HINDI na talaga alam ni Guia kung ano ang pinaka-shocking sa lahat ng mga nalaman niyang impormasyon nang araw na iyon. Kung 'yong malaman niya na magkapatid pala sa ina sina Mirui at Lexus, kapatid naman ni Lexus sa ama ang teammate nitong si Theron Heinz Monterossa, 'yong all this time ay nagawa nilag itago iyon sa madla, o malaman na marunong pala sa pagpipinta ang lalaking ito na kinakatakutan sa buong Alexandrite University. Pero puwede rin ba niyang ikonsidera na nakakagulat ang malaman na siya pa lang ang nakakaalam ng lahat ng ito dahil siya lang ang outsider na pinagkatiwalaan ni Lexus ng lahat ng iyon? Hindi na niya alam. Hindi na siya sigurado sa dapat isipin.
Naroon lang siya sa sala at pinapanood sina Lexus, Theron, Tita Sierra, at Tito Arthur na nag-uusap sa bakuran nang masinsinan. Kasama niya si Mirui na nagpaliwanag sa kanya ng lahat-lahat tungkol sa komplikadong kuwento ng buhay ni Lexus.
“Ang hirap din siguro sa inyo 'yon, 'no? 'Yong itago sa lahat ang tungkol sa pagiging magkapatid ninyo ni Lexus at ang pagiging Monterossa pala niya,” komento na lang ni Guia na hindi inaalis ang tingin kay Lexus sa bakuran.
“Sanayan lang 'yan. At saka hindi basta-basta ang mga adjustment na kailangan naming gawin. Lalo na kapag lalabas kami ng bahay na 'to. Tingnan mo naman, napagkamalan pa kami ni Kuya na mag-on. Eww lang.” At si Mirui, umakto pa talaga na parang nasusuka.
Natawa na lang si Guia. At sa 'di malamang dahilan, parang gumaan ang pakiramdam niya. Teka nga lang, bakit naman ganoon ang mararamdaman niya? Heto na naman sa ka-weird-uhang nagsusulputan sa dibdib niya, eh.
Muli ay tiningnan niya ang apat na taong nag-uusap sa garden. Pero ganoon na lang ang gulat niya nang makitang nakatingin sa kanya si Lexus at nginitian pa siya bago muling ibinaling ang tingin sa tatay nitong si Arthur Monterossa. Para saan naman kaya iyon?
“Ang weird pala ng Kuya mo, 'no? Ngingiti-ngiti nang walang dahilan,” nasabi na lang ni Guia at napailing. Pero ang puso niya, heto at biglang bumilis ang pagtibok. Kung anu-ano na talaga ang nararamdaman niya. Kulang na lang, isipin niyang kailangan na niyang magpatingin sa doktor.
“'Sus! Sa 'yo lang naman nagkaganyan iyan, eh. Huwag ka nang magtaka. At sana lang, pareho n'yo na ring malaman ang sagot kung bakit pareho kayong umaakto ng weird.”
Huli na nang mamalayan niyang naitapon pala niya kay Mirui ang isang throw pillow sa kanyang tabi. Pero tinawanan lang siya nito nang nakakaloko. Nakuha tuloy nila ang atensyon ng mga naroon sa bakuran dahil sa tawa nito.
Lexus was smiling at her amusingly. Napayuko na lang siya sa sobrang pagkapahiya at sa sobrang pagka-conscious na rin. Wala na bang ibang gagawin ang lalaking ito kundi ang ngitian siya? At bakit ayaw pa ring tumigil sa pagtibok ng mabilis ang puso niya?
Kulang na lang, iisipin na talaga niyang aatakihin siya sa puso, eh.
ーーーーーー
MAG-ISA na lang si Guia sa clubhouse nang araw na iyon dahil maaga na niyang pinauwi ang mga kasamahan sa IF. Siya naman, mas gusto munang tumambay doon para makapag-isip-isip. Tatlong araw nang magulo ang isip niya. Ganoon katagal na rin niyang hindi nakikita si Lexus pagkatapos siya nitong dalhin sa bahay ng mga Asahiro at madiskubre ang pinakatatagong sikreto nito at ni Mirui.
