Saturday, April 22, 2017

Guia's Lotus: Be With Me - Chapter 8

GABI na at unti-unti nang naglalabasan sa kalangitan ang mga bituin pero hindi pa rin maisipan ni Guia ang umuwi. Naroon siya sa tagong bahagi ng park na madalas nilang puntahan ni Lexus kapag gusto nilang mag-usap nang masinsinan. Kanina pa siya naroon mula nang umalis siya sa school pagkatapos ng performance ng Theater Club. Hindi na siya sumama sa after-party dahil gusto muna niyang mapag-isa at nang makapag-isip-isip dahil sa mga nangyayari sa kanya sa mga sandaling iyon.

Iniwan muna niya sa clubhouse ang basket ng bulaklak dahil ayaw niyang iuwi iyon sa bahay. Baka mamaya ay kung ano pa ang masabi ng kanyang ina. Tutuksuhin lang siya niyon at sasabihan siya na himala at nagkaroon na siya ng pagkakataong mag-entertain ng lalaki pagkatapos ng nangyari sa kanila ni Jeric.

Yes, she finally acknowledged the fact that Lexus managed to penetrate in her life in ways she didn’t expect. At sa maikling panahon na magkasama sila, may mga bagay pa siyang hindi nalalaman tungkol dito. Hindi pa sapat ang katotohanang nalaman niya tungkol sa pagiging magkapatid nito at ni Mirui. Aaminin niya, ikinagulat niya iyon. Sino ba naman kasi ang mag-aakala na ganoon pala ang namamagitan kina Mirui at Lexus? 

Gusto niyang lubusang maintindihan ang sitwasyon. Pero malabo pa yatang mangyari iyon lalo na kung ganito namang nahihirapan siyang i-approach ang lalaking iyon. At kapag ito naman ang lumalapit sa kanya, hindi niya mahagilap ang sariling tinig at hindi siya makapag-isip kung ano ang dapat niyang sabihin.

“Hindi dapat naglalagi ang magandang babaeng katulad dito sa mga oras na ito,” ani pamilyar na tinig 'di kalayuan sa kanya.

Saglit siyang natigilan bago nag-angat ng tingin. Lihim siyang napasinghap kasabay ng pagbilis ng tibok ng kanyang puso nang makita ang paglapit ni Lexus. Kahit may kadiliman na ang paligid, hindi pa rin maikakaila na isa ito sa pinakaguwapong nilalang na nakilala niya. Well, all of the Falcon Knights possessed their own charm and appeal to the people, especially to the girls.

“Ano’ng ginagawa mo rito?” sa halip ay tanong niya nang tuluyan nang makaupo ang binata sa tabi niya.

Hindi niya maintindihan kung bakit bigla siyang nakaramdam ng panlalamig kaya awtomatikong niyakap niya ang sarili kahit nakasuot naman siya ng jacket. Pero manipis lang pala ang suot niyang iyon kaya wala ring silbi sa nag-uumpisang paglamig ng panahon.

Ikinagulat na lang ni Guia kalaunan ang ginawa ni Lexus na pagpapatong nito ng varsity jacket sa kanya. Napatingin tuloy siya rito.

“Huwag mo akong tingnan nang ganyan, Guia. Ayoko lang na magkasakit ka,” ani Lexus na may ngiti. Saglit nitong tiningnan ang kabuuan niya na ikinailang naman niya pero panandalian lang iyon. “My jacket looks good on you.”

Kahit napangiti sa sinabi ng binata, hindi pa rin niya napigilang mag-blush. Pasalamat na lang talaga niya at may kadiliman na sa lugar. Tanging ang ilaw na nagbibigay-liwanag sa lugar na iyon ay ang street lights sa paligid. May dalawang street lights na malapit sa kinauupuan nina Guia at Lexus.

“Ano ba talaga ang ginagawa mo rito? At saka bakit hindi ka nakarating sa play?” malungkot na usisa ni Guia.

Huminga ng malalim si Lexus at tumingala sa langit. “May mga bagay lang akong kailangang asikasuhin nang personal. At saka… ayokong ma-distract ka sa performance mo.”

