"AT TULALA na naman ang mahal naming prinsesa."
Sapat na ang mga salitang iyon para magbalik ang isip ni Heidi sa realidad. Nang mag-angat siya ng tingin, nakita niyang nakapameywang si Cielo sa harap niya habang nakapangalumbaba naman sa magkabilang gilid niya sina Raiden at Deneel. Noon lang niya naalala na nasa canteen nga pala silang apat para mananghalian.
Bumuntong-hininga na lang siya at itinuloy ang kinaligtaang pagkain.
"Si Yrian na naman ang panggulo sa isip mo. Tama?"
Agad siyang napatingin kay Deneel na siyang nagsabi niyon. Naalala niya na ito ang kababata ni Yrian na hindi na siguro kaila rito ang mga nangyayari sa binata. Kasabay niyon ay nakaramdam na naman siya ng 'di maipaliwanag na inis dahil sa kaalamang iyon.
"Yrian? Sino 'yon?" tanong ni Cielo. Hindi pa ba ito updated sa mga nangyayari sa kanya at sa mansyon?
Sa pinakamabilis na paraan ay ipinaliwanag ni Raiden sa kababata ang tungkol sa binatang matagal nang panggulo sa kanyang isipan. Napailing na lang siya sa pagiging tsismoso ng lalaking ito. Ang napapala nga naman ng pagsama-sama nito kay Tristan na isa ring tsismoso.
"Hindi na ako magtataka kung bakit ganyan na lang kung guluhin niya ang isip mo, Miss Heidi," komento ni Cielo. "Ang galing niyang magbigay ng cliffhanger sa mga pinaggagagawa niya sa 'yo, eh."
"Ganoon talaga ang lalaking iyon. Mas mahirap pa siyang ispelingin kaysa sa Kuya Louie mo o kay Raiden," ani Deneel. "Pero masyado rin siyang transparent kapag may pagkakataon. Kung ibabase ko sa kuwento ni Raiden at sa nakikita kong epekto ng ginagawa niya sa 'yo, nagsasabi siya ng totoo. He's always been that sincere."
"Kung ganoon naman pala, bakit hindi ko yata nababalitaan na naging kayo ng Yrian na iyon?" biglang tanong ni Raiden na ikinagulat niya at ikinakunot naman ng noo ni Deneel.
"Imposibleng mangyari iyon, 'no?" walang pasubaling sagot ni Deneel.
Imposible? Paano? Bakit?
Bumuntong-hininga muna si Deneel bago nagpatuloy. "Iba ang gusto ko. Kilala n'yo na kung sino iyon. At saka sa simula pa lang, hindi ko na talaga makita ang sarili ko na mai-in love sa kanya."
"Huwag kang magsalita ng tapos. Magkababata kayo, 'di ba? Isang pundasyon iyon para magkaroon ng posibilidad ng isang romantic relationship sa pagitan n'yo ni Yrian," tugon ni Cielo na tinanguan naman ni Raiden.
"Hindi pa rin sapat iyon," ani Deneel na may pinalidad sa tono nito. "At sa nakikita ko, hindi ako ang taong makakapagbigay ng pagmamahal na kailangan niya, na nararapat sa kanya."
Walang makapagsalita sa kanilang apat pagkatapos niyon. Pero aminin man ni Heidi o hindi, nakahinga siya ng maluwag sa sinabi ni Deneel. Agad ding naglaho ang inis at kaunting inggit na ilang araw ding nanggulo sa kanya mula nang malaman niya ang koneksyong meron sina Deneel at Yrian.
"Kaya kung sakaling maisipan ng Yrian na iyon na ligawan ka, Miss Heidi, na halata naman, hindi ko na siya pipigilan. Hindi ako magiging hadlang sa inyong dalawa. Kung gusto mo, ipagtutulakan ko pa siya sa 'yo, eh," pagpapatuloy ni Deneel na pumutol sa katahimikang nasa paligid.
Kasunod niyon ay ang halakhakan nina Cielo at Raiden na para bang sumasang-ayon pa ang dalawang ito sa mga sinabi ni Deneel. Umiling na lang siya at magana nang ipinagpatuloy ang pagkain.
Pero may plano nga kayang gawin iyon ni Yrian? Ang ligawan siya?
Imposible iyon. He just cares for me.
Right?
=======
KASABAY ng pagkagulat na naramdaman ni Heidi ay agad ding lumukob ang pagtataka sa kanya nang makita si Yrian sa gate ng campus. Bakit nandito ito?
"May iba ka bang pupuntahan ngayon? Samahan na kita," agad na salubong sa kanya ng binata nang makalapit siya rito.
"Hay, naku, Yrian. Bakit hindi mo pa diretsuhin na gusto mo lang masolo ang prinsesa namin? Sng dami mo pang paliguy-ligoy, eh," pang-aasar ni Deneel na halatang ikinairita ni Yrian.
