Saturday, December 10, 2016

To The Irreplacable One I Love 7 - The True Meaning Of Her Dream

"HANGGANG kailan ninyo planong itago sa akin ang totoo?" nakapamaywang na bungad ni Heidi kina Raiden at Tristan nang maabutan niya ang dalawang iyon sa sala ng mansyon nang umagang iyon.

Hindi na siya nagulat na makita ang mga ito roon dahil weekend naman at wala silang pasok. Wala naman siyang pinatrabaho kay Tristan kaya halos beinte-kuwatro oras ay nakabantay ito sa kanya roon. Ilang araw na ang nakalipas mula nang huli nilang makita si Elliot at wala namang sumunod na mga pangyayaring posibleng maglagay na naman sa kanila sa kapahamakan.

Todo rin ang ginawang pagbabantay ni Deneel kay Yrian pagkatapos niyon. Ayon na rin sa branch pillar ng fourth branch ng Monceda clan kung saan kabilang ang kaibigan niyang iyon, oras na para gampanan na nito ang tungkulin nito bilang isa sa dalawang shadow guardian ni Yrian. Nagulat siya nang malamang dalawa pala ang inaatasang maging shadow guardian ng mga nagiging leader ng Monceda clan.

Hindi niya alam ang tungkol doon. Kunsabagay, wala naman kasing sinasabi sa kanya si Tito Alejandro. Isa pa, hindi rin naman siya nagtanong dito ng tungkol sa bagay na iyon.

Sa nakikita ni Heidi na kaseryosohan sa mga mukha nina Raiden at Tristan, batid niyang alam na ng mga ito ang tinutukoy niya. Ilang sandaling namayani ang katahimikan sa kanilang tatlo bago bumuntong-hininga si Raiden.

"Hindi pa naman kami sigurado na si Yrian nga ang anak ni Sir Alejandro nang itanong ko sa kanya kung kilala niya si Rio Telleria. First and foremost, hindi namin alam ang pangalan ng anak ni Sir Alejandro. Ang pangalan lang ng asawa niya ang sigurado kami," paliwanag ni Raiden.

Bumahid ang pagtataka sa mukha ni Heidi. "Paanong hindi n'yo alam ang pangalan ng anak ni Tito Alejandro?"

"Hindi dito sa Pilipinas ipinanganak si Yrian, Miss Heidi," sagot ni Tristan. "Ipinanganak siya sa Kyoto, Japan sa kagustuhan na rin ni Sir Alejandro na itago ang existence ng anak niya kahit sa ibang miyembro ng Silhouette Rose."

"Pero bakit niya ginawa iyon? Bakit kailangan pa niyang itago si Yrian sa Monceda clan, ha, Raiden?"

Iling lang ang naging tugon ng kaibigan niya sa tanong niyang iyon.

"Imposibleng hindi n'yo alam ang dahilan. Merong dahilan si Tito Alejandro tungkol sa bagay na iyan. Sigurado ako roon."

"Kahit gaano ka kasigurado, kung si Sir Alejandro na mismo ang naglihim ng dahilan na iyon sa lahat, wala na tayong magagawa para malaman pa ang totoo," saad ni Raiden. "Isa lang ang tiyak ko ngayon. Hindi na ligtas ang buhay ni Yrian kapag nagpatuloy pa siya sa pananatili rito sa mansyon. Mangyayari ang posibleng isa sa kinatatakutan ng dating leader na dahilan para ilayo ni Ms. Rio ang anak nila sa lahat ng may kinalaman sa Eight Thorned Blades kapag hindi pa siya lumayo."

Walang naging tugon si Heidi roon. Kung ganoon ay hindi lang si Tito Alejandro ang may ganoong klaseng takot na namumuo sa puso nito. Maging siya na hindi pa rin sigurado sa tunay na nararamdaman para kay Yrian ay may takot na ring pilit na nilalabanan mula nang mag-umpisang mag-iba ang trato niya sa binata.

"Walang mangyayari kung patuloy lang siyang lalayo. Hindi na iyon ang nais mangyari ng tadhana para sa kanya."