Sino ang mag-aakala na ganoong klaseng relationship pala ang namamagitan sa dalawang iyon? Hindi pa niya alam ang buong kuwento kung paano nangyari ang lahat. Pero sa tingin niya, mas dapat niyang hayaan si Lexus ang magkuwento sa kanya ng mga detalye. Iyon ay kung magkikita pa nga ba sila ng lalaking iyon. Sa totoo lang, may pakiramdam siya na pinagtataguan siya ni Lexus. Hindi nga lang siya sigurado kung tama ang pakiramdam niyang iyon.
Isa pa, ano naman ang dahilan para pagtaguan siya nito?
“Ikaw yata ang lagalag sa inyong dalawa ni Rui, eh.”
Pilit niyang pinakaswal ang sarili nang lingunin niya ang pinagmulan ng tinig na iyon. Pero parang pahirap yata nang pahirap na gawin iyon. Paano siya hindi mahihirapan, eh ngitian ba naman siya ni Lexus? Alam niyang once in a blue moon lang itong ngumiti sa harap ng madla. Kaya lang, bakit napapdalas yata ang pagngiti ng lalaking ito sa kanya nitong mga nakalipas na araw? Mula yata noong magtanong to tungkol sa pagsasayaw niya, nag-umpisa na rin ang pagdalas ng pagngiti nito.
“Pambihira! Nandito lang ako sa clubhouse, lagalag na kaagad? Ang gulo mo ring mag-isip, 'no?”
“Hindi naman. Mukhang mali yata ang umpisa ng pakikipag-usap ko sa 'yo.”
“Ngayon mo lang napansin?”
Natawa silang dalawa ni Lexus. Mabuti na lang at hindi siya natulala gaya ng inaasahan niya. Hindi na niya napigilan ang sariling patuloy na pagmasdan ang lalaking ito dahil doon. Ilang sandali nga lang ay bumalik sa pagiging seryoso ang mukha nito at tiningnan na rin siya. Kapagkuwan ay hindi niya magawang tagalan ang intensidad ng titig nito kaya agad siyang nag-iwas ng tingin.
“Ummm... Ano nga pala ang ginagawa mo rito? Wala ba kayong practice ng mga kasamahan mo sa tennis team?”
“Nah. Maaga ko nang pinauwi ang mga bugok na iyon. May mga kailangan pa raw silang gawin na personal. Hindi ko naman puwedeng pigilan at alam ko namang importante ang mga iyon. Isa pa, naabisuhan na rin nila ako sa mga gagawin nila sa araw na ito. Kaya heto, mag-isa na lang ako.”
Kunot-noong tiningnan ni Guia si Lexus. Hindi niya alam kung magtataka lang ba siya sa nakikitang emosyon sa mukha ng lalaking ito o dapat rin ba siyang kabahan. Bakit parang... may ginawa yata ito na hindi niya matukoy kung ano?
“Okay ka lang? Naguguwapuhan ka na ba sa akin at ganyan na lang kung makatingin sa akin?” nakangisi nang tanong nito na ikinainit ng mukha niya.
Tinaasan niya ng kilay si Lexus na tumawa lang sa kabila niyon. Hindi na talaga niya alam ang itinatakbo ng utak ng lalaking ito, sa totoo lang. “Ngayon ko lang alam na matindi rin pala ang pagkahambog mo, 'no?”
“Ito naman. Pinapangiti lang kita. Ano na naman ba kasi ang iniisip mo?”
Hindi siya kaagad nakatugon kaya nanatili lang siyang nakatingin kay Lexus. At heto na naman sila. Hindi ba talaga nagsasawa ang lalaking ito sa katitingin sa kanya? Pero this time, hindi na siya nag-iwas ng tingin. Ginagawa niya ang lahat para salubungin ang tinging iginagawad nito sa kanya na hindi niya alam kung para saan. Hanggang sa maalala niya ang isang tanong na bumabagabag sa kanyang isip ng ilang araw.
“Kung itatanong mo sa akin kung bakit ko sinabi sa 'yo ang totoong relasyon namin ni Rui na buong buhay naming itinago sa madla, iyon ay dahil gusto kong maging patas tayo.”
