Saturday, April 1, 2017

Guia's Lotus: Be With Me - Chapter 5

KAPAG ka-weird-uhang mga pangyayari ang pag-uusapan, ang isang masasabi ni Guia na kabilang doon ay ang madalas na pagpunta ni Lexus sa building ng College of Arts. Wala sigurong weird doon kung iisipin niya na si Mirui ang pinupuntahan nito roon dahil pareho sila ng dalaga ng kursong kinuha—Fine Arts. Pero naging weird lang ang mga pangyayari nang mapansin nila—hindi lang siya—na sa third floor ito tumatambay kada hapon at talagang hinihintay ang paglabas niya sa classroom para sabay raw silang umuwi nito. Nasa second floor naman ang classroom ni Mirui kung saan naroon ang ibang mga third year student.

May isang linggo na ring ganoon ang nakikita niyang sistema ni Lexus. Hindi talaga niya alam kung ano ang iisipin sa mga pinaggagagawa nito. Nang tanungin naman niya ito kung bakit nito ginagawa iyon, pamisteryoso lang ang ngiting iginagawad nito bilang tugon. Kulang na nga lang, umbagin niya ito, eh. Pero pinigilan niya ang sarili. Kung ano man ang dahilan ni Lexus kung bakit nito ginagawa iyon, hahayaan na lang niya na ito ang magsabi sa kanya. 

Kung kailan man nito gagawin iyon, hindi nga lang niya alam.

“Tahimik ka na naman,” untag ni Lexus sa kanya habang naglalakad sila paalis sa campus. 

Napatingin si Guia sa binata nang marinig iyon. Gaya ng nakagawian ay sinundo siya nito sa classroom at in-insist na sabay silang umuwi nito. Sa totoo lang, hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya makuhang tanggihan ito kapag ganoong insisting na ito na ihatid siya pauwi.

“Wala naman. Masama bang mag-isip-isip? Nakakapanibago ka kasi, eh. Hindi mo naman ginagawa itong ganito dati.”

“Bakit? Ayaw mo ba?”

Kunot-noong hinarap niya ito. “Ha? Ayaw na ano?”

“Ayaw mo bang kasama ako? Sabihin mo lang. Para alam ko ang gagawin ko.”

Ayaw nga ba niya? Hindi naman ganoon ang nararamdaman niya. Ang totoo niyan, masaya siya. Aaminin na niya, may dulot na kakaibang saya sa kanya ang presensya ni Lexus. Bagaman hindi ito masyadong nagsasalita kapag hindi siya ang nag-initiate ng conversation sa pagitan nila, hindi naman ibig sabihin niyon na wala itong pakialam sa paligid. Napansin niya na masyado itong mapili sa mga sasabihin nito. Binabantayan nito ang mga salitang lumalabas sa bibig nito maliban na lang kung hiningi talaga ng sitwasyon na magsalita ito nang mas marami sa normal.

“Ito naman. Parang sinabi ko lang na nakakapanibago ka, ayaw na agad. Pero… thank you talaga, ha? Sa lahat ng ginagawa mong ito. Hindi ko akalaing magagawa kong sabihin sa 'yo ang lahat ng ito. Sa totoo lang, ikaw ang huling taong nasa isip ko na pagsasabihan ko ng mga pinagdaanan ko noon. Kababata ko nga si Errol pero siya kasi ang tipo ng taong makikialam lang sa buhay ko kapag talagang alam niyang hindi ko na kaya.”

“Walang pakialam sa mundo si Errol kaya ganoon.” Bahagya itong natawa na ikinangiti naman niya sa kabila ng pagkagulat na naramdaman dahil doon. “But he cares for you all this time. Hindi lang talaga niya alam kung paano ka tutulungan dahil halos magkapareho kasi kayong dalawa ng sitwasyon.”

“I know. I’m just glad he’s still there for me. Sa kabila ng lahat ng mga ipinakita kong hindi maganda sa kanya noon.” Gaya na lang ng pasasalamat ko dahil nandito ka sa akin sa mga panahong ito, dagdag niya sa kanyang isipan.

