DALAWANG taon man ang lumipas mula nang lisanin ni Heidi at ng kanyang mga kapatid ang lugar na iyon pagkatapos ng ambush, parang wala pa rin siyang nakikitang pagbabago roon. Lahat ng nakikita niya roon ay tulad pa rin ng mga naaalala niya. Mukhang naayos din ang mga nasirang gamit doon, partikular na ang fountain, gate, at front door ng mansyon na pinasabog pa noong salakayin ang lugar. Pero kahit wala na ang bakas ng karahasan sa lugar na iyon, hindi pa rin nawawala sa isip ni Heidi ang mga nawala sa kanya roon.
"Mas malaki yata ang mansyon na tinitirhan mo ngayon kaysa dito," komento ni Yrian na pumutol sa pag-iisip niya.
Agad siyang napatingin dito na sumusunod lang sa kanya sa paglalakad niya. "Matagal na kasi ito. Kahit ilang beses nang i-s-in-uggest na i-renovate ito para magawa pa ring tirhan, hindi pa rin nila ginawa. Ang sabi kasi sa akin, ito daw ang mansyong ipinatayo ng founder ng Monceda clan nang makapag-asawa na siya at humiwalay ng tirahan sa ibang mga kasama niya."
"Humiwalay ng tirahan? Ibig mong sabihin..."
Tumango siya. "Magkakasama ang walong founders ng bawat angkan sa Eight Thorned Blades noong takasan nila ang mga pamilya nila at nagtungo dito sa Visayas. At nang makapag-asawa silang lahat, humiwalay sila ng tirahan pero hindi naman nangangahulugan na kinalimutan na nila ang isa't-isa. Magkakaibigan pa rin sila kahit na ano'ng mangyari. Isa iyon sa dahilan kung bakit nabuo ang Eight Thorned Blades."
Nagpatuloy silang dalawa sa paglibot sa bahay. Pero hindi alam ni Heidi kung ano nga ba ang hinahanap niya doon.
"Bakit mo nga pala naisipang magpunta rito?" kapagkuwan ay tanong ni Yrian.
Walang maisagot si Heidi. Ano naman ang isasagot niya kung siya mismo, hindi niya alam ang sagot doon? Huminga na lang siya ng malalim at tumigil sa ibaba ng hagdan patungo sa second floor ng mansyon. Noon niya naalala ang painting niya-ang isang dahilan kung bakit naroon siya sa lugar na iyon.
"Wala dito sa loob ang hinahanap ko," usal ni Heidi at agad na tiningnan si Yrian. Nagulat pa ito dahil sa ginawa niya. "Kailangan nating magpunta sa likod. May isang puno roon na kailangan kong makita. Baka sakaling may makita ako roon na posibleng maging sagot sa mga tanong ko."
"Sagot sa tanong mo?"
"Isang bagay na... posibleng iniwan ng tatay mo." Hindi na siya nag-isip nang sabihin niya iyon. Nanlaki na lang ang mga mata niya nang rumehistro sa isip niya ang mga sinabi niya.
Nakita niya na akmang magsasalita si Yrian sa kabila ng pagkalitong nasa mga mata nito. Hindi na nga lang niya ito hinintay pa. Patakbo niyang tinahak ang direksyon patungo sa likod na bahagi ng mansyon. ilang sandali pa ay naramdaman na lang niya ang pagsunod ng binata sa kanya.
"Heidi, ulitin mo nga ang sinabi mo. May isang bagay na posibleng iniwan ang tatay ko? sinasabi mo bang kilala mo ang tatay ko?"
Pero walang naging tugon si Heidi. Nagpatuloy lang siya sa pagtakbo patungo sa destinasyon niya-sa likod ng mansyon kung saan naroon ang puno na nakita niya sa kanyang painting. Hindi niya madalas puntahan ang lugar na iyon mula pa noong bata siya dahil mas pinipili pa niyang tumambay sa painting room niya o sa painting room ng kanyang ina.
Gayunpaman, alam niyang importante ang punong iyon sa kanyang mga magulang at pati na rin kay... Tito Alejandro. Tama, hindi lang sa kanilang mga Terradenio importante ang lugar na kinatitirikan ng mansyon. Pati na rin sa ama ni Yrian. Naalala pa niya na madalas niyang maabutan doon si Tito Alejandro kapag bumibisita ito sa kanila. Nakikita niya itong nakatingala lang sa punong iyon.
"Heidi!"