Agad na naputol ang pag-iisip niya nang marinig iyon. Sa paglingon niya, sorpresa at pagtataka ang naramdaman niya nang makita ang paglapit ni Riel nang iwan ito ng maid na sumalubong dito.

"Kuya Riel... Ano'ng ibig mong sabihin?" Nagawa na lang niyang itanong sa kawalan ng matinong sasabihin.

"Iilan lang ang nakakaalam ng dahilan kung bakit kailangan pang itago ni Ms. Rio si Yrian sa utos na rin ni Sir Alejandro. Pero isa na sa mga dahilan niyang iyon ang Death Clover."

Gulat na napatingin silang tatlo kay Riel na kaswal na umupo sa sofa. Ilang sandali pa ay nagpatuloy ito sa pagsasalita.

"Noon pa man, ang totoong target ng Death Clover ay ang Monceda clan. Nadamay na lang sa galit nila ang iba pang mga angkan sa Eight Thorned Blades dahil na rin sa tulong na ibinibigay ng mga ito sa dalawang subgroup niyon."

"Ang Silhouette Rose at ang Linean Iris..." usal ni Heidi na ang tinutukoy ay ang dalawang subgroup ng Eight Thorned Blades na isang angkan lang ang may hawak—ang Monceda clan.

Tumango-tango si Riel. "Ang dating leader ng Death Clover ang nagbigay ng ideya sa mga miyembro niyon na idamay ang iba pang angkan. Lahat ay tungkol sa paghihiganti niya sa Monceda clan na sinisisi niyang sumira sa buhay niya."

"Dating leader ng Death Clover... Kaano-ano siya ni Linker na kasalukuyang leader naman ng grupong iyon?"

"Si Victor Stolla na dating leader ng grupo ang nakatatandang kapatid ni Leon Stolla, ang kasalukuyang leader at mas kilala nating lahat ngayon sa codename niyang Linker."

"Victor Stolla... 'Di ba 'yon ang dating business partner ni Tito Alejandro?"

"He wasn't just Sir Alejandro's business partner, Miss Heidi. He was also his former best friend," saad ni Riel sa seryosong tono. "Pero dahil sa inggit sa tinatamasang tagumpay mula pa noon ni Sir Alejandro at pati na rin sa poot dahil sa pagpapakulong niya kay Victor nang makapatay ang huli, tuluyan na silang nagkagalit. Ilang taon din ang lumipas na tahimik ang lahat sa buhay ni Sir Alejandro kahit papaano. Hanggang sa makatakas sa kulungan si Victor at umpisahan niyang buuin ang Death Clover na iisa lang ang layunin."

"Gantihan si Tito Alejandro sa lahat ng kasalanan niya rito... Kaya pati ang Monceda clan, nadamay na sa desisyon niyang iyon. Iyon ba ang isang dahilan kung bakit naisipan ni Tito Alejandro na sabihan ang asawa niya na tumakas kasama ng anak nila? Kung bakit hindi nakilala ni Yrian ang tatay niya?"

"Iyon nga. Pero hindi pa rin tumigil si Sir Alejandro na suportahan ang anak niya kahit hindi alam iyon ni Yrian. Maimpluwensiya naman ang pamilya Telleria pagdating sa pulitika. Dating congressman ang Lolo ni Yrian bago niya naisipang tulungan na lang ang anak niyang si Ms. Rio sa publishing business na itinayo nito at malakas din ang koneksyon niya sa mga awtoridad. Sa tulong niyon, pati na rin ang suporta ng apat na branch pillars ng Monceda clan, nagawang makapagtago nina Ms. Rio at Yrian mula sa mga mata ng Death Clover," salaysay ni Riel.

Walang makapagsalita sa kanilang lahat pagkatapos ng lahat ng mga narinig nila mula sa branch pillar ng third branch ng Monceda clan. Napaisip na lang si Heidi nang ibaling niya ang tingin sa mga rosas na nasa vase sa center table. Hindi na siya makapag-isip ng matino. Idagdag pa na lalo siyang naguguluhan dahil sa sinabi ni Yrian sa kanya noong nahulog siya sa swimming pool. Inis na bumuntong-hininga na lang siya dahil hindi niya magawang makapag-focus nang maayos.