Ha? Ma-distract? Paano naman mangyayari iyon? “Hindi kita maintindihan, alam mo ba 'yon?” Ang dami talagang sinasabi ng lalaking ito na nagpapalito sa kanya.

Pero nginitian lang siya nito. Hay… Kailan ba mangyayaring hindi siya matutulala sa lalaking ito kapag bigla-bigla na lang itong ngingiti nang ganoon?

“I’m sorry kung hindi ako nakapunta,” hinging-paumanhin ni Lexus.

“Okay lang 'yon. Hindi mo naman kinumpirma na pupunta ka, eh.. At saka naalala ko na hindi ka rin uma-attend sa performances ni Mirui mula pa noon.” Siya lang naman kasi itong umasa, eh. 'Yan tuloy, na-hopia pa siya.

“Hindi totoong hindi ako uma-attend ng mg performance ni Rui. Hindi lang talaga ako nagpapakita sa kanya dahil ayokong ma-distract siya. Alam ko kung gaano kahalaga sa kanya ang performances na ginagawa niya. Ginagawa niya ang lahat para patunayan sa lahat na kaya niyang higitan sina Mama’t Papa,” paliwanag ni Lexus. “How did you like my gift, by the way?”

Kumunot ang noo ni Guia. “Gift?” Agad na nanlaki ang mga mata niya nang maalala ang bulaklak at ang watercolor painting. “You mean, ikaw si Lewi?”

“Sa tingin mo, saan ko kinuha ang nickname kong iyon, ha?” nangingiting balik-tanong ng binata.

“Sa first two letters ng given name mo na Lexus Willard,” nakalabing sagot niya. “Nakakainis ka! May pa-nickname-nickname ka pang nalalaman diyan. Hindi mo na lang inilagay nang diretso ang pangalan mo. Hindi na sana ako nahirapan pa rito’t napapaisip kung kanino nanggaling iyon.”

“I guess surprising you was a success, then.”

Kung alam mo lang, aniya sa isip at saka inilabas sa dalang shoulder bag ang framed watercolor painting na nanggaling pala kay Lexus. “A girl holding a lotus flower, huh?” Tiningnan niya ang binata nang may ngiti. “Thank you so much.”

“I’m glad you liked it.”

“Liked it? I love it!” bulalas niya. Agad niyang natutop ang bibig nang ma-realize kung ano ang nasabi niya. “Sorry. Natuwa lang talaga ako. Hindi ko kasi akalaing may ibibigay ka sa akin na ganitong klaseng regalo. Pero bakit ito?” Kiming ngiti ang kasunod niyon kapagkuwan.

Lexus showed off his once in a blue moon charming smile. “Sinabi ni Rui na iyan ang pinakatitigan mo sa lahat ng mga ginawa ko nan aka-display sa bahay. Kaya sa 'yo na iyan.”

Napatulala na naman siya dahil doon. Maging ang puso niya ay nag-react nang makita iyon. Pero wala na siyang pakialam doon. At least sa puntong iyon, sigurado na siya sa isang bagay.

She wanted to be the reason for him to show that smile on his handsome face. She wanted to show to this man how much she loved him. Kung paano mangyayari iyon, bahala na. Ang mahalaga, sigurado na siya sa sarili niya na mahal na nga niya si Lexus.

At wala nang makakapagpabago niyon.

xxxxxx

“ITO NAMAN! Kung makangiti ka riyan sa pagkakatitig mo sa watercolor painting na 'yan, wagas.”

Pero hindi pa rin napapawi ang ngiti ni Guia habang pinagmamasdan ang regalong iyon sa kanya ni Lexus tatlong araw na ang nakararaan. Hindi lang naman kasi iyon ang dahilan kung bakit maluwang ang pagngiti niya nang araw na iyon. Sabado iyon at naroon lang siya sa bahay dahil wala naman kasi siyang planong lumabas at magliwaliw sa kung saan.

“Alam mo, Ma, akala ko talaga, magagalit ka sa akin kasi tumanggap ako ng regalo galing sa isang lalaki. At may posibilidad pa na…. masaktan ako ulit kasi hindi naman niya alam ang nararamdaman ko para sa kanya,” seryosong aniya at inilagay sa isang tabi ang hawak na watercolor painting.