"Eh ano ngayon kung gusto ko siyang masolo? Bakit? Inggit ka?" ganti naman ng binata na ikinagulat niya.
Hindi na napigilan ng tatlong kasama niya ang matawa. Pambihira naman! Ano itong pinagsasasabi ni Yrian? Nababaliw na yata ito.
"Nakita mo na, Miss Heidi? Masyado na siyang halata, o," ani Deneel na hindi natatanggal ang malawak na pagkakangiti nito. Kapagkuwan ay hinarap nito si Yrian. "O, siya, sige. Hindi ka na namin ilalayo pa ng matagal sa kanya."
"Deneel..." tanging nasabi na lang niya. Talaga bang ipinagtutulukan siya ng babaeng ito sa kaibigan nito?
"Oo nga naman. Mahirap nang hindi napagbibigyan ang lalaking seryoso nsman kung mag-offer," saad ni Raiden at nilapitan si Yrian.
Kahit sa kinatatayuan ni Heidi, ramdam niya ang tensyon sa dalawang lalaki. Hindi nga lang niya alam kung para saan iyon.
"Huwag mo lang siyang hahayaang mapahamak, Yrian. Iyon lang ang ipapakiusap naming tatlo nina Cielo at Deneel sa 'yo," seryosong pakiusap ni Raiden na hindi kaagad rumehistro sa isip niya.
Bakit ganito ang sinasabi ni Raiden kay Yrian?
Hindi nagtagal ay sumagot si Yrian. "Huwag kang mag-alala. Handa akong itaya ang buhay ko, masiguro ko lang ang kaligtasan niya."
Gustong isipin ni Heidi na nagbibiro lang si Yrian. Pero wala siyang makitang bakas na ganoon nga ang intensyon nito. Hindi niya napigilan ang pagdagsa ng takot sa kanyang sistema sa isiping gagawin nga nito ang sinabi.
Pero nangako siya noong gabi napatay ang kanyang mga magulang at maging ang hinahangaan niyang leader ng Monceda clan. Hindi na niya hahayaang may mapahamak pa ng dahil sa kanya. Hindi man sapat ang dalawang taon para makamit niya ang kakayahang kailangan na magawa iyon, alam niyang sapat na ang determinasyong meron siya para siguruhing mangyayari ang gusto niya.
Naputol ang pag-iisip ni Heidi nang marinig niya ang mahinang pagtawa ni Raiden. Kahit sa posisyon niya, kitang-kita niya ang amusement sa mga mata nito. Gusto na tuloy niyang isipin na nang-aasar lang ang kaibigan niyang ito kay Yrian.
"You don't have to go that far. Kami ang dapat na gumagawa n'on. Lalo na kung kinakailangan naming siguruhin ang kaligtasan ni Heidi. Pero sigurado na mahaba-habang sermon ang aabutin namin sa kanya kapag namatay kami ng wala sa oras dahil lang prinotektahan namin siya. Mag-iingat lang kayo. Iyon lang ang kailangan n'yong gawin, lalo na't hindi pa rin nila nahahanap ang mga taong pumatay sa mga kasamahan namin, pati na sa mga magulang ni Heidi," seryosong turan ni Raiden.
Tumango na lang si Yrian. Ilang sandali pa ay naglaho na ang tensyong una niyang naramdaman sa paghaharap ng dalawang lalaki. Bumuntong-hininga naman si Cielo habang iiling-iling si Deneel.
Matapos magpaalam sa kanya ang tatlong kaibigan ay hinarap niya si Yrian. Noon lang niya napansin na may dala pala itong bisikleta. Iyon ba ang ginamit nito sa pagpunta roon?
"Hiniram ko ito kay Louie. Sinabi ko na plano kong maglibot at kung papalarin, susunduin na rin kita," sabi ni Yrian na tila naging sagot sa tanong niya sa isip.
Tumango-tango na lang siya. "Wala ka bang ibang gagawin ngayon? Hindi ba hiningi ni Kuya ang tulong mo sa opisina niya?"
"May iba akong kailangang asikasuhin at alam na iyon ni Louie. Kaya hindi niya ako ikinulong sa opisina niya ngayon."
Natawa siya sa pabirong saad ni Yrian. Pero kasabay niyon ay nagsulputan ang ilang tanong na matagal na ring gumugulo sa kanya tungkol sa lalaking ito. Ano ba talaga ang pinagkakaabalahan nito at madalas itong busy?
"Gusto mo bang magmeryenda muna bago tayo umuwi? Hindi pa ako nanananghalian, eh," yaya ni Yrian na pumutol sa pag-iisip niya.
"Hindi ka pa nagla-lunch? Ganyan ka ba kapag walang nagpapaalala sa 'yo ng oras ng kain mo?" Hindi na naitago ni Heidi ang inis at pag-aalala sa tinig niya.