Kumunot ang noo niya. “Patas saan?”
“Inalam ko ang sikreto mo, 'di ba? Ang dahilan kung bakit mo tinalikuran ang pagsasayaw. Hindi na kita pinahirapan na malaman mo ang katumbas na sikreto na meron ako.”
Nagulat si Guia sa sagot ni Lexus. This guy was nuts, right? Katumbas na sikreto? Kung ikukumpara sa sikretong pinakatatago nito, sa takot na ilang taong namamahay sa puso niya, 'di hamak naman na mas mabigat pa ang timbang ng sikretong ipinagtapat nito sa kanya.
Ilang sandaling katahimikan pa ang namagitan sa kanila ng binata na nakatingin lang siya rito. Kapagkuwan ay pareho silang napangiti na lalong nagpalakas sa tibok ng puso niya nang mga sandaling iyon.
“In that case, thank you. Kasi ipinagkatiwala mo sa akin iyon,” aniya at pabuntong-hiningang ibinaling ang tingin sa labas.
“Kung ngingiti ka ba naman ng ganyan kaganda, hindi ako mag-aalinlangang ipagkatiwala sa 'yo ang lahat ng sikretong meron ako.”
Pabirong hinampas niya si Lexus sa balikat na ikinatawa lang nito. Kung anu-ano na ang sinasabi ng lalaking ito, sa totoo lang. May sayad na ba talaga ito at hindi lang niya alam?
xxxxxx
NAGDESISYON si Lexus na ihatid muna si Guia sa tinitirhan nito bago siya umuwi pagkatapos nilang tumambay sa clubhouse ng Imperial Flowers. Mukhang tama nga si Mirui sa palagi nitong sinasabi sa kanya—na sira-ulo na siya. Kaya lang naman niya naisip iyon ay dahil sa ginawa niyang pag-postpone sa isa sa importanteng tennis practice ng Falcon Knights.
Ginawa niya iyon dahil sa ilang araw na hindi sila nagkita ni Guia, may isang tanong na patuloy na gumugulo sa kanyang isipan. Ang resulta? Hindi na siya masyadong nakakapag-concentrate sa tennis practice. Hindi nga lang siya sigurado kung nahahalata na iyon ng mga kasamahan niya, lalo na sina Kane at Errol. Ang dalawang iyon ang pinaka-observant sa sampung miyembro ng Falcon Knights.
“Alam mo, Lexus, hindi mo naman ako kailangang ihatid, eh,” ani Guia na bumasag sa katahimikang nakapalibot sa kanila habang naglalakad nang sabay. “Baka mapagalitan ka pa ng Mama mo kapag na-late ka ng uwi sa inyo.”
“Huwag mo akong alalahanin. At saka mas kagagalitan ako ni Mama kapag hinayaan kitang umuwi nang mag-isa gayong kasabay na kita.”
Umiling na lang ito at saka bumuntong-hininga. Alam niyang labis itong naninibago sa mga kilos niya. Pero naumpisahan na niya iyon. Wala nang dahilan para tumalikod pa siya.
Bago sila umalis sa clubhouse, personal na niyang ikinuwento rito ang tungkol sa sarili niya, sa totoong pagkatao niya, kung paano nangyaring naging kapatid niya sina Mirui at Theron.
“It all happened 24 years ago. Boyfriend ni Mama si Papa Arthur. Nagtagal ng dalawang taon ang relasyon nilang dalawa. Pero iba ang plano ng Lolo ko para kay Papa. Nalaman na lang ni Papa na ipinagkasundo na pala siyang ipakasal sa ibang babae. Ang babaeng napili ng Lolo ko ay ang naging ina ni Theron, si Elena Marquez. Siyempre, tumanggi si Papa sa arranged marriage na iyon. Nagulat na lang si Papa na alam pala ni Lolo ang tungkol kay Mama. At si Lolo rin ang nagbanta kay Mama na layuan si Papa. Ginawa iyon ng nanay ko dahil nakarating na rin sa kanya ang tungkol sa engagement. Siguro dahil sa sakit na naramdaman niya at para maisalba ang ano pang natitirang dignidad sa kanya, sinabi ni Mama na nakunan siya kahit hindi naman. Alam naman kasi ni Papa na buntis si Mama nang mga panahong iyon,” pagsasalaysay ni Lexus at saka tiningnan si Guia.