"Okay ka lang, Miss Heidi?" may pag-aalalang tanong ni Riel.

Tumango na lang siya kahit alam niyang hindi naman ito maniniwala. Kapagkuwan ay may naisip siyang itanong dito. " Kuya Riel, may isa bang artifact ang Monceda clan na exclusive lang para sa leader niyon? A sword or a crest that serves as their symbol or something like that..."

"Bakit mo naman naitanong?"

Pambihira... Kailangan ba talagang tanong din ang isagot nito sa kanya? "Gusto ko lang malaman. Ngayon ko lang naisip na marami pa pala akong hindi alam sa angkan n'yo. Baka may naibigay si Tito Alejandro kay Yrian na mag-a-identify sa kanya bilang tagapagmana ng dating leader ng Monceda clan."

Ilang sandali siyang tiningnan ni Riel na para bang tinatantiya pa nito ang mga sinabi niya. 'Di nagtagal ay nagsalita ito. "May isang espada na ilang henerasyon nang ipinapasa sa mga nagiging leader ng Monceda clan. Though we call it the Full Moon Sword, the design of it isn't exactly a full moon, but two crescent moons colliding. Ginawa iyon ng founder at kauna-unahang leader ng Monceda clan na si Vladimir Monceda. Iyon na ang nagsilbing simbolo ng bawat leader ng angkan."

Two colliding crescent moons... Teka nga lang! "Kuya Riel, 'yong dalawang crescent moon na iyon... Iyon ang nagsilbing hilt ng espada, 'di ba?"

Kumunot ang noo ni Riel sa kabila ng napansin niyang pagkagulat nito. "Ang akala ko ba, wala kang masyadong alam tungkol doon? Paano mo nalaman ang tungkol sa disenyo ng hilt ng Full Moon Sword?"

Pakiramdam ni Heidi ay nanghina siya sa narinig. Ang ibig bang sabihin niyon, ang tunay na pagkatao ni Yrian ang magbibigay-daan sa kanya para malaman ang totoong kahulugan ng ipininta niya?

"A man on the verge of death, while clutching his arrow wound and holding a sword with two crescent moons as its hilt... Imposibleng siya ang tinutukoy roon," pabulong niyang tanggi sa sarili sa kabila ng nararamdamang panghihina.

"Miss Heidi... Natapos mo na ang ipinipinta mo, 'di ba?" sa halip ay tanong ni Riel na tinanguan na lang niya.

Hindi na siya nagulat na alam nitong may ipininta siya nito lang. Nagtaka lang siya nang itanong nito iyon. "Ilang buwan ko nang tapos iyon. Pero sina Kuya Louie at Yrian pa lang ang nakakakita niyon. Baka nga pati si Ate Mari, nakita na rin iyon. Bakit?"

"Sa narinig kong ibinulong mo, may palagay akong kailangan na naming pag-igtingin ang pagbabantay kay Yrian. Dahil kung desidido pa rin si Linker na ituloy ang plano ni Victor na pabagsakin ang Monceda clan at pati na ang iba pang sumusuporta rito, hindi malabong mapahamak si Yrian. Hindi na ako magtataka kung alam na rin nila kung sino nga ba talaga siya sa Monceda clan."

=======

HINDI pa rin umaalis si Heidi sa painting room mula nang magtungo siya roon matapos ng naging pag-uusap nila nina Raiden, Tristan, at Riel sa sala. Hindi rin niya inaalis ang tingin sa painting na ngayon ay alam na niya ang totoong kahulugan. Pero hindi naman niya inakala na si Yrian ang posibleng pinatutungkulan niyon. Dahil sa naging pag-uusap nilang apat sa sala, noon na rin niya naisip na si Yrian nga ang pinatutungkulan sa panaginip niya na pinagkuhanan ng eksenang ipininta niya.

Ang mga boses na narinig niya sa kanyang panaginip... Marahil ay tungkol iyon sa naging huling pag-uusap nina Alejandro at Rio bago itakas si Yrian palayo sa mga Monceda, malayo sa mata ng mga taong nagtatangka sa buhay ng dating leader ng angkang iyon.

Isinubsob na lang ni Heidi ang mukha niya sa dalawang kamay at pinilit ang sarili na huwag umiyak kahit sobrang frustrated na siya. Hindi na niya alam ang gagawin. Hindi dapat ganoon ang akto niya bilang isang clan leader pero hindi niya mapigilan. Naguguluhan na siya.

Napasinghap siya at kagyat na inalis ang mga kamay sa mukha niya nang maramdaman ang masuyong pagyakap sa kanya mula sa likuran. Hindi na niya kailangang lumingon para malaman kung sino ang gumawa niyon.

"Yrian..." usal na lang niya sa kawalan ng sasabihin. Dapat niyang sisihin ang bilis ng pagtibok ng puso niya dahil sa aksyon nitong iyon. Nagdulot din ng kakaibang kilabot sa kanya ang hininga nitong tumatama sa tainga niya, maging sa gilid ng kanyang mukha. "Kailangan mo ba talagang gawin ang ganito palagi sa tuwing mapapag-isa ako?"

"Kung iyon lang ba ang paraan para magawa kong paalisin sa isip mo ang lahat ng alalahanin mo, kahit araw-arawin ko pang gawin ito sa 'yo."

Kahit hindi niya nakikita ang mukha nito, batid niyang nangingiti si Yrian sa sinabi nitong iyon. Huminga na lang siya ng malalim makalipas ang ilang sandali. Hindi na siya nag-iisip nang hawakan niya ang braso nitong nakapalibot sa kanya nang mga sandaling iyon. Kailangan niya ang suporta nito kahit sigurado naman na wala itong alam kung bakit nagkakaganoon siya.

"May nangyari ba na hindi ko alam? May kinalaman ba ito sa mga sinabi ko sa 'yo sa swimming pool?" tanong ni Yrian habang humihigpit ang pagkakayakap nito sa kanya.

Bagaman natigilan siya, sinikap niyang huwag ipahalata iyon dito kahit paniguradong malabong mangyari iyon. Nitong mga nakaraang linggo, napapansin niyang unti-unting tumatalas ang pakiramdam ni Yrian sa paligid nito. Pati na rin sa kanya.

"Alam kong nasorpresa kita nang husto nang sabihin kong mahal kita," pagpapatuloy ni Yrian bago pa man siya makapagsalita. "Pero hindi ako nagbibiro kung iyon ang iniisip mo, Heidi. Hindi ako kailanman nagbibiro pagdating sa nararamdaman ko. Kayang patunayan iyon ni Louie para sa akin kung nagdududa ka."

Lalo siyang walang maisip sabihin bilang tugon. Ano ba ang dapat niyang sabihin kay Yrian pagkatapos ng lahat ng mga sinabi nito?

"Hindi naman kita pinipilit sagutin iyon, Heidi. Hindi ako nagmamadali. Ano man ang magiging sagot mo, hihintayin ko kung kailan mo gustong sabihin iyon. Sinabi ko naman sa 'yo noon, 'di ba? Sanay na akong maghintay kahit gaano pa katagal. Ganoon din ang gagawin ko sa paghihintay sa magiging sagot mo. Basta hayaan mo lang akong manatili sa tabi mo kahit na ano'ng mangyari. Poprotektahan kita at aalagaan."

Tuluyan nang tumulo ang kanina pa pinipigilang luha ni Heidi. Wala na siyang pakialam kung makita pa iyon ni Yrian. Hindi na niya kayang itago lahat. Siya lang ang mahihirapan. Pero hindi nangangahulugan na magagawa na niyang ipagtapat dito ang napag-usapan nila nina Raiden, Tristan, at Riel.

"Magkuwento ka naman," sa halip ay saad niya makalipas ang ilang sandaling katahimikan na nakapalibot sa kanila.

"Ha? Ano naman ang ikukuwento ko sa 'yo?"

"Wala kang nababanggit sa akin tungkol sa pamilya mo. Samantalang alam mo na yata ang halos lahat ng tungkol sa pamilya ko, lalo na ang kaugnayan ng Terradenio clan sa Eight Thorned Blades."

"Hindi ko pa ba ikinukuwento sa 'yo ang tungkol doon?"

