Saturday, April 15, 2017

Guia's Lotus: Be With Me - Chapter 7

INIS na napaungol si Guia nang tumunog ang cellphone niya. Sa pakiramdam niya, wala pang isang oras na nakuha niya ang tulog na kailangan ngunit mailap sa kanya. At sa pagkakaalala niya, hindi siya nag-set ng alarm para sa araw na iyon.

Tiningnan niya nang masama ang patuloy pa rin sa pagtunog na cellphone sa bedside table. Para bang tatahimik naman iyon kung gagawin nga niya iyon. Buwisit na bumuntong-hininga na lang siya para pakalmahin ang sarili. Kapagkuwan ay kinuha niya ang cellphone.

Pero ganoon na lang ang pagkunot ng noo ni Guia nang makita ang pangalan ni Lexus sa screen. Kasabay niyon ay nakita rin niya ang oras. Seven twenty-six ng umaga. Ano’ng klaseng sapi na naman ang pumasok sa lalaking ito at wagas kung mang-istorbo ng tulog ng may tulog?

Masasagot lang ang tanong niyang iyon kapag sinagot na niya ang makulit na pagtawag ng dakilang istorbo na ito. Muli siyang bumuntong-hininga at itinapat ang cellphone sa tainga.

“Ang laki na talaga ng galit mo sa akin, 'no, Lexus? Humahaba na rin ang listahan ng mga atraso mo sa akin sa dami ng beses na wagas kung mang-istorbo ka.”

Isang masiglang tawa ang naging tugon ni Lexus sa inis na bungad ni Guia sa cellphone. Bumilis naman ang pagtibook ng puso niya at napangiti na lang sa kabila ng inis na nararamdaman. Bakit ba agad na naglalaho ang inis niya para sa lalaking ito kapag ngumingiti ito o 'di kaya ay tumatawa? Oo nga at alam niyang minsan lang gawin iyon ni Lexus. Pero sapat bang dahilan iyon para makaramdam siya ng pag-iiba ng damdamin para rito?

Kung ganoon nga ang sitwasyon, delikado na talaga ang lagay ng puso niya.

“Tumayo ka na kasi riyan. Ano;ng oras ka na naman ba natulog, ha? Nagpupuyat ka na naman. Wala lang tayong pasok ngayon, eh.”

Kung sabihin kong ikaw ang dahilan kung bakit ako napuyat, may magagawa ka ba roon? Pero dadanak muna ang dugo bago niya magawang isatinig iyon kahit ngalingaling isigaw niya iyon dito. Mabuti na lang at napigilan pa niya ang sarili.

“Marami lang gumugulo sa isip ko. Ano na naman bang sapi ang meron ka at grabe na lang kung makabulabog ka ng tulog ng ibang tao?” walang ganang usisa niya. Nakabaon lang ang ulo niya sa unan habang nakadapa.

“Basta lumabas ka na riyan. Sasabihin ko sa 'yo kapag nakarating na tayo roon.”

ーーーーーー

ITO NA ba nga ba ang sinasabi ni Guia. Panibagong kaba, gulat, at stress na naman ang ipaparamdam sa kanya ni Lexus kaya ganoon na lang kung makapagyaya ito na lumabas sila. Ano na naman bang masamang hangin ang nalanghap nito at dinala talaga siya ng binata sa amusement park?

Ano 'yon? Bata lang?

“Ginising mo lang ako ng maaga para lang magpunta rito? Eh 'di pa nga nagbubukas ang lugar na 'to, o. Alas-diyes pa ito magbubukas. Ano’ng oras pa lang? Alas-otso,” walang tigil na litanya niya at nakapameywang pa.

Pero ang bruhong Lexus na 'to, nakuha lang siyang tingnan. Nasa mga mata pa rin nito ang amusement. May amusing ba sa ginagawa niya? Bigla tuloy siyang nakaramdam ng pag-iinit ng mukha.

Heto na naman tayo, eh. Kung anu-ano na naman ang mararamdaman ko.

