Saturday, November 12, 2016

To The Irreplacable One I Love 3 - A Question Of Relation And Identity

"ANG lalim ng buntong-hininga natin, ah. Wala ka na bang planong bumuntong-hininga kinabukasan?"

Buntong-hininga lang ang naging tugon ni Yrian sa sinabing iyon ni Louie. Naabutan siya nitong naglalakad-lakad sa poolside na tila wala sa sarili. Ilang oras na rin ang nakalipas matapos nilang mag-usap ni Heidi. Pero hindi pa rin natatanggal sa isipan niya ang naging sagot nito sa tanong niya.

"Si Heidi nga pala? Nandoon ba siya ulit sa painting room?" sa halip ay naitanong niya. Huli na nang maisip niyang baka kung ano ang isipin ni Louie doon.

"Gusto raw niyang ubusin ang buong araw niya ngayon sa pagtapos sa painting. Final touches na lang naman yata ang kailangan niyang ilagay roon at tapos na iyon."

"Nakita mo na ba ang posibleng final output ng painting niya? Kalahati pa lang ang naaalala kong may kulay sa painting niyang iyon nang huli ko 'yong makita."

Tumango si Louie. "Kapag tulog na si Heidi, nagpupunta ako sa painting room at tinitingnan ang mga pinagkakaabalahan niya. That way, I'd know how to help my sister."

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Saka ko na sasabihin. Hindi ako ang tamang taong dapat na nagpapaliwanag sa 'yo ng anumang may kinalaman sa paintings ni Heidi. Pero nagtataka lang ako. Bakit mo hinahanap ang kapatid ko?" nanunudyo nang tanong ni Louie.

Heto na nga ba ang sinasabi niya. Mali nga talaga na naitanong niya iyon dito. Umiling na lang siya at tumingala sa langit. Napangiti na lang siya sa nakitang maaliwalas na panahon.

"Magandang senyales sana ang dala ng ganda ng panahon ngayon," narinig niyang wika ni Louie makalipas ang ilang sandali.

Akmang titingnan niya si Louie para sana itanong kung ano ang ibig sabihin nito sa sinabing iyon. Pero natigilan siya nang dumako ang tingin niya sa veranda ng painting room. Hindi niya inaasahang makikita roon si Heidi. At ang nakakagulat, nakatingin ito sa kanila ni Louie.

Hindi napaghandaan ni Yrian ang pagtalon ng puso niya nang ngitian sila nito kapagkuwan. Hindi niya inasahan iyon. Natauhan na lang siya nang tuluyan na itong pumasok sa loob ng painting room.

'What was that all about?'

"Mukhang magandang senyales nga ang dala ng magandang panahon ngayon, ah," biro ni Louie nang harapin niya ito.

Hindi na niya napigilan ang pagsilay ng ngiti sa labi niya sa sinabi ng kaibigan. This day started out much better than he initially thought.

========

"A TOTAL of four weeks and two days. Bakit natagalan ka yata sa pagtapos ng painting mo?" tanong ni Raiden kay Heidi isang hapon nang matapos ang huling klase nila.

Nakalabas na sila ng classroom at tinatahak na lang ang hallway sa first floor ng Business Administration building. Natural na sa kanila ang sabay na umuwi pagkatapos ng klase. Ilang taon na rin naman nilang ginagawa iyon. High school pa lang ay hindi na talaga sila mapaghiwalay. Kaya naman marami ang nag-aakala na may relasyon sila.

Tinatawanan na lang nilang dalawa iyon. Unang-una, sa klase ng trabaho at tungkulin niya, wala siyang panahong magkaroon ng nobyo. Isa pa, hanggang kaibigan lang ang tingin niya kay Raiden. Ini-enjoy pa kasi nito ang sariling kalayaan. At sa nakikita niya, wala rin itong panahon sa ngayon kagaya niya sa relationship.

Natigilan si Heidi nang bigla-bigla ay sumagi sa isip niya si Yrian. Teka nga lang. Bakit naiisip niya ito? At dahil doon, hayun na naman ang puso niya. Inis na bumuntong-hininga na lang siya at marahas na napailing.

"Ano na naman ang naiisip mo at ganyan na lang kung makabuntong-hininga ka? Baka mamaya, malaman ko na lang na may galit ka na pala sa akin na hindi ko alam," ani Raiden.

Hinarap niya ito at hinampas ss braso. "Ang OA nito. May naalala lang ako nang hindi ko sinasadya."

"'Yon ba 'yong kaibigan ng kuya mo na nakikitira sa inyo?"

Nagulat siya sa narinig. "Alam mo ang tungkol sa kanya?"

"Nasabi sa akin ni Kuya Louie nang hingin ko ang tulong niya sa isang bagay. May tatlong linggo ko na ring alam ang tungkol sa kanya. Ano na nga ulit ang pangalan niya?"

"Yrian Telleria," walang ganang sagot niya.

Pero nakuha ni Raiden ang atensyon ni Heidi nang makita niyang tila natigilan ito. May bahid ng 'di pagkapaniwala ang mukha nito. Bakit ito nagkaganoon? May mali ba sa sinabi niya? "Okay ka lang?"

"Y-yeah. May... naisip lang ako." Bumuntong-hininga ito kapagkuwan. "Gaano katagal daw ba siyang makikitira sa inyo?"

Nagkibit-balikat siya at ipinagpatuloy na ang paglalakad. "Hindi ko alam kay Kuya Louie. Wala rin namang kaso kina Ate at Kuya Davi kung sakaling magtagal pa ang pananatili ni Yrian sa amin."

"May picture ka ba niya?"

" Wala, 'no? Aanhin ko naman iyon?" tila naeeskandalong tugon niya. Ano ba 'tong pinagtatanong sa kanya ni Raiden? "At teka nga lang. Bakit ganyan ka na lang kung makapagtanong tungkol sa kaibigan ni Kuya? Interesado ka ba sa kanya? Maglaladlad ka na ba?"

"Baliw! Masama bang maging interesado sa kanya? Ngayon lang naman nagdala ng kaibigan si Kuya Louie sa bahay n'yo, 'di ba? Pero alam ba niya ang tungkol sa atin, sa mga pamilya natin?"

Umiling si Heidi. "Hindi ako sigurado. Pero kung sakaling alam nga niya ang tungkol sa Eight Thorned Blades, wala naman siyang nababanggit sa akin."

"Paano naman siya magbabanggit sa 'yo? Eh ang kuwento sa akin ni Kuya Louie, iniiwasan mo raw si Yrian."

Napakadaldal talaga ng kapatid niyang iyon. Mukhang may kailangan siyang upakan mamaya pag-uwi sa bahay."

"Heidi, siya ba 'yon? Si Yrian na kaibigan ng kapatid mo?" kapagkuwan ay tanong ni Raiden.

Sapat na iyon para matigilan si Heidi at gulat na napatingin sa direksyong tinitingnan ng kaibigan. Naroon nga si Yrian malapit sa gate ng campus at nakasandal sa isang poste. Blangko ang ekspresyon ng mukha nito. Kung sa kinatatayuan niya, hindi niya masasabi kung ano ang iniisip nito kahit sabihin pang malakas naman ang pakiramdam niya. Pero sapat pa rin ang matamang tingin nito sa kanya para kumabog na naman ang dibdib niya.

Bakit ba ganito kung makatingin ito sa kanya? Isa pa, ano'ng ginagawa nito sa Skyfield?

Matapos huminga ng malalim ay wala nang nagawa si Heidi kundi ang lapitan si Yrian. Kasunod lang niya si Raiden.

"Naligaw ka yata rito. May iba ka bang pinuntahan?" salubong niya kay Yrian nang sa wakas ay nakalapit na siya rito.

Ilang sandali pa siyang tiningnan ni Yrian bago ito tumango. "Sa sementeryo. Pinuntahan ko ang puntod ng Lolo ko. Birthday kasi niya ngayon."

"Ah," tatango-tangong tugon niya. Hanggang sa may maalalla siya. "By the way, ito nga pala si Raiden Wilford, kaibigan ko. Raiden, ito naman ang kaibigan ni Kuya Louie, si Yrian Telleria."

Agad na inilahad ni Raiden ng kamay nito kay Yrian na tinanggap naman ng huli. Blangko pa rin ang ekspresyon ng huli at hindi maintindihan iyon ni Heidi.

"Ikaw pala ang tinutukoy ni Kuya Louie," tatango-tangong sabi ni Raiden kapagkuwan matapos makipagkamay. "Telleria ang apelyido mo, tama? By any chance, are you related to Rio Telleria?"

Nakita ni Heidi ang pagkunot ng noo ni Yrian sa tanong ni Raiden. Rio Telleria? Sino naman iyon?

"She's my mother. Bakit kilala mo ang nanay ko?"

Si Raiden naman ngayon ang naging blangko ang ekspresyon. Pero sandali lang iyon. "Ilang beses kong narinig ang pangalan niya sa Mama ko. Kung tama ang pagkakaalala ko sa mga kuwento niya sa akin, college friends sila." Kapagkuwan ay hinarap siya ng kaibigan. "Hindi na kita maihahatid sa bahay n'yo, Heidi. Mukhang may gagawa na n'on para sa akin. Ingat na lang sa pag-uwi, okay?"

Hindi na nakahuma si Heidi nang tuluyan siyang iwan ni Raiden kasama ni Yrian. Ano'ng nangyari sa taong iyon at ganoon na lang kung makapagmadaling umalis? Nakakapagtaka ang kilos ni Raiden, maging ang biglang pagtatanong nito sa koneksyon ni Yrian kay Rio Telleria. Bakit may iba siyang pakiramdam sa tanong na iyon ni Raiden?

"Let's go? Okay lang naman sa 'yo na sabay tayong umuwi, 'di ba?"

Tumango na lang si Heidi st sabay na silang umalis sa lugar na iyon ni Yrian. Saka na niya aalamin ang sagot sa sariling mga tanong.

=========

HUMINGA na lang ng malalim si Heidi nang maabutan niya sa sala sina Raiden at ang shadow guardian niyang si Tristan. Sabado ng araw na iyon at wala silang pasok ni Raiden kaya naman hatinggabi na siya nakatulog. Hindi nga lang ang pagpipinta ang dahilan kung bakit late na siyang nakatulog.

Napailing na lang siya sa lakas ng kuwentuhan ng dalawang kaibigan niyang ito. Hindi niya maikakatwirang maaga pa para patahimikin ang dalawang ito dahil mag-aalas-onse na ng umaga. Panigurado na nasa trabaho na ang dalawang kapatid niya.

"O, Miss Heidi! Gising ka na pala. Ang akala namin, nilamon ka na ng kama mo," nakangising salubong ni Tristan.

Umismid na lang siya at dire-diretsong nagtungo sa kusina. Naramdaman niyang sumunod sina Raiden at Tristan sa kanya. Agad naman siyang ipinaghanda ng isa sa mga katulong ng makakain niya. Nagpasalamat siya rito kapagkuwan.

"Hindi ka talaga mamamansin, 'no?" untag ni Raiden na pumutol sa katahimikan nila.

"Pakainin mo muna ako bago kita pansinin. Palibhasa, ang dami mong free time kaya nakakapunta ka pa sa bahay ng may bahay."

"Ang moody mo na naman, Miss Heidi. Hindi ka na naman ba nakatulog ng maayos?" tanong ni Tristan na hindi na lang niya sinagot.

Ano naman ang isasagot niya kung tumpak pa talaga ito sa sinabi nito?

"Ah, alam ko na. Baka distracted doon sa bisita ni Kuya Louie," nang-aasar na sabi ni Raiden.

Tiningnan niya ng masama ang kaibigan na ngisi lang ang naging tugon. Mahirap pala kapag ganitong sinanay na maging mapagmasid at alerto ang mga kaibigan niya. Wala siyang ligtas.

"Bisita? Sinong bisita?"

"Yrian Telleria, kaibigan ni Kuya Louie mula pa noong high school. Dito muna siya sa mansyon pinatuloy ni Kuya galing New Zealand dahil baka lalo lang daw siyang ma-depress kapag doon siya sa bahay ng lolo niya tumira. Or at least, iyon ang sabi sa akin ni Kuya."

"Related ba kay Rio Telleria ang Yrian na iyan, Miss Heidi?"

Natigilan si Heidi sa naging tanong ni Tristan at marahas na hinarap ito. Paanong kilala ng dalawang kaibigan niya ang nanay ni Yrian?

"Kayo bang dalawa ay may itinatago sa akin tungkol sa nalalaman n'yo sa kaibigan ni Kuya Louie at sa nanay niya? Una, si Raiden ang nagtanong kay Yrian kung kilala ba nito si Rio Telleria. Ngayon naman, ikaw ang nagtatanong sa akin niyan. Sabihin n'yo nga sa akin. Paano n'yo alam ang tungkol sa nanay ni Yrian?"

Parehong natahimik sina Raiden at Tristan sa tanong niyang iyon. Kapag ganitong nag-uumpisa na siyang mag-usisa sa mga kasamahan, alam niyang may mali na sa mga nangyayari. Gaya na lang ng nalalaman ng dalawang kaibigan niyang ito tungkol kay Rio Telleria.