Umiling siya dahil iyon naman ang totoo. May mga nababanggit ito tungkol sa Lolo nito at sa ina nitong si Rio Telleria—na ngayon ay alam na niyang asawa ni Alejandro Monceda. Pero hanggang doon lang iyon. Gusto niyang malaman ang anumang nalalaman nito tungkol sa tatay nito. Kahit hindi siya sigurado kung may maikukuwento nga ito sa kanya tungkol sa bagay na iyon.

"Hindi ko nakilala ang tatay ko kahit alam kong sinusuportahan niya ang mga pangangailangan naming mag-ina hanggang sa tumigil iyon isang araw dalawang taon na ang nakakaraan," umpisa ni Yrian bago ito bumuntong-hininga at iniikot siya paharap dito. Hindi siya pinapakawalan nito sa kabila ng distansyang inilagay nito sa pagitan nila.

"Kahit ang pangalan man lang niya, hindi mo alam?" nananantiyang tanong niya rito.

Umiling ito at ngumiti ng malungkot. "Pero alam mo kung ano ang weird? Hindi ko man lang magawang magalit sa kanya kahit hindi siya nagpapakita sa amin ni Mama. Ni isang sulat, wala akong natatanggap mula sa kanya para man lang sabihin sa akin kung bakit ganoon ang ginawa niya. Kung bakit siya nagtatago sa akin, sa amin ng nanay ko."

"Bakit hindi mo alam ang pangalan ng tatay mo?"

"Hindi sinabi sa akin ni Mama kahit ilang beses ko siyang tanungin tungkol doon. Ganoon din si Lolo. Basta ang lagi lang nilang ipinapaalala sa akin, hindi ko man daw malaman ang totoo tungkol sa tatay ko, hindi ko man malaman ang totoong dahilan kung bakit lumayo siya sa amin ni Mama, tandaan ko lang na kahit kailan ay hindi nawawala ang pagmamahal ng tatay ko sa akin."

Nanatili lang nakatingin si Heidi kay Yrian na kababakasan ng lungkot ang mukha. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin para mapawi ang lungkot na iyon. Namalayan na lang niya ang sariling kamay na hinawakan ang mukha ni Yrian, dahilan upang mapapitlag ito at mapokus ang tingin sa kanya.

"Heidi..."

"Sorry... Napaka-inconsiderate ko rin kung minsan. Pagpasensiyahan mo na lang sana ako. Hindi ko na sana itinanong ang tungkol doon kung ganitong makikita ko namang malungkot ka."

Umiling ito at hinalikan siya sa noo bago pa man siya makapag-react. "Wala kang dapat ihingi ng sorry. Tama ka. Wala nga akong nasasabi sa 'yo tungkol sa tatay kong hindi ko kailanman nakilala. Naisip ko na ang unfair ko naman kung hahayaan kong ganoon na lang. Samantalang marami-rami na rin akong nalalaman tungkol sa 'yo."

Hindi na niya napigilan ang sarili at tuluyang sinarado ang distansyang meron sila para yakapin ito. Bahala na kung ano ang iisipin nito sa mga pinaggagawa niyang iyon. Basta gusto lang niyang iparating dito ang pagnanais niyang pawiin ang lungkot na nararamdaman nito. Kahit na sa totoo lang ay hindi naman mapapawi niyon ang guilt na ngayon ay nararamdaman niya dahil sa mga nalaman niya mula sa kanyang mga kasamahan sa Eight Thorned Blades.

Hanggang kailan ba nila planong itago ang totoo kay Yrian? Kapag tuluyan na itong napahamak? Huwag naman sana. Hindi niya kakayaning tanggapin kapag napahamak ang binata dahil sa kanya o anumang may kinalaman sa grupong kinabibilangan niya.

"I'm sorry, Yrian..." bulong niya rito sabay higpit sa yakap na iginawad niya rito. "I'm really sorry..."

======

"GALIT ka ba sa amin, Heidi, sa pagtatago namin ng totoo sa 'yo?"

Walang naging tugon si Heidi kahit nang marinig niya ang tanong na iyon ni Louie isang umaga pagkagising niya. Nagulat siya nang makita ito sa kusina at hindi si Yrian na inaasahan niya. Bihira lang naman kasing mangyari na maabutan niya ito roon dahil maaga nga itong pumapasok sa opisina.

