Saturday, December 17, 2016

To The Irreplacable One I Love 8 - A Promise To The One I Love

"PAMBIHIRA rin pala ang koneksyon ng pamilya mo, Heidi," naiiling na komento ni Yrian nang makapasok na sila sa mansyon na pag-aari ng isa sa mga kasamahan niya sa Eight Thorned Blades na si Zandrix Valencia.

Ito ang may-ari at kasalukuyang namamahala sa Hacienda Valencia, ang hacienda na ipinamana rito ng Lola nito. Ito ang isa sa pinakiusapan ni Louie na magbantay sa kanya habang naroon siya sa Cebu para gawin ang misyon niya.

Natawa na lang siya at nilapitan si Zandrix. "Salamat, Kuya Zandrix. Hindi ka na sana inistorbo ni Kuya Louie sa ganito. Alam ko namang busy ka sa pag-aasikaso ng mga bagay-bagay rito sa hacienda n'yo."

"Walang problema sa akin iyon, Miss Heidi. Na-miss ko rin namang ma-assign sa mga misyon. Alam mo na, medyo tahimik dito sa hacienda."

"Parang sinasabi mo namang gusto mong magkaroon na naman ng gulo na ikapapahamak nating lahat," biro ni Raiden nang makalapit ito sa kanila.

"Hindi sa ganoon. Undercover missions ang tinutukoy ko. Hindi naman na ako madalas utusan ng kahit na sino sa apat na branch pillars ng Monceda clan nitong mga nagdaang taon pagkatapos ng ambush."

Tumango-tango na lang silang dalawa ni Raiden. Naiintindihan niya ang tinutukoy ni Zandrix. Naging limitado ang kilos ng iba sa mga kasamahan niya mula nang may mapatay sa mga kasamahan nila nang gabing iyon.

"Siyanga pala..." sabi nito bago pasimpleng tiningnan si Yrian na nakikipagkuwentuhan kina Deneel, Cielo, at Tristan sa sofa. "Nabanggit na rin sa akin nina Louie at Sir Riel ang tungkol sa kanya. Baka dumating din ito ang iba ko pang kasama sa Linean Iris kapag natapos na sila sa mga pinapagawa sa kanila. Bigla ring bumilis ang kilos ng mga miyembro ng Death Clover pagkatapos ng pagtatakang pagpatay sa inyong dalawa noon. Kailangan naming siguruhin na ligtas kayo ni Yrian."

"Kung ganoon, alam mo na rin ang..."

Tumango si Zandrix. "Si Sir Riel na mismo ang nagsabi sa akin." Tumigil ito sa pagsasalita ng ilang sandali at nanlaki ang mga mata na para bang may naalala. "Teka lang. May ini-assign na ba si Sir Riel sa mga miyembro ng Monceda clan na maging shadow guardian ni Yrian kung sakaling magdesisyon na kayong sabihin sa kanya ang totoo?"

"Kaming dalawa ni Deneel ang nag-usap tungkol diyan," sagot ni Raiden. "Ako at si Deneel ang inutusan ng apat na branch pillars na maging shadow guardians ni Yrian. Oras na rin siguro para magawa naman na naming dalawa ng babaeng iyon ang dapat na trabaho namin sa anak ni Sir Alejandro."

Bumuntong-hininga si Heidi at pasimpleng nilingon ang direksyon kung saan naroon si Yrian. Lihim niyang ikinagulat na makitang nakatingin pala ito sa kanya. Ang pagtikhim ni Zandrix ang pumutol sa ilang sandaling tinginan nila ng binata.

"B-bakit?" Ikinainis niya ang pagkautal niya nang harapin niya si Zandrix.

"Mukhang madadagdagan pa ang rason mo para tuluyang tapusin ang panggugulo ng Death Clover sa atin, Miss Heidi."

"Ha?" Ano'ng ibig nitong sabihin?

"Akala ko, hindi mo pa rin nahahalata, Kuya Zandrix," ani Raiden na lalong nagpalito sa kanya.

