"MAY sakit ka ba, Heidi? Bakit wala ka yatang ganang kumain ngayon?"
Natuon ang atensyon ni Heidi sa ate niyang si Mari na katabi niya sa dining table nang gabing iyon. Maagang umuwi ang ate niya galing sa opisina dahil kanina pa raw ito hindi mapalagay roon. Nang tanungin niya ito kung bakit ganoon, hindi rin daw nito alam ang dahilan. Kasabay niyang naghahapunan si Louie at pati na rin ang kaibigan nitong si Yrian.
Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin niya matingnan sa mga mata ang lalaking iyon. Hindi pa rin nawawala sa isipan ang nangyari nang nagdaang araw sa painting room. Ngayon lang sila nagkasabay na kumain ng hapunan sa kagustuhan na rin ni Mari.
"Wala akong sakit, Ate. Puyat lang ako. Hindi ko pa kasi natatapos 'yong painting ko, eh."
Huminga nang malalim si Mari. "Lalo mong hindi matatapos ang painting mong 'yon kung pati ang pagkain, ipagkakait mo pa sa sarili mo. Binibigyan mo lang ng dahilan ang katawan mo na bumigay sa pagod at puyat sa ginagawa mo. Kaya sige na. Kumain ka na riyan."
Wala nang nagawa si Heidi kundi sundin ang gusto ng ate niya. Bakit nga ba wala siyang ganang kumain ngayon? Hindi naman siya ganito noon kahit sabihin pang nagpupuyat din siya sa pagtapos ng ilan sa mga painting niya.
Hindi na napigilan ni Heidi na tingnan ang kaibigan ng Kuya Louie niya. Natigilan siya nang makitang nakatingin din pala ito sa kanya. Agad siyang nag-iwas ng tingin at muling itinuon ang atensyon sa pagkain pagkatapos huminga ng malalim. Kailangan niyang gawin iyon dahil kung hindi ay baka mabulunan na siya sa kinakain sa lakas ng kabog ng dibdib niya. Bakit ba ganito ang nagiging reaksyon ng puso niya pagdating kay Yrian? Isang araw pa lang ito sa bahay nila. Paano na kapag tumagal pa ang pananatili nito roon?
"Ah, Yrian," umpisa ni Mari, dahilan upang maputol ang pag-iisip ni Heidi. "Treat this as your home, okay? Ipinaliwanag na sa amin ni Louie ang circumstances kung bakit ka niya niyayang dito muna tumuloy sa amin. Kaya huwag kang mag-alala, okay?"
Nahihiyang tumango si Yrian na lihim niyang ikinangiti. Hindi siguro nito inaasahan na ganoon ang tratong makukuha nito sa ate niya.
"Medyo habaan mo nga lang ang pasensya mo pagdating sa dalawang 'to sa mga susunod na araw," dagdag ni Mari na ang tinutukoy ay silang dalawa ni Louie.
"O, bakit na naman ako naisama sa usapan? Nananahimik ako rito, eh," sabi ni Louie.
"Ngayon ka lang tahimik dahil ayaw mong ipakita sa kaibigan mo kung paano mo awayin ang bunso natin."
"Grabe ka naman, Ate. Parang ako pa talaga ang pinapalabas mong nag-uumpisa ng away, ah."
Natawa si Heidi nang mahina. Pero sapat naman na iyon upang makuha ang atensyon ng mga kasama niya sa mesa. Agad siyang sumeryoso nang magtama ang mga mata nila ni Yrian.
Nginitian siya nito at kaagad niyang naramdaman ang pag-iinit ng kanyang mukha.
Nang tingnan niya ang mga kapatid, tinaasan niya ng kilay ang mga ito nang makita ang amusement sa mga mata nina Louie at Mari. "Bakit naman ganyan kayo kung makatingin sa akin?"
"Wala lang. Tinitingnan lang namin ang reaksyon mo kapag si Yrian na ang concern," tugon ni Louie na ngingisi-ngisi pa.
"Eh kung tusukin kaya kita ng tinidor, Kuya? Titigil ka na kaya sa pagtingin sa reaksyon ko pagdating sa kaibigan mo?" kunwa'y banta niya. Pero siyempre, biro lang niya iyon. Hindi pa naman siya ganoon kabrutal pagdating sa kapatid.
