi. Ang sarap na ngang upakan, sa totoo lang."

Tinawanan lang siya ni Diosa. "Sobra ka naman. Pero sa tingin ko, matatauhan din iyon. Siya ba 'yong kasama mo the last time na nagkausap tayo? Parang pamilyar kasi siya sa akin, eh. Hindi ko lang matandaan kung saan ko nakita."

"No. Family friend at schoolmate ko noong high school ang kasama ko that time. Si Elias Song, 'yong singer. Come to think of it, mukhang ang kaibigan ko pang iyon ang dahilan para magawa kong kayanin na pakisamahan ang topakin at brokenhearted na kasama ko ngayon. At iniwan pa talaga ako ng bruhong iyon. Nakakainis! Makakatikim na talaga ng upak sa akin iyon."

"Pagbigyan mo na lang siya. Tulungan mo siyang maka-move on. Magagawa rin niyang tanggapin ang lahat ng nangyari."

Napatirik siya ng mga mata at umiling. "Yeah. Sana nga. As long as walang magpapaalala sa kanya ng ginawa ng ex-girlfriend niyang iyon."

"Mukhang sobrang sakit para sa kanya ng kasalanan ng ex-girlfriend ng kung sino mang lalaki 'yon, ah."

"Siyempre. Minahal pa rin niya iyon. Ewan ko lang kung magagawa ba niyang tanggalin iyon sa puso niya," malungkot na aniya. Hindi niya alam kung saan nagmula ang isa pang emosyong lumukob sa kanya dahil sa sinabi niyang iyon. Napailing na lang siya kahit alam niyang hindi iyon magagawang alisin ang gumugulong isipin sa kanya nang mga sandaling iyon.

"At sa tingin ko, apektado ka sa nangyayari sa kasama mong iyon."

"Ha?!" That's impossible! Hindi pupuwedeng mangyari iyon, 'no?

= = = = = =

"AYAW mo na talaga akong kausapin, 'no?" nakataas ang kilay at nananantiyang tanong ni Lianne kay Aeros habang naroon sila sa burol nang hapon na iyon. Katatapos lang niyang mamili ng mga dapat niyang bilhin bilang pasalubong. Pero sa buong durasyon ng pamimili niyang iyon matapos makausap si Diosa, hindi na siya kinibo ng buwisit na lalaking ito na nagpakita lang sa kanya matapos niyang magpaalam sa mag-asawa.

Siya pa ngayon ang nagmukhang may kasalanan dito. Sa totoo lang, gusto na niyang mainis nang husto kay Aeros. Mukhang ito pa ang may PMS sa kanilang dalawa sa inaakto nito, eh. Huminga siya nang malalim upang pawiin ang namumuong inis sa kanyang dibdib.

"Fine. Kung ayaw mo akong kausapin dahil sa pakikialam ko sa love life mong nasira na, eh 'di huwag," walang emosyong dagdag niya kapagkuwan at tumayo na mula sa kinauupuan. Pero hindi pa man siya tuluyang nakakaalis doon ay napatigil siya nang marinig ang sinabi ni Aeros.

"I'm sorry. But don't think that I was mad at you because of that." His voice was sad.

Dahan-dahan siyang napatingin dito pero nakita lang niya itong nakatingin sa papalubog na araw. Halata sa mukha nito na ang paghihirap na hindi niya alam kung para saan. Pero bakit may pakiramdam siya na walang kinalaman kay Maricar ang paghihirap na 'yon? Muli niyang nilapitan ang binata at umupo sa harap nito saka tinitigan ang guwapo nitong mukha sa kabila ng lungkot at paghihirap na nababakas niya roon.

"Ano ba talaga ang problema mo, Aeros? Ang sabi mo, gusto mong tulungan kita. Pero sa ginagawa mo ngayon, sa tingin mo ba, matutulungan kita? Ni ayaw mong sabihin sa akin kung bakit ka nagkakaganyan. Naiintindihan ko kung hanggang ngayon ay nagagalit ka sa ginawa ni Maricar sa 'yo. Kaya lang, huwag mo naman sanang tuluyang ilubog ang sarili mo sa galit na iyon. It won't do you any good, I'm telling you," sabi niya na hindi inaalis ang tingin sa mukha ni Aeros.

