Saturday, December 3, 2016

To The Irreplacable One I Love 6 - Revelations And Unexpected Confession

HINDI mapakali si Heidi habang pinagmamasdan si Yrian na may pag-aanalisang nakatingin sa painting na gusto nitong maita. Ginawa nila iyon nang araw matapos nilang maramdaman na may nagmamasid sa kanila sa fastfood restaurant. Wala pa silang pinagsasabihan tungkol sa bagay na iyon.

Pero sigurado siya na hindi na lingid sa mga kapatid niya ang pangyayari. Kahit wala si Tristan sa tabi niya o sa paligid, alam niya na may lihim pa ring nagbabantay sa kanya, sa kanila ni Yrian.

"Uy, magsalita ka naman. Lalo akong ninenerbiyos sa pagiging tahimik mo, eh," untag niya sa binata.

Ilang sandali pa ang lumipas bago ito tumingin sa kanya. "Iisa lang naman ang posibleng interpretasyon ko rito sa painting mong ito. Pero may ipinagtataka lang ako. Paano mo nalalaman na ang eksenang iyon sa panaginip mo ang ipipinta mo?"

Hindi niya inasahan ang tanong na iyon ni Yrian. Iyon kasi ang unang pagkakataon na may nagtanong niyon sa kanya. Iyon ay kung isasantabi niya ang kaparehong tanong mula sa mga kapatid niya. Ang kaibahan lang, ang kanyang ama ang sumagot niyon para sa kanya noon.

"Maniniwala ka ba kung sasabihin kong mas marami pang malalabong eksena sa mga panaginip ko kaysa sa mga malinaw na eksena?"

Kunot-noong hinarap siya ni Yrian at itinuon ang atensyon sa kanya. "Mas marami ang malabo?"

Tumango si Heidi. "Ito lang ang eksenang naging malinaw sa panaginip ko nang gabing napanaginipan ko ito. Kung tama ang pagkakaalala ko, napanaginipan ko ito may isang linggo rin bago kita nakilala."

"Ganito rin ba sa iba mo pang mga panaginip noon? Isang eksena lang ang nanatiling malinaw sa 'yo? At iyon ang naipipinta mo?"

"Ganoon na nga. Pero kahit malabo ang karamihan sa mga eksena, malinaw kong naririnig ang mga tunog doon. Lahat ng mga tunog mula sa mga malabong eksenang iyon, nakatulong sa akin para maintindihan ko na hindi iyon isang ordinaryong panaginip."

"Eh 'yong mga narinig mong tunog sa panaginip mo kung saan mo ibinase ang painting na 'to, naaalala mo ba?" tanong ni Yrian sabay turo sa painting ni Heidi sa tabi nito.

Tumango siya at napatingin na rin siya sa sariling obra. "Hindi nga lang pamilyar sa akin ang karamihan sa mga boses na narinig ko roon. Pero isa ang sigurado ko."

"Ano naman iyon?"

"Narinig ko sa panaginip kong iyon ang boses ni Tito Alejandro. Hindi ako puwedeng magkamali sa bagay na iyon." Iyon ang unang pagkakataon na nasabi niya sa iba ang isa pang dahilan kung bakit ganoon na lang ang takot at pag-aalala niya nang matapos niya ang painting. "Hindi ko alam kung sino ang kausap niya sa panaginip ko. Pero iisa lang ang sinasabi niya sa taong iyon. 'Kailangan mong mabuhay. Ikaw na lang ang pag-asa ko. Gawin mo ang lahat para manatiling buhay. Hindi lang para sa 'yo kundi para na rin sa kanya.'"

"'Para sa kanya'? Sino naman iyon?"

Nagkibit-balikat na lang si Heidi bilang tugon.

"Sumagot ba 'yong kausap niya na sinabihan niya ng mga salitang iyon?"

Saglit na napaisip si Heidi at tumingin kay Yrian. "Sumagot naman. Parang umiiyak pa nga 'yong babaeng kausap ni Tito Alejandro sa panaginip ko, eh."

"Babae?"

Tumango siya. "Wala nga lang akong narinig na pangalang posibleng maging pagkakakilanlan ng babaeng iyon."

"Hindi ba tungkol sa hinaharap ang napapanaginipan mo? Bakit parang isang pangyayari pa yata sa nakaraan ang mga ikinukuwento mo sa akin ngayon?"

