IT DIDN’T happen at night. But the feeling it gave to Lexus was almost like he had been on a romantic date. Oo, ganoon ang nararamdaman niya nang makasayaw niya si Guia sa paboritong pavilion ng kanyang ina. It was a replica of Sierra Asahiro’s dance pavilion when she was a teenager. At habang lumalaki sina Lexus at Mirui ay isa iyon sa pinagtatambayan nilang magkapatid, lalo na kapag gusto nilang makapag-isip-isip nang maayos.
Pero nang araw na iyon, ginamit niya ang lugar na iyon upang magawa nilang dalawa ni Guia ang isang bagay na matagal na nitong hindi ginagawa—ang sumayaw. Totoo ang sinabi niya sa dalaga na ang talagang plano niya ay panoorin itong sumayaw nang solo sa unang pagkakataon sa lugar na iyon. Pero nagbago ang kanyang isip nang makasama’t madala na niya ito sa lugar. There and then, the idea of dancing with Guia on his mother’s most special place hit him.
At hindi niya pinagsisisihang sinunod niya ang kagustuhang makasayaw si Guia, lalo na sa lugar na iyon. All he did was to enjoy that wonderful moment he held her close to him like that. And with a beautiful smile in her face, at that. Weird mang isipin pero ninais niyang makita ang ngiti nitong iyon na para sa kanya. Hindi naman kasi niya alam kung para saan ang ngiting nakita niya kay Guia habang kasayaw ito.
Sa totoo lang, kahit masasabing may charms siya para mahulog ang loob ng mga babae sa kanya, hindi pa rin niya mapigilang ma-insecure kapag si Guia ang involved. Lagi siyang nawawalan ng kumpiyansa sa sarili kapag ang dalaga na ang kaharap niya. Isang dahilan marahil ay ang tunay niyang pagkatao na ilang taon na rin niyang inililihim sa lahat, maging sa mga kaibigan niya.
“It’s the first time you brought a beautiful girl to that place, Lexus.”
Napangiti na lang siya nang malungkot at saka nilingon ang taong nagsabi niyon. Nakita niyang papalapit ang kanyang ina na si Sierra sa kinauupuan niya sa hardin.
“Nagdaldal na naman po sa inyo si Rui?”
Umiling ang ginang. “Si Yuna ang nagsabi sa akin. Nasa loob pa siya ng building nang makita niya kayo roon ni Guia. Hindi pa alam ng kapatid mo ang tungkol dito.” Ang tinutukoy nito ay ang isa pang miyembro ng Imperial Flowers at kasamahan ni Mirui sa Yukihana Ice Skating School na si Yunara Limietta. “Ang ibig sabihin ba ng ginawa mong iyon, siya na? Hindi na lingid sa akin ang ibig sabihin ng pagdadala mo kay Guia sa pavilion. Pero sana, anak, maging sigurado ka sa kung ano man ang desisyon mo. Okay?”
Nanatili lang siyang nakatingin sa kanyang ina. Sa totoo lang, medyo naninibago siya sa concern na ipinapakita ng ginang sa kanya sa mga sandaling iyon. Marahil ay alam nito ang kasalukuyang bumabagabag sa kanya kaya nagiging vocal ito sa pagpapakita ng pag-aalala. Oh, well. Mas mabuti na ang ganito. Hindi na ito tutol kung sakali mang isipin niyang magka-girlfriend, 'di tulad ng nangyari kay Mirui noon.
Pero sa mga sandaling iyon, nadagdagan pa ng takot ang nararamdaman niya.Takot na hindi siya maging katanggap-tanggap para kay Guia. Damn it! Hindi naman siya ganoon dati. Wala siyang pakialam noon tungkol sa bagay na iyon. Pero sa pagdating ni Guia sa buhay niya, lalo na nang tuluyang lumago ang itinatagong damdamin niya para rito, tuluyan nang nag-iba ang lahat.
ーーーーーー
“GUIA, can we please talk?”
Napaangat ng tingin si Guia mula sa pinag-aaralang music sheet at magkahalong gulat at pagtataka ang nararamdaman niya nang makitang papalapit sa kanya si Jeric. Ano na naman kaya ang kailangan nito? O baka naman gulo pa ang hanap nito. Makakasapak na talaga siya.
“Kung ano man ang sasabihin mo, Jeric, bilisan mo. Busy pa ako,” malamig niyang tugon at muling itinuon ang atensyon sa binabasa.