“Mabuti na nga ito dahil wala pang masyadong tao. Isa pa, may kaibigan ako rito na pinagbigyan ang kaunting hiling ko sa kanya para tulungan ka. Baka nalilimutan mo, iisang stage pa lang ang sinasayawan mo mula nang simulan natin ito. Nandito sa lugar na ito ang pangalawa.”

Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. “Y-you’re kidding, right? Pasasayawin mo ako sa harap ng maraming tao? Kaagad?”

“Hindi, 'no? Hindi ako ganoon kasama. Pero oras na para sanayin mo ang sarili mo na sumayaw ulit na may nanonood na sa 'yo. And I mean audience. Hindi lang ako.”

Seryoso ba 'tong lalaking ito? Nakaramdam na si Guia ng pagkataranta at pagkabalisa. Hindi siya sigurado kung susundin niya ang kagustuhan ng binata. Parang sobra naman na yata ito. Masyado siyang binibigla.

“L-Lexus… Baka puwede namang—”

“No,” mariing putol nito sa ibang sasabihin niya. Huminto ito sa paglalakad at pumihit paharap sa kanya na ikinagulat niya. Bigla namang bumilis ang tibok ng puso niya sa klase ng titig nito. “Guia, stop running away from all this, okay? At hindi kita gustong takutin o torture-in sa ginagawa kong ito. Tutulungan kita sa abot ng makakaya ko. Pero tulungan mo rin ang sarili mo.”

Walang nasabi si Guia. Napayuko na lang siya at bumuntong-hininga. Pero napaigtad siya nang maramdaman ang marahang pagpapatong ng mga kamay nito sa balikat niya. Muli siyang nag-angat ng tingin. Nakita niya si Lexus na ngumiti. Hindi lang pagbilis ng tibok ng puso ang ibinigay niyon sa kanya kundi pati ang 'di maipaliwanag na lakas ng loob na gawin ang challenge nito.

Tumango siya at hinayaan na lang si Lexis na kumilos at magdesisyon para sa kanya sa araw na iyon. Ilang minuto pa ay narating na nila ang stage na tinutukoy nitong gamitin niya. Isa iyong may kalakihang teatro na may farm theme sa bawat dekorasyon at stage backdrops na naroon. Bakit parang hindi niya nakita ito noon?

“Ito ang pangalawang stage na sasayawan mo. Bukod sa akin, posibleng makinood dito ang ibang mga staff ng theater. Depende kung sino ang mapadaan dito at makakita sa performance mo. Hindi naman marami ang mapapadaan dito pero ihanda mo pa rin ang sarili mo,” paliwanag ni Lexus at saka siya tiningnan. “Alam kong nakakatakot. Pero anu't-ano man ang mangyari, nandito lang ako. Hindi kita pababayaan.”

Nasa tinig ni Lexus ang kaseryosohang ibang-iba sa mga narinig at naramdaman ni Guia noon mula rito. At ramdam niya ang sinseridad nito. Hindi na niya napigilan ang mapangiti at nag-umpisa na namang mangilid ang kanyang luha. Nag-iwas siya ng tingin para hindi iyon makita ng binata.

Pero sa loob-loob niya ay lubos ang pasasalamat niya kay Lexus. Balang-araw, baka magawa niyang maipakita at maiparamdam iyon dito.

'Di nagtagal ay nag-umpisa na sila sa paghahanda ng dance performance ni Guia. Gaya ng dati, impromptu ang routine na ipapakita niya. Pero walang kaso iyon sa kanya. Sanay na siya sa ganoon.

The only thing Guia wasn’t used to for an impromptu was finding herself embracing Lexus from behind. Ginawa niya iyon na matapos na nitong i-set-up ang cassette/CD player na minsan na nilang ginamit.

“Guia… W-what are you doing?” nauutal pang tanong ni Lexus.

Naramdaman niya na natigilan ito sa ginawa niya. Pero hinigpitan lang niya ang pagkakayakap dito. Doon na lang muna niya ipaparamdam ang nais niyang sabihin. Bahala na kung maiintindihan iyon ng binata o hindi.