"Bakit ba kasi iniiwasan mo si Yrian? Baka akalain ng tao, ang laki ng galit mo sa kanya."
"Anong iniiwasan? Kuya, sumosobra ka na, ha? Kung anu-ano na ang pinagsasasabi mo riyan." Ano naman ang dahilan at iiwasan niya si Yrian? "Hindi ba puwedeng sabihing busy lang talaga ako at ayokong magpaistorbo? At kung makapagsalita ka naman, parang wala sa harap mo ang kaibigan mo, 'no?"
Hindi nga lang masabi ni Heidi sa kapatid na may bahid ng katotohananang sinabi nito. Iniiwasan nga niya si Yrian. Wala naman kasing alam si Louie sa nagiging epekto ni Yrian sa kanya, eh. Wala sa sariling napahawak siya sa dibdib at naramdaman niya ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Ngayon lang nangyari ang ganito sa kanya.
"O, siya. Sige na. Tapusin n'yo na 'yang kinakain n'yo at nang makapagpahinga na tayo. Lalo ka na, Heidi. May pasok ka pa bukas," utos ni Mari.
Nang tingnan niya ang ate niya ay iiling-iling lang ito. Sanay na ito sa ganoong scenario nila ni Louie. Iyon siguro ang tinutukoy ni Mari kay Yrian kanina tungkol sa kanila ni Louie.
Sinunod na lang niya ang nais ni Mari dahil baka masermunan pa siya nito nang wala sa oras. Mahirap na. Tiningnan niyang muli si Yrian. Kahit alam niyang magre-react ang kanyang puso at mag-iinit na naman ang kanyang mukha kapag nagsalubong ang tingin nila, tiningnan pa rin niya ito.
Hindi nga siya nagkamali. Pero hindi na rin niya napigilan ang pagngiti. Kesehodang makita siya ng dalawang kapatid.
========
NAKAKAILANG attempt na si Yrian sa pagkatok sa pinto ng painting room ni Heidi. Pero hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin niya nagagawang ilapat ang kamay sa pinto. Naroon lang siya sa labas ng silid na iyon. Hindi siya sigurado kung bakit siya nagtungo roon. Alam naman niya na off-limits ang lugar na iyon, lalo na kapag ganito ngang may pinagkakaabalahan ang prinsesa ng Terradenio clan.
Iyon ang unang pagkakataon na nakilala niya si Heidi at nakarating siya sa mansyon ng mga ito. Matagal na niyang kilala sina Louie at Mari. High school classmate niya si Louie kaya naman kahit lumipat siya sa New Zealand para doon mag-aral ng kolehiyo ay hindi naputol ang komunikasyon nilang magkaibigan. Ipinakilala sa kanya ni Louie ang ate nitong si Mari noong bago siya lumipad patungong New Zealand.
Ang hindi lang nakilala ni Yrian sa magkakapatid na Terradenio nang mga panahong iyon ay ang panganay na si Davi at ang bunsong si Heidi.
Makalipas ang apat na taon, heto at nabigyan na siya ng pagkakataong makilala ang bunsong kapatid ni Louie. Pero hindi naman niya akalaing naiibtriga siya nang ganito kay Heidi. Hindi naman kaila sa kanya na kahit kaibigan niya si Louie ay napapansin pa rin niya ang misteryong parang bumabalot dito, maging sa mga kapatid nito.
Hanggang sa isang araw ay ipinagtapat ni Louie sa kanya ang dahilan kung bakit ganoon ang pakiramdam niya rito. Masasabi niyang isa iyon sa mga dahilan kung bakit mas naging malapit pa sila nito.
Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Yrian nang magdesisyong huwag nang kumatok sa painting room ni Heidi at istorbohin pa ito. Mahirap na. Baka lalo lang siyang iwasan nito.
May isang linggo na rin siyang nakikitira sa mansyon ng mga Terradenio. Hindi na nasundan pa ang naging unang engkuwentro nila ni Heidi. Hindi naman sa umaasa siya. Pero may isang bahagi ng puso niya ang pilit na nagsasabi ng tungkol sa kagustuhan niyang makita ito kahit sandali lang.
Buo na ang araw niya kapag nangyari iyon.
"Sa pagkakaalala ko, hindi ka nag-apply na maging guwardiya ni Heidi dito sa labas ng painting room."