Umupo naman sa tabi niya ang kanyang ina at hinigit siya palapit dito. “Bakit naman ako magagalit? Masaya nga ako at may ibang lalaki nang kumukuha ng atensyon mo. At nakikita ko kung paano ka alagaan ng lalaking iyon, kung sino man siya.”

Hindi na napigilan ni Guia ang mapaluha habang yakap siya ng kanyang ina. “Ma, okay pa rin naman po ako, eh. Hirap lang talaga akong tanggapin na hindi ko na magagawang tuparin ang talagang pangarap ko sa buhay pagkatapos ng mga nangyari.”

“Ito namang batang 'to. Ang ganda ng entrada ko, bigla kang magsasalita nang ganyan.”

Pero natawa na lang si Guia. Sumunod namang natawa ang ginang at muli siyang niyakap nito.

“Mabuti na lang talaga at may isang lalaki sa buhay mo na nagpapaintindi sa akin ng lahat, pati na ang mga bagay na kinatatakutan mo na hindi ko man lang alam kahit ako ang nanay mo.”

Bahagya siyang dumistansya sa ina at kunot-noong tiningnan ito. “Ano pong ibig n’yong sabihin?” Sinong lalaki ang tinutukoy ng ginang sa kanya?

Ngunit bago pa man tuluyang makasagot ang kanyang ina, napalingon sila sa pinto nang marinig ang pagtunog ng doorbell. Siya na ang nagprisintang tingnan kung sino ang bisita nila sa mga sandaling iyon. Pero ganoon na lang ang pagkagilalas niya nang mapagbuksan ng pinto si Lexus.

“Hi!” nakangiting bati ng binata. Kahit casual lang ang suot nito ay hindi maikakailang nag-uumapaw na naman ang charm at appeal ng lalaking ito.

Ano’ng ginagawa niya rito?

“O, Lexus, hijo! Napabisita ka rito,” bungad ng kanyang ina nang hindi niya mahagilap ang sariling tinig na gantihan ang pagbati ni Lexus.

“Pasensiya na po kayo sa abala, Ma’am. Plano ko lang po sanang imbitahang mamasyal 'tong dalaga n’yo at mas mabuti na po na ipaalam ko iyon sa inyo,” ani Lexus na hindi inaalis ang matamang tingin sa kanya.

Siyempre pa, hayun at bigay-todo na naman sa pagre-react ang puso niya. Laking pasalamat na lang talaga at kaya niyang huwag ipahalata iyon kay Lexus. Isa pa, mas nakatuon ang pansin niya sa tinutungo ng usapan.

Teka nga lang! Alam ng nanay niya ang pangalan ni Lexus kahit wala pa siyang binabanggit dito tungkol sa binata.

Teka nga lang. Ano ba talaga ang nangyayari rito? Minsan na bang nagkita ang dalawang ito nang hindi niya nalalaman?

xxxxxx

“HANEP ka ring magbigay ng sorpresa, alam mo ba 'yon? Grabe ka! Ano naman ang pumasok sa utak mo at kinausap mo pa talaga ang Mama ko, ha?” usisa ni Guia habang naglalakad sila ni Lexus palayo sa bahay niya.

Pinayagan kasi ng Mama niya si Lexus na ipasyal siya nang araw na iyon sa kabila ng pagkagulat na naramdaman niya. Paano nangyaring magkakilala ang dalawang iyon nang hindi niya nalalaman? Nasagot lang ang tanong niyang iyon nang sabihin mismo ng kanyang ina na ito ang lalaking tinutukoy nito na nagpaintindi rito sa lahat.

“Ito naman. Huwag ka nang magalit. Isa ang nanay mo sa mga kinausap ko noon para alamin kung ano nga ba ang dahilan at tumigil ka sa pagsasayaw. Medyo malabo pa kasi ang ilang detalyeng sinabi sa akin ni Ria noon, eh. Mabuti nga at sinabi niya sa akin ang ilan sa mga dapat kong malaman. At sinabi rin niya sa akin na hanggang maaari ay protektahan kita kay Jeric. Masyado na raw maraming kasalanan sa 'yo ang lalaking iyon para guluhin ka pa ulit,” paliwanag ni Lexus.

Hindi alam ni Guia kung bakit nadismaya pa siya sa naging sagot ni Lexus gayong alam naman niyang nagsasabi lang ito ng totoo.