“Guia…”

How can I ever thank you for all these, Lexus?

xxxxxx

ILANG beses itinatanong ni Lexus sa sarili kung ano ba ang nagawa niyang maganda at pinagkalooban siya ng pagkakataon na pagmasdan at patuloy na hangaan ang dalagang tanging bumihag sa puso niya. Pinapanood niya sa mga sandaling iyon si Guia na sumasayaw sa stage ng teatro sa amusement park. Kahit sabihin pang impromptu ang routine na ginagawa nito, hindi niya iyon mahalata sa bawat galaw at indayog nito sa saliw ng kanta. Parang pinaghandaan nito ang araw na iyon sa ipinapakita nito.

Hindi niya napigilang mapangiti nang makita kung paano pilit nilalabanan ni Guia ang takot na muling sumayaw sa harap ng maraming tao. At hindi nga siya nagkamali. Hindi lang siya ang nakakapanood ng pagsayaw ni Guia. Nakuha na rin nito ang atensyo ng ilang staffs ng amusement park, lalo na ng teatrong kinaroroonan nila nang mga sandaling iyon.

Halos lahat ng mga nakapanood, iisa lang ang sinasabi. Na talagang magaling sumayaw si Guia. Hindi niya napigilang mapangiti. He couldn’t help feeling proud for her. Sa kabila kasi ng takot na nararamdaman ng dalaga na muling sumayaw, heto at ginagawa pa rin nitong ipakita sa kanya, sa kanila, ang talentong iyon.

Hinsi sigurado si Lexus kung sapat ba ang mga pinagsasasabi niya para mawala ang kaba at takot na nararamdaman nito tuwing makikita niya iyon sa mukha nito. Gusto talaga niyang pawiin ang takot na iyon sa iba pang paraan, sa lahat ng paraang alam niya. Pero ang ilan sa mga naiisip niya, hindi niya puwedeng gawin dito. Paano kung bigla na lang siyang layuan ni Guia kapag ginawa niya ang naiisip?

Siya naman ngayon ang nakaramdam ng 'di maipaliwanag na takot sa dibdib dahil sa naisip. Mukhang hindi yata niya kakayanin kapag nangyari iyon.

Ang problema, wala siyang puwedeng panghawakan para manatili ito sa tabi niya. At iyon ang pinakamasakit.

ーーーーーー

"ALAM mo, iisipin ko talaga na ang laki ng pagsisisi mo na isinama mo ako rito," wika ni Guia na humalukipkip pa at tinaasan ng kilay ang katabing lalaki na kanina pa tahimik at tila malalim ang iniisip.

Noon naman parang natauhan si Lexus at tiningnan siya. Ilang beses pa itong napakurap at bumuntong-hininga kapagkuwan. "I'm sorry."

"May problema ba, Lexus? Kanina ka pa wala sa sarili mo," nag-aalalang tanong niya. Oo nga at sanay siya na seryoso at tahimik ito pero hindi ganito na lumilipad sa kung saan ang isip nito.

Umiling ito. "M-may naalala lang ako. Hindi ko lang napigilan."

Hindi na siya umimik at nagpatuloy na lang sila sa paglalakad. Naroon pa rin sila sa amusement park. Nakabukas na iyon kaya marami-rami na ring tao ang naroon. Pero wala silang planong sumakay sa kahit na anong rides sa mga sandaling iyon. Mas gusto pa nila ang maglakad.

Napatigil siya sa paglalakad nang maramdaman ang mahigpit na paghawak sa kamay niya. Laking-gulat niya nang pinagsalikop pa iyon ni Lexus na para bang ayaw na nitong bitiwan pa iyon.

"Okay lang naman, 'di ba? Ayoko lang mapahiwalay ka sa akin."

Lalong nagtaka si Guia. May nahimigan siyang pagmamakaawa sa boses nito. At bakit may pakiramdam siya na may iba pang ibig sabihin ang sinabing iyon ni Lexus? Natagpuan na lang niya ang sarili na tumatango.

Ngumiti nang maluwang ang binata at parang gumaan din ang pakiramdam nito. Ilang sandali pa ay hila-hila na siya nito, hindi talaga pinakawalan sa buong durasyon ng pamamasyal nilang iyon.

xxxxxx

“ANG gulo talaga ng utak ni Lexus kahit na kailan.” 