Napalingon siya sa pinagmulan ng tinig at nakita niyang palapit sa kanya si Louie. Nakasuot pa rin ito ng business suit kaya marahil ay kadarating lang nito mula sa opisina. Sa edad nitong beinte-tres ay isa na ito sa mga tumutulong sa pamamahala sa Terradenio Group of Companies at ito rin ang nagtaguyod ng Iris Software, ang gaming at software company sa ilalim ng TGC. Nagagamit na rin nito ang pinag-aralan at galing sa programming.
"Wala naman akong ginagawang masama pero bakit iniiwasan ako ng kapatid mo? Dahil ba nanghimasok ako rito noon? Hindi ko naman sinasadya iyon, ah," himutok ni Yrian na hindi inaalis ang tingin sa pinto ng painting room.
Narinig niya ang mahinang pagtawa ni Louie na ikinalingon niyang muli rito.
"Ano'ng nakakatawa?"
"Wala. Ang totoo niyan, medyo naninibago ako sa ikinikilos ni Heidi mula nang dumating ka rito. Pero isa lang ang sigurado ako. Hindi siya galit sa 'yo. At alam kong alam din niyang wala kang ginagawang masama sa kanya. Isa pa, malabo mo namang magawan siya ng kahit na anong kalokohan."
"At bakit ko naman siya gagawan ng kalokohan? Sira-ulo ka talaga." Napailing na lang si Yrian at muling tumingin sa pinto.
"In any case, I think there's no reason for you to worry about my sister. Abala lang talaga siya ngayon. Lalo na't hindi rin basta-basta ang kahulugan ng ipinipinta niya ngayon," seryosong wika ni Louie kapagkuwan.
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Malalaman mo rin. Hahayaan ko nang si Heidi mismo ang magsabi sa 'yo ng tungkol doon."
'Kung kailan man iyon.' Napabuntong-hininga na lang si Yrian sa naisip. Kapag nanatiling ganito ang sitwasyon nila ni Heidi, mukhang malabong malaman pa niya ang sagot sa tanong niyang iyon.
========
HINDI pa rin inaalis ni Heidi ang kamay niyang nakapatong sa kanyang dibdib. Nakakuyom iyon habang pinapakiramdaman ang mabilis na tibok ng puso niya. Nakasandal lang siya sa pinto at pinapakinggan ang anumang nangyayari sa labas ng painting room. Kaya naman alam niyang kanina pa naroroon si Yrian.
Ngayon lang talaga nangyari sa kanya na hindi niya matagalang tingnan at manatili kasama sa isang lugar ang isang estranghero. Dati naman ay wala siyang pakialam sa mga ito kahit may mga nagtatangkang lumapit sa kanya. Kaya hindi niya maintindihan kung ano ang nangyayari sa kanya dahil sa presensya ng isang lalaking tulad ni Yrian.
Nag-umpisa siguro iyon noong unang araw na nagkakilala sila ni Yrian sa mismong painting room na iyon. Ang paraan ng pagtingin nito sa kanya nang mga panahong iyon nang mag-angat siya ng tingin para tumitig sana sa kisame, alam niyang may kakaiba roon.
Walang malisya pero sapat na para mabulabog nang husto ang puso niya hanggang sa mga sandaling iyon. Kapag naaalala niya iyon, kasabay ng naging pagtitig nito sa kanya matapos siyang saluhin, wala nang tigil sa kapapasag ang puso niya.
Ilang beses na pinagtatampal ni Heidi ang kanyang noo para lang pilitin niya ang sarili na matauhan at nang magawa na niyang makapag-concentrate sa tinatapos niyang painting. Itinuon niya ang pansin sa painting na ilang linggo na niyang pinagkakaabalahan.
Pamilyar sa kanya ang lugar na nasa painting. Iyon ang lugar kung saan napatay ang kanyang mga magulang--sa lupang kinatatayuan ng dating Terradenio mansion. Hindi niya akalaing magkakalakas siya ng loob na ipinta ang lugar kung saan nagbago ang lahat sa kanya. Pero ang nakakapagtaka, hindi tungkol sa pamilya niya ang nasa painting.
Isang lalaking nakatalikod at may hawak na espada ang naroon na ipininta niya. The man was leaning on a tree while clutching his injured side. May pana din na tumama rito.