Kagyat na napatigil siya sa pagtakbo dahil sa malakas na pagtawag na iyon sa kanyang pangalan. Sa paglingon niya ay kumunot-noo siya dahil sa blangkong ekspresyon sa mukha ng binata. Hindi niya malaman ngayon kung ano nga ba ang iniisip nito.
"Hanggang kailan mo planong itago sa akin ang totoo, ha? Alam mo pala kung sino ang tatay ko, hindi mo man lang sinasabi sa akin?"
Bakas na sa tinig ni Yrian ang tila tinitimping galit. Kahit naman siguro siya na pinagkaitan ng katotohanan ng ilang taon, makakaramdam ng ganoon. Pero hindi pa iyon ang panahon para makadama siya ng kahit na ano-kahit ang walang dudang sakit ng kalooban ang sasalubong sa kanya dahil sa sinabi niya.
"Kung sasabihin ko ba sa 'yo, sasamahan mo pa rin ako? Kahit sabihin ko sa 'yo na dalawang taon nang patay ang tatay mo dahil namatay siya kasama ng mga magulang ko sa ambush na iyon. Hindi mo na magagawang itanong sa kanya ang mga bagay-bagay na gusto mong malaman mula sa kanya," naghahamon ang tinig na sabi niya, hindi inaalis ang matamang tingin sa binata.
Kahit parang maiiyak na siya, nanatili lang siyang nakatingin dito. Bumakas na ang pagkalito sa mga mata ni Yrian. Mukhang naintindihan na rin nito ang gusto niyang ipunto.
"Ang ibig mong sabihin, miyembro ng Eight Thorned Blades ang tatay ko?" tila hindi makapaniwalang bulong nito.
"Hindi lang basta miyembro ng Eight Thorned Blades ang tatay mo, Yrian. Siya ang dating leader ng Monceda clan na pinatay lang naman namin sa plane crash na iyon kasama ng dating leader ng Terradenio clan," biglang singit ng isang boses sa likuran ni Yrian.
Nanlaki ang mga mata ni Heidi nang makilala kung sino iyon.
"Elliot?"
Ngumisi ang taong tinawag niyang Elliot at may nakatutok nang baril sa binata. "Mabuti naman at naaalala mo pa ako, Miss Heidi."
Ano'ng ginagawa nito sa mansyon na iyon?
= = = = = =
KAHIT gustong magalit ni Yrian dahil sa mga nalaman niya mula kay Heidi, hindi niya magawa iyon. Mas nangibabaw ang takot niya para sa kaligtasan nila ng dalaga, lalo na ngayong nasa mansyon na iyon ang tinawag ni Heidi na Elliot. Kung tama ang pagkakaalala niya, isa ito sa mga miyembro ng Death Clover na matagal nang kalaban ng Eight Thorned Blades. At ngayon, nalaman niyang ito ang pumatay sa kanyang ama na hindi man lang niya nakilala.
Marami siyang tanong pero hindi na niya alam kung magagawa pa bang sagutin iyon ni Heidi para sa kanya. Wala nang emosyon sa mga mata nito nang tingnan niya ang dalaga. Nakatingin lang ito kay Elliot na hindi pa rin inaalis ang pagkakatutok ng baril sa kanya. Hindi ba dapat siya ang makaramdam ng ganoon? Na sa dinami-dami ng emosyong nararamdaman niya nang mga sandaling iyon, wala na siyang magawang ipakita sa kanyang mga mata.
Pero mukhang nagkabaliktad pa sila ni Heidi.
"Heidi..." mahinang tawag niya sa dalaga.
Wala pa rin itong reaksyon. Parang wala itong naririnig.
"Bakit hindi mo pa gawin ang plano mo?" Ilang sandali pa ay tanong ni Heidi, pero hindi iyon para sa kanya.
Nakatutok lang ang atesyon nito sa taong nasa likuran niya. Narinig niya ang pagtawa ni Elliot at sa tingin niya ay ngumisi pa ito.
"Wala ka nga kayong kasama rito, ang lakas pa rin ng loob mo para sabihin 'yan. Kung magsalita ka, parang alam mo ang plano kong gawin sa inyo, ah," sarkastikong saad ni Elliot.
Umismid si Heidi. "Tanga lang ang hindi makakaalam ng pinaplano mo, Elliot. Hindi lang ikaw. Pati na rin si Leon. Hindi ba iyon naman ang plano n'yo kaya n'yo kami minamatyagan sa fastfood restaurant? At nang makakita ka ng oportunidad, sinubukan mo nang gawin iyon kung kailan paalis na kami sa Skyfield."