Ang mga katagang iyon ang palaging sinasambit ni Guia mula noong araw na ipinagtapat nito ang tungkol sa totoong relasyon meron ito at si Mirui. Nakiusap nga lang ito na huwag munang ibalandra sa madla ang mga nalalaman niya dahil iilang tao lang pala ang nakakaalam ng totoo. Kasama na pala roon sina Kane at Errol pero hindi alam ni Lexus na may ka-teammate ito na alam ang katotohanang iyon. 

Gaya niya, nagtataka si Mirui kung ano ang nagtulak kay Lexus na ipagtapat sa kanya ang katotohanang iyon. Sa totoo lang, ilang araw na rin niyang itinatanong iyon sa kanyang sarili. Pero palagi siyang bumabagsak sa iisang konklusyon. Mahirap talagang ispelingin ang lalaking iyon, gaya ng madalas sabihin ni Mirui kapag napapansin nitong tinotopak na naman ang binata.

Pero saka na pagtutuunan ni Guia ng pansin ang tungkol sa bagay na iyon. Magpo-focus muna siya sa mga activity na handog ng Foundation Week Celebration ng Alexandrite University. Saka na niya bibigyan ng atensyon ang mga weird na kilos ni Lexus.

“Teka nga lang. Ano pala ang ginagawa natin dito?” mayamaya’y tanong ni Stacie nang makarating ang grupo nila sa gym.

Unang araw iyon ng Foundation Week Celebration at napuna nila sa pagdating sa gym ang dami ng mga nagkumpulang tao roon. Maging si Guia ay napakunot-noo dahil sa dami ng mga estudyanteng naroon na karamihan pa ay mga babae.

“Ano’ng activity ba ang naka-schedule ngayong araw dito sa gym at ganito pa talaga karami ang tao ngayon?” tanong naman ni Yuri habang palinga-linga sa paligid.

“Mukhang alam ko na kung ano,” saad naman ni Kresna, dahilan upang mapatingin silang lahat dito. 

Nang tanungin nila ito, ngumiti lang ang dalaga at itinuro ang isang direksyon. Kresna was actually pointing at the stage. Ganoon na lang ang gulat nilang lahat nang makita kung ano ang tinutukoy nito.

“Seriously, hanggang dito ba naman, nagkalat pa rin ang pagmumukha ng Falcon Knights?” natatawang komento ni Miette at umiiling-iling pa. “Hindi na sila nagsawa sa pagpapakita ng mga mukha nila sa closed court, ah.”

“Well, this is a change of atmosphere. At least alam nating may iba pa palang pinagkakaabalahan ang mga kumag na 'to bukod sa tennis,” dagdag naman ni Yuri.

“Baka naman maghahasik lang ng lagim ang mga iyan, ah. Naku, malalagot talaga sa akin si Selwyn 'pag nagkataon,” banat naman ni Aria na kinakitaan ng pagkairita sa mukha nito. Tinawanan lang ito nina Guia at Kresna.

Pero napuna niya na seryoso ang tingin ni Ria sa stage. Nang sundan niya ang direksyon ng tinitingnan nito, agad niyang napansin na wala sa Falcon Knights ang atensyon nito. Ria was particularly looking at someone na papalabas ng backstage. A guy, to be precise. At kilala niya ang lalaking iyon, sa pangalan nga lang.

Subalit bago pa man siya makapagtanong sa kaibigan, nakita niyang nakapag-ready na ang Falcon Knights sa pagse-set up ng mga instrumento sa stage. Sa gulat niya, si Lexus ang nakita niyang pumuwesto sa harap ng mic na nakaposisyon sa microphone stand. You’re kidding me, right? Si Lexus ang kakanta?

“Wow! Wagas din 'tong kapatid kong ito, ah. Seryoso talaga siya sa plano niya?” narinig niyang mahinang sabi ni Mirui. Sa hina ng pagkakasabi nito niyon, may palagay siyang ayaw nitong marinig ninuman ang sinabi nitong iyon. 