"Kaya nga lalo akong naguguluhan, eh!" Sa sobrang inis ay napakamot na lang siya ng ulo niya. Agad nga lang siyang tumigil nang maramdaman niyang may humawak sa kamay na ginamit niyang pangkamot. Kagyat na napatingin siya kay Yrian na sa gulat niya ay nakatitig pala sa kanya.

Kinuha ni Yrian ang kamay niyang iyon at ibinaba, saka hinawakan ng mahigpit. Napangiti na lang siya at wala sa sariling ipinatong ang ulo niya sa balikat ni Yrian.

"Weird ba kung sasabihin kong hindi ganito kadali para sa akin ang kumalma lalo na kapag ganitong naguguluhan ako pagdating sa maraming bagay?" mahinang tanong at pag-amin na rin ni Heidi na hindi inaalis ang tingin sa painting niya. "Pero hindi ko alam kung ano ang meron sa mga salita at paghawak mo sa akin para magawa kong alisin kahit sandali lang sa dibdib ko ang mga bumabagabag sa akin."

"Alam mo, kulang na lang, isipin kong na-in love ka na sa akin sa mga pinagsasasabi mo ngayon," natatawang turan ni Yrian.

Kulang ang sabihing natuklaw siya ng ahas sa narinig. Pinilit na lang niyang huwag ipahalata iyon sa binata. In love? Kay Yrian? Imposible naman yata. "H-huwag ka ngang magbiro nang ganyan. Pero seryoso ako sa sinabi ko kanina."

"Seryoso din naman ang sinabi ko sa 'yo kanina. Bakit ayaw mong paniwalaan? Pero kunsabagay, mas weird nga yata iyon kaysa sa mga panaginip mo. Siguro... hindi ako ang taong dapat na paglaanan mo ng mararamdaman mong pag-ibig sa hinaharap."

Kumunot ang noo ni Heidi nang mapatingin siya kay Yrian. Blangko ang ekspresyon nito kaya hindi niya matukoy kung ano nga ba ang gusto nitong ipunto sa mga sinabi nito. Ilang sandali pa ay may napansin siyang emosyong dumaan sa mga mata nito. Saglit lang iyon pero sigurado siya sa nakita niya.

Kalungkutan at panghihinayang.

Ang tanging nagawa na lang niya ay tugunan ang higpit ng pagkakahawak nito sa kanya. Naramdaman niya na tila hindi nito inaasahang gagawin niya iyon. Pero sandali lang iyon. Kapagkuwan ay naramdaman na lang niya ang paghawak ni Yrian sa gilid ng ulo niya at iginiya siyang muli na sumandig sa balikat nito. Kasabay niyon ay ang paghaplos nito sa buhok niya.

Hindi na niya napigilan ang mapangiti nang malungkot. Hindi niya alam kung magtatagal ba ang ganitong sandali sa pagitan nila ni Yrian. O kung posible nga bang maulit pa ang ganito sa kanila.

Para kay Heidi na hindi pa nag-uumpisa ang totoong responsibilidad niya bilang leader ng Terradenio clan, masama bang hilingin niya na maging payapa kahit sandali lang ang isip at puso niya? Iyon bang wala siyang masyadong inaalala na buhay na posibleng mawala dahil sa koneksyon ng taong iyon sa kanya o sa sinuman sa Eight Thorned Blades.

= = = = = =

NITONG mga nakalipas na araw, napapadalas ang paghatid at pagsundo ni Yrian kay Heidi sa eskwelahan. Wala na siyang dapat na ipagtaka tungkol sa bagay na iyon. Kahit hindi nito sabihin, alam niyang nag-aalala lang ito at gusto nitong siguraduhin na ligtas siya.

Pero aminin man niya o hindi, sa kabila ng sayang nararamdaman niya ay naroon pa rin ang takot at pag-aalala niya para sa binata. Inilalagay nga nito ang sarili sa panganib para lang mabantayan siya. Wala pa rin silang balita sa kung sino ang nagmamatyag sa kanila ni Yrian noon sa fastfood restaurant. Pero may hinala na siya sa kung sino ang posibleng gumawa niyon.

Hindi sapat ang mga pang-aasar nina Raiden sa kanya dahil sa napapansing kilos ng mga ito kay Yrian para mapalis ang pag-aalalang nararamdaman niya. Kahit ilang beses niyang sabihin na okay lang at malalampasan din nila iyon, sa nakikita ni Heidi ay malabo pang mangyari iyon sa ngayon.