“I’m sorry.”
Natigilan siya sa narinig, dahilan upang mag-angat siya ng tingin at ituon iyon kay Jeric. Nakayuko ito, para bang inaamin nito ang pagkatalo na nagpalito sa kanya. Ano ba ang nangyayari sa paligid niya nang mga sandaling iyon? Ano ba ang kailangan nito sa kanya?
“Ano ba talaga ang kailangan mo, Jeric? At bakit ka nagso-sorry?” Bagaman hindi niya binago ang tono ng boses niya, batid niyang nagawa namang ipahiwatig niyon na handa siyang makinig dito as long as wala itong gagawing kalokohan sa kanya.
Nakita niya ang paghinga nito nang malalim at tumingin na sa kanya. Lungkot at pagsisisi ang tanging nakita niya sa mga mata nito. Lalo tuloy siyang naintriga na malaman ang gustong sabihin sa kanya ni Jeric.
“I’m sorry… for what I did to you back then. I admit, napakagago ko. Ang laki ng kasalanan ko sa iyo, kahit sa nanay mo na nagtiwala sa akin. But thanks to someone, I’d learned my mistakes. Kung hindi siguro niya ako sinuntok nang araw na iyon, at kung hindi ko pa nakita kung paano ka niya tulungan para magawa mong tumapak ulit sa stage para sumayaw, hindi ko pa mare-realize ang lahat ng kasalanan ko sa 'yo,” sabi ni Jeric.
Pero iisa lang ang rumehistro sa isip niya nang mga sandaling iyon. “Someone made you realize your mistake?”
“Si del Fierro.”
Sinasabi na nga ba niya. “S-si Lexus? N-nakita mo kami ni Lexus na…?”
“Patunay lang iyon kung gaano ka niya pinahahalagahan. Ayaw lang niyang ipahalata. Lalaki rin ako at alam ko kung paano ka niya gustong alagaan at tulungan na ayusin ang lahat ng nasira ko noon. Hindi ko na magagawa iyon kahit gustuhin ko dahil malaki ang kasalanan ko sa 'yo,” paliwanag ni Jeric.
Guia couldn’t believe it! Ilang araw nang hindi nagpapakita sa kanya si Lexus. Pero heto at ito pa ang gumagawa ng paraan na makahanap siya ng closure sa lahat ng hinanakit niya sa mga taong dahilan kung bakit hindi na niya mahanap ang lakas ng loob na balikan ang mga bagay na labis na nagbigay ng takot sa kanya. Ano ba ang dahilan at ginagawa iyon ni Lexus?
Napatingin siya kay Jeric dahil sa mga sinabi nito. “Napansin mo ang mga iyon?”
“Halos lahat ng nakakakita sa inyong dalawa ni del Fierro, napapansin iyon. Dumagdag pa sa guilt ko ang mga pinagsasasabi ng kung sino diyan sa tabi dahil doon. Hiniwalayan ko na si Carol pagkatapos ng nangyari sa 'yo, in case gusto mong malaman. Pero hindi ko pa naririnig sa 'yo kung pinapatawad mo na ba ako o hindi pa rin. Pero maiintindihan kung ayaw mo pa rin akong patawarin. A simple apology isn’t enough as a compensation, I guess.”
Seryosong usapan. Bakit madrama ang Jeric na kaharap niya ngayon? Nasaan na ang mahangin at confident na Jeric na nakilala niya noon? Naalog ba nang husto ang utak ng lalaking ito kaya ganito ito sa kanya nang mga sandaling iyon?
Huminga na lang nang malalim si Guia at muling tiningnan si Jeric na bakas ang antisipasyon sa mukha nito sa pag-aabang ng isasagot niya. Sa napapansin niya, mukhang binuksan nga nang husto ni Lexus ang saradong pag-iisip ng lalaking ito. Hindi niya alam kung ano ang talagang nangyari pero pasasalamatan talaga niya nang husto si Lexus kapag nagpakita na ito sa kanya.
“I’ll forgive you, Jeric, if you will promise me to finally change. Tama na 'yong mga nangyari sa akin noon. Hinding-hindi na talaga kita mapapatawad ulit kapag gumawa ka pa ng ganoong kabulastugan,” banta niya sa binata.
Pero sa pagtataka niya ay unti-unting napangiti si Jeric at tumango-tango pa.