Kaya ba sinasabi niya sa 'yo na ang nanay mo lang ang dahilan kaya siya nananatili sa tabi mo ngayon?

Iyon nga ba ang ikinadidismaya niya? Agad niyang pinalis ang isiping iyon. Dapat nga ay magsaya pa siya. Kung inihabilin siya ng Mama niya kay Lexus, ibig sabihin ay alam nitong mabuti naman ang intensyon ng binata pagdating sa kanya. Puwedeng iyon ang dahilan o nahumaling lang ang nanay niya sa kung anong kamandag meron ang tennis captain ng Falcon Knights. Hindi naman imposible iyon. Mabuti nang alam niyang may pakialam pa rin sa paligid ang lalaking ito.

“Saan mo nga pala ako ipapasyal? Ikaw ang gagastos, ha? Hindi ko dala ang pera ko,” kapagkuwan ay pabirong sabi niya.

“Huwag kang mag-alala sa kahit na anong bagay ngayon. Ako na ang bahala sa ating dalawa. Okay?”

Somehow, not minding her erratically beating heart at the sight of his charming smile once again, Lexus’ words appeared to have an even deeper meaning. At hindi lang iyon dahil sa pamamasyal nila sa araw na iyon.

Wala naman sigurong masama na mangarap, 'di ba? Wala naman sigurong masama na umasa. Just for this day…

Kahit alam niyang siya ang posibleng masasaktan sa bandang huli.

ーーーーーー

ANO NA naman kayang pakulo meron ang lalaking 'to ngayon? Iyon ang napapantastikuhang tanong na hindi maalis-alis sa isip ni Guia habang sinusundan si Lexus sa kung saan na naman siya nito planong kaladkarin nang araw na iyon. Pero nakakapagtaka namang hindi niya magawang isatinig iyon. Katatapos lang nilang kumain sa isang restaurant dahil kakailanganin daw muna nilang lamnan ang kanilang mga tiyan bago sila magtungo sa highlight ng pamamasyal nila. Of course, it was all according to Lexus’ plan for that day just for the two of them.

Oh, well. Kailan nga ba niya nagawang tanggihan ang pangangaladkad ng lalaking ito sa kanya? Pero sa totoo lang, parang nawawalan talaga siya ng kakayahang tanggihan ang anumang mga plano ni Lexus sa kanilang dalawa. Sa katunayan, inaabangan pa nga niya ang bawat sandaling makakasama niya si Lexus. Hindi pa kailanman nangyari iyon sa kanya. Kahit noong mga panahong nobyo pa niya si Jeric.

Agad nilang narating ang isang malaking building na pamilyar sa kanya. It was Yukihana Ice Skating School. Sa pagkakaalam niya ay pag-aari iyon ng nanay ni Mirui kung saan isa ito sa mga coach doon at kung saan nagti-training sina Yuna at Mirui kapag may ice skating competition na kailangang salihan ang mga ito. Napatingin siya kay Lexus. Bakit siya dinala roon ng binata?

Tila naramdaman iyon ni Lexus dahil panandaliang binalingan nito si Guia habang palinga-linga sa paligid. “May gusto lang akong ipakita sa 'yo.” Iyon lang at walang pasubaling hinawakan nito ang isang kamay niya.

Agad niyang naramdaman ang pagdaloy ng kung anong init at sensasyon dahil sa ginawang iyon ni Lexus. Sapat na rin iyon para matahimik siya habang hinihila siya nito. Hindi nagtagal ay narating na nila ang isang pavilion sa likod lang ng building na iyon. Namangha siya sa nasilayang ganda ng lugar. Nakapalibot roon ang ilang weeping willow at iba pang naggagandahang hanging plants na nakasabit sa columns na pumapaikot sa gitna ng pavilion. Hindi niya akalaing nag-e-exist pala ang ganoon kagandang lugar sa bahaging iyon ng skating school.

“Nagawa mo na bang sumayaw sa ganitong klaseng lugar, Guia?” mayamaya ay narinig niyang tanong ni Lexus na ikinatingin naman niya rito.