But no way in hell would Guia reveal that thought to Lexus. Magkakamatayan muna bago mangyari ang bagay na iyon.

xxxxxx

“SHOULD I let myself believe that you just bring me out here in order to torture me? Nakakarami ka na talaga sa pagpapahirap sa akin, Mr. del Fierro,” nakapamaywang na umpisa ni Guia nang sa wakas ay tumigil na rin si Lexus sa pagkaladkad sa kanya sa kung saan.

Para lang makita na dinala siya ng binata sa mini-amphitheater sa likod ng Alexandrite University. Ano na naman kayang topak ang sumapi sa loko-lokong ito at doon pa talaga siya dinala nito? At talagang silang dalawa lang ni Lexus ang naroon. Ayaw man niyang maramdaman pero hindi talaga niya mapigilang kabahan sa isiping iyon.

“Grabe ka naman. Pagpapahirap agad? Huwag namang ganyan. Ang ganda ng intensyon ko na dalhin ka rito, eh.”

Tinaasan niya ito ng kilay bago bumuntong-hininga. “Seryosong usapan, Lexus. Bakit mo ako dinala rito?”

“We'll let you get used to a different stage first. Hindi kita puwedeng pilitin na bumalik sa pagsasayaw na sa auditorium agad ang stage na gagamitin mo. Magbi-breakdown ka kaagad bago ka pa man magsimula. Kaya naisip ko na gumamit ka muna ng ibang stage para mag-perform,” paliwanag ni Lexus.

Tumindi ang kabang naramdaman ni Guia nang mga sandaling iyon. “M-magpe-perform ako? Na ikaw lang ang manonood?”

“Mas okay na iyon, 'di ba? Dahan-dahanin muna natin.”

Hay, naku! Kung alam lang talaga ng lalaking ito na hindi okay sa kanya na ito lang ang manonood sa kanya. And she meant only Lexus. Wala itong kaide-ideya sa kabang idinudulot ng presensiya nito sa kanya.

Pero sa nakikita niya, desidido talaga ito na tulungan siya na bumalik sa pagsasayaw. Hindi niya maintindihan kung bakit ito ganoon sa kanya. Gayunpaman, ipinagpapasalamat pa rin niya na may isang taong gumagawa ng paraan—kahit masakit at mahirap—para magawa niyang muli ang isang bagay na mahal niya gaya nga ng sabi ni Lexus. Na mahalaga sa kanya.

“Paano naman ako magpe-perform sa harap mo kung wala akong dalang cassette player? Hindi ko rin dala ang iPod ko, kahit ang cellphone ko. Baka nalilimutan mo, kinaladkad mo lang ako mula sa clubhouse nang walang pasabi.”

“Sa tingin mo ba, kakaladkarin kita papunta rito na hindi ako handa?” Kapagkuwan ay ibinaba na nito ang dalang backpack sa damuhan at may kinalkal mula roon.

Ganoon na lang ang gulat ni Guia nang inilabas ni Lexus mula sa bag nito ang isang cassette-slash-CD player at isinaksak iyon sa isa sa mga available electric socket sa lugar. Naroon ang socket sa isang bahagi ng stage na may sliding cover bilang proteksyon na rin sa tubig at hamog.

“Parang madalas kang magpunta rito, ah,” hindi napigilang puna ni Guia.

Ngumiti ito nang tingnan siya saglit at muling itinuon ang atensyon sa pag-aayos ng saksakan ng cassette player sa socket. “Madalas kong maabutan si Theron dito noong first year pa lang siya. Dito niya gustong maglabas ng inis at sama ng loob na hindi niya masabi kay Rui sa pamamagitan ng pagtugtog ng gitara. Siya rin ang nagsabi sa akin ng tungkol sa mga pinagsasaksakan dito,” kuwento ni Lexus.

Tumango-tango na lang siya. Ilang sandali pa ay natapos na rin sa pag-aayos ng saksakan.

“Ano bang mga kanta ang ginagamit mo kapag sumasayaw ka? O mas dapat pala na itanong ko kung ano ang gusto mong patugtugin para sa performance mo ngayon,” ani Lexus.

Natigilan si Guia sa narinig. Gagawin na ba talaga niya ito? Nakagat niya ang ibabang labi kasabay ng kabang naramdaman niya. Pero nga naman talaga siya puwedeng manatiling patuloy na natatakot. Narito si Lexus, ginagawa ang lahat para tulungan siyang mapawi ang takot na nararamdaman niya. Nangako ito na mananatili ito sa tabi niya hanggang sa tuluyan nang mangyari iyon.