“Ano naman ang nakakatawa? At may patango-tango ka pang nalalaman diyan,” aniya na hindi nawawala ang pangungunot sa kanyang noo.
Umiling lang ang binata. “Wala lang. Na-realize ko lang na ang laki na pala ng binago ni del Fierro sa 'yo, partikular na sa nararamdaman mo. You love him, don’t you?”
Natigilan siya sa sinabi nito. Kapagkuwan ay napailing siya.
“Hoy, Jeric, huwag ka ngang intrigero riyan kung ayaw mong upakan kita bigla,” tugon niya at nag-iwas ng tingin upang maitago ang tiyak na pamumula ng mga pisngi niya.
Tinawanan naman siya ni Jeric. “Can I hug you? This time, as a friend.”
Hindi na siya nagdalawang-isip na tumango at siya na ang lumapit dito. Mahigpit siyang niyakap ni Jeric. Ramdam niya ang sinseridad nito sa mga yakap na iyon. Pinakiramdaman din niya ang sarili. Hindi na nga katulad ng dati ang nagiging reaksyon ng kanyang puso sa tuwing magkakalapit sila ng lalaking ito.
Kung ganoon, totoo nga kaya ang sinasabi nito sa kanya? Na mahal na niya si Lexus?
'Buti pa si Jeric, napansin agad iyon. Si Lexus kaya, kailan malalaman iyon?
xxxxxx
GUIA saw the distressed look on Mirui’s face when she went to the closed court to check on Lexus. Hindi niya alam kung bakit kinabahan siya sa nakita. Kaya naman agad niya itong nilapitan para tanungin. Napansin niya na bahagyang nanlaki ang mga mata ng dalaga nang mapansin na rin nito sa wakas ang paglapit niya.
“Ate Guia…”
“Ano’ng nangyari? Bakit ganyan ang mukha mo? May nangyari bang masama?” sunud-sunod na tanong niya rito.
Umiling ito. “Wala namang masamang nangyari. Si… Si Kuya kasi, eh…”
“Ano’ng nangyari kay Lexus?”
Bumuntong-hininga muna si Mirui bago nagsalita. “He said he doesn’t want to see you for now.”
Okay… Now that had made Guia somewhat confused. Not to mention, hurt. “Hindi kita maintindihan. Hindi niya ako gustong makita? Sinabi niya ba iyon sa 'yo?”
“Ewan ko ba sa kanya. Pinakiusapan niya ako na sabihin sa 'yong huwag mo raw muna siyang puntahan at kausapin. Ayaw naman niyang sabihin sa akin kung bakit. Nag-aalala na nga ako, eh. Halos lahat na lang, itinataboy niya maliban sa akin. Well, hindi naman niya ako maitataboy kasi nga…” Napahinto ang dalaga sa pagsasalita at tumitingin-tingin pa sa paligid bago inilapit ang mukha nito sa kanya at bumulong. “…alam mo namang magkapatid kami.”
Nanlulumong napatingin na lang si Guia sa pinto papuntang locker room ng tennis team mula sa kanyang posisyon. Hanggang doon lang naman ang kaya niyang gawin. Hindi na rin niya naitago ang lungkot na kanyang nararamdaman dahil sa mga narinig niya mula kay Mirui.
Ano ba talaga ang nangyayari sa 'yo, Lexus? Bakit pati ako, idinamay mo?
ーーーーーー
NAROON si Guia sa harap ng puntod ng kapatid niyang si Gizelle dahil birthday nito nang araw na iyon. Sa kaiisip niya kay Lexus ay muntik na niyang makalimutan ang okasyong iyon. Pero hindi gaya ng dati, hindi na masakit sa kanya ang pagbisita niyang iyon sa puntod. Malungkot pa rin sya, at aaminin niya iyon. Pero sa mga sandaling iyon, wala na ang nakakasakal na sakit ng kaloobang nararamdaman niya sa tuwing bumibisita siya roon. At aminado siya na isa iyon sa mga ipinagpapasalamat niya kay Lexus. Kaya lang, heto siya ngayon.
Hindi siya sigurado kung pumapasok pa nga ba si Lexus sa klase nito dahil lagi naman itong wala sa closed court sa tuwing magpa-practice ang Falcon Knights. Si Mirui naman ay hindi uma-attend ng club activities ng Imperial Flowers dahil abala naman ito sa pag-eensayo para sa skating competition na nakatakda nitong salihan kasama si Yuna. Kaya ang madalas na nagagawa niya ay tumunganga o 'di kaya ay walang patid ang pagpapatugtog ng violin.