"Mahabang kuwento, Heidi," tugon ni Raiden matapos magpakawala ng isang malalim na buntong-hininga na pumutol sa ilang sandaling pananahimik. "Pero kung tama ang hinala ko, alam din ni Kuya Louie ang tungkol sa nanay ni Yrian. At mukhang isa iyon sa dahilan kung bakit nandito ngayon sa mansyon si Yrian."

Kumunot ang noo niya. Alam ni Louie ang tungkol kay Rio Telleria? Kunsabagay, kaibigan ng kapatid niya si Yrian. Natural lang siguro na alam nito ang tungkol sa bagay na iyon. Pero bakit parang may mali? Teka nga lang. Ano ba talaga ang nangyayari? Mukhang may misteryo pa yatang hawak ang pagkatao ni Yrian na tatlo sa mga aktibong miyembro ng Eight Thorned Blades ang nakakaalam. At nagkataon pa talaga na ang tatlong iyon ay malapit sa kanya.

"Fine, I'll let it go for now. Mukha namang wala kayong planong sabihin sa akin ang mga nalalaman n'yo tungkol sa kanya, eh." Hindi na itinago ni Heidi ang pagtatampo sa tinig.

"Heidi..."

"Siyanga pala," agad na pag-iiba niya ng usapan. "Mukhang may kailangan ka pa yatang ibalita sa akin, Tristan."

"Alam na alam mo, ah," nangingiti nang komento ng binata. "Ginagawa ko naman ang lahat ng paraan para mahanap sila. May mga leads na ako, pero hindi ko pa personal na nakukumpirma kung tama ba ang mga iyon. Kaya mukhang wala akong masasabing bago sa progress ng paghahanap ko sa mga sira-ulong pumatay sa mga kasamahan natin noon, lalo na sa mga magulang mo."

Nagtaka si Heidi sa sagot ni Tristan. "Kung ganoon, bakit ka nandito? May iba ka pa bang kailangang gawin?"

Tumango si Tristan at tiningnan siya nang mataman. "Inutusan ako ni Miss Mari at Sir Davi na bumalik at manatili sa tabi mo. Ipinaubaya na nila kina Kuya Chrono at Ate Tanya ang trabaho kong maghanap ng mga sira-ulong malaki ang atraso sa atin." Mga kasamahan pa rin nila sa Shrouded Flowers ang dalawang taong tinutukoy nito.

"Ha? Bakit?"

"Hindi nila nilinaw sa akin ang detalye. Pero mabuti na raw na bantayan kita palagi, lalo na kapag nasa labas ka ng masyon."

"Kung magsalita ka naman, parang hindi ko kayang protektahan ang sarili ko."

Nagkibit-balikat lang si Tristan. "I'm just following orders from my superiors, Miss Heidi. Kaya huwag ka nang magalit sa akin. At saka mabuti na rin na nasa tabi mo ako. Ako yata ang shadow guardian mo at trabaho ko ang bantayan at protektahan ka. Nangako ako sa tatay mo at wala akong planong sirain iyon. Isa pa, magagawa ko ring obserbahan si Yrian Telleria. Siguro sa paraang iyon, magagawa kong siguruhin kung tama ba ang hinala namin ni Raiden sa kanya."

========

"HIMALA yatang dito ka sa labas tumatambay ngayon."

Agad na napalingon si Heidi sa pinagmulan niyon. Hindi na siya nagulat nang makita si Yrian na palapit sa kinauupuan niya. Naroon siya sa gilid ng swimming pool sa likod ng mansyon. Doon niya naisipang mamalagi pagkatapos ng naging pag-uusap nila nina Raiden at Tristan. Gaya ng inasahan at ikinatampo niya, wala siyang napiga sa mga ito patungkol sa nalalaman ng mga ito kay Yrian at sa nanay nito.

Ngumiti lang siya sa binata na agad ding napawi sa labi niya at muling itinuon ang atensyon sa mga paang nakababad sa tubig ng swimming pool.

"Mukhang hindi maganda ang mood mo ngayon, ah. Gusto mo bang mapag-isa muna?"

Umiling si Heidi. "Kanina pa ako mag-isa. Pero hindi rin iyon nakatulong para maging maayos ang takbo ng isip ko." Nag-aalangang nag-angat siya ng tingin at hinarap si Yrian. Mukhang hindi nito inaasahan ang ginawa niyang iyon kung ibabase niya sa bahagyang paglaki ng mga mata nito. "Kung wala kang ibang gagawin, okay lang ba kung... kung..."