Napatunayan niyang totoo ang obserbasyon niyang iyon makalipas ang isa pang linggo. Gaya ng dati ay naabutan niyang nag-aabang si Yrian sa gate ng campus at nakikipagkuwentuhan sa mga guwardiya roon. Mukhang iyon ang pinagkakaabalahan nito habang naghihintay sa kanya para lang hindi mabagot. Sa nakikita niya ay hindi naman ito nakakaabala sa trabaho ng mga gwardiya roon.

Tanghali na ng araw na iyon at umaga lang ang klase niya. Bagaman wala siyang binabanggit tungkol sa schedule niya para sa araw na iyon, hindi na siya nagulat pa nang makita si Yrian sa eskuwelahan. Malamang ay ibinugaw na naman siya ng mga kaibigan niya sa binata.

"Naghintay ka ba ng matagal?" bungad ni Heidi kay Yrian nang makalapit na siya rito matapos siyang ngitian pagkakita nito sa kanya.

Umiling ito. "Walang kaso sa akin iyon. Sanay na akong maghintay nang matagal."

Kumunot ang noo niya sa sinabi nito. "Kung anu-ano na naman ang sinasabi mo riyan. Nag-uumpisa ka na naman sa pagiging weird mo."

Pero nginitian lang siya ni Yrian at inabot ang kamay niya. Hindi na siya pumalag nang tuluyan na nitong mahawakan ang kamay niya.

Matapos magpaalam ni Yrian sa mga gwardiyang kakuwentuhan at umani ng mga pangangantiyaw mula sa mga ito, tinahak na nila ang direksyon patungo sa kinapaparadahan ng motorsiklo nito.

"Mahaba pa ang araw. Saan mo gustong pumunta pagkatapos nating mananghalian?" tanong ni Yrian nang makasakay na silang dalawa sa motorsiklo. Iniabot nito sa kanya ang isa pang helmet na dala nito.

"Wala naman akong ibang plano. Baka nga dumiretso na ako ng uwi sa bahay pagkatapos. Pero ikaw, may lugar ka bang gusto mong puntahan natin?"

Ilang sandaling hindi nagsalita si Yrian. Alam niyang pinag-iisipan nito ang isasagot sa kanya. Pero nagtaka siya nang may mapansin sa ekspresyon ng mukha nito.

Ganoon ba kahirap ang tanong niya para makita niya ang ibang klase ng kaseryosohan sa mukha ng binata?

"Gusto mo bang... puntahan natin ang lugar na nasa painting mo?"

Hindi inasahan ni Heidi ang tanong na iyon ni Yrian. Gulat siyang napatingin sa binata na hindi man lang nawawala ang kaseryosohan sa mukha nito. Seryoso ba talaga ito sa tanong nitong iyon?

"Alam kong... mahirap para sa 'yo na gawin iyon. Lalo pa at iyon din ang lugar kung saan napatay ang mga magulang mo. Pero... baka sakali kasing may makita tayong sagot sa lugar na iyon tungkol sa ibig sabihin ng painting mo."

Nanatili lang siyang tahimik, hindi sigurado kung ano ang isasagot niya. Wala sa hinagap niya na darating ang panahong iyon—ang magdesisyong balikan ang lugar kung saan tuluyang nagbago ang buhay niya mahigit dalawang taon na ang nakakaraan.

Nag-angat si Heidi ng tingin at akmang sasagot. Pero nanlaki ang mga mata niya nang mapansin siya sa 'di kalayuan.

A familiar man was holding a gun and it was pointed to them!

Bago pa man ito tuluyang makapagpaputok ay hinila na niya si Yrian palayo sa lugar na iyon.

"Heidi?"

"Let's go. We need to get out of here fast!"

Hindi binitawan ni Heidi ang kamay ni Yrian habang tumatakbo palayo sa lugar na iyon. Kailangan nilang makalayo roon bago pa sila tuluyang paputukan ng lalaking nakita niya. Pero mukhang desidido ang taong iyon na huwag silang paalisin ng buhay roon.

Napatunayan niya iyon nang paputukan na sila ng taong tumutugis sa kanila. Mukhang naintindihan na rin ni Yrian ang dahilan kung bakit niya ito hinila. Humigpit ang pagkakahawak ni Yrian sa kamay niya at sabay na silang tumatakbo nang mabilis para lang makalayo at makaligtas.

Nang marating nila ang kalsada sa kabilang bahagi ng park malapit sa Skyfield University ay pareho silang napahinto sa pagtakbo nang tumigil ang isang kotse sa tapat nila. Agad na iniharang ni Yrian ang katawan nito sa kanya nang magbukas ang pinto sa backseat ng kotse. Pero ganoon na lang ang gulat, pagtataka, at galak nila ni Yrian nang bumaba ang salamin ng kotse sa passenger seat at makita nila ang isa pang pamilyar na mukha.

"Kuya Riel!" sabay na bulalas nina Heidi at Yrian.

"Get in, quick!"

Hindi na sila nagpadalos-dalos pa at sinunod nila ang utos ni Riel. Agad na pinaandar ni Riel ang kotse para tuluyan na silang makaalis doon. Noon lang nakahinga nang maluwag si Heidi at isinandal ang likod sa upuan.

"Mukhang nag-uumpisa na silang magpakita ulit sa akin, ah. Lalo na ang 3rd Logia," komento na lang niya habang nakapikit ang mga mata.

"Sila? Ano'ng ibig mong sabihin? At sino ang sinasabi mong 3rd Logia?"

Nanatili lang siyang nakapikit at hindi nagsalita para sagutin ang tanong ni Yrian. Hindi nagtagal ay si Riel na ang sumagot para sa kanya.

"Iyon ang callsign ni Elliot Maven sa Death Clover, ang organisasyong kinabibilangan ng mga taong pumatay sa mga magulang ni Heidi at pati na rin kay Sir Alejandro. At mukhang madadamay ka pa sa galit na meron ang grupong iyon para sa Eight Thorned Blades, Yrian."

= = = = = =

HINDI na natuloy pa ang plano nina Heidi at Yrian na pumunta sa lugar na nasa painting dahil sa nangyari. Agad silang inihatid ni Riel sa mansyon dahil iyon daw ang makakabuti para sa kanilang dalawa. Lingid pala sa kanila ni Yrian, agad na inimbestigahan ni Riel at ng kanyang mga kapatid ang ikinuwento ng binata kay Louie tungkol sa bagay na iyon nang araw mismo na nangyari ang pagmamasid sa kanila. Bagaman hindi gumawa ng hakbang ang kanilang kalaban pagkatapos niyon para ipahamak sila, hindi nangangahulugan na tuluyang tumahimik ang mga ito.

Kaya naman binantayan na sila ng ilan sa mga kasamahan niya mula sa malayo para magawa silang protektahan ng mga ito kapag dumating ang pagkakataong tuluyan nang kumilos ang Death Clover para tapusin sila. Hindi nga lang maiwasang magtaka ni Heidi dahil na rin sa nangyari kanina. Sa nakita niya, hindi basta-basta ang concern na ipinapakita ni Riel kay Yrian. Ganoon din ang kapatid niyang si Louie.

Oras na siguro para alamin niya sa isa sa mga kapatid ang totoong dahilan kung bakit pati si Yrian ay nadadamay sa gulong kinasasangkutan ng grupo nila.

Kaya imbes na sa painting room ang tungo ni Heidi, dumiretso siya sa study room ni Louie sa kabilang dulo ng hallway ng second floor ng mansyon. Kumatok muna siya nang makaratin na roon para malaman kung naroon ang kapatid niya. Sumagot naman ito at agad na siyang pumasok bago pa man siya masabihan nito na matulog na ng maaga kahit hindi pa siya inaantok.

"Hindi ka na naman makatulog?" bungad ni Louie sa kanya nang tuluyan na siyang makapasok sa study room nito.

"Sabihin mo nga sa akin, Kuya, kung paano ako makakatulog gayong muntik na kaming mapatay kanina ni Elliot sa campus. Nakakabuwisit na talaga! Wala nang patawad ang sira-ulong iyon pagdating sa lugar na gugustuhin niyang patayin kami."

"You're used to that kind of threat, Heidi."