“Hi, Zelle. Happy birthday. Sorry kung ngayon lang nakabisita sa 'yo si Ate, ha? Medyo naging busy, eh. Alam mo na. I’m fulfilling your dream of becoming a violinist. Pinapakinggan mo ba ang mga pinatutugtog ko sa tuwing magpe-perform ako o ang IF? Sana pumasa naman sa 'yo.”
Kapagkuwan ay inilapag ni Guia sa ibabaw ng puntod ni Gizelle ang isang bouquet ng chrysanthemum at saka nagsindi ng kandila. Ilang sandali pa ay nag-alay siya ng dasal para sa kapatid. Pagkatapos niyon ay nanatili lang siyang nakaupo habang nakatingin sa lapida ng yumaong kapatid.
“Zelle, can I make a request? Bantayan mo naman si Lexus, o. Nag-aalala kasi ako sa kanya, eh. Ayaw niyang magpakita sa akin. Alam mo, hindi ko siya naintindihan. But you know what? I missed him so much. Sis, huwag mo siyang pababayaan, ha? Subukan mong kausapin si Lord na dalawa kayong magbantay at gumabay sa kanya. He’s that important to me.”
Hindi man siya nakakakuha ng sagot sa mga pinagsasasabi niyang iyon, kumakalma naman siya dahil sa pagkukuwentong ginagawa niya nang mga sandaling iyon sa harap ng puntod ng kanyang kapatid. Nagtagal pa siya ng ilang sandali roon bago niya naisipang umalis sa lugar na iyon at magpaalam sa puntod ni Gizelle.
ーーーーーー
KANINA pa pabalik-balik ng lakad si Guia sa clubhouse. Hindi talaga siya matahimik kahit na anong gawin niya. Kahit anong pilit niya na sabihin sa sarili na walang problema, alam niya na nagsisinungaling lang siya. Dahil doon, hindi rin siya makapag-concentrate sa pagtugtog ng panibagong piyesa.
Iniiwasan siya ni Lexus. Iyon ang totoo. At naiinis siya dahil hindi niya alam ang dahilan kung bakit nito ginagawa iyon. Ano ba ang nagawa niya rito at bakit nito ginagawa iyon sa kanya? May kasalanan ba siya na hindi niya alam?
Umiling siya. Imposibleng hindi niya alam. Tandang-tanda niya ang bawat engkuwentro nila ni Lexus. Wala siyang maalalang nagawa niya rito na mali.
"Aba'y nahihilo na ako sa 'yo, Guia, sa totoo lang. Tumigil ka nga sa isang puwesto lang," wika ni Ria na nagpatigil naman sa kanya sa pabalik-balik na paglalakad.
Pero hindi pa rin nauupo si Guia. Huminga lang siya ng malalim para pakalmahin ang sarili.
"Si Lexus na naman ba? Ano ba kasi ang nangyari at ginugulo niya ang isip mo nang ganyan? May problema ba kayo?"
"Kung alam ko lang ang sagot sa mga tanong mo, Ria, hindi na sana ako nagkakaganito ngayon. Kahit ako, hindi ko maintindihan. Bigla na lang siyang umiwas," naiinis na tugon ni Guia. Hindi siya sanay naglalabas ng saloobin lalo na kapag patungkol sa isang lalaki.
Pero hindi lang basta isang lalaki si Lexus sa kanya. Ito ang--
"Does this mean you've fallen for him, Guia?" Pero sa paraan ng pagkakasabi niyon ni Ria, hindi iyon isang tanong kundi isang obserbasyon.
Hindi siya kaagad nakakilos sa gulat. May dahilan kung bakit ganoon ang reaksyon niya. Gulat dahil nahulaan kaagad kaagad iyon ni Ria. Gulat dahil hindi na niya nagawang pigilan ang damdaming iyon para kay Lexus, para sa lalaking tumulong sa kanya na alisin ang takot sa puso niya.
Ito ang nangulit at nanatili sa tabi niya habang ipinipilit nito na gawin niya muli ang isang bagay na tinalikuran ng ilang taon. Sa kabila ng mga agam-agam, ginawa pa rin niya ang hiling nito dahil iyon ang gusto niya. She wