Saturday, November 19, 2016

To The Irreplacable One I Love 4 - Let Me Help You

"GRABE siguro ang ginagawang panggugulo ng kapatid ko sa isip mo, 'no? Umaasta ka na namang bodyguard diyan sa labas ng painting room niya," salubong ni Louie kay Yrian  nang maabutan siya nito sa labas ng painting room ni Heidi na nakatayo lang.

Maghahating-gabi na pero hindi pa rin magawang makatulong ni Yrian. Patuloy lang siya sa pagkastigo sa sarili dahil sa mga pinagsasabi niya kay Heidi sa poolside. Kasabay niyon ay ang pag-aalalang nararamdaman niya para rito. Halata ang pagkabagabag nito pero wala naman siyang magawa para tulungan ito. Matinding pagpipigil ang kailangan niyang gawin para huwag lang hawakan ang kamay nito at hilain palapit sa kanya upang yakapin. Isa pa, wala naman siyang karapatang gawin iyon.

"Kumusta na si Heidi? Nakatulog na ba siya?" sa halip ay tanong niya kay Louie.

Nagkibit-balikat lang ang kaibigan niya. "Ikaw na rin ang nakarinig kanina. May bumabagabag sa kanya. Kaya malabong tulog na siya sa mga oras na 'to."

"Gusto kong tulungan si Heidi, alam mo ba iyon?" mahinang pag-amin ni Yrian at saka ngumiti nang mapakla. "Pero mukhang hindi niya gustong gawin ko iyon sa kanya."

"Baka kasi hindi mo siya paniwalaan kapag sinabi niya sa 'yo ang isang posibleng dahilan kung bakit problemado siya ngayon."

Kumunot ang noo niya sa narinig. Napatingin siya kay Louie. "Ano'ng ibig mong sabihin? At saka bakit hindi ko siya paniniwalaan?"

"Si Heidi ang pinakakakaiba sa aming magkakapatid. Halos lahat ng nakakaalam ng totoong trabaho ng pamilya namin, iniisip na si Heidi ang normal sa amin. Pero sa nakakaalam ng totoong kakayahan ng babaeng iyon, sasabihin na siya ang kakaiba."

"Lalo mo lang akong nililito, eh. Paanong kakaiba?"

Ilang sandaling tiningnan ni Louie si Yrian. Hindi naman siya natinag kahit aminadong medyo kinakabahan siya sa klase ng tingin ng kanyang kaibigan. Idagdag pa ang antisipasyong nararamdaman habang hinihintay ang sagot ni Louie sa tanong niya.

Bumuntong-hininga si Louie kapagkuwan. "Isa lang ang ipapakiusap ko sa 'yo, Yrian. Huwag mo sanang huhusgahan si Heidi kapag sinabi ko ito sa 'yo."

Ang tanging nagawa na lang niya ay tumango kahit naguguluhan siya. Hindi pa kasi diretsuhin ni Louie ang dapat nitong sabihin. Ang dami pang paliguy-ligoy. Hindi naman ito ganoon noong high school pa lang sila. O baka naman ganoon lang ito dahil si Heidi ang concern.

"Remember Heidi's painting? Iyon ang isang posibleng dahilan kung bakit balisa ang kapatid ko. Mula pa noong bata siya, bihira lang siyang managinip. Pero kapag nanaginip naman siya, subconsciously ay may isang eksena roon ang iginuguhit o ipinipinta niya. Lahat ng ipinipinta ni Heidi na galing sa panaginip, tumutukoy sa isang pangyayari na posibleng maganap sa hinaharap," paliwanag ni Louie na hindi nawawala ang kaseryosohan sa mukha at tinig nito.

Ang ibig bang sabihin ni Louie, may kakayahan si Heidi na makita ang hinaharap sa pamamagitan ng mga ipinipinta nito? Kung ganoon nga iyon, ano ang gustong ipahiwatig ng painting ni Heidi na nakita niya noon?

"Louie, gusto kong makita ang painting na iyon ni Heidi. Tulungan mo ako," hiling niya sa kaibigan. "Ang sabi mo, nakakapasok ka rito sa painting room niya, 'di ba? Kaya sige na. Gusto kong makita ang painting na iyon. Gusto kong makatulong sa kapatid mo."