Ang ipinagtataka niya ay kung ano ang plano ni Lexus para sa araw na iyon? Kakanta ba talaga ang lalaking ito sa harap ng maraming tao sa unang pagkakataon? But for what reason?

“Alam ko na hindi n’yo ako nakikitang gumawa ng ganitong bagay sa loob ng ilang taon ko nang pag-aaral dito sa AU,” umpisa ni Lexus sa seryosong tono. 

But for Guia, it was weird but his tone was still laced with softness. Minsan na niyang narinig iyon mula rito.

“Pero ngayong araw na 'to, gusto kong baguhin at umalis pansamantala sa nakasanayan ko na. At least, I want to do this for someone,” pagpapatuloy ni Lexus. “Para ito sa taong gusto kong pasalamatan sa pagtitiwalang ibinigay niya sa akin. At gusto ko ring iparating sa kanya ang isang bagay na matagal ko nang gustong sabihin sa kanya. Para malaman niya na nandito lang ako kung kailangan niya ng tulong ko, kapag kailangan niya ng masasandalan. I promise, I’ll do my best to be with you and help you in every way I can. I’ll do my best to make you smile again the way you used to. Hindi mo kailangang kimkimin ang lahat ng bigat ng kalooban na iyan. Just know that I’m here for you. Okay?”

Matapos niyon ay sinenyasan na nito ang mga kasamahan na sina Selwyn, Errol, Kane, at Jerrold na simulan na ang pagpapatugtog. Nakita niya itong huminga nang malalim ilang segundo bago mag-umpisang tumugtog ang mga kasama nito. Parang minsan na niyang narinig ang kantang pinatutugtog ng mga ito. Nakikita niya na tila inihahanda ni Lexus ang sarili nito sa kakantahin kung ibabase na rin niya sa pagpikit na ginawa nito.

“There are times I can’t explain what can I say. You’ve given so much to me, memories to stay. As time goes by, I wonder why I just couldn’t be myself. I didn’t want to show my heart, afraid to be apart. For so long, I’ve kept it inside of me. 'Didn’t have a place where I could let go. But then you came into my life and I found the strength to be myself again. There will be no sky too high…”

“And he did it,” narinig niyang mahinang saad ni Mirui kaya napatingin siya rito. “But nice choice of song, Kuya. Bagay na bagay, in fairness.”

“You mean, alam mo na may ganito siyang plano?” hindi na napigilang usisa ni Guia sa kasamahan. Tumango naman si Mirui at nginitian pa talaga siya. “What made him decide to do this? Alam mo ba kung sino ang tinutukoy niya sa kanta?”

Agad na napakunot-noo si Mirui habang nakatingin sa kanya. “Hindi mo na-gets 'yong sinabi niya kanina? Binanggit na niya kung para kanino ang kantang 'yan, 'no?”

“Ha?” Parang wala naman siyang narinig na ganoon, ah. Meron nga ba talaga?

Iiling-iling naman si Mirui at pumalatak pa. “Alam mo, pareho kayong hirap makaramdam sa gusto ninyong iparating sa isa’t-isa, 'no? Naturingan kayong mas matanda sa amin nina Miette at Yuna pero kayo pa 'tong wagas sa pagkamanhid.”

Seryosong usapan, gusto niyang batukan ang babaeng 'to. Pero hindi niya ginawa dahil paniguradong gusto lang siya nitong asarin na naman. Ang nakakainis lang, hindi niya maintindihan ang nais nitong ipunto sa kanya. Ano ba’ng pinagsasasabi nito?

“I’m not alone, you’re by my side. I’m standing strong, you gave me hope to carry on. You washed away my fears. Now I know I’m here because I have you near. You’re not alone, I’m by your side. When you are down, I’ll be the one to make you smile. I’ll wash away your fears and the sun will shine its light on you and me…”

Napatingin siya sa pagkantang iyon ni Lexus, lalo na nang rumehistro na sa kanyang isipan ang lyrics ng kinakanta ng binata. Nakapikit ito habang kumakanta ito. At nang tingnan niya ito nang mga sandaling iyon, naroon sa kanyang puso ang pakiramdam na tila ba… para sa kanya ang nasabing kanta. Parang hindi na nito kailangang sabihin sa kanya ang tungkol doon dahil iyon ang nararamdaman niya. Patunay na ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso. 

