PARANG wala pa ring maramdamang anumang hapdi at sakit si Yrian kahit ginagamot na ni Deneel ang tama ng baril na nakuha niya. Sa tingin niya ay biglang namanhid ang kanyang katawan sa dami ng mga nangyari. Ang mga nalaman niya kay Heidi, ang mga ipinagtapat sa kanya nina Deneel at Raiden tungkol sa tunay niyang pagkatao, maging ang pag-alis ni Heidi na hindi man lang nagpapaalam sa kanya. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang unahin.
"Tapos na," untag ni Deneel at iniligpit na ang nagkalat na mga bandages at bulak na nabahiran ng napakaraming dugong nanggaling sa kanya.
Agad niyang inayos ang suot na polo shirt kahit alam niyang mahirap. May isa siyang kailangang gawin sa ngayon. Saka na muna siguro ang matinong paliwanagan kapag naayos na niya ang isang bumabagabag sa kanya.
"Ano'ng plano mong gawin?" tanong ni Deneel na tumayo sa harap niya.
"Si Heidi. Kailangan ko siyang samahan. Nangako ako sa kanya." Akmang tatayo na siya nang mapatigil siya sa isang tinig na narinig niya.
"Hanggang kailan mo kayang panindigan ang ipinangako mo sa kanya, Yrian?"
Sa paglingon ay nakita niya ang paglapit ni Zandrix sa kinauupuan niya. "Nakita mo na kung anong klaseng buhay ang mararanasan mo kapag nanatili ka pa sa tabi niya. Gusto mo pa rin ba siyang samahan sa kabila ng mga nalaman mo mula sa kanya?"
"Oo, alam ko. Itinago niya sa akin ang totoo tungkol sa tatay ko. Kayo rin naman, eh. Itinago n'yo rin sa akin ang mga bagay na dapat kong malaman. Aaminin ko, ginusto kong magwala sa galit kanina nang sabihin sa akin ni Heidi na may isang bagay raw dito sa mansyon na posibleng iniwan ng tatay ko. Na kahit magkaibigan na kami, hindi man lang niya sinabi sa akin na kilala niya ang taong kahit kailan ay hindi ko nakilala pero hindi ko magawang kamuhian sa hindi niya pagpapakita sa aming mag-ina sa pakiusap na rin ni Mama at ni Lolo."
"Kaibigan nga lang ba ang turing mo sa kanya, Yrian?" biglang tanong ni Raiden na ikinatigil niya.
Nang tingnan niya ito, seryoso lang itong nakatingin sa kanya. Hindi ito naghahanap ng kahit na anong puwedeng ipang-asar sa kanya o anupaman. Katulad ni Louie ay mahalaga kay Raiden si Heidi, hindi lang bilang isang kaibigan kundi isa rin sa kasamahan ng dalaga sa Eight Thorned Blades.
Ngayong naiisip na niya ang pangalan ng grupong iyon, hindi pa rin niya magawang paniwalaan na kabilang siya roon. At kapag tinanggap niya ang posisyong iniwan ng kanyang ama na si Alejandro Monceda na maging susunod na leader ng Monceda clan, ganap na nga siyang magiging parte ng grupong lihim na kinatatakutan ng ibang taong nakakakilala sa kakayahan ng mga miyembro niyon.
"Sa tingin ko, mas magandang si Miss Heidi na lang ang dapat na makaalam ng magiging sagot mo sa tanong na iyan, Yrian," sabi ni Zandrix na sinang-ayunan naman ng iba.
"Pero sandali lang. Sinabi ba talaga ni Miss Heidi na posibleng may iniwan sa lugar na 'to si Sir Alejandro?" singit na tanong ni Cielo.
Tumango siya. "Iyon ang sabi niya bago ako tutukan ng baril ng sira-ulong Elliot na iyon habang hinahabol ko si Heidi kanina."
"Come to think of it... Parang naaalala ko na madalas ngang magpunta dito si Sir Alejandro noon. Minsan, isinama pa nga niya ako, eh."