The painting was overall depicting an unknown man on a verge of dying on the place where Heidi's parents and comrades were killed. Hindi pa tapos ang paglalapat ng kulay roon. Isang linggo pa siguro ang aabutin bago niya masabing tapos na nga niya iyon.
"Paano ko naman matatapos ito kung ganitong may mga dakilang istorbo?" nakasimangot na tanong niya sa sarili at marahas na kinamot niya ang ulo kapagkuwan.
Idinikit niya ang tainga sa pinto para pakinggan at pakiramdaman kung nasa labas pa nga si Yrian. Hindi na siya nagulat nang marinig niyang nagsalita si Louie. Mukhang kadarating lang ng kuya niya mula sa trabaho.
"In any case, I think there's no reason for you to worry about my sister. Abala lang talaga siya ngayon. Lalo na't hindi basta-basta ang kahulugan ng ipinipinta niya ngayon," sabi ni Louie na ikinabuntong-hininga niya.
Kahit kailan talaga ay napakalakas ng pakiramdam ng kapatid niyang ito.
"Ano'ng ibig mong sabihin?" narinig niyang tanong ni Yrian.
"Malalaman mo rin. Hahayaan ko nang si Heidi mismo ang magsabi sa 'yo ng tungkol doon."
'Yeah, right. Hindi ganoon kadali iyon, Kuya,' gusto sana niyang sabihin dito pero nagpigil siya. Ano ba'ng pinagsasasabi ni Louie? Pinapahirapan lang talaga siya nito, 'no?
========
KAHIT Linggo ng araw na iyon ay maaga pa ring nagising si Heidi. May body clock na nga siguro siya dahil kahit late na siyang nakatulog ay awtomatikong nagigising siya ng ganoong oras. Ilang minuto pang nanatili sa kama si Heidi bago siya tuluyang tumayo at nagtungo sa banyo para gawin ang morning routine niya.
Hindi nga lang niya inaasahang maaabutan niya sa kusina ang lalaking ilang araw na ring panggulo sa isip niya. Mukhang ganoon din ang nararamdaman ni Yrian kung ibabase niya sa gulat na nasa mukha nito nang makita siya at magtama ang mga mata nila. Unang nag-iwas ng tingin si Yrian at tumikhim.
"Good morning," bati nito na hindi tumitingin sa kanya.
"G-good morning din," may pagkautal niyang tugon. Kinagalitan niya ang sarili dahil doon. Bakit naman kailangang mautal pa siya? Kinalma muna niya ang sarili bago muling nagsalita. "Ang aga mo namang nagising. Namamahay ka pa rin ba?"
Napansin niyang natigilan si Yrian at hinarap siya kapagkuwan. "P-paano mo alam na namamahay ako?"
"Magaling lang nagparinig si Kuya. Palibhasa, hindi ako masyadong lumalapit sa 'yo mula nang dumating ka rito."
"Mukhang iniistorbo ka ni Louie kahit busy ka sa ginagawa mo, ah."
Nagkibit-balikat siya at naupo sa stool na nasa kitchen counter. "Lagi naman akong iniistorbo n'on kahit busy ako. Hindi raw niya gustong tuluyang lamunin ng pagpipinta ang lahat ng oras ko."
Tumawa si Yrian at nakita niya ang pag-iling nito. At gaya ng napapansin niyang nangyayari sa kanya, hayun at napatulala na naman siya. Pero sa mga sandaling iyon, wala na siyang pakialam kahit mapansin iyon ni Yrian.
"Gusto mo bang ipagtimpla kita ng kape? Masarap akong magtimpla ng kape," ani Yrian na pumutol sa pagkatulala niya sa ngiti nito.
Lihim niyang ipinagpasalamat iyon. Hindi niya alam kung ano ang idadahilan kung sakaling nagtagal pa ang pagkatulala niya kahit sabihing wala siyang pakialam na mapansin nito iyon.
"Hindi ako nagkakape, eh. Hot chocolate na lang."
Tumango si Yrian at nag-umpisa na itong kumilos para ipagtimpla siya ng request niyang hot chocolate. Hindi niya napigilang mapangiti nang makitang parang alam na alam na nito ang kinalalagyan ng mga gamit sa kusina. Pinag-aaralan nito marahil ang ilang bagay-bagay sa bahay nila bilang paraan para mapawi ang nararamdaman nitong homesickness.