Pero agad na lumakas at bumilis ang tibok ng kanyang puso sa matamang tingin nito sa kanya. Bakit ba siya tinitingnan ni Lexus nang ganito?

“Hey! Wala ka na bang planong sagutin ang tanong ko?” anito na pumutol sa pag-iisip niya. This time, she saw him smiling amusingly at her. Naramdaman niya ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi pero balewala lang iyon sa kanya.

Tuluyan na ring rumehistro sa kanyang isipan ang naunang tanong nito. “Yeah, a few times. Noong kumpleto pa ang pamilya namin. Pero mas maganda ang lugar na ito kaysa sa mga naaalala ko.” Muli niyang pinasadahan ng tingin ang lugar at hindi na niya itinago ang ngiting nagpapakita ng paghanga niya sa paligid. “Salamat sa pagdadala mo sa akin dito. It’s beautiful. Kahit na alam kong marami na naman akong maaalala, okay lang sa akin.”

“Para ipaalala ko sa iyo, dinala kita rito para hindi ipaalala ang malulungkot na bagay. Okay? Dinala kita rito para magawa mo ang isang bagay na mahal na mahal mo.”

“Ha?” Ano’ng ibig nitong sabihin?

But all Lexus did was to snap his fingers. Isa-isang nagsilabasan ang mga lalaking pawang nakasuot ng coat and tie at may kanya-kanyang violin o 'di kaya ay cello. Napatakip na lang siya ng bibig para hindi mapahiya sa binata at para na rin maitago ang pagsinghap niya dahil sa gulat at tuwa.

“Alam ko na isa kang contemporary dancer. Pero ngayong araw na 'to, okay lang ba kung…” Pero hindi itinuloy ni Lexus ang nais nitong sabihin. Sa halip ay inilahad nito ang isang kamay sa kanya.

Hindi kaagad nakuha ni Guia ang ibig sabihin niyon kaya napatingin siya kay Lexus. He gestured at the hand he was offering to her. “Would you like to dance… with me?”

Kulang na lang ay lumabas na sa ribcage ang puso niya sa lakas ng pagtambol niyon dahil sa sinabi ni Lexus. Pero walang dudang nagustuhan niya ang ginawa nito kahit na nasorpresa talaga siya.

“Akala ko, pasasayawin mo pa akong mag-isa rito at papanoorin mo lang ako,” biro niya. Kasabay niyon ay tinanggap niya ang nakalahad nitong kamay.

“Iyon naman talaga ang plano ko. Kaya lang, parang mas gusto ko nang ganito. At least, we’ll both enjoy it, right?” Naramdaman niya ang agad na paghigpit ng hawak nito nang magdaop na ang kanilang mga palad.

She couldn’t help feeling warm all over because of it. Parang ayaw na talaga nitong bitiwan ang kamay niya kung higpitan nito ang paghawak doon. Gustung-gusto niya iyon.

Ilang sandali pa ay pumagitna na sina Guia at Lexus sa pavilion at pumuwesto na. Kasabay niyon ay nagsimula nang tumugtog ang isang pamilyar na awitin. Muli na namang lumakas ang tibok ng kanyang puso. Alam niya ang kantang iyon dahil minsan na niyang narinig si Lexus na kinanta iyon sa auditorium. Pero hindi nito alam ang tungkol doon.

Saka na lang niya pagtutuunan ng pansin ang tungkol sa bagay na iyon. Ang tanging mahalaga muna sa kanya ay ang presensiya ng lalaking ito sa harap niya ngayon at kasayaw pa niya. Sa totoo lang, hindi niya naisip na darating ang sandaling iyon sa kanila ni Lexus. But she was already living it at the moment.

Heto ngayon sa kanyang harapan ang tanging lalaking nakapasok sa kanyang puso pagkatapos ng lahat ng mga nangyari sa buhay niya noon. At malaki ang pasasalamat niya kay Lexus dahil ito ang lalaking nakagawa niyon sa kanya.

Darating kaya ang oras na mundo natin ay mag-isa? Darating kaya ang oras na magkahawak ang ating kamay? Kailan kaya? Kailan kaya darating ang tamang panahon para sa'ting dalawa? Di ko man ginusto mahulog agad sayo… Ngunit ito ang sinasabi ng pusong ito…

No comments:

Post a Comment