“I’ll do my best to make you smile again the way you used to…”

Tama si Mirui, kailangan lang niyang intindihin ang mensahe ni Lexus bago nito sinimulan ang pagkanta. Hindi naman mahirap gawin iyon. At habang pinapanood niya ang pagkanta ng binata nang mga sandaling iyon, nararamdaman niya ang sinseridad nito.

“Thank you, Lexus. Thank you…” bulong niya at saka napangiti. 

Kapagkuwan ay nagmulat ito ng mga mata at agad na tumingin sa direksyon niya. Her heart hammered in her chest even more at the sight of his charming smile as he continued singing the song without looking away from her. Bahala na kung may makahalata. Basta ang alam niya, masaya siya dahil sa ginawang iyon ni Lexus.

xxxxxx

DAY Four ng Foundating Week Celebration. At para sa buong grupo ng Imperial Flowers, 'di matatawarang kaba ang kakabit ng araw na 'to. Ito na kasi ang araw kung saan ipapakita na ng Theater Club ang pinaghandaang musical play at ilan sa mga kasama sa ensemble na magpapatugtog ng iba’t-ibang musika na ipapalabas sa play na iyon ay ang sampung miyembro ng Imperial Flowers. Habang ang natitira pang dalawang miyembro na sina Aria at Lynne ay kabilang naman sa mga cast sa musical play.

Bago pa man mag-umpisa ang play, pasimpleng hinagilap ni Guia sa mga nagsidatingang manonood ang isang taong inimbitahan niya two days ago. Pero hanggang sa mag-umpisa na ang performance ay hindi pa rin niya ito nakita. Disappointed man, pinilit niyang huwag ipakita iyon sa mga kasamahan. She needed to focus on her own musical piece she was required to play. Marami ang umaasa sa kanya, sa kanila na miyembro ng Imperial Flowers. Ayaw niyang biguin ang mga ito.

Tumagal ng mahigit dalawang oras ang musical play na talaga namang tinutukan ng mga nagtungo roon upang manood. Maging siya ay tinutukan ang palabas at nagustuhan niya iyon. Hindi maikakailang proud na proud siya kina Aria at Lynne na halatang pinaghandaan ang nasabing musical play. Kunsabagay, kahit sino sa kanila sa Imperial Flowers ay talagang pursigido sa mga ginagawa nila sa larangan ng musika at singing kung saan sila nag-e-excel. Lalo na kapag nais nilang ipakita iyon sa madla upang magbigay ng kasiyahan sa mga nanonood.

Masigabong palakpakan ang sumalubong sa lahat ng bumubuo sa musical play. Siyempre, pati rin sa kanila na bahagi ng ensemble na tumugtog para sa magarbong performance na iyon ay pinalakpakan din. Iyon ay kahit sa buong durasyon ng performance nila, patuloy siya sa pagsipat sa audience kung naroon ba ang taong inimbitahan niya. But in the end, she didn’t see that person.

Bakit naman kasi kung kailan nag-effort siya na kausapin si Lexus at personal itong imbitahan ay saka naman ito hindi nagpakita? Parang wala lang dito ang ginawa niyang iyon. Pero agad din niyang inalis ang masamang isipin na iyon. Baka naman may dahilan ang binata kung bakit hindi ito nakapunta. Hanggang sa maalala niya na hindi nga pala kinumpirma ni Lexus sa kanya na pupunta ito. Isa pa, wala siyang maalala na um-attend din ito sa kahit na anong performances ni Mirui mula pa noon.

Pero bakit nga kaya hindi nagpapakita si Lexus kahit na inimbitahan naman ito?

“Hay… Kung kailan naman pinagbutihan ko ang pagpe-perform gamit ang violin na regalo niya sa akin, saka naman siya absent. Nakakainis talaga ang lalaking iyon kahit na kailan,” malungkot na sabi ni Mirui.

“Sino, si Theron ba? Parang nakita ko lang naman siya kanina, ah,” saad ni Miette na kasunod lang ni Mirui.

Umiling ito at bumuntong-hininga. “Hindi si Theron, 'no? Kahit naman hindi magpakita sa akin o sa audience ang Snowflakes na 'yon, alam ko naman na nandiyan lang siya para sumuporta sa akin.”

“Eh sino ba ang tinutukoy mo, ha?” tanong naman ni Yuri.

Hindi na sinagot ni Mirui iyon. pero alam ni Guia kung sino ang tinutukoy nito. Ano nga kaya ang nangyari? Kung ganoon ay inaasahan din pala nito ang pagdating ni Lexus.

Subalit nalihis ang takbo ng kanyang isipan nang pumasok sila sa dressing room na gamit ng Imperial Flowers for that day. Lahat sila ay nagulat sa tumambad sa kanila.

“OMG! Ang ganda naman nito!” bulalas ni Miette at agad na nilapitan ang table kung saan naroon ang isang may kalakihang basket ng love-in-a-mist na naka-arranged na roon.

“Well, obvious naman kung para kanino 'yan. Iisa lang naman sa atin ang favorite ang bulaklak na 'yan, eh,” ani Katie na noon lang nagsalita pagkatapos ng performance.

Napansin ni Guia na biglang na-focus sa kanya ang tingin ng mga kasamahan niya. Nang tingnan niya ang flower basket, bahagya pang iwinagayway ni Miette ang isang maliit na card.

“Your name’s written here. Minus the sender, though,” imporma ni Miette at iniabot sa kanya ang card.

Nagtataka man, kinuha niya iyon mula sa kaibigan at binasa ang nakasulat doon. Her full name was written on it. Kasunod niyon ay isang maikling mensahe.

Guia Krystelle Medrano,

I guess that whatever you do, you’ll always be one puzzling person to me. Anyway, I hope you like this gift I made for you.

“Gift?” nagtatakang ulit niya at tiningnan ang basket ng bulaklak. 

Noon lang niya napansin ang isang picture frame na pinagpapatungan ng basket. Agad niyang kinuha iyon at tumambad sa kanya ang isang watercolor painting ng babaeng nakasuot ng gown na gaya ng isang fairy at nakaupo sa isang lotus pod. Hawak ng dalawang kamay ng babae ang isang full bloom lotus na kinulayan ng puti. Hindi na niya napigilan ang mapangiti. It was truly a beautiful portrait at talagang ginamit pa nito ang flower code niya sa IF.

Ang tanong lang, sino ang nagpadala niyon sa kanya?

Sinipat-sipat niya ang buong painting sa pagbabaka-sakaling may makita siyang pangalang nakapirma roon. Kumunot-noo siya nang makita sa kaliwang gilid sa ibaba ng painting ang pangalang “Lewi”. Sino naman si Lewi? Parang pamilyar sa kanya ang pangalan na iyon, ah.

“Patingin nga.”

Iniabot ni Guia kay Mirui ang painting at tiningnan nito iyon. Seryoso ang mukha nito habang ginagawa iyon na para bang pinag-aaralan nito nang husto ang kabuuan ng painting. Mas lalo tuloy siyang nagtaka sa kilos nitong iyon. Kapagkuwan ay dahan-dahang napangiti ang dalaga bago bumuntong-hininga.

“Sinagad naman niya nang husto 'to,” mahinang saad ni Mirui at umiiling-iling pa nang iabot nito sa kanya ulit ang painting.

“Ano’ng ibig mong sabihin?” Sa totoo lang, kanina pa may sinasabi si Mirui na hindi niya maintindihan. Gusto lang talaga nitong guluhin ang utak niya?

Iwinasiwas nito ang isang kamay at ngumiti nang makahalugan. “Malalaman mo rin ang tungkol doon. Huwag kang mag-alala.”

Pero sa totoo lang, lalong kinabahan si Guia sa mga sinabing iyon ni Mirui.

No comments:

Post a Comment