"At kung hindi ako nagkakamali, dito rin huling nagkausap sina Sir Alejandro at Ms. Rio noon bago tuluyang umalis si Ms. Rio sa buhay ni Sir Alejandro," dagdag ni Deneel. "Kaya siguro ang punong nasa likod ng mansyon ang naipinta ni Miss Heidi. Ang Full Moon Sword ang patunay na patungkol sa leader ng Monceda clan ang anumang sikretong hawak ng punong iyon. Nasa lugar na iyon ang lahat ng sagot."
"Ano pa'ng hinihintay mo? Puntahan mo na si Miss Heidi. Siguradong iniisip n'on na huwag nang magpakita sa 'yo pagkatapos ng lahat ng mga nalaman mo mula sa kanya," nakangiting yakag ni Tristan.
Tumango na lang siya at hindi na ininda ang sakit mula sa tama ng baril na nakuha niya. Wala iyon kumpara sa sakit na maaari niyang maranasan kapag tuluyan na ngang lumayo sa kanya si Heidi.
= = = = = =
AGAD na pinailawan ni Heidi ang butas sa ibaba ng puno kung saan naalala niyang may inilagay roon si Tito Alejandro noong unang beses niya itong lapitan at kausapin. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang isang may kalakihang wooden chest box na may nakaukit na apat na rosas at isang iris sa mismong katawan niyon. Iyon ang simbolong laging gamit ng leader ng Monceda clan dahil iyon ang flower emblems ng angkan. Apat na magkakaibang kulay na mga rosas para sa apat na branches at iris na kumakatawan sa ikalimang branch ng angkan.
Hindi naman siya nahirapang ilabas iyon kahit na nakapatong ang chest box sa isang malaking bato. Ginawa siguro iyon ni Tito Alejandro para hindi mabasa at mapasukan ng tubig kung sakali mang bahain ang lugar na iyon. Sapat din ang laki ng butas ng puno para magawa niyang ilabas ang chest box doon.
May mga agiw at alikabok na ang chest box. Pero mukhang hindi niluma ng panahon ang bagay na iyon. Para bang may nag-aalaga pa roon kung titingnan niya nang mabuti ang nasabing gamit.
"All this time... Hindi n'yo kinalimutan ang anak n'yo, Tito. Patunay lang na mahal na mahal n'yo siya kahit alam kong masakit din para sa inyo na hindi niya kayo nakilala bilang ama niya," mahinang sabi ni Heidi habang nakapatong ang isang kamay niya sa wooden chest box.
Kasabay niyon ay ang pagtulo ng luhang kanina pa niya pinipigilan mula nang mahawakan niya iyon. Kulang pa ang mga nalalaman niya tungkol kay Tito Alejandro pagdating sa pagiging isang asawa at ama nito. Pero kung katulad ito ng kanyang ama na handang isakriprisyo ang sariling kaligayahan para lang masigurong mapoprotektahan ang mga mahahalagang tao sa buhay nito, lalo na ang pamilya nito, walang dudang hindi siya nagkamali ng taong hinangaan mula noon hanggang ngayon.
"Iyan ba ang iniwan niya... para sa akin?"
Nanigas siya nang marinig ang tanong na iyon. Kagyat na napalingon siya sa pinagmulan niyon. Hindi siya makapaniwalang nakatayo si Yrian ilang hakbang lang ang layo sa kinaluluhuran niya. Agad na dumako ang tingin niya sa balikat nito. May bahid pa ng dugo ang polo shirt nito.
Teka, bakit hindi niya yata napansin iyon kanina bago siya tumakbo paalis? Napatamaan ba ito ni Elliot kahit binaril na ni Tristan ang taong iyon?
"Okay ka lang?" hindi na niya napigilan ang pagdagsa ng pag-aalala sa kanyang sarili nang makita iyon.
Tiningnan ni Yrian ang sugat nito sa balikat at hinarap siya kapagkuwan na may malungkot na ngiti. "Huwag kang mag-alala. Daplis lang ito. Malayo pa sa bituka."
"I can't believe you. Paano mo pa nagagawang makapagsalita nang ganyan? Muntik ka na talagang mapatay ni Elliot."
"Pero hindi niya nagawa, 'di ba? Malala na ang tama niya sa dibdib kaya hindi na niya nagawa nang tuluyan ang plano ng grupo nila na patayin ako. Ginawa ng shadow guardian mo ang lahat para siguraduhing buhay pa rin akong haharap sa 'yo."
Wala siyang maisip na tugon doon. Bakit siya pa rin ang iniisip nito sa kabila ng nagawa niyang paglilihim dito ng tungkol sa pagkatao nito?
"At kung iniisip mong galit ako sa 'yo," pagpapatuloy ni Yrian. "Alam mong may karapatan naman akong gawin iyon. Sino ba naman ang hindi magagalit kung ang taong mahal ko at pinagkatiwalaan ko, maglilihim ng tungkol sa isang bahagi ng pagkatao ko na matagal ko nang gustong malaman? Pero sa maniwala ka o sa hindi, hanggang sa isip ko lang iyon. Habang nakatutok sa akin ang baril ni Elliot, wala akong ibang iniisip kundi ang makaalis sa lugar na iyon at mailigtas ka. Kung alam mo lang, kinilabutan pa ako sa 'yo habang sinasabi mo kay Elliot ang mga bagay na may kinalaman sa misyon nilang patayin ako sa loob ng maraming taon." Natawa pa ito at kinamot ang sentido nito.
Hindi na napigilan ni Heidi ang mapangiti kahit naiiyak na dahil sa nakikitang kilos ni Yrian nang mga sandaling iyon.
"Noon lang kita nakitang ganoon. Ni hindi ko mabasa ang expression mo, kung ano ba ang posibleng iniisip mo habang sinasabi mo ang lahat ng iyon. Pero kahit ganoon na ang nangyari, hindi pa rin nabawasan ang pagmamahal ko sa 'yo. Ang kailangan ko lang sa 'yo ngayon, paliwanag sa kung ano ba talaga ang nag-aabang sa akin kung sakaling..."
Pero alam na niya ang magiging karugtong ng sasabihin nito. "Hindi mo kailangang gampanan ang pagiging leader ng Monceda clan kung ayaw mo. Wala namang pumipilit sa 'yo kahit alam ng lahat na iyon ang responsibilidad na iniwan sa 'yo ni Tito Alejandro, ng tatay mo."
"Handa akong tanggapin ang responsibilidad ng pagiging leader ng Monceda clan, Heidi. Hindi ako nagbibiro sa bagay na iyon. Iyon ang huling pamana sa akin ni Papa at hindi ko hahayaang mapunta sa wala ang lahat ng pinaghirapan niya. Pero... magagawa ko lang nang maayos ang trabaho ko kung..."
Kumunot ang noo niya sa nakikitang pag-aalinlangan nito. "Kung?"
Ilang sandali itong hindi makatingin sa kanya. Ipinagtaka niya iyon pero naghintay siya na muli itong magsalita. 'Di nagtagal ay nag-angat ito ng tingin at mataman siyang tiningnan. Sa mga mata pa lang ni Yrian, nakita na niya ang ibig nitong iparating sa kanya. Dahilan iyon para maramdaman niya ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso.
"Yrian?"
"Kung okay lang sa 'yo na... manatili sa tabi ko. Na mahalin din kita nang higit pa sa naging pagmamahal ni Papa kay Mama," madamdaming tugon ni Yrian.
Tuluyan nang tumulo ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan. Pero kahit nag-uumapaw sa tuwa ang kanyang puso, nanatili lang siyang nakatayo roon. Ilang sandali pa ay nagyuko lang niya. Hindi niya inakalang darating ang sandaling iyon. Sa kabila ng nakita nitong panganib na walang dudang mararanasan nila sa kamay ng mga kalaban nila, heto at sinasabi pa talaga nito sa kanya na mahal siya ni Yrian. At gusto pa nitong manatili siya sa tabi nito.
Nang mag-angat si Heidi ng tingin ay nagulat siya nang makitang nakalapit na pala si Yrian sa kanya. Pinunasan nito ang mga naglandas niyang luha at hinalikan siya sa noo. Napapikit siya at muling napaluha.