=========

HINDI na nagulat si Heidi nang maabutan niya si Yrian sa kusina na abala sa pagtitimpla ng kape nang umagang iyon. Pero nagtaka siya nang makita niya itong tila wala sa sarili at malalim ang iniisip. Kahit nasa harap na nito ang katitimplang kape ay hindi pa rin nito iniinom iyon at nasa malayo lang ang tingin. May problema ba ito?

Tumikhim muna siya, baka sakaling makuha niya ang atensyon nito kahit pansamantala lang. "Good morning," bati niya sa binata.

Nakita ni Heidi ang pagpitlag nito bago humarap sa kanya. Agad siyang nginitian nito pero halata pa rin na may bumabagabag dito.

"Ipagtitimpla na ba kita ulit ng hot chocolate?" tanong ni Yrian nang makaupo na siya sa isa sa mga stool sa kitchen counter.

Tumango siya. "Ang tagal mo rin akong hindi ipinagtitimpla n'on, eh."

"Sorry. May mga kinailangan kasi akong asikasuhin kaya maaga akong umaalis nitong mga nakaraang linggo."

"Naiintindihan ko naman. Mabuti nga iyon, eh. At least, hindi ka nagpapakaermitanyo na kagaya ko," biro niya at saka bahagyang tumawa.

Natawa rin si Yrian at ipinagpatuloy na nito ang pagtitimpla. Pinanood na lang niya ang binata sa ginagawa nito. Ilang sandali pa ay ibinigay na nito ss kanya ang itinimplang hot chocolate. Nagpasalamat siya rito kapagkuwan.

"Hindi ka ba nababagot dito? O nasasakal man lang sa klase ng ginagawa nilang pagbabantay sa 'yo?" usisa ni Yrian na pumutol sa katahimikang nasa paligid nila.

"Ginusto ko ito, Yrian. Ito ang pinili ko pagkatapos patayin sa harap ko ang mga magulang ko at si Tito Alejandro," aniya matapos ang ilang sandali. Nanatili lang siyang nakatingin sa hawak na baso ng hot chocolate.

"Alejandro?"

Tumango siya. "Alejandro Monceda. Kaibigan siya ni Papa at ang dating leader ng Monceda clan. Para na rin siyang pangalawang ama ko. Isa siya sa inspirasyon ko kaya kahit papaano ay nagagawa kong pamunuan ang Terradenio clan, maging ang Shrouded Flowers, nang maayos."

"Paano mo nagagawa iyon? Ang mabuhay ng normal sa harap ng maraming tao at magpakatatag sa harap ng mga taong naglilingkod sa 'yo."

"Hindi ko rin alam. Siguro... may parte rin doon ang huling sinabi sa akin ni Tito Alejandro."

Kunot-noong hinarap ni Yrian si Heidi. "Huling sinabi?"

Bumuntong-hininga muna siya bago tumango. "Kailangan kong mabuhay... para sa kapakanan ng mga taong ginagawa ang lahat para makapagpatuloy ako.  Ibinigay nila sa akin ang tiwala't katapatan nila. Kahit papaano, ang magpatuloy sa buhay ang isa sa maisusukli ko sa lahat ng ginawa nila para sa akin at sa pamilya ko."

Muling natahimik sina Heidi at Yrian. Hindi niya maintindihan kung paanong nagawa niyang sabihin ang mga iyon sa binata nang walang alinlangan. Pero hindi maikakailang nakatulong iyon para gumaan ang pakiramdam niya. Nang tingnan niya si Yrian, nakita niya na parang may malalim na naman itong iniisip.

"Natahimik ka na naman diyan. Medyo boring ba ang mga pinagsasasabi ko?" Kahit pabiro ang pagkakasabi niya niyon, nakaramdam pa rin siya ng bahagyang kirot sa kanyang puso.

Umiling si Yrian at nginitian siya. "Hindi sa ganoon. I never find you boring for some reason."