Ilang sandali pa ay tumingin na rin sa kanya ang binata. It was an intense stare that nearly took her aback. Iyon ang unang pagkakataon na tinitigan siya nang ganoon ni Aeros. At higit pa sa sapat iyon upang maramdaman niya ang biglang pagbilis ng tibok ng kanyang puso. At that point, she knew she was doomed.

"B-bakit ganyan ka naman makatingin sa akin?" kinakabahang tanong niya sa binata. Hindi siya dapat makaramdam nang ganoon pero hindi niya mapigilan.

Umiling si Aeros kapagkuwan at sinenyasan siya na maupo sa tabi nito. May kung anong mahika yata ang tingin nitong iyon sa kanya para sumunod lang siya nang walang salita sa gusto nito. "Siguraduhin mo lang na magsasalita ka na. Kung hindi, iiwan talaga kita rito."

Ngumiti ang binata at saka bumuntong-hininga. "Hindi ko lang kasi maintindihan ang sarili ko. Hindi ko alam kung bakit ako nasasaktan sa pinaggagagawa ni Maricar na ipinapamukha pa niya sa akin. Dapat, wala na akong pakialam, 'di ba? Hiwalay na kami. Ako na ang pumutol sa relasyon namin dahil hindi ko na masikmura ang ginawa niyang pambabalewala sa effort ko. At hindi ko alam kung magagawa ko bang hanapan ng sagot ang isa pang tanong sa isipan ko."

"Tanong?"

Tumango lang si Aeros pero hindi na nagpatuloy pa. Mukhang ayaw nitong pag-usapan ang tungkol doon. "Ang gulo mong kausap, alam mo 'yon? Pero sa tingin ko, 'yong tungkol sa sakit na nararamdaman mo kapag ipinapamukha sa 'yo ni Maricar ang mga bagay na ginagawa niya matapos ninyong maghiwalay, may palagay akong may kinalaman doon ang ego mo."

"Ego ko?"

"Oo. Kasi ikaw 'yong nakipaghiwalay sa kanya nang malaman mong niloloko ka na niya, 'di ba? Pero para sa kanya, madali lang ang makahanap ng ipapalit sa 'yo. Balewala lang sa kanya ang lahat ng pinagsamahan ninyo sa loob ng tatlong taong naging kayo. She could just throw herself to many guys and she wouldn't give a damn care about how you feel. At alam kong nakita iyon ni Jian na nagkataong nagmamay-ari ng cellphone number na ginamit ng babaeng iyon para tawagan ka kagabi. That guy is a womanizer, by the way. At milagro na lang ang makakapagpabago sa lalaking iyon. Kaya alam kong hindi rin magtatagal ang dalawang iyon. Kahit nang sabihin mo sa ex mo na mapapatawad mo pa sana siya kapag binigyan lang niya ng halaga ang lahat ng ipinaramdam mo sa kanya, hindi pa rin nagbago ang totoo niyang nararamdaman para sa 'yo. Na wala lang sa kanya ang lahat. Naiinis ka sa katotohanang ikaw na 'tong naloko, pero ikaw pa itong hindi makahanap ng ipapalit sa kanya at hindi pa nakaka-move on nang tuluyan."

Ilang sandaling hindi nagsalita si Aeros. Pero nakikita naman ni Lianne na tila pinag-iisipan nito ang mga sinabi niya. At least, it was only her opinion. Ito pa rin ang magdedesisyon kung pakikinggan nito iyon o hindi.

"Siguro nga. Pero ano naman ang gagawin ko para makaganti sa kanya?" tila desperadong tanong ng binata.