"Oo naman. Walang problema," agad na tugon ni Yrian at naupo sa tabi niya. Inilublob din nito ang mga paa sa tubig ng pool at malawak ang ngiting hinarap siya.

Lahat ng iyon ay hindi inasahan ni Heidi. Paano nalaman ng lalaking ito ang gusto niyang sabihin? Gayunpaman, hindi na niya napigilan ang sarili na mapangiti na rin.

Mahabang sandali rin ang lumipas at wala ni isa sa kanila ang nagsalita. Pero nakakapagtaka na kahit walang tigil sa kapapasag ang puso niya dahil sa presensya ni Yrian at pati na rin sa distansya nilang dalawa, kasabay niyon ay nakakaramdam din siya ng kakaibang kapanatagan. Weird mang isipin, pero walang dahilan para magsinungaling siya sa nararamdaman.

At ang isa pang nakakapagtaka, si Yrian lang ang nagparamdam ng ganoon sa kanya. Ano ba talaga ang meron sa lalaking ito at ganoon na lang kung guluhin nito ang puso niya?

"Hindi ka man lang ba lumabas ng mansyon?" mayamaya ay tanong ni Yrian na pumutol sa katahimikang nakapagitan sa kanila.

Umiling si Heidi. "Late na akong nagising. At saka hindi ko ugaling lumabas ng mansyon kahit bakasyon. Maliban na lang kung talagang kailangan o kung maisipan ni Raiden na kaladkarin ako sa kung saan."

"Matagal na ba kayong magkaibigan ni Raiden? Siya 'yong lalaking kasama mo noong sunduin kita sa school n'yo, 'di ba?" sunud-sunod na tanong ni Yrian na ipinagtaka niya.

Idagdag pa ang napansin niyang kakaiba sa tono nito nang itanong iyon sa kanya. O baka naman kung anu-ano lang ang naiisip niya ngayong malapit na naman ang lalaking ito sa kanya. Tama. Siguro nga ay ganoon lang iyon.

Tumango si Heidi. "Kababata ko siya, bukod kina Alexa, Tristan, Deneel at Cielo." Lahat ng mga binanggit niya ay mga active member ng Eight Thorned Blades na ilang taon ang tanda sa kanya.

"Deneel?" kunot-noong ulit ni Yrian. "Si Deneel Lencioni ba ang tinutukoy mo?"

Napatingin siya kay Yrian sa pagtataka. "Kilala mo siya?"

"Kababata ko siya. Nagkalayo lang naman kami nang lumipat ako ng tirahan dahil na rin sa utos ng lolo ko."

Hindi niya inaasahan ang tungkol doon. Kung ganoon, hindi lang pala si Louie ang kaibigan ni Yrian na kabilang sa Eight Thorned Blades. Pati rin pala ang miyembro ng fourth branch ng Monceda clan na si Deneel Lencioni.

Tinanong pa siya ni Yrian ng ibang bagay tungkol kay Deneel. Bagaman sinagot niya nang maayos ang mga iyon, hindi niya maintindihan kung bakit parang bigla siyang nawalan ng gana. Ano na naman ba 'tong nangyayari sa kanya ngayon?

"Okay ka lang, Heidi?" untag ni Yrian na pumutol sa pag-iisip niya.

Tumango na lang siya at pilit na ngumiti. "S-sumama lang ang pakiramdam ko."

"Ako ba ang dahilan kung bakit bigla naman yatang sumama ang pakiramdam mo ngayon?"

Gulat na napatingin siya rito. Ano'ng pinagsasasabi nito? Hindi niya alam kung para saan ang lungkot na bigla niyang nakita sa mga mata nito.

"H-hindi sa ganoon. M-medyo... bothered lang ako. May bigla kasi akong naalala. Kaya huwag mong isipin na ikaw ang dahilan," pagpapaliwanag niya.

"Bothered saan?"

Umiling na lang siya. Mas mabuti pa siguro na huwag muna siyang magsasalita ng anuman tungkol sa iniisip niya na may kinalaman kay Deneel at sa painting niya. Baka pagtawanan lang siya nito at hindi pa paniwalaan.

"Kahit huwag mo nang sabihin. Hindi naman kita pinipilit, eh." Nginitian lang siya ni Yrian.

Pero kitang-kita pa rin ni Heidi sa mga mata nito ang lungkot. Para saan iyon?

Nagpatuloy lang sila sa pagkukuwentuhan hanggang sa maabutan na sila roon ni Louie nang makauwi na ito galing trabaho.

No comments:

Post a Comment