Hindi siya nagbibiro nang sabihin niyang pinaparinggan siya ni Louie tungkol kay Yrian. Bagaman ipinapakita niya sa kapatid na naiirita siya sa ginagawa nito, sa loob-loob niya nakaramdam na siya ng pag-aalala rito. Kasabay rin niyon ay nag-iisip na siya ng paraan para tulungan ito. Ang problema, wala siyang nagawa ni isa sa mga naisip niyang gawin. Kahit papaano ay nakahinga siya ng maluwag dahil ito na mismo ang gumagawa ng paraan para tulungan ang sarili nito.
"Here you go," untag ni Yrian.
Ngumiti siya nang tanggapin ang itinimpla nitong hot chocolate.
Hindi niya alam kung dapat ba siyang matawa sa sarili nang mga sandaling iyon. Ilang linggo rin niyang iniiwasan ito sa 'di malamang dahilan.
Okay, that was a lie. Alam ni Heidi ang dahilan. Nararamdaman pa nga niya hanggang sa mga sandaling iyon ang tinutukoy niyang dahilan kung bakit lumalayo siya kay Yrian. Naninibago kasi siya sa nagiging reaksyon ng puso niya kapag nakakaharap niya ang binata.
"Mabuti naman at hindi mo na ako nilalayuan ngayon," sabi ni Yrian na pumutol sa pag-iisip niya. "Ang akala ko, tatakbo ka na palayo pagkakita mo sa akin dito kanina."
"Plano ko talagang gawin iyon," tugon ni Heidi bago pa niya mapgilan ang sarili. Napansin niyang tila natigilan si Yrian. Tumikhim siya kapagkuwan. "Pero ayoko na kasing makulili pa nang husto ang tainga ko kapag nagpatuloy pa si Kuya Louie sa pagpaparinig sa akin. At saka... gusto ko ring makilala nang husto ang kaibigan ni Kuya. Alam mo bang sa lahat ng mga naging kaibigan niya, ikaw pa lang ang dinala niya rito sa mansyon?"
Tumango si Yrian at ininom naman ng kape sa tasang hawak nito. "Nasabi nga niya sa akin. Pati si Ate Mari, iyon din ang sinabi."
Ilang sandaling namagitan ang katahimikan sa pagitan nila ni Yrian. Hindi na lang pinansin ni Heidi ang palakas nang palakas na tibok ng kanyang puso habang tumatagal ang katahimikan sa kanila ng binata. Inabala na lang niya ang sarili sa pag-inom ng hot chocolate. Hindi na niya naitago ang ngiting sumilay sa labi niya nang matikman iyon.
"Okay naman ang pagkakatimpla ko, 'di ba?"
Si Heidi naman ngayon an tumango. Hindi na lang siya nagsalita dahil bigla siyang mabilaukan sa gulat. Kung bakit ba naman kasi bigla na lang itong nagsasalita. Hanggang sa mapansin niyang ito ang laging unang nagsasalita sa kanilang dalawa.
"Umm... Heidi, huwag mo sanang masamain ang itatanong ko sa 'yo, ha?" pagpapatuloy ni Yrian, dahilan upang mapatingin siya rito. Nakita niya ang seryosong ekspresyon nito. "Galit ka ba sa akin? Hindi ko kasi maintindihan kung bakit umiiwas ka."
Hindi kaagad nakaisip ng itutugon si Heidi sa tanong ni Yrian. Pero kailangan pa bang pag-isipan iyon? Sa kaibuturan niya, alam niya ang tamang sagot sa tanong nito sa kanya.
"Hindi ako galit sa 'yo," tugon niya kapagkuwan. "Wala namang dahilan para magalit ako, eh. Medyo... nanibago lang ako na... may ibang tao bukod sa pamilya ko at mga katulong na nandito sa bahay." 'Hindi ko pa idinadagdag ang mga taong kabilang sa Eight Thorned Blades,' dagdag ni Heidi sa isip niya.
Naninibago nga lang ba siya? Hindi kaya may isa pang emosyon ang pilit na ipinaparamdam sa kanya ng puso niya kaya siya umiiwas kay Yrian?
No comments:
Post a Comment