Bahagya niyang pinalo ang likod ng ulo nito. "Nasisiraan ka na talaga, 'no? Makaganti? Ang sama naman yata ng dating ng sinabi mong 'yan. Wala kang igaganti. Kapag ginawa mo 'yon, parang pinatunayan mo na rin sa kanya na sobrang apektado ka sa hiwalayan ninyo to the point na mag-iisip ka nang ganyan."

"Ano'ng gusto mong gawin ko?"

"Just go on with your life without hurting anyone. Hayaan mo nang kumilos ang karma. Trust me, masyadong malakas ang puwersang iyon para makalaban pa si Maricar sa 'yo. Hayaan mo siyang sirain ang buhay niya sa mga pinaggagagawa niya. Eh, ano ngayon kung wala ka pang ipinapalit sa kanya? That only means you're willing to wait for the right woman to enter your life. And this time, 'yon ang babaeng hindi na kailanman mag-iisip na lokohin ka at panghabang-buhay nang mananatili sa tabi mo," seryosong saad niya na hindi inaalis ang tingin kay Aeros.

Nang mga sandaling iyon, nakaya na niyang makipagtitigan sa lalaking ito na hindi niya magawa nang maayos kanina lang. Malaki rin siguro ang naitulong ng pinag-uusapan nila para magawa niya iyon.

"So you're saying that finding a new girlfriend is a bad idea?" kapagkuwan ay usisa ni Aeros.

"At this point in your life, yes. Lalabas na rebound girlfriend lang ang babaeng iyon. Mahirap na. Masasaktan lang siya nang husto. Remember that most girls also have the most fragile hearts. Handa silang ibigay ang lahat para sa lalaking mahal nila kahit wala na silang itira para sa mga sarili nila. Kaya ramdam nila nang husto ang sakit kapag alam nilang nababalewala lang ang nararamdaman nila."

"Para namang sinabi mo na rin na masyadong matigas ang puso ng mga lalaki." Napangiti naman ang binata nang sabihin iyon. Lianne could tell from his light tone that Aeros was trying to understand their conversation.

"Iyon ang gusto nilang palabasin at ipakita sa lahat. Pero kung ako ang tatanungin mo, may mga lalaki rin sa mundo na ang puso ay katulad ng sa mga babae—may karupukang taglay sa kabila ng ipinapakitang tapang. At kapag nagmahal sila, gaya rin ng mga babae na handang ibigay ang lahat sa taong mahal nila kahit wala nang itira sa sarili nila." Matapos niyon ay tiningnan niya si Aeros. "Parang ikaw. At ako. Isang lalaki at isang babaeng nawalan ng taong minahal natin nang husto. Kaya tingnan mo, pareho tayong nasasaktan ngayon dahil nagmahal tayo nang husto hanggang sa puntong wala na tayong itira para sa sarili natin."

Walang nagsalita kina Lianne at Aeros pagkatapos niyon. Pareho na lang silang napatingin sa paligid at dinadama ang malamig na simoy ng hangin. Gayunpaman, kakaiba ang kasiyahang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. For a long time, she had never initiated such topics about moving on with any other guy. Sa kaso naman kasi ng kapatid at mga kaibigan niya, ang mga ito ang nag-o-open up sa topic na iyon. Hindi siya nagpapaka-expert sa mga sinabi niya. Opinyon niya iyon na ibinase sa mga naranasan niya noon.

"Pero darating ba ang punto sa buhay na ang isang babae at isang lalaking nasaktan sa magkaibang dahilan nang magmahal sila ay magagawa namang mahalin ang isa't-isa?" mayamaya ay narinig niyang mahinang tanong ni Aeros.

Ang tangi lang nagawa ni Lianne ay gulat na hinarap si Aeros. May ipinupunto ba ito sa tanong nitong iyon? Para kasing may ibang ibig sabihin ang tanong nitong iyon para sa kanya. O baka naman siya lang ang nag-iisip nang ganoon. "D-depende." Iyon naman ang totoo. Walang kasiguraduhan kung ano nga ba ang mangyayari sa dalawang taong iyon matapos masaktan.