Huminga siya nang malalim at nilapitan si Lexus na nakatingin lang sa kanya, tila hinihintay ang sagot niya. “Patingin nga ng listahan mo ng mga kanta na meron diyan,” sabi niya na ang tinutukoy ay ang CD case na hawak ng binata.

Inabot ni Lexus ang CD case sa kanya at kinuha ni Guia iyon mula rito. May isa naman siyang nagustuhan sa mga iyon at sinabi niya iyon sa binata. Ilang sandali pa ay nakaupo na si Lexus sa damuhan at iniwan siya sa stage.

Kahit sobrang kabado dahil na rin sa gagawin, idagdag pa ang ngiti at nakikitang antisipasyon sa mukha ni Lexus, nakita pa rin ni Guia ang sarili na sumasayaw sa ibabaw ng stage na iyon. Kumikilos sa indayog ng napiling musika habang umuusal ng tahimik na pasasalamat sa lalaking tumutulong sa kanya hanggang sa mga sandaling iyon.

“I miss seeing you dance like that.”

Tila tumigil sa pagtibok ang puso niya sa narinig nang matapos na siya sa wakas. Nanlaki rin ang kanyang mga mata nang lapitan siya ni Lexus at yakapin nang mahigpit.

“Good job. You made it through the first phase,” bulong nito sa tapat ng tainga niya.

Kahit naluluha at nakaramdam ng kilabot, hindi pa rin niya napigilan ang mapangiti. Saka niya ginantihan ang yakap ni Lexus.

xxxxxx

ACCORDING to Lexus, Guia had passed through the first phase. Kung ano man ang ibig sabihin nito roon, hindi siya sigurado. Hindi naman pala ganoon kahirap tulad ng inaasahan niya ang pagsasayaw ulit sa stage. Pero gaya nga ng minsang sinabi ni Lexus, kailangan muna nilang dahan-dahanin ang proseso. Siguro kaya nakapag-perform siya sa stage ng mini-amphitheater ay dahil walang masyadong nanonood sa kanya maliban kay Lexus.

Kung nagkataon siguro na kaagad siyang pinasayaw nito sa auditorium kahit sabihin pang walang tao roon, walk-out agad ang drama niya. Natawa na lang siya sa naisip.

Pero agad na naglaho ang tuwang naramdaman nang maalalang hindi na naulit ang ganoong klaseng pagkakataon sa kanila ni Lexus. Medyo naging busy silang dalawa sa kani-kanyang club activities. Idagdag pa na midterms din ng Alexandrite University.

“Midterms nga, hindi naman ako makapag-review nang matino. So what’s the use?” mahinang reklamo ni Guia sa sarili at saka bumuntong-hininga. Ipinatong na lang niya ang ulo sa ibabaw ng mesa na kinapupuwestuhan niya.

Naroon siya sa library nang mga sandaling iyon. Pero kahit ang walang katao-taong library, hindi nakatulong sa kanya para mailayo ang isipan sa mga pangyayari sa mini-amphitheater. In fact, seeing the deserted area only made it worse for her. Kaya lang, hindi naman puwedeng manatili siyang ganoon na sira ang concentration at lumilipad ang isipan.

Kasalanan kasi ng yakap ng del Fierro na iyon, eh, paninisi niya sabay kamot sa likod ng kanyang ulo. Iyon talaga ang hindi maali-alis sa isipan niya kahit anong gawin niya.

Marahas na bumuntong-hininga si Guia. Kailan ba siya titigilan ng alaalang iyon? Casual embrace lang naman iyon, 'di ba? Kaya walang dahilan para pakaisipin pa niya iyon ng ilang oras. Nakaramdam nga lang siya ng lungkot dahil sa naisip at naiinis na siya sa sarili.

Sinamsam na lang niya ang mga gamit sa ibabaw ng mesa nang ma-realized na hindi na talaga siya makakapg-review nang maayos kahit na anong gawin niya. Isinara niya ang mga librong kinuha sa bookshelf at agad na nagtungo sa puwesto kung saan niya kinuha ang mga iyon para ibalik.