Kung ganoon, ang grupo ni Elliot ang nagmamatyag sa kanya? Pero bakit? Dahil ba anak siya ni Alejandro Monceda?
"Hindi kayo makalapit kay Yrian noon kahit na marami kayong pagkakataon dahil hindi n'yo napaghandaan ang klase ng security na inihanda ng pamilya Telleria at maging ng apat na branch pillars ng Monceda clan para kay Yrian at sa nanay niya" pagpapatuloy ni Heidi na hindi pa rin nababahiran ng anumang emosyon ang mukha nito. "Nahirapan din kayong malaman ang kinaroroonan ni Yrian sa loob ng apat na taon dahil na rin sa koneksyon ni Kuya Riel kaya wala kayong nagawa noong mga panahong nasa New Zealand ang target n'yo. Kaya sa sobrang inis ng leader ninyo na hindi niya magawang tapusin ang buhay ng tagapagmana ng mga Monceda, ibinaling na niya iyon sa pagpatay sa mga magulang ko at pati na rin kay Tito Alejandro na itinaon n'yong quarterly meeting ng mga leader ng Eight Thorned Blades. Kahit sabihin pang napatay n'yo nga ang leader ng Monceda clan, hindi pa rin kayo nakuntento dahil tatlo lang sa walong leaders ang nagawa n'yong tapusin."
Kapagkuwan ay nang-uuyam na ngumiti si Heidi. Kahit sa posisyon ni Yrian, hindi niya maiwasang kilabutan sa ipinapakita nito sa mga sandaling iyon. Ganito ba talaga ito pagdating sa mga kalaban nito? At paano nito nalaman ang lahat ng iyon? Naninibago siya sa nakikita niya sa dalaga.
"Tama ako, 'di ba? Wala naman sigurong mali sa mga sinabi ko," ani Heidi matapos ang ilang sandali.
Wala siyang narinig na anumang tugon at hindi naman siya makalingon dahil baka magpaputok na si Elliot kapag ginawa niya iyon. Pero kung ibabase niya sa nararamdamang tensyon sa paligid, mukhang sinasagad talaga ni Heidi ang pasensya ng kalaban nila.
Heidi... piping pagtawag niya sa pangalan ng dalaga. Wala pa rin siyang makitang anumang emosyon sa mga mata nito.
Pero bago pa siya makapagsalita para isatinig ang anumang nasa isip niya nang mga sandaling iyon, isang putok ng baril ang umalingawngaw sa paligid. Napalingon siya dahil doon. Kaya lang, iyon naman ang pagkakamali niya. Isa na namang putok ng baril ang umalingawngaw. Pero kasabay niyon ay naramdaman niya ang pagsigid ng matinding sakit sa kaliwang balikat niya.
Nang tingnan niya iyon, ganoon na lang ang takot niya nang makitang umaagos ang dugo mula roon. Bigla siyang napatingin kay Elliot na ngayon ay wala nang buhay na nakahandusay sa sahig at may umaagos na dugo mula sa dibdib nito. Mukhang doon ito binaril. At nagawa pa talaga nitong barilin siya sa kabila ng tinamong tama ng baril mula sa kung sino. Ganoon ba talaga kadesidido ang grupo nito na tapusin ang buhay niya dahil lang anak siya ni Alejandro Monceda?
Matapos niyon ay naalala niya si Heidi. Lumingon siya sa kinatatayuan ng dalaga pero nagtaka siya dahil wala na ito roon.
Teka, saan ito nagpunta? At sino ang bumaril kay Elliot?
= = = = = =
MALING ideya pa yata na hinayaan niya si Louie na payagan si Yrian na magpunta sa mansyon na iyon. Walang ibang iniisip si Heidi nang mga sandaling iyon kundi ang isiping iyon. Hindi naman niya inakalang masusundan sila roon ni Elliot. At hindi rin niya inakalang may masasabi siya kay Yrian para tuluyan na nitong kuwestiyunin at alamin ang totoo tungkol sa tatay nito na matagal na niyang hinahangaan bilang isang leader.