Bumuntong-hininga si Aeros kapagkuwan at nakangiti nang tumingin sa kanya. "Puwede ka pa naman sigurong mag-stay dito para manood ng fireworks display mamaya, 'di ba?"

Bagaman nagtataka kung bakit iniba nito ang usapan, umiling siya bilang sagot. "I'll be leaving at nine tonight. Kailangan kong makauwi bukas. Mahirap na. Magwawala na si Kuya kapag nagtagal pa ako rito. May problema yata sa mansion kaya kailangan ko siyang tulungan."

= = = = = =

PERO ang hindi alam ni Aeros sa mga sinabi ni Lianne, may kulang sa mga salitang iyon. Hindi sinabi ni Lianne na kailangan muna niyang dumistansya rito habang inaanalisa pa niya ang sariling damdamin matapos ang tatlong araw na nakapag-usap sila nang ganoon ng binata. Apat na araw lang iyon pero grabe na ang panggulong ginagawa niyon sa kanyang isipan. Kaya pati ang puso niya, lubusan nang nalilito kung ano na ba talaga ang sagot sa mga katanungan niya.

Kaya naman kahit gusto pa niyang manatili sa Casimera nang mas matagal gaya ni Aeros, hindi na niya ginawa. Totoo ang sinabi niya sa binata na kailangan niyang umalis doon ng alas-nuwebe ng gabi. Pero ang ikinaiinis lang niya, hindi na naman siya kinibo ni Aeros matapos niyang sabihin iyon. Nauna na rin itong bumalik sa hotel kaysa sa kanya na para bang may nasabi siya rito na ikinagalit nito. Sa totoo lang, naiinis na siya sa pagbabago ng mood ng lalaking ito. Ano ba ang problema nito sa kanya?

"Ang pangit mo namang aalis sa hotel na 'to. Parang ipinapakita mo sa kanila na hindi maganda ang experience mo rito," ani Renz na pumutol sa pagmumuni-muni niya.

Walang emosyong napatingin lang siya sa kaibigan bago bumuntong-hininga nang malalim. "Sisihin mo 'yong pinsan mo. Dinaig pa ang babaeng may regla sa pagiging moody. Ang galing magpasakit ng ulo ko, sa totoo lang."

"Bakit na naman ba? Ano ba'ng nangyari sa inyong dalawa? Parang okay naman kayo kanina nang umalis kayo rito para samahan kang bumili ng mga pasalubong, ah."

"Ewan ko ba sa kanya," inis pa ring sagot niya.

"Baka naman may nasabi kang mali."

"Ano nga 'yon? Alam mo, Renz, iyon ang tanong na ilang oras ko nang hinahanapan ng sagot pero wala pa rin. As in! Nagyaya lang naman siya sa akin na manood daw kami ng fireworks display sa burol. Kaya lang, hindi nga puwede at kailangan ko nang umuwi. Okay? After that, wala na. Hindi na ako nag-e-exist sa kanya," dagdag na reklamo niya at eksasperadong bumuntong-hininga.

Kapagkuwan ay napansin niyang tila malalim ang iniisip ni Renz na ipinagtaka niya.

"Hoy! Natahimik ka naman diyan," untag niya rito.

Tumango-tango ito habang hinihimas ang baba at saka nakangising tumingin sa kanya. Hindi tuloy niya maiwasang kilabutan sa napansin. May sapi pa yata ang kaibigan niyang ito, eh.

"Mukhang alam ko na kung bakit parang tinamaan ng PMS ang pinsan kong iyon," ani Renz matapos ang ilang sandali. Kinuha nito ang dala niyang traveling bag at inihatid siya sa labas ng hotel.

"At kahit gusto kong alamin kung ano ang dahilan, mukhang wala akong makukuhang matinong sagot sa 'yo."

"Nagtatampo lang iyon."

Kunot-noong napatigil siya sa paglalakad at napatingin kay Renz. "Nagtatampo?"