Akmang papaikot na siya para makaalis doon nang impit siyang mapasigaw sa gulat. Kung hindi lang kaagad tinakpan ni Lexus ang bibig niya at sumenyas na tumahimik siya, baka nakagawa pa siya ng eskandalo at ma-ban sa loob ng library. Nanlalaki ang mga matang nakatingin lang siya rito, hindi tumitigil sa pagtibok ng mabilis ang puso niya.

Paano ba naman kasi na hindi magre-react ng ganoon ang puso niya? Gadali na lang ang distansya ng mga mukha nila ni Lexus. Idagdag mo pa ang halos magkadikit na nilang katawan. Aba'y manhid lang ang hindi mag-iisip ng mali sa puwesto nilang iyon.

“Tatanggalin ko 'tong kamay  ko riyan sa bibig mo. Huwag ka nang sisigaw. Okay?” halos pabulong na utos ni Lexus na pumutol sa pag-iisip ni Guia.

Teka nga lang. Gaano katagal ba silang nagkatitigan ng lalaking ito bago sabihin iyon? Grabe rin kung makatingin ito sa kanya. Hindi talaga kakayanin ng puso niya. Ang intense!

Tumango siya habang pilit na pinapakalma ang mabilis na tibok ng kanyang puso. Hindi nagtagal ay ginawa na nito ang sinabi. Kagyat siyang umatras nang kaunti palayo sa binata at saka huminga ng malalim. Kapagkuwan ang hinarap niya ito.

“Papatayin mo ba talaga ako sa gulat, Lexus? Ano ba'ng ginagawa mo rito at ginulat mo pa talaga ako?” mahinang asik niya habang hinihimas-himas ang dibdib sa pagtatangkang pakalmahin ang sarili.

“Malay ko ba naman kasing magugulatin ka pala. Kakalabitin na nga sana kita kung hindi ka lang lumingon kaagad.”

At ang lokong 'to, siya pa talaga ang sinisi. May saltik yata ito, eh. Natigilan siya sa naisip. Si Lexus, may saltik sa utak? Para na rin niyang sinabi na end of the world na. “Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Manggugulat ka, 'tapos hindi mo sasabihin kung bakit.”

“Hinahanap lang kita. Baka kasi kung saan ka na naman nagtatago at posibleng umiiyak. Ilang araw din tayong hindi nagkita kaya medyo nag-alala din ako sa 'yo.”

Ilang sandaling napakurap-kurap si Guia sa hindi makatinging si Lexus. Nag-alala ito sa kanya? Bakit naman? Hindi na niya alam kung dapat ba niyang paniwalaan ang mga narinig mula rito. Baka nga epekto lang ito ng pagka-miss niya sa binata.

That last thought hit her hard. Na-miss niya si Lexus? Seryoso?

“Okay ka lang, Guia? Hindi ka na nakasagot diyan,” untag ni Lexus na agad na nagpabalik ng isip niya sa realidad.

Tumango na lang siya. “O-okay lang ako. M-medyo napaisip lang ako doon sa... huling sinabi mo.”

“Na alin? Na nag-alala ako sa 'yo?”

Hindi siya umimik at nagyuko na lang ng ulo. Grabe. Ano na ba'ng nangyayari sa lalaking ito at ganito ito ngayon?

“Pangalawang kapatid na ang turing sa 'yo ni Rui. Siyempre, kung sino ang mga taong mahalaga sa kanya, mahalaga na rin sa akin.”

Ouch! So iyon pala ang dahilan. Ayaw man ni Guia na makaramdam ng sobrang disappointment, hindi na niya napigilan. Pero agad niyang isinantabi iyon nang rumehistro sa isip ang buong sinabi ng binata. Nagtatakang hinarap niya si Lexus. “P-pangalawang kapatid? May kapatid si Mirui?” Ngayon lang yata niya nalaman ang tungkol doon, ah.

Dahan-dahang tumango si Lexus na para bang nag-aalinlangan pa. Lalo lang nadagdagan ang pagtataka niya sa ikinikilos ng lalaking ito.

Huminga ito ng malalim at siya naman ang hinarap. Natigilan siya nang makita ang kakaibang kaseryosohan sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya. Bakit naman ganito kung makatingin ito sa kanya?