"Nasanay na ako, Heidi," sagot ng binata sa malungkot na tinig. "Ten years old ako nang mamatay ang Mama ko sa isang car accident. Mas madalas naman akong nasa kompanya ni Lolo pagkatapos n'on para pag-aralan ang kalakaran doon at nang magawa kong pamahalaan iyon pagdating ng panahon. But five years ago, my grandfather left me as well because he was sick. Hindi ko kayang magtagal sa lugar na magpapa-depress lang sa akin kaya tinanggap ko ang offer ng kaibigan ni Lolo na sa New Zealand ako makapagtapos ng pag-aaral."
"Kaibigan ng Lolo mo?"
Tumango si Yrian at saglit na ngumiti. "Si Kuya Riel. Sa psgkakaalam ko, businessman siya pero ang focus niya ay ang pagma-manage ng sikat na chain of restaurants na pag-aari niya."
Hindi makapaniwala si Heidi sa mga narinig niya. Iisa lang ang alam niyang Riel na kilalang may-ari ng isang sikat na chain of restaurants sa bansa. Ayaw niyang maghinala pero malakas talaga ang kutob niya na malaki ang kinalaman ng Monceda clan sa pamilya Telleria.
"Si Riel Willard ba ang tinutukoy mo, ang may-ari ng Green Rose Gates?" mahinang tanong niya. Nanatiling walang ekspresyon ang kanyang mukha kahit nang itanong niya iyon.
"Kilala mo siya?"
Dahan-dahan siyang tumango. "Siya ang kasalukuyang leader ng third branch ng Monceda clan. Iyon ang branch kung saan kabilang sina Cielo at Raiden. At siya rin ang pansamantalang tumatayong leader ng buong Monceda clan habang wala pa silang nakikitang papalit sa posisyong iniwan ni Tito Alejandro."
"Wala bang anak o kamag-anak man lang si Alejandro Monceda na puwede niyang maging tagapagmana?"
Saglit na napaisip si Heidi at may inalala. "Wala akong natatandaang binanggit niya sa akin kung may anak nga siya o wala. Pero ang alam ko, nakapag-asawa siya. Hindi ko nga lang kilala kung sino siya at ano na ang nangyari sa kanya." Ilang sandali pa ay may naalala siyang itanong kay Yrian. "Ano nga pala ang negosyong pinagkaabalahan ng Lolo mo at ngayon ay mukhang naipasa na yata sa 'yo?"
"Pamilyar ka ba sa YTM Publishing?"
"Oo naman. Halos lahat yata ng mga magazine at fiction books na pina-publish nila, nabili ko na," tuwang-tuwang pahayag niya. Hindi nagtagal ay may na-realize siya. "Teka. Huwag mong sabihin na...?"
Tumango si Yrian at nginitian siya. "Iyon ang kompanyang itinaguyod ng Mama ko at patuloy nilang pinalago ni Lolo. Hindi ko akalaing isa ka sa mga sumusuporta sa mga libro at magazines na inire-release ng kompanya namin."
Ngumiti lang si Heidi at kinumbinsi na itong pumunta sa lugar kung saan nito gustong magmeryenda sila. Kahit marami pa siyang gustong itanong kay Yrian, may palagay siya na hindi nito maibibigay ang sagot na kailangan niya. Apat na tao lang sa ngayon ang maaari niyang mapagkuhanan ng sagot.
Isa lang sa apat na iyon ang makakapagpaliwanag sa kanya ng lahat, lalo na ang totoong koneksyon ni Yrian sa Monceda clan.
=========
DAHIL hindi makapag-isip ng kakainin para sa meryenda, sa huli ay napagdesisyunan na lang nina Heidi at Yrian na sa isang fastfood restaurant sila magtungo. Hindi naman ganoon karami ang tao roon kahit sabihin pang uwian na ng mga estudyante sa kalapit na mga eskuwelahan.
"Akala ko, hindi ka kumakain sa mga ganitong lugar," sabi ni Yrian nang mailapag na nito sa mesa ang mga in-order nila.
"Ano naman ang tingin mo sa akin? Masyadong maarte pagdating sa mga lugar na kinakainan ko?"
"Hindi naman. Nagulat lang ako nang pumayag kang dito na lang tayo magmeryenda."
"Kumakain rin naman ako ng mga pagkain sa fastfood. Hindi nga lang madalas. High school pa ako nang huling beses akong kumain sa ganitong lugar."
"Mukhang ginuguwardiyahan ka talaga nitong mga nagdaang taon, ah," komento ni Yrian bago ito kumagat sa burger na hawak nito.
Bumuntong-hininga si Heidi at nagkibit-balikat na lang. "Okay lang iyon. Naiintindihan ko naman sila, lalo na ang takot ng mga kapatid ko para sa kaligtasan ko."