Hindi niya inasahan ang sinabi ni Yrian. Hindi rin napawi ang ngiti at kaseryosohan sa mga mata nito kaya alam niyang nagsasabi ito ng totoo. Napayuko na lang siya nang maramdaman ang pag-iinit ng kanyang mukha.

"Pero hindi ko naman akalain na may ganoon ka palang kakayahan," pagpapatuloy ni Yrian.

Nag-angat siya ng tingin at hinarap ito ng may pagtataka. "K-kakayahan?"

"Pasensiya ka na. Nagpatulong ako kay Louie para mapasok ang painting room mo at makita ang kabuuan ng painting na natapos mo. Posible raw kasi na ang gustong ipahiwatig ng painting na iyon ang posibleng dahilan kung bakit problemado ka."

Nagulat siya sa narinig. Kung ganoon, alam na nito ang isa sa pinakatatagong sikreto niya? Na may isa siyang klase ng kakayahan na magsasabi na hindi siya isang ordinaryong tao? At bakit ginawa iyon ni Louie? Gusto ba talaga ng kapatid niyang iyon na mapagtawanan ni Yrian?

"Gusto kitang tulungan, Heidi. Gagawin ko iyon, basta hayaan mo lang ako," pakiusap nito na lihim niyang ikinagulat.

"T-tulungan?" Ano'ng pinagsasasabi nito? Tulungan saan?

"Huwag mong kimkimin ang takot at pangamba mo tungkol sa painting na iyon. Kung gusto mo, aalamin natin ang totoong ibig sabihin n'on. 'Di ba, mas maganda na iyon? 'Yong may tutulong sa iyo sa ganitong bagay."

Hindi makapaniwala si Heidi sa mga naririnig niya mula kay Yrian. Bakit ganito ang lalaking ito sa kanya? Hindi ba dapat ay matakot pa ito sa kanya ngayong alam na nito ang tungkol sa isang lihim niya?

Ganoon na lang ang pagtalon ng puso niya nang maramdaman ang paghawak ni Yrian sa isang kamay niya. Hindi siya kaagad nakahuma, lalo na nang higpitan pa nito ang hawak sa kamay niyang iyon. Hindi maikakaila ang pagragasa ng iba't-ibang sensasyon sa katawan niya dahil sa simpleng paghawak lang na iyon. Nang tingnan niya ang binata ay hindi pa rin naglalaho ang pakiusap sa mga mata nito.

"P-pag-iisipan ko," tanging sagot ni Heidi.

========

ANO nga ba ang pumasok sa isip ni Louie para sabihin ang tungkol sa isang sikreto niya kay Yrian? Iyon ang tanong na hindi maalis-alis sa isip ni Heidi hanggang sa mga sandaling iyon. Gabi na at katatapos lang nilang maghapunan.

Nadismaya siya nang hindi niya maabutan si Yrian sa hapagkainan. Ang sabi ni Mari, kailangan daw nitong tulungan si Louie sa opisina. Nang mga panahong iyon, hindi niya maiwasang itanong sa sarili kung ano nga ba talaga ang pinagkakaabalahan ni Yrian ngayong naka-graduate na ito. Alam niyang business-related course ang tinapos nito sa New Zealand. Pero saan naman kaya nito gagamitin ang pinag-aralan niyang iyon?

Hindi siya pamilyar sa anumang negosyong posibleng hawak ng pamilya Telleria. Sa katunayan, wala siyang masyadong alam tungkol sa pamilyang iyon.

Naiinis si Heidi dahil ngayon lang niya napagtutuunan ng pansin ang anumang bagay tungkol kay Yrian. Halos dalawang buwan na rin niya itong kasama sa mansyon. Iba rin pala kapag ganitong nasa iisang isyu lang ang focus ng utak niya. Pero ngayon lang yata siya naintriga nang husto sa isang estranghero na walang kinalaman sa trabaho niya sa Eight Thorned Blades.

Ganoon na lang ang pagkagulat niya nang makarating siya sa painting room at maabutan sa labas niyon si Yrian. Nakauwi na pala ito. Pero anong ginagawa nito roon?

Hindi nagtagal ay namalayan na ni Yrian ang presensiya ni Heidi at agad itong tumingin sa kanya. Kahit sabihin pang sanay na siya sa palaging pagbilis ng pintig ng kanyang puso sa tuwing magtatama ang mga mata nila, hindi pa rin niya mapigilang mapapitlag.

"Late ka yatang umuwi ngayon," aniya habang palapit kay Yrian.

Ngumiti ito. "Kasalanan ni Louie."

"Gusto mo bang awayin ko si Kuya para sa 'yo tungkol diyan?" biro niya.

"Hindi na. Maghahanap lang iyon ng ipanggaganti sa 'yo kapag ginawa mo iyon. Hayaan mo na lang."

"Ipinapasa niya kasi sa 'yo ang pagiging workaholic niya, eh." Hanggang sa may sumagi sa isip niya. "Bakit ka nga pala nandito sa harap ng painting room?"

Bumuntong-hininga si Yrian at muling itinuon ang atensyon sa pinto ng painting room. "Wala lang. Gusto ko lang munang tumambay dito bago ako matulog."

"P-palagi mo bang ginagawa ito? Ang manatili sa harap ng painting room bago ka matulog?"

"Kapag ayaw akong patulugin ng kung anu-anong isipin."

Hindi kaagad nakaimik si Heidi sa narinig. Walang dahilan para makaramdam siya ng pag-aalala sa binata, pero iyon ang nangyari nang mga sandaling iyon. "Bakit dito?" Huli na para bawiin ang tanong na iyon na lihim niyang ikinataranta.

Napaisip ng ilang sandali si Yrian at saka siya hinarap. "Sa totoo lang, hindi ko alam. Pero ang sigurado, palagi akong kumakalma kapag nandito ako. Hindi man ako nakakapasok dito...Basta maalala ko lang na dito kita unang nakita't nakilala, masaya na ako. Lalo na ngayong alam kong ito lang ang lugar na pinagbabalingan mo ng takot at pangamba mo tungkol sa mga panaginip na ipinipinta mo."

Totoo ba ang mga naririnig niyang ito kay Yrian? Hindi alam ni Heidi kung dapat nga ba siyang maniwala sa mga pinagsasasabi nito. Pero may dahilan ba siya para hindi ito paniwalaan?

"Bakit ka ganito sa akin, Yrian? Parang lalo kang maging interesado sa mga pinaggagagawa ko?" naitanong na lang ni Heidi na hindi inaalis ang matamang tingin sa binata. Nagulat siya na nagagawa niya iyon sa kabila ng hindi mapigilang pagbilis ng tibok ng puso niya.

"Kapag ba sinagot ko ang tanong mong iyan, sasabihin mo sa akin ang dahilan kung bakit hindi mo ako tinatawag na 'Kuya Yrian'? Baka nalilimutan mo, kaedad ko lang si Louie. Kaya nagtataka kaming dalawa kung bakit 'Yrian' lang ang tawag mo sa akin at walang kasamang 'Kuya'," nangingiting pahayag ni Yrian.

Sigurado si Heidi na pulang-pula na ang mukha niya at nararamdaman din niya ang pag-iinit niyon. Sa lahat talaga ng sasabihin nito, bakit 'yong tungkol pa sa paraan niya ng pagtawag dito? Kahit sabihin pang may punto ito, kailangan ba talaga nitong ipunto iyon sa kanya sa mga sandaling iyon?

Pero bago pa man siya makasagot, naumid siya nang makitang lumapit ito sa kanya. Nanlaki na lang ang mga mata niya nang walang salitang kinuha nito ang kamay niya at hinila siya palapit dito para yakapin nang mahigpit.

Teka, ano'ng nangyayari? Bakit ganito ang ikinikilos nito?

"Pero kung sakali man na tinawag mo akong 'Kuya Yrian', mas madali siguro para sa akin na yakapin ka ng ganito," mahinang sabi nito at humigpit pa ang yakap nito sa kanya. "Ito lang ang gusto kong tandaan mo, Heidi. Gagawin ko ang lahat para tulungan ka. Hindi ko hahayaang mapahamak ka."

No comments:

Post a Comment