Pilit niyang itinago ang gulat na naramdaman nang mabungaran ito na seryosong nakatingin sa kanya. Hindi tuloy niya matukoy kung ano ang iniisip nito nang mga sandaling iyon.
“Hanggang sa nagkaroon na sila ng kani-kanyang asawa't mga anak. At ang nakalakihan mong ama ay 'yong tatay ni Mirui. Tama?”
Tumango siya.
“Pero kailan mo nalaman na isa ka palang Monterossa at kapatid mo si Theron sa ama?”
“Nang pumunta si Mama sa New York para samahan ang mga skater niya sa isang ice skating competition doon, kinausap kaming dalawa ni Rui ng stepfather ko. Ten years old pa lang ako noon at eight naman si Rui. Noon niya ipinagtapat sa akin ang lahat sa hiling na kahit kailan ay huwag kong kamumuhian ang sinuman sa mga tunay kong magulang. Two months after that, ikinuwento na sa akin ni Mama ang lahat ng mga kaganapan,” sagot niya.
Si Guia naman ngayon ang tumango-tango. Ngayon naman ay gusto na niyang itanong kung ano ang iniisip nito para tumango ito. Pero gaya ng dati ay nauumid siya. Para bang kontento na siya na pagmasdan lang ito.
And it was always like that since before. Hindi nga lang alam iyon ni Guia. Sa ngayon, pananatilihin pa rin niyang lihim ang tungkol doon. Hanggang sa masiguro niyang nagawa na niya ang dapat para tulungan ito, mananatiling tikom ang bibig niya sa nararamdaman.
Noon naman naalala ni Lexus ang dahilan kung bakit naisipan niyang ihatid ang dalaga pauwi sa bahay nito. Napatugul siya sa paglalakad at may kinuha sa backpack niya. Ilang araw niyang pinag-isipan kung ano sa mga painting niya na tinitingnan ni Guia ang ireregalo niya rito. Mabuti na lang at tinulungan siya ni Mirui dahil ito ang kasa-kasama ni Guia habang nag-uusap sila ng biological father niya.
Isang ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi habang tinitingnan ang hawak na framed picture. Magustuhan kaya ito ni Guia? Malalaman lang niya iyon kapag hinarap na niya ito.
Tumikhim siya kapagkuwan. “Guia…”
xxxxxx
AGAD na tumigil sa paglalakad si Guia nang sa wakas ay mapansin niya na wala nang sumusunod sa kanya. Sa paglingon niya ay kumunot ang noo niya. Napansin kasi niya na may kinakalkal na kung ano si Lexus sa backpack nito. Grabe, hindi man lang niya namalayan na tumigil din pala ito sa paglalakad.
O baka masyado lang napalalim ang kanyang pag-iisip kaya pati ang mga nangyayari sa paligid niya, hindi na niya namamalayan. Paano ba naman kasi siya hindi mapapaisip, eh kasama lang naman niya si Lexus na ilang linggo nang nagiging panggulo sa isip niya? Kung bakit ba naman kasi nito naisipang ihatid pa siya pauwi sa bahay niya. Samantalang hindi naman nito ginagawa iyon dati.
May nakain siguro itong hindi maganda kaya ganoon. O puwede ring nauntog sa kung saan at naalog ang utak.
“Guia…” untag ni Lexus na nagpatigil sa pag-iisip niya.
Nag-angat siya ng tingin. Nagtaka siya nang makitang may hawak itong kung ano na nakabalot pa sa isang gift wrapper. It was rectangular in shape. Kapareho niyon ang sukat ng isang long coupon bond.
Teka, ano’ng ibig sabihin nito? Ibibigay ba nito iyon kay Guia?