Huminga na lang siya ng malalim nang maupo siya sa stool na madalas niyang upuan. Inilapag ni Louie sa harap niya ang isang baso ng hot chocolate. Napatingin na lang siya sa kapatid.

"Wala ka bang pasok ngayon, Kuya?" sa halip ay ganting-tanong niya.

"Um-absent muna ako ngayon. Sinabihan ko na ang sekretarya ko na huwag akong guguluhin kung hindi rin lang importante ang isyu." Agad na naupo sa pumuwesto sa harap niya si Louie at tiningnan siya. "Kailangan ko pa bang magmakaawa sa 'yo para patawarin mo kami sa paglilihim sa 'yo ng tungkol kay Yrian?"

Ilang sandaling tiningnan ni Heidi si Louie. Nakikita niya sa mga mata nito na seryoso ito sa gagawin nitong pagmamakaawa kung sakali ngang hindi niya kaagad patawarin ito. Napakamot na lang siya ng gilid ng ulo niya at walang babalang pinitik ang noo ni Louie.

"Ang OA mo naman kung gagawin mo 'yon, 'no? Isa pa, hindi ka sanay magmakaawa."

Hinimas-himas ni Louie ang bahagi ng noo nitong pinitik niya. "Marami akong kayang gawin sa mga taong mahahalaga sa akin, Heidi. Alam mo 'yan. Lalo na sa 'yo."

"Hindi ako galit," saad niya kapagkuwan bilang sagot sa pambungad na tanong nito sa kanya. "Ipinaliwanag naman na sa akin ni Tristan ang dahilan kung bakit ginawa n'yo iyon. Ang hindi ko lang maintindihan, bakit hindi n'yo pa sinasabi ang totoo kay Yrian hanggang ngayon? Siya ang mas may karapatang makaalam ng totoo tungkol kay Tito Alejandro at sa magiging tungkulin niya sa Monceda clan kung sakaling tanggapin niya ang posisyon ng pagiging leader ng angkan na iyon."

"Kailangan muna naming siguruhin ang kaligtasan ni Yrian. Kaya dapat na mahanap na namin si Linker at ang iba pang miyembro ng Death Clover para mangyari iyon. At alam ko rin na gusto mo silang gantihan sa ginawa nila kina Mama't Papa noon. Pati na rin kay Tito Alejandro."

Hindi naman niya planong itanggi ang tungkol sa plano niyang paghihiganti. Pero hindi niya maintindihan kung bakit parang nawawala na ang orihinal na motivation niya para gawin iyon. Bakit parang lumilihis na yata siya?

"Kuya, kayo pa lang naman nina Ate Mari at Yrian ang nakakaalam ng tungkol sa painting ko, 'di ba? I mean the full output."

Tumango si Louie. "Lagi namang ganoon ang nangyayari, eh. At alam kong wala ka talagang planong ipaalam sa iba ang tungkol sa mga painting mo hanggang hindi mo nalalaman ang totoong kahulugan n'yon sa Eight Thorned Blades."

Saglit na nag-isip si Heidi. Kailangan niyang pag-isipan ng maayos ang anumang magiging desisyon niya kung gusto talaga niyang matapos ang lahat ng gulong posible nang kasangkutan ni Yrian dahil sa koneksyon nito sa kanya at sa Monceda clan. Lalo na ngayong unti-unti na siyang nakakasiguro sa damdaming meron siya para sa binata.

Tiningnan niya ang kapatid na matamang nakatingin sa kanya at mukhang inaabangan ang anumang sasabihin niya. Gusto niyang matawa sa pagiging attentive ni Louie pagdating sa kanya.

"Siguro kailangan na nilang makita ang kabuuan ng painting. Sigurado na ako na si Yrian ang tinutukoy sa painting kong iyon. It was a warning... of his possible death if we don't do anything," deklara niya kay Louie.

Hindi nakaligtas sa kanya ang bahagyang pagkagulat sa mukha nito. Mukhang ganoon din ang hinala nito sa kahulugan ng painting niya nang makita nito iyon noon.

"Si Yrian... Paano ka nakakasiguro na siya nga ang tinutukoy sa painting?"