"Pero bago iyon, tingnan muna natin ang laman ng chest box na sinasabi mong iniwan ni Papa," kapagkuwan ay suhestiyon nito na tinanguan na lang niya.
May mas importante pa silang kailangang gawin sa ngayon.
= = = = = =
"YRIAN, anak... Siguro kapag nakita mo na ito, kapag ipinakita na ito sa 'yo ng sinuman sa mga Terradenio na makikilala mo't makakakita nito, walang dudang hindi na ako nabubuhay pa sa mundong ito. Hindi mo na rin ako makikilala. Pero okay lang iyon sa akin. Dahil alam ko na ligtas kayo ng Mama mo. Huwag mo sanang isipin na hindi kita mahal kaya ko napagdesisyunang ilayo ka sa mundong kinagagawalan ng Eight Thorned Blades, sa mundong dapat ay nararanasan mo rin. Alam ng lahat ng nakakakita sa akin kung gaano kita kamahal, anak. At mas gugustuhin ko pang ako lang ang mapahamak kaysa kayo ng Mama mo. Paniwalaan mo ang nanay mo at ang lolo mo kapag sinabi nila na mahal na mahal kita dahil iyon ang totoo.
"Ang mga nakalagay sa chest box na ito ay mga bagay na mahahalaga sa akin. Ilan sa mga ito ay matagal nang bahagi ng buhay ko at talaga namang importante sa akin. Maraming kuwentong kakabit ang mga ito, karamihan ay tungkol sa mga panahong kasama ko pa kayo ni Rio. Maiintindihan mo rin ang lahat kapag nakita mo na ang mga ito. Hindi ko na hihilinging pang patawarin mo ako dahil sa pag-uutos ko kay Rio na lumayo na sa akin kasama mo. Delikado ang mundong pinili ko at dinala ko pa roon ang nanay mo. Sa kabila ng lahat, hindi nabawasan ang pagmamahal niya para sa akin. At mas lalo ko rin siyang minahal dahil doon. Sana, pagdating ng araw, makatagpo ka rin ng babaeng kagaya ng nanay mo—ni Rio Telleria na nanatiling matatag at sinuportahan ako sa mga desisyon ko hanggang sa huling hininga niya.
"Kung sakali mang tanggapin mo ang responsibilidad na iiwan ko sa 'yo kapag namatay na ako, isa lang ang hihilingin ko sa 'yo, Yrian. Ituring mo sila na pamilya mo. Hindi ka nila pababayaan kahit na anong mangyari. Isa iyon sa mga sinumpaan ng mga miyembrong kabilang sa Eight Thorned Blades. Kung mas pipiliin mo pa rin ang normal at tahimik na buhay, hindi ko isusumbat iyon sa 'yo. Mabuti na rin siguro na mamuhay ka ng tahimik at malayo sa delikadong mundong nakasanayan ko. Pero hahayaan kita sa magiging desisyon mo. Sana, hindi mo pagsisihan ang anumang daang pipiliin mo kapag nalaman mo na ang lahat."
Bumuntong-hininga na lang si Yrian matapos pakinggan ang recorded message na iniwan ng kanyang ama sa isang mini-CD. May isang linggo na ang nakalipas mula nang makuha ni Heidi sa loob ng isang puno sa likod ng dating Terradenio mansion ang chest box kung saan niya nakita ang CD na iyon. Hinayaan siya ng dalaga na buksan iyon at tingnan ang laman ng kahon.
Karamihan sa mga nakalagay roon ay mga lumang litrato. Ilan sa mga iyon ay litrato ng kanyang ama kasama ang kanyang ina o 'di kaya ay siya na karga-karga pa nito. Kitang-kita niya sa mata ng ama ang tuwa kapag karga siya nito. At hindi naman matatawaran ang pagmamahal na nasa mga mata ni Alejandro kapag ang kanyang ina naman ang katabi nito. Pero hindi na niya napigilan ang maluha nang makita niya ang pinakamalaking litrato na naroon sa chest box.