“Next Saturday... Wala ka bang naka-schedule na gawin o 'di kaya ay puntahan?”

Napaisip siya ng ilang sandali bago umiling. “Bakit mo naitanong?”

“I want to invite you for lunch on that day. Ipapakilala ko na rin sa 'yo ang kapatid ni Mirui na tinutukoy ko. Kung okay lang sa 'yo.”

One weird thing after another... Seryosong usapan, ano'ng klaseng sapi ang meron sa lalaking ito? Iniimbitahan talaga siya nito na mag-lunch sa bahay ni Lexus?

xxxxxx

“'DI BA dapat ang girlfriend mo ang niyayaya mong mag-lunch sa bahay n'yo at hindi ako? Baka mamaya nito, masampal at masabunutan pa ako nito nang wala sa oras, eh,” pang-ilang beses nang litanya ni Guia habang sinusundan si Lexus.

Naroon na silang dalawa sa loob ng subdivision kung saan naroon ang bahay ng binata at tinatahak na lang nila ang direksyon papunta roon. Sino ba naman kasi ang mag-aakala na seryoso pala ang lalaking it sa imbitasyon nito na mag-lunch sa bahay nito? Nagulat talaga siya nang si Lexus pa mismo ang sumundo sa kanya sa bahay nila at nakipagkuwentuhan pa sa kanyang ina habang hinihintay siyang makapag-ayos.

Hindi niya napalampas ang paghanga at kakaibang kislap sa mga mata nito nang matapos na siyang magbihis at mag-ayos. Kahit anong pigil niya ay nag-init pa rin ang kanyang mukha. Hindi kasi siya sanay na makakuha ng ganoong reaksyon kay Lexus pagdating sa mga suot niya. Isang pale pink dress ang napili niyang isuot para sa araw na iyon.

Pabuntong-hiningang tumigil sa paglalakad si Lexus at agad na hinarap si Guia na ikinagulat niya. Seryoso ang mukha nito pero parang hindi pa naman ito naaasar sa kadaldalan niya na hindi siya sigurado kung saan nanggaling. Pero saka na niya iisipin iyon.

“Guia, sa tingin mo ba, mag-iimbita pa ako ng ibang babae kung may girlfriend na ako? At isa pa, may dahilan ako kung bakit ikaw ang inimbitahan ko para mag-lunch sa amin. Malalaman mo rin iyon pagdating natin doon. Okay?”

Nilapitan siya nito at walang pasabing inakbayan siya. Lalong nagwala ang puso niya nang hapitin pa siya nito palapit dito. Grabe, ano ba talaga ang nangyayari at ganito ang lalaking ito sa kanya ngayon? Kulang na lang, iisipin niya na ang laki ng galit ng pagkakataon sa kanya para iparanas ang mga iyon.

Tiningnan ni Guia si Lexus na ngumiti lang sa kanya. “Bakit ako ang naisip mong imbitahan?”

“Gaya ng sinabi ko, may dahilan ako kung bakit. Pero para malinawan ka, siguro panahon na rin para gawin kong patas para sa atin ang lahat.”

Kumunot ang noo niya sa huling sinabi nito. Gawing patas ang lahat? Hindi na yata niya magagawang intindihin ang lalaking ito kahit na ano ang gawin niya.

======

HINDI na napigilan ni Guia ang humanga sa ganda ng bahay ni Lexus sa subdivision na iyon nang makarating na sila roon sa wakas. Parang ilang oras ang itinagal ng sampung minutong lakad na ginawa nila ni Lexus mula sa gate ng subdivision. Ayaw kasing tumigil sa pagkabog ng mabili ang puso niya sa buong durasyon ng paglalakad nila ng binata na nakaakbay ito sa kanya.

Hindi niya maintindihan kung bakit ginagawa ng lalaki iyon sa kanya. Pero mas mabuti pa siguro na saka na lang niya pagtuunan iyon ng pansin.

Two-storey house iyon na may swimming pool at maliit na tennis court kung saan naroon ang dalawang pitching machine. May garden din doon na may tanim na iba't-ibang klase ng mga bulaklak. Napangiti siya nang makita na ilan sa mga bulaklak na naroon ay gamit na flower code ng mga kasamahan niya sa Imperial Flowers.