Patuloy lang sa pagkukuwentuhan sina Heidi at Yrian habang kumakain. Pero kanina pa napapansin ni Heidi na ilang beses nang patingin-tingin sa paligid si Yrian. Pasimple man kung gawin nito iyon, halata pa rin sa kanya na hindi ito mapakali.
"Okay ka lang, Yrian?" may pag-aalala nang tanong niya sa binata.
Napapitlag si Yrian at parang nagulat pa nang mapatingin ito sa kanya. Tila alanganin pa itong tumango. "O-okay lang ako."
"Talaga lang, ha?"
"Mukhang hindi ka naniniwala, ah."
"Halata naman, 'di ba?"
Ilang sandaling natahimik ang binata na parang napaisip. Nakatingin lang ito sa nakalahati na nitong burger. Kapagkuwan ay tiningnan siya nito. Ipinagtaka ni Heidi ang nakitang pag-aalala at pagkabahala sa mukha ni Yrian. May nangyari ba na hindi niya alam?
"Hindi ako sigurado kung guni-guni ko lang ito o paranoid lang ako. Pero kanina ko pa napapansing parang may nagmamasid sa atin. At hindi lang basta simpleng pagmamasid. Para bang... may masama silang plano sa atin. O baka nga sa akin lang."
Agad na nakaramdam ng kaba si Heidi sa narinig. Pero sigurado siya na hindi ito nagsisinungaling. Nang mga sandaling iyon, naramdaman na rin niya ang sinasabi nitong tila pagmamasid sa kanila ni Yrian.
"You can feel it, too, right?" mahinang tanong nito na tinanguan lang niya. "I'm sorry."
Nag-angat siya ng tingin at tiningnan si Yrian. Bakas sa mukha nito ang inis at pangamba. "Bakit ka nagso-sorry."
"Dapat sinabi ko na sa 'yo ang nararamdaman ko sa paligid kanina pa. Ang akala ko, guni-guni ko lang ang mga napansin ko kanina na puwede kong balewalain. Kung alam ko lang--"
"Wala ka namang kasalanan. I should've known that something was weird about you mula nang umalis tayo sa campus. Hindi rin ako naging alerto. May posibilidad din na hindi ikaw ang pakay nila." Huminga siya ng malalim kapagkuwan.
"Sa tingin ko, kailangan na nating umuwi. Okay lang na makita ko na ang painting mo, 'di ba?"
Kunot-noong hinarap niya ang binata. "Painting ko? Ang akala ko, nakita mo na iyon? Nagpatulong ka pa nga kay Kuya, 'di ba?"
"Kailangan ko pa rin ng insight mo tungkol sa sarili mong obra. May posibilidad na iba ang interpeetation ni Louie tungkol doon."
"But why decide something like that all of a sudden?"
"May palagay ako na... may gustong ipahiwatig sa 'yo at pati na rin sa akin ang painting mong iyon. Ang totoo niyan, hindi lang ito ang unang pagkakataon na parang may hindi mangyayaring maganda sa paligid ko mula nang bumalik ako rito sa Pilipinas. Gusto kong makita ang painting mong iyon dahil baka doon ko mahanap ang sagot na kailangan ko."
Napailing si Heidi. "It's not 100% reliable, Yrian. Isa pa, lahat ng mga ipininta ko na galing sa panaginip ko ay tungkol sa Eight Thorned Blades o sa kung ano mang may kinalaman sa grupo. Weird man pero iyon ang totoo."
"At ano sa tingin mo ang nangyayari ngayon? Ano ang tingin mo sa akin? Hindi ba ako konektado sa inyo? Lalo na sa 'yo?"
Hindi siya kaagad nakaimik sa sinabi ni Yrian. Ang seryosong tingin nito sa kanya na hindi natitinag ang lalong nagpabilis sa tibok ng puso niya nang mga sandaling iyon. Akmang mag-iiwas siya ng tingin dahil hindi niya matagalan ang titig nitong iyon. Pero hinawakan ni Yrian ang magkabilang pisngi niya at may pagsuyong iniharap siya nito rito. Nagulat siya sa ginawa nitong iyon.
"Alam kong natatakot ka na baka hindi kita paniwalaan. Na baka layuan kita at katakutan kapag nalaman ko ang mga ito. Pero nangako ako sa 'yo, 'di ba? Tutulungan kita. Aalamin natin ang totoo. Handa akong gawin iyon, Heidi. Baka huwag mo lang akong itataboy, okay?"
Wala siyang ibang nagawa kundi ang tumango. Hindi niya alam kung paano siya napapayag nito o kung may kinalaman man doon ang titig at paghawak nito sa kanyang mukha. Pero alam niyang seryoso ito. Hindi ito nagbibiro. At pinaniniwalaan niya ang mga sinabi nito.
No comments:
Post a Comment