"Sinabi sa akin ni Kuya Riel ang tungkol sa isang espadang ipinapasa sa mga nagiging leader ng Monceda clan bilang simbolo nila at pruweba na sila ang lehitimong pinuno ng angkan. The design of that particular sword they called 'Full Moon Sword' was the same as the one I painted."

Muli na namang bumakas sa mukha ni Louie ang pagkagulat. May palagay siyang dahil iyon sa huling sinabi niya. Huminga muna siya ng malalim bago nagpatuloy sa pagsasalita.

"Imposibleng si Kuya Riel ang tinutukoy sa painting dahil pansamantala lang siyang itinalaga na maging leader ng Monceda clan. At siya na rin ang nasabi na tanging ang legitimate successor lang ang puwedeng gumamit sa espadang iyon bilang simbolo nila. Wala nang ibang tagapagmana si Tito Alejandro at may karapatang pumalit sa posisyong iniwan niya maliban kay Yrian."

"Ano na ang plano mo ngayon bukod sa kailangan nang malaman ng iba ang tungkol sa painting?"

"Gagawin ko ang isa sa suggestions ni Yrian sa akin. Pupuntahan ko na ang lugar na nasa painting—ang lugar kung saan pinatay sina Mama't Papa, pati na rin si Tito Alejandro."

=====

"WALA ka bang planong isama ako sa pupuntahan mo?"

Agad na napalingon si Heidi sa pinagmulan ng boses nang marinig niya iyon. Napakamot na lang siya ng ulo nang makita niya ang paglapit ni Yrian sa kanya. Naroon na siya sa gate ng mansyon at paalis na sana dahil iyon ang araw na pupunta siya sa isang bayan sa Cebu kung saan dating nakatayo ang mansyon ng mga Terradenio. Iyon din ang lugar kung saan nangyari ang ambush at naging dahilan ng kamatayan ng kanyang mga magulang at iba pang mga kasamahan niya sa Eight Thorned Blades.

May dalawang araw na rin mula nang sabihin niya kay Louie ang plano niyang pagpunta doon. Kinailangan muna niyang hingin ang permiso nina Mari at Davi bago siya naghanda para sa pag-alis na iyon. Mabuti na lang at pinayagan siya ng mga ito. Hindi na niya sinabi kay Yrian ang plano niyang iyon dahil hindi siya sigurado kung ano ang sasalubong sa kanya sa lugar na iyon. Sigurado na may susugod sa kanya roon at tangkain siyang patayin.

"Aalis ka na lang na hindi nagpapaalam sa akin?" patuloy na tanong ni Yrian na hindi nawawala ang kaseryosohan sa mukha nito.

Hindi siya tumugon at nag-iwas na lang ng tingin dito. Guilty naman siya sa bagay na iyon. Kung bakit ba naman kasi maaabutan pa siya nito kung kailan paalis na siya? Hindi ba ito pumasok sa trabaho nito sa YTM?

Ngayong naisip na niya ang pangalan ng kompanyang iyon, naisip na rin niya sa wakas kung ano ang posibleng ibig sabihin ng acronym niyon. Yrian Telleria Monceda... Nasa kahulugan ng acronym na iyon ang tunay na pagkakakilanlan ni Yrian.

"Ako ang nagsabi na huwag ipaalam sa 'yo ang pag-alis ni Heidi, Yrian. Kaya huwag ka nang magalit sa kanya," biglang sabi ni Louie, dahilan upang mapatingin siya sa kapatid.

Ginulo lang nito ang buhok niya. Bagaman nainis siya sa ginawa nitong iyon, nakuha naman niya ang ibig sabihin nito. Nanahimik na lang siya at hinayaan na lang itong magsalita at magdahilan kay Yrian.

"Pero bakit?" kunot-noong tanong ng binata.

"Kahit ikaw pa ang nag-suggest kay Heidi na magpunta sa Cebu, sa lugar na nakalagay sa painting niya, hindi naman nangangahulugan na hahayaan kitang mapahamak sa lugar na iyon."

"At ang kapatid mo, hahayaan mong mapahamak?"