"Oo, sanay na ako sa ganoon. Eh si Yrian, sanay ba?" Huminga muna siya ng malalim bago ipinagpatuloy ang pagsasalita. "Kuya, sabihin mo nga sa akin ang totoo. Hindi lang dahil depressed si Yrian sa pagkawala ng Lolo niya kaya siya nandito sa mansyon, 'di ba? May iba pang dahilan kung bakit ikaw na mismo ang nag-imbita sa kanya na dito muna tumira?"

Walang ekspresyon ang mukha ni Louie matapos itanong iyon ni Heidi. Inasahan na niya iyon kaya hindi na siya nagulat. Pero sapat na iyon para kumpirmahin na tama nga ang hinala niya.

"Kuya Louie..."

Ilang sandali pa ang lumipas bago niya nakitang bumuntong-hininga si Louie. Hinarap siya nito kapagkuwan. "Bago ko pa nakilala si Yrian, may nabanggit sa akin si Tito Alejandro tungkol sa isang sikreto ng Monceda clan. Tanging ang mga branch pillar lang ng angkan ang nakakaalam niyon."

"Sikreto ng Monceda clan?"

Tumango si Louie at iginiya siyang maupo sa katabi nitong swivel chair. Sinunod naman niya ito. "Tungkol sa asawa niya... at pati na rin sa itinakas na anak niya twenty-two years ago."

"So... totoong may asawa si Tito Alejandro? At may anak pa siya?" hindi makapaniwalang usisa niya sa kapatid. Bagaman alam niyang may asawa ang leader ng Monceda clan, wala siyang ideya kung sino iyon. If it all happened twenty-two years ago, that means... "Kuya, huwag mong sabihing... si Yrian ang..."

"Siya ang itinakas na anak ni Alejandro Monceda... at ang hinihintay ng Monceda clan na pumalit sa posisyong iniwan ng dating leader niyon," seryosong tugon ni Louie na labis niyang ikinagulat.

May hinala na siyang konektado si Yrian sa Monceda clan kung ibabase na rin niya sa mga narinig kina Raiden at Tristan, pati na rin sa mga kilos ni Deneel. Pero sino ang mag-aakala na ganoon ang koneksyon nito sa mismong leader ng Monceda clan? At hindi lang basta-basta simpleng koneksyon iyon.

Mukhang hindi talaga nagbibiro si Louie sa sinasabi nito.

= = = = = =

ANAK ni Alejandro Monceda si Yrian...

Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin tuluyang makapaniwala si Heidi sa rebelasyon ng kanyang kapatid tungkol kay Yrian. Naroon lang siya sa poolside at nakababad ang mga paa sa tubig kahit dis-oras na ng gabi. Ilang oras na rin mula nang umalis siya sa study room ni Louie matapos ang pag-uusap nila. Pero sigurado siya na hindi niya magagawang makatulog dahil guguluhin ang kanyang isipan ng mga pinag-usapan nila ni Louie.

Si Rio Telleria ang napangasawa ni Alejandro Monceda. At sa mga sandaling iyon, sigurado na siyang ang babaeng iyon ang kausap ni Alejandro sa kanyang panaginip. Ito ang pinakiusapan ng dating leader ng Monceda clan na kinakailangang mabuhay hindi lang para sa lalaki. Si Yrian ang isa pang dahilan kung bakit kailangang mabuhay ni Rio. Ang binata ang isa pang pag-asa ng Monceda clan kung sakaling malagay sa alanganin ang buhay ni Alejandro.

Si Yrian kaya ang lalaking may hawak ng espada at duguan sa painting niya? Naguguluhan na talaga siya. Paanong nagsama sa panaginip niya ang isang pangyayari sa nakaraan at isang posibleng pangyayari sa hinaharap?

"You're still awake?"

Napapitlag siya nang marinig ang boses ni Yrian sa likuran niya. Marahas na hinarap niya ito, para lang magulat nang makitang ilang dangkal na lang pala ang distansya ng mukha nito sa kanya. Napasinghap siya at sinubukang umatras para makalayo rito kahit papaano. Kaya lang, iyon naman ang mali niya.

Sa ginawa niyang iyon ay hindi na niya namalayang sa gilid ng kinauupuan niya nakapatong ang isang kamay niya. Dumulas iyon, dahilan upang tuluyan siyang mahulog sa pool. Agad naman siyang nakaahon. Pero hindi niya inasahang nasa pool na rin si Yrian at lumalangoy palapit sa kanya.