“Idea ni Rui 'yan. Gusto nga sana niyang itanim lahat ng mga bulaklak na gamit na flower code ng Imperial Flowers pero mahirap. Kaya ang mga ito lang ang nakatanim diyan,” paliwanag ni Lexus na hindi niya na namalayang nakasunod lang pala sa kanya.

Ilan sa mga nakita niya sa garden na iyon ang azalea, dahlia, peony, petunia, tulip, lily, at camellia. Pero kaagad ding napalitan ng pagtataka ang paghangang nararamdaman niya dahil sa isang sinabi nito. Hindi nawawala ang pangungunot ng noo niya nang harapin si Lexus. “Dito rin nakatira si Mirui? O ikaw ang nakikitira rito?”

Napahalakhak naman si Lexus na ikinasimangot na lang niya. Seryoso ang tanong niya pero ang lalaking ito, parang hindi alam seryosohin iyon. Teka lang. Nababaliw na yata siya o wala lang siya sa realidad. Si Lexus, hindi marunong magseryoso? Kailan pa nangyari iyon? Grabe, kung anu-ano na ang pinag-iiisip niya.

“Huwag ka na ngang sumimangot. Lalo ka lang pumapangit, o.”

“Thank you, ha? Napaka-motivational ng sinabi mo,” sarkastikong aniya. Pero ang nakuha lang niya ay marahang tapik sa ulo niya mula rito.

Napatingin na lang siya rito na hindi nawawala ang pagsimangot niya. Pero napalitan iyon ng pagkatulala nang hawakan ni Lexus ang magkabilang pisngi niya. Ilang sandali pa ay pilit na siyang pinapangiti nito sa pamamagitan ng pagpisil sa mga pisngi niya.

“Lexus, ang sakit, ah!” reklamo niya pero wala naman siyang ginagawa para alisin ang kamay nito sa mukha niya.

“Ngumiti ka na kasi. Hindi ko aalisin ang mga kamay ko sa pisngi mo hanggang hindi ka ngumingiti.”

Hindi siya makapaniwala. Ano ba'ng topak meron ang lalaking ito at kung anu-ano na ang pinaggagagawa nito sa kanya? Bakit nito ginagawa ang mga iyon?

“Kahit dumating na ako at kanina pa nanonood sa inyong dalawa?”

Agad na naitulak ni Guia palayo si Lexus nang malakas. Kaya lang, hindi niya napaghandaan ang sumunod na nangyari. Napahawak ito sa isang kamay niya kaya napasama siya rito nang bumagsak ito sa damuhan. Grabe kung mag-init ang mukha niya nang makita sa wakas kung saan siya nakapaibabaw.

Guia, ano ba naman ang nangyayari sa 'yo? Minamalas ka lang talaga, 'no? Kung bakit ba naman kasi sa ibabaw pa siya ni Lexus nag-landing. Puwede namang sa tabi na lang nito, 'di ba?

“Wow! Ang sweet n’yo lang dalawa, 'no? Ang kaso, rated SPG ang puwesto n’yong dalawa, eh,” pang-aasar ni Mirui na dagling nagpabalik sa presence of mind niya.

Agad siyang umalis sa ibabaw ni Lexus at tumayo patalikod sa binata. Hindi na niya alam kung paano niya ito haharapin pagkatapos ng nangyari.

“Panira ka lang talaga ng magandang moment, Rui?” Bakas ang inis sa tinig ni Lexus nang sabihin nito iyon.

“Reminder lang iyon na may iba pang mga tao sa paligid mo, 'no? Isa pa, gusto ko lang sabihin na parating na sila kaya maghanda-handa ka na. Panigurado na mahaba-habang usapan ang magaganap,” kaswal na wika ni Mirui.

Nang harapin niya ang dalaga ay nginitian lang siya nito nang nakakaloko.

“Pero kailangan mo talagang mang-istorbo, ha?”

“That's how much I love you, my dear brother. Get used to it.”

Hindi na niya naitago ang gulat na naramdaman niya dahil sa narinig mula kay Mirui. Did she just say 'brother'?

Kapatid ni Lexus si Mirui?

No comments:

Post a Comment