"Hindi pa ako nasisiraan ng bait para gawin iyon. Isa pa, hindi naman siya pupunta roon nang mag-isa. Kasama niya sina Tristan at Alexa. May mga kasamahan rin kami na nakadestino at nakatira sa Cebu na puwede kong pakiusapan na bantayan si Heidi."

"Puwede naman siguro kaming sumama kay Heidi kung ipipilit ni Yrian ang sarili niya na sumama, 'di ba?"

Napatingin silang lahat sa pinagmulan ng tinig na iyon. Hindi niya inaasahang naroon pala sina Cielo, Raiden, at Deneel. Gaano katagal itong naroon?

"Ano'ng ginagawa n'yo rito?" naitanong na lang ni Heidi.

Nginitian muna siya ni Deneel bago hinarap si Louie. "Sinabihan kami ni Sir Riel na sumama kay Miss Heidi at maging bantay ni Yrian kung sakaling maisipan talagang ipilit ng kababata ko na samahan ang kapatid mo, Louie."

"Maiintindihan ko sina Raiden at Cielo kung inutusan sila ni Riel tungkol sa bagay na iyan. Pero ang leader ng branch n'yo, Deneel, pumayag ba na sumama ka?"

"Huwag mo nang alalahanin si Sir Nigel. Hindi siya tumanggi nang sabihin iyon ni Sir Riel."

Tumango-tango si Louie sa kabila ng paghilot na ginawa nito sa sentido nito. "Mapipigilan ko ba naman kayo kung ganitong pati ang ibang branch pillars ng Monceda clan, eh pumayag nang sumama kayo?" Hinarap nito si Yrian kapagkuwan. "Gusto mo pa rin bang sumama?"

"Nangako ako kay Heidi. Wala akong planong sirain iyon. Hinding-hindi ko siya pababayaan at hahayaang mapahamak. Sinabi mo na rin, ako ang nag-suggest kay Heidi na pumunta sa lugar na iyon. Nang sabihin ko iyon, ipinagpalagay ko na rin sa sarili ko na responsibilidad ko siya."

Hindi makapaniwalang tumingin si Heidi kay Yrian. Napansin niya na ilang sandaling nagkatitigan ang dalawang lalaki, tila tinatantiya pa ni Louie kung gaano kaseryoso si Yrian sa mga pinagsasasabi nito. Bumuntong-hininga na lang siya at napailing. Kahit sa posisyon niya, kitang-kita niya ang kaseryosohan sa mga mata ni Yrian na kapagkuwan ay saglit na tumingin sa kanya.

Heto na naman siya, nag-umpisa na namang bumilis ang tibok ng puso niya. Hindi lang dahil sa sinabi ni Yrian, kundi dahil na rin sa kaba. Malakas talaga ang pakiramdam niya na may malalim pang ibig sabihin ang mga salita ng binata.

"Para ka namang nagpo-propose niyan kay Heidi at hinihingi mo na ang permiso ni Kuya Louie na pakasalan ang kapatid niya, Yrian," sabi ni Raiden na pumutol sa bahagyang tensyon sa paligid.

Nanlaki ang mga mata niya at tiningnan si Raiden. Pero ang bruho niyang kaibigan, nakangiti lang. Sina Cielo at Deneel naman ay tatawa-tawa lang. Hanggang ngayon ba naman, naisipan pa rin ni Raiden na magbiro?

Umiling na lang si Louie at tinapik ang balikat ni Yrian. "Sige na nga. Pinapayagan na kita. Mahirap na. Mapagdiskitahan ka pa ng mga sira-ulong kaibigan ni Heidi ng mga pang-aasar nila." Hinarap nito si Raiden pagkatapos. "Malay mo naman, Raiden, mangyari ang sinasabi mo in the near future. Hintayin mo na lang."

Hindi ko akalaing baliw ka rin pala tulad ni Raiden, Kuya Louie... napapailing na saisip ni Heidi. Malabong mangyari ang sinasabi ng kapatid niya. Hindi niya alam kung bakit kahit pakiramdam niya ay sigurado siya sa bagay na iyon, nagdulot pa rin iyon ng 'di maipaliwanag na kirot sa kanyang puso.

No comments:

Post a Comment