"Bakit ka pa tumalon rito? Nagpakabasa ka pa sa tubig," pagalit na aniya.

"Distracted ka pa yata, ah," komento ni Yrian na hindi inaalis ang nag-aalalang tingin sa kanya nang tuluyan na itong nakalapit. "Ano ba'ng nangyayari sa 'yo, Heidi? Gusto mo pang magpakamatay sa walang tigil na pagpupuyat mo?"

"Ano namang pakialam mo kung magpuyat ako? Eh sa ayaw akong tantanan ng maraming isipin. Sa tingin mo ba, magagawa kong makatulog ngayong pati ikaw, gustong idamay ng Death Clover sa gulo?" Hindi na niya napigilan ang sarili kaya kung anu-ano na ang nasasabi niya. Huminga siya ng malalim kapagkuwan at lumangoy palayo sa binata.

Pero hindi pa man siya tuluyang nakakalayo ay naramdaman niya ang paghawak nito sa kanyang braso at hinila siya palapit dito na ikinabigla niya. 'Di sinasadyang napahawak siya sa dibdib nito para lang lagyan ng distansya sa pagitan nilang dalawa ni Yrian. Hindi na siya magugulat kung marinig nito ang mabilis na pagtibok ng puso niya ngayong nakapulupot ang braso nito sa katawan niya.

"Ano'ng ginagawa mo? Bitawan mo nga ako." Sinubukan niya itong itulak pero lalo lang nitong hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya.

"Paano kung ayoko? Ano'ng gagawin mo?"

"Yrian!" Ano ba'ng nangyayari rito at ganito ang ikinikilos nito?

"Hanggang kailan mo ba ako sasaktan sa ginagawa mong pagtataboy sa akin, Heidi?" biglang tanong nito na nagpatigil sa kanya sa ginagawang pagtulak dito.

Nanlalaki ang mga matang tiningnan ni Heidi si Yrian. Noon lang niya nagawang makita nang husto ang mga mata nito. Bakit lungkot at sakit ang nakikita niya sa mga mata ng binata? Itinataboy ba talaga niya ito? Hindi naman ganoon ang—

Bumuntong-hininga na lang siya. Baka nga ganoon ang nangyayari kahit sabihin pang hindi iyon ang intensyon niya. Bakit naman niya hindi gagawin iyon? Magkaiba sila ng mundong kinalakihan. Delikado ang mundong iminulat sa kanya mula nang magkaisip siya. Habang si Yrian naman ay normal na maituturing ang naging buhay mula nang itakas ito ni Rio Telleria para lang makapagtago at makaligtas sa kinasasangkutang gulo ng Monceda clan noon sa utos na rin ni Alejandro.

Hindi ang delikadong mundong kinamulatan ng Eight Thorned Blades ang para kay Yrian. Mahihirapan lang ito.

"Ilang beses ko bang kailangang sabihin sa 'yo na handa akong tulungan ka at mananatili ako sa tabi mo kapag may problema ka? Bakit... lagi mo na lang akong itinutulak palayo? Wala ba akong karapatang manatili sa tabi mo? Dahil ba hindi ako katulad nina Raiden at Tristan na may kakayahang protektahan ka?" sunud-sunod na tanong ni Yrian bago siya niyakap nito nang walang pasabi.

Wala siyang masabi para pasubalian ang mga iyon. Napayuko na lang siya at ninamnam ang mahigpit na yakap ni Yrian sa kanya kahit hindi niya tinutugunan iyon. Aminado siyang malamig na ang tubig sa swimming pool pero hindi niya masyadong maramdaman iyon. Iba ang init na hatid ng yakap ni Yrian. Isang init na noon lang niya naramdaman sa buong buhay niya.

"Yrian..." Iyon na lang ang nagawa niyang sabihin. Bakit ba gumagawa ito ng aksyon na lalo lang nagbibigay ng takot sa kanya? Hindi para sa sarili niyang buhay kundi para rito.

"I might not be raised the same way you are. But it doesn't mean I don't have the strength to protect the woman I love. Just let me protect you and take care of you. Please..."

"A-ano?" Hindi na niya makontrol ang bilis ng tibok ng puso niya. Muling nanlaki ang mga mata niya at kagyat na hinarap si Yrian na seryoso lang nakatingin sa kanya ng mga sandaling iyon.

Tama ba ang narinig niya?

No comments:

Post a Comment