Ang family picture nila iyon. Apat sila roon—si Alejandro, si Rio, ang kanyang Lolo, at siya na karga ng kanyang ina. Halata roon ang sayang ngayon ay alam niyang tinutukoy ng kanyang ama na naramdaman nito kapag kasama sila nito.
May iba pang bagay na naroon sa chest box tulad ng isang makapal na journal, isang pendant na alam niyang ibinigay ng kanyang ina kay Alejandro bago ang kasal ng mga ito, ang wedding ring nito kung saan nakaukit doon ang pangalan nito, mga love letters at isang flower wreath crown na napapalibutan ng iba't-ibang gemstones. Kumunot ang noo niya sa huling bagay na nakita niya roon. Para saan ang koronang iyon?
Dumako ang tingin ni Yrian sa isang picture na naroon. Iyon ang wedding picture ng mga magulang niya. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang flower wreath crown sa ulo ng kanyang ina. Kapagkuwan ay napansin niya ang isang nakatuping papel doon na nakahiwalay sa nakakumpol na mga sulat at katabi ng korona. Kinuha niya iyon at binuksan, saka binasa ang nilalaman niyon.
Ibigay mo ang koronang ito sa babaeng pipiliin mong makasama habang-buhay, Yrian. Siya ang babaeng susuporta sa 'yo sa lahat ng desisyong pipilliin mo para sa angkan, at para na rin sa inyong dalawa ng babaeng mamahalin mo, gaya ng mga batong nakapalibot sa koronang ito.
Hindi na niya napigilan ang mapangiti at muli niyang tiningnan ang flower wreath crown na inilabas na niya sa kahon. Parang hindi man lang niluma ng panahon ang koronang iyon. Kasing-ganda pa rin ito ng tulad sa litrato kung saan suot iyon ng kanyang ina. Hindi na siya nagdalawang-isip pa kung kanino niya ibibigay ang koronang iyon.
Isang babae lang ang alam niyang susuporta sa kanya sa lahat ng magiging desisyon niya sa buhay. At malaki ang pasasalamat niya sa kanyang ama dahil ang babaeng iyon ang naging daan para masabi niyang kumpleto na nga ang kanyang buhay.
= = = = = =
ISANG malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Heidi habang pinapanood sina Deneel, Cielo, Riel, at Raiden sa pagtulong sa paglalagay ng mga imempakeng gamit ni Yrian sa likod ng kotse. Lilipat na kasi si Yrian sa mansyon na pag-aari ng mga Monceda upang doon na ito manirahan ngayong pinili na talaga nitong maging leader ng Monceda clan.
Pero kahit natutuwa siya dahil sa daang pinili nito sa kabila ng lahat ng nangyari, may isang bahagi ng puso niya ang nalulungkot. Malalayo siya sa taong mahal niya. Hindi siya dapat makaramdam ng ganoon pero hindi niya mapigilan. Nasanay na nga siguro siya na lagi niyang kasama ang binata nitong mga nakaraang buwan.
Ilang sandali pa ay natapos na sa pag-aayos ang mga kaibigan niya. Napansin niya na tiningnan siya ni Yrian na nginitian lang niya. Pero nanatiling seryoso ang ekspresyon nito. Kapagkuwan ay humakbang na ito palapit sa kanya.
"May problema?" salubong niya rito.
Nanatili pang nakatingin lang sa kanya si Yrian bago ngumiti at niyakap siya. Kahit umani ng kantyaw at pang-aasar ang ginawang iyon ng binata, hindi nawawala ang pagtataka sa mukha niya.
"Aalis na ako rito. Hindi ka man lang ba malulungkot?" biglang tanong ni Yrian na hindi inaalis ang pagkakayakap sa kanya.
Napangiti na lang siya at umiling kapagkuwan. "Mas matagal na panahon kitang hindi nakasama sa mansyon na 'to, baka nalilimutan mo."
"Magkaiba naman iyon, eh. Hindi mo pa ako nakikilala no'n. Ngayong nakilala mo na ako't na-in love ka pa sa akin, wala ka man lang mararamdaman? Hindi mo man lang ba ako mami-miss?"
"Ang yabang talaga nito. Sanay na ako sa kayabangan ni Tristan pero hindi sa kayabangan mo."
"Bakit narinig ko na naman ang pangalan ko riyan?" singit ni Tristan.
Pero hindi na lang nila pinansin iyon. Ilang sandali pa ay sumeryoso si Heidi. "Seriously speaking, ano'ng problema? Bakit bigla ka yatang nagiging sentimental ngayon? Uuwi ka na sa mansyon ng mga Monceda, sa mansyon ng tatay mo na dapat ay tinirhan mo rin noon kung hindi ka lang niya inilayo. Hindi ka man lang ba masaya?"
Bumuntong-hininga si Yrian bago nagsalita. "Masaya naman ako. Pero... siguro mahihirapan lang akong mag-adjust. Alam mo na. Nasanay na siguro akong lagi kitang nakikita kahit ilang buwan lang iyon. Nakita ko na kung paano ka magtrabaho at kumilos bilang leader ng Terradenio clan. Hindi ko alam kung—"
Pero pinutol niya ang sinasabi nito ng isang mabilis na halik sa labi. Nanlalaki ang mga matang nakatingin lang ito sa kanya. Habang siya ay maluwang na napangiti. Nakakatuwa pala na sinusorpresa niya nang ganito si Yrian. Wala siyang pakialam sa ingay na naririnig niya sa paligid nila dahil sa ginawa niyang iyon.
"Hindi ka naman nila pababayaan, eh. 'Di ba, iyon ang sabi ni Tito Alejandro sa recorded message niya sa 'yo? Tama ka, nakita mo na kung paano ako magtrabaho bilang leader. Pero hindi mo pa nakikita ang lahat ng hirap at stress na puwede mong pagdaan kapag nagawa mo nang gampanan ang trabaho mo. Kahit ganoon, huwag mo sanang isipin na sumuko kaagad."
"Susuko lang ako kapag wala nang taong naniniwala sa kakayahan ko, Heidi. Lalo na kapag ikaw mismo, hindi na maniniwala sa akin."
Hindi pa rin pala nawawala ang insecurities at takot ng lalaking ito. Iniangat niya ang mga kamay at hinawakan ang magkabilang mukha ni Yrian. "Hindi mangyayari iyon. Kung ikaw nga, hindi umalis sa tabi ko sa kabila ng lahat ng mga nakita't naranasan mo kapag kasama mo ako, 'di ba? Isa pa, masyado kitang mahal para kaagad na mawala ang paniniwala ko sa 'yo na makakaya mong lampasan ito."
Mukhang sapat na ang mga sinabi niya para mapangiti si Yrian. Hindi siya nagbibiro sa mga sinabi niyang iyon. Hindi rin iyon ang unang pagkakataon na nasabi niya rito ang tunay niyang nararamdaman, na mahal niya ito. Pero pakiramdam niya ay lalong nadadagdagan ang pagmamahal niyang iyon para kay Yrian kapag sinasabi niya rito ang mga katagang iyon at naririnig pa nito.
Ilang sandali pa ay hinalikan ni Yrian si Heidi sa noo. Kapagkuwan ay muli siyang niyakap nito nang mahigpit. Para bang takot itong pakawalan siya. Tinugunan na lang niya iyon ng kasinghigpit na yakap.
"You'll wait for me, okay?" mayamaya ay bulong ni Yrian.
"Wait for you? Kung makapagsalita ka naman, parang tatakbo ako palayo, ah," biro niya nang lumayo siya sa binata nang bahagya.
Pero hindi nawawala ang pag-aalinlangan sa mukha ni Yrian. May kinuha ito sa loob na bulsa ng suot nitong jacket at iniabot sa kanya. Isa iyong manipis na wooden box.
"Buksan mo para makita mo kung ano'ng laman niyan," utos nito sa kanya.
Kahit nagtataka ay ginawa niya ang sinabi nito. Nagulat siya nang makita ang isang flower wreath crown na napapalibutan ng mamahaling bato. Pero bakit nito iniaabot iyon sa kanya? Hindi nawawala ang pagtataka sa mukha niya nang haraping muli si Yrian. Bagaman nakangiti ito, kitang-kita niya sa mga mata nito ang luhang nagbabadyang bumagsak.
"Five years from now, I want you to wear that crown on our wedding day," madamdaming pahayag nito.
Hindi kaagad nag-sink in sa utak niya ang sinabi nito. Nanatili lang siyang nakatingin sa binata na nakaawang pa ang bibig. Wedding day? Ano'ng pinagsasasabi nito? Nagpo-propose ba ito sa kanya?
"Ito ang isa sa mga iniwan ni Papa para sa akin. Pero sinabi niya sa isang sulat na ibibigay ko ito sa babaeng gusto kong makasama habang-buhay. Siya ang babaeng alam kong aalalay sa akin sa bawat desisyong gagawin ko sa buhay, bilang isang leader at bilang isang tao. At sa 'yo ko lang gustong ibigay iyan."
Wala sa sariling napatingin siya sa koronang hawak-hawak pa rin niya hanggang sa mga sandaling iyon. Sa kanya ibinibigay iyon ni Yrian? At gusto pa talaga nitong isuot niya iyon sa kasal nila?
"Teka, bakit 'five years from now'?"
"Sa tingin ko, sapat na ang limang taon para magawa kong ayusin ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa pamumuno ko sa Monceda clan. At that time, as well, you'll be in the right age to get married."
"Hoy, pare! Alam mong kailangan mo pang hingin ang kamay ni Heidi sa aming tatlo nina Ate Mari at Kuya Davi, ha? Baka nalilimutan mo iyon," biglang singit ni Louie na ikinatawa na lang nilang dalawa ni Yrian.
Napailing siya kapagkuwan. May punto naman ito. Pero bakit kung makapagsalita si Yrian, parang sigurado na ito na hindi magbabago ang nararamdaman nito para sa kanya?
"Sigurado ka ba talaga sa akin?" naisatinig niya ang tanong na kanina pa niya gustong sabihin sa binata.
"More than ever. Nangako ako sa 'yo, 'di ba? Hinding-hindi kita iiwan kahit na anong mangyari. Ito ang isa sa paraan ko para matupad ko ang pangakong iyon."
Hindi na niya pinigilan ang pagtulo ng luhang kanina pa nagbabadyang tumulo. Gayunpaman, hinarap niya si Yrian nang may ngiti at tumango bilang tugon.
"Okay. I'll wear this crown on our wedding day five years from now."
Nagulat na lang si Heidi nang magsisigaw si Yrian at niyakap siya nang mahigpit pagkatapos niyang sabihin iyon. Hindi pa ito nakuntento, inikot-ikot pa siya nito na hindi inaalis ang pagkakayakap sa kanya. Hindi na niya itinago ang kasiyahang nararamdaman at ginantihan ang mahigpit na yakap nito.
Matapos niyon ay hinalikan siya ni Yrian sa mga labi na hindi kaagad naproseso ng isip niya. Pero napangiti siya niyon nang pakawalan siya nito. Kitang-kita niya ang pagtulo ng luha sa mga mata nito. Pero alam niyang luha iyon ng kasiyahan na pareho nilang nararamdaman nang mga sandaling iyon.
"Huwag kang mag-alala, Miss Heidi," sabi ni Deneel. "Sisiguraduhin namin na magagawa niya nang maayos ang mga dapat niyang gawin sa limang taong palugit na ibinigay niya sa sarili."
Tumango na lang si Heidi bilang pasasalamat sa mga kaibigan niyang handang sumuporta sa kanilang dalawa ni Yrian. Kung tutuusin, kulang pa ang pasasalamat na iyon sa lahat ng ginawa ng mga ito para sa kanila.
"Tapos na kayo? Puwede na siguro tayong umalis, 'no?"
Napailing siya sa birong iyon ni Raiden. Hinarap niya si Yrian pagkatapos. "Pagtiisan mo na lang muna ang pagiging bitter niyan. Palibhasa, hirap maghanap ng magiging girlfriend."
Natawa silang lahat, lalo na nang makita nilang nakasimangot si Raiden.
-WAKAS-
No comments:
Post a Comment