Mabuti na lang pala at mukhang nakatunog ang mga kasamahan niya tungkol sa naging pag-alis niya sa hacienda. Kunsabagay, wala na siyang dapat ipagtaka sa bagay na iyon. Tulad ng mga kapatid niya, alam na rin ng mga kaibigan niya, lalo na nina Tristan at Raiden, ang mga kilos niya. Hindi man sila madalas magkakasama, sa klase ng mundong kinalakihan nila, batid niyang hindi mahirap para sa mga ito ang alamin ang kilos niya.
Si Tristan lang ang nakita niyang nagtatago sa isang bahagi ng lugar na iyon at may dalang baril. Pero panigurado na dala rin ng mga kasamahan niya ang kani-kaniyang sandata para tumulong at nakahanap din ang mga ito ng mapagtataguan. Kaya naman ginawa niya ang lahat para bigyan ng pagkakataon ang mga ito na makapaghanda kung sakali ngang mapapalaban pa sila.
Totoo ang mga sinabi niya kay Elliot tungkol sa mga naging kilos ng Death Clover para patayin si Yrian sa maraming pagkakataong meron ang mga ito. Nalaman niya ang lahat ng iyon mula sa nakatatandang kapatid niyang si Davi. Lingid sa kanya ay wala pala ito sa Taiwan para pansamantalang ayusin ang problema ng TGC doon. Ang pumalit sa trabaho nitong iyon ay ang pinsan niyang si Zander. Si Davi pala ang nagtuloy sa dapat ay trabaho ni Tristan na mag-imbestiga. Bago siya umalis patungong Cebu ay tinawagan siya si Davi at sinabi nito ang lahat ng nakalap nitong report tungkol kay Yrian at sa Death Clover na ilang beses na palang nagtangka sa buhay nito pero laging bigo. Tanging ang mga naganap na pagmamatyag at pagtatangka sa buhay ni Yrian nang makauwi na ito sa Pilipinas ang naging halata sa kanila ng binata.
Hindi lang ang apat na branch pillars ng Monceda clan ang kumilos para mabantayan ng husto si Yrian kahit noong mga panahong nasa New Zealand ito. Pati rin pala ang apat na division leaders ng Linean Iris at ang leader ng Kigonia clan ang gumawa ng paraan para manatiling ligtas at protektado si Yrian sa loob ng maraming taon. Iyon ang huling hiling sa kanila ni Tito Alejandro. Alam daw nito na hindi titigil si Leon hanggang hindi ito napapatay at tuluyang napapabagsak ang Monceda clan.
Huminga siya nang malalim nang sa wakas ay marating na niya ang puno sa likod ng mansyon. Kahit dalawang taon nang walang nag-aalaga rito ay hindi maikakailang matatag pa rin itong nakatayo roon. Kung sana ay katulad din siya ng punong iyon pagdating sa katatagan. Pero imposibleng hindi dumating ang pagkakataong maaari siyang bumigay dahil sa klase ng responsibilidad na iniatang sa kanya ng tatay niya. Bagaman alam niyang hindi siya pababayaan ng mga kasamahan niya, may isang tao siyang gusto niyang manatili sa tabi niya kapag dumating na nga siya sa ganoong punto ng buhay niya.
Ang problema lang, mukhang malabo nang mangyari iyon. Sigurado na galit na ito sa kanya, sa kanilang lahat na nagtago ng katotohanan dito. Iyon ang dahilan kung bakit mas pinili niyang sundin ang senyas ni Tristan matapos nitong barilin si Elliot na ituloy ang pagpunta sa likod ng mansyon. Hindi na niya kayang harapin pa si Yrian pagkatapos niyon. Kahit sabihin pang huli na nang malaman niya ang totoo mula kina Louie at Riel, hindi dahilan iyon para itago niya kay Yrian ang isang bagay na alam niyang matagal na sanang kumumpleto sa buhay nito. Kahit sabihin pa na hindi na nito kailanman makikilala ang ama nito.
Madilim pa rin sa paligid kaya alam ni Heidi na mahihirapan siyang hanapin ang kung ano mang kailangan niyang hanapin. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya bago kinuha ang isang flashlight mula sa backpack na dala niya. Pinailawan niya iyon at binigyang-liwanag ang ilang bahagi ng puno, maging ang paligid niyon para makita ang anumang maaari niyang makita roon.
Napasinghap siya nang may maalala siyang isang pangyayari noong bata pa siya. Sa pagkakatanda niya, iyon ang unang pagkakataong kinausap niya si Tito Alejandro sa kabila ng ilang beses na nitong pagbisita roon.
Hindi kaya...?
No comments:
Post a Comment