Tumango ito. "Oo. Kasi aalis ka na at wala na siyang kasama rito na mas matino nang kaunti kaysa sa akin. Sa tingin ko kasi, mukhang hind ka pa papapasukin ni Riel sa trabaho mo kung sa mansyon ang diretso mo pagkatapos nito."

Oo nga't narinig ni Lianne ang sinabi ni Renz. Pero bakit hindi yata niya mapigilan ang paglukob ng kung anong damdamin sa kanya dahil sa nalaman? Tama nga yata siya. Walang matinong sasabihin ang kaibigan niyang ito. "Ewan ko sa 'yo. Imposible 'yang sinasabi mo, 'no?"

"Kung imposible nga talaga ang sinasabi ko, eh bakit papunta rito ngayon si Aeros?"

"Ha?!" bulalas niya at tiningnan ang direksyong itinuturo ni Renz.

Ganoon na lang ang gulat niya nang makitang papalapit sa kanila ni Renz si Aeros. Ilang sandali pa ay tumigil ito sa harap niya at napahawak sa tuhod nito habang hinihingal. Ano'ng ginagawa ni Aeros doon? At talagang tumakbo pa ito para maabutan siya. "Okay ka lang?"

Itinaas lang nito ang isang kamay at tumango bilang tugon subalit patuloy pa rin ito sa paghingal. Mayamaya pa ay umayos na ito ng tayo at hinarap siya. "So aalis ka na nga talaga."

Tumango siya. "Gaya nga ng sinabi ko. Kailangan, eh. Akala ko, aalis ako rito na hindi man lang kita nakakausap."

"Para namang hahayaan kong mangyari iyon, 'no? Ngayon pa na nagagawa na kitang makausap." Napakamot ito sa batok at nag-iwas ng tingin sa kanya.

Hindi naman niya mapigilang mapangiti sa gesture nitong iyon. Ang cute lang nitong tingnan. "Huwag kang mag-alala. Sa susunod na bumisita ka sa restaurant ni Kuya, kakausapin na kita. Ewan ko nga lang kung kailan iyon."

Ito naman ang tumango pagkatapos niyon. "Dapat lang. Dahil magwawala na ako for the first time sa White Rose Gates kapag iniwasan mo pa ako."

Natawa siya sa sinabing iyon ni Aeros. Seriously, where does this brokenhearted man find that kind of humor in him? "Sira-ulo ka talaga. Ipahinga mo na 'yan at huwag mo nang hahayaan ang walang kuwenta mong ex-girlfriend na sirain na naman ang bakasyon mo."

"Hindi na mangyayari iyon. Iisipin na lang kita kapag nag-uumpisa na akong makaramdam ng pagkabuwisit sa kanya at kakalma na ako. Effective iyon, kung alam mo lang."

Ano raw? Tama ba ang narinig niya? This guy is definitely out of his mind. Hindi na niya alintana ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi dahil mas nangingibabaw sa isip niya ang gulat. Idagdag pa ang nagwawala nang puso niya. "M-matulog ka na nga. Baliw ka na naman, eh. Kulang ka lang sa pahinga."

"I will. But let me do this before you leave."

Bago pa siya makahuma, nagulat siya nang kunin nito ang kamay niya at hinila siya palapit dito. Natagpuan na lang niya ang sarili na nakasubsob ang mukha sa matipunong dibdib nito habang mahigpit na niyayakap. Lalo lang lumakas at bumilis ang tibok ng kanyang puso nang madama niya ang init na nagmumula sa katawan nito.

"Thank you for everything, Lianne," Aeros gently whispered before planting a soft kiss on her hair.

It was just a simple gesture yet the emotions it awakened in her were too much complicated to even start explaining. Pero napangiti na lang siya sa ginawa nitong iyon. Sa totoo lang, sino ang mag-aakala na darating sila ni Aeros sa ganoong punto?

"You're welcome."

No comments:

Post a Comment