Kung anu-ano na naman ang pinagsasasabi ng mga kasama kong 'to. Pero hindi nagtagal ay tuluyan nang rumehistro sa isip niya ang ibig sabihin ni Zandrix sa sinabi nito. Ang isa pang rason niya para tuluyang tapusin ang panggugulo ng Death Clover sa Eight Thorned Blades...

Muli niyang tiningnan si Yrian na mukhang ayaw tantanan ng pang-aasar ni Tristan. Napangiti na lang siya ng malungkot. Sigurado na kamumuhian siya—pati na rin ang mga kasamahan niya—kapag nalaman na ni Yrian ang totoo sa pagkatao nito na patuloy pa rin nilang itinatago rito hanggang ngayon. Hindi niya alam kung makakaya nga ba niyang makita at maramdaman ang galit nito sa kanila kapag nangyari iyon.

Ang huling bagay na gusto niyang mangyari ay maramdaman ang galit ng taong mahal niya. Pero mukhang hindi na niya maiiwasan iyon.

= = = = = =

ALAM ni Yrian na may mali sa ikinikilos ni Heidi. Sigurado siya sa bagay na iyon. Napansin niya iyon mula nang maganap ang tangkang pagpatay sa kanila ni Elliot malapit sa Skyfield University. Hindi na rin normal ang ikinikilos ni Heidi mula nang araw na iyon. Napapadalas ang pagtingin nito sa tinapos na painting at hindi na ito nakakatulog nang maayos.

Kung hindi pa niya narinig nang palihim sa mga katulong na naghahanda si Heidi sa pag-alis nito papunta sa Cebu kung saan naroon ang lugar na nasa painting ng dalaga, hindi pa niya malalaman na binabalak pa talaga nitong umalis na hindi siya kasama. Hindi siya makakapayag na mag-isa lang itong pumunta sa lugar na iyon. Lalo pa't hindi pa nahahanap ng mga kasamahan nito ang taong nagtangka sa kanilang dalawa noon.

Hindi lang niya maamin pero nasasaktan siya sa ginagawa nitong pagtataboy sa kanya. Kahit ipinagtapat na niya rito ang nararamdaman niya, hindi pa rin nakatulong iyon para mapalapit siya sa dalaga. Gayunpaman, ginagawa pa rin niya ang lahat para maiparamdam dito na totoo ang lahat ng sinabi niya.

Walang dudang mahal niya si Heidi. Nakakatawa man pero iyon ang totoo. Hindi na niya magagawa pang itago iyon.

Wala siyang ideya kung ano ba ang bumabagabag kay Heidi na nararamdaman pa rin niya hanggang sa mga sandaling iyon. Mukha naman kasing wala itong planong magsalita tungkol sa bagay na iyon. Pero wala siyang planong iwan ito kahit na anong mangyari. Mananatili siya sa tabi ng dalaga kahit alam niya na delikado iyon. Hindi madali ang buhay na meron ang mga miyembro ng Eight Thorned Blades. Patunay na roon ang nangyayari kina Heidi, Louie, at Deneel. Isama niya pa sina Raiden, Cielo, at Tristan.

Kasalukuyang nasa veranda ng guest room na ipinagamit ni Zandrix si Yrian at nakatingin sa langit. Hindi pa siya makatulog dahil hindi maalis sa isip niya ang lungkot sa mukha ni Heidi nang tingnan niya ito kanina habang kausap sina Zandrix at Raiden. Hindi niya alam kung para saan iyon pero hindi maganda ang pakiramdam niya nang makita niya iyon.

Papasok na sana siya sa kuwarto nang sa wakas ay makaramdam na rin siya ng antok. Pero agad na nawala iyon nang may makita siyang naglalakad palayo sa mansyon. Kahit medyo malayo sa kinatatayuan niya, kitang-kita naman ni Yrian ang kabuuan ng taong iyon. Kumunot ang noo niya.

Saan pupunta si Heidi at bakit may dala itong backpack?

"Tatakasan na naman ako ng babaeng 'to," mahinang sabi niya sa sarili at nagmamadaling lumabas ng kuwarto.

Hindi na siya nag-abalang magpalit ng damit dahil hindi pa naman siya nakapagsuot ng pantulog. Nakasuot siya ng simpleng white T-shirt at gray na jogging pants. Isa pa, gabi naman kaya walang sisita sa kanya kung sakali mang may makakita ng suot niya.

Sana lang ay maabutan niya si Heidi bago pa ito tuluyang makalabas ng hacienda. Hindi na niya hahayaang takasan siya nito dahil lang delikado ang kung ano mang balak nitong gawin.

= = = = = =

"KUNG may plano kang sundan ako, hindi mo na kailangang magtago pa," pabuntong-hiningang sabi na lang ni Heidi nang maramdaman niyang may sumusunod sa kanya sa pag-alis sa hacienda.

Lumingon siya sa direksyon kung saan niya naramdaman ang pagsunod sa kanya ng kung sino man mula sa hacienda. Bahagyang nanlaki ang mga mata niya nang magpakita si Yrian mula sa likod ng puno kung saan ito nagtatago. Sa lahat ba naman ng taong makakakita sa kanya na lalabas ng hacienda, bakit si Yrian pa?

"Bakit gising ka pa?" Kinastigo niya ang sarili nang maisip na walang kuwenta pa yata ang naging tanong niya rito.

"At ikaw, saan mo planong magpunta ng dis-oras ng gabi? Tatakas ka na naman?" ganting mga tanong nito.

Kung makapagsalita naman ang lalaking ito, parang ang laki ng kasalanan niya dahil sa ginagawang pag-alis ng hindi nagpapaalam dito. Napakamot siya ng ulo at huminga ng malalim. "Alam ko namang hindi mo ako papayagang umalis, eh. Kaya mabuti pang umalis na ako na hindi mo nalalaman."

"Wala akong karapatang pigilan ka sa pag-alis mo. Pero sinabi ko naman sa 'yo na sasama ako, 'di ba? Hindi kita hahayaang magpunta sa isang lugar na mag-isa."

Bago pa man siya makatugon ay nakita niya ang paglapit nito. Malalaki ang mga hakbang nito at agad siyang hinila nang tuluyan na itong makalapit sa kanya. Naumid siya nang tuluyan na siya nitong yakapin nang mahigpit at halikan nito nang masuyo sa kanyang noo.

Yrian's lips lingered on that part of her head much longer than she thought. But at the moment, she could care less. She had no idea what the hell was wrong with her. But she found herself actually crying at the gesture. Nalaman na lang niya iyon nang maramdaman niyang may naglandas na kung anong basa sa pisngi niya.

Para saan ang luhang iyon?

Hindi siya kaagad nakakilos dahil doon. Ano na naman ang nangyayari sa lalaking ito at kung makayakap sa kanya ay parang ayaw na siyang pakawalan?

"Yrian..." Sinikap niyang kumawala rito pero lalo lang nitong hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya.

"Pakakawalan lang kita kapag hinayaan mo akong sumama sa 'yo," mahinang sabi nito sa tapat ng tainga niya.

Lalong lumakas ang tibok ng puso niya dahil sa ginawa nitong iyon. Bakit ba ito ginagawa ni Yrian? Wala naman itong mapapala kung sasama ito sa kanya. Pero mukhang seryoso naman ito sa sinasabi nito. Heto nga't ramdam na niya iyon sa higpit ng yakap nito sa kanya.

"Kahit alam mong puwede kang masaktan at mapahamak, gusto mo pa ring sumama sa akin?" pigil ang luhang tanong niya rito. Hindi siya sigurado kung ano ang mangyayari sa pagpunta niya sa dating mansyon. Pero gusto niyang tapusin na ang gulong ilang taon na ring nagpapahirap sa kanila.

"Hinding-hindi kita iiwan kahit na anong mangyari."

No comments:

Post a Comment