Tahimik lang nitong iniabot sa kanya ang bagay na iyon. Wala naman siyang dapat ikatakot pero hindi niya alam kung bakit may panginginig na kinuha niya kay Lexus iyon. Ilang sandaling tiningnan niya ang hawak na regalo bago ibinaling ang patuloy pa ring nagtatakang atensyon kay Lexus. Hindi niya alam kung matatawa o maaawa sa tila nahihiyang ekspresyon nito kung ibabase na rin niya sa paghagod nito sa batok.
“Para saan ito?” naitanong na lang niya dahil wala siyang maisip sabihin sa pagtataka at kuryosidad.
“Thank you gift ko para sa 'yo. Ayaw mo?”
“Thank you gift?” ulit niya.
Tumango si Lexus at huminga ng malalim na parang inihahanda ang sarili nito. “Thank you. Kasi hinayaan mo akong tulunga ka para mawala ang takot mo kahit papaano, para tulungan kang bumalik sa pagsasayaw. Salamat dahil tinulungan mo akong harapin ang isang bagay na kinatatakutan ko.”
“A-ako ang tumulong sa 'yo? Hindi ko yata alam iyon. At saan naman kita tinulungan?” Hindi pa rin nawawala ang pagkalito niya.
“Binigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin sa wakas ang totoong tatay ko. Alam ko, pinilit lang kitang pumunta sa bahay namin ng araw na iyon. Pero malaking bagay pa rin iyon sa akin. Naaalala ko kasi 'yong ginawa kong pagtatanggol sa 'yo mula sa ex-boyfriend mong bulok. Kung nagawa kong harapin ang sira-ulong iyon para sa iyo, magagawa ko ring harapin ang isa pang taong kukumpleto sa mga kulang sa buhay ko. Iniisip ko na kung gagawin ko iyon para sa 'yo, kung ikaw ang gagamitin kong dahilan para magawa ko iyon, hindi ko na mapapansin ang takot na nararamdaman ko,” mahabang paliwanag ni Lexus. Ni hindi ito kumurap habang sinasabi ang mga iyon sa kanya.
At siya? Hayun at nanlalaki lang ang mga matang nakatingin sa lalaking ito. Tama ba ang mga narinig niya? Ayaw niyang umasa pero hindi mapigilan ng kanyang puso na bigyang-kahulugan ang tunay na ibig sabihin ng mga salitang iyon.
ーーーーーー
PANG-ILANG beses na itinakip ni Guia ang unan na inilalagay niya sa tabi sa kanyang mukha at doon impit na sumigaw. Naiinis na kasi siya. Hindi na naman kasi siya dalawin ng antok. Pasado alas-dose na at kailangan na talaga niyang matulog para makapagpahinga.
Pero ang siste, pati iyon ay gusto pa yatang ipagkait sa kanya. Wala ba talagang gabi na hindi guguluhin ni Lexus ang isip niya? O mas tamang sabihin na ang mga kilos ni Lexus ang gumugulo sa isip niya hanggang sa mga sandaling iyon.
Kung anu-ano kasi ang pinagsasasabi nito, eh. Heto siya ngayon—pinipilit intindihin ang ibig sabihin ng mga pinaggagagawa ng lalaking iyon. Pero kailan ba niya nagawang intindihin ito? Noong una pa lang na nagkakilala sila, isa na itogn misteryo sa kanya. Mabait naman ito kung sa mabait. Pero marami pa rin itong lihim na pinoprotektahan. At ilang araw na ang nakakaraan, nalaman niya ang isa sa mga sikretong iyon.
Hindi niya alam kung bakit sa kanya ibinigay ni Lexus ang privilege na malaman ang sikretong relasyon nito kay Mirui—bilang nakatatandang kapatid ng kasamahan ni Guia sa Imperial Flowers. Pero hindi maikakailang natutuwa siya dahil pinagkatiwalaan siya nito tungkol doon. May palagay siya na hindi lang dahil gusto nitong maging patas sila ng binata, gaya na rin ng sabi nito.
Kaya lang, mukhang aabutin pa ng matagal na panahon bago niya malaman ang sagot na kailangan niya.
Marahas siyang bumuntong-hininga at saka dumapa sa kama, ibinaon ang mukha sa unan. Dapat na talaga siyang matulog. Kung anu-ano na ang naiisip niya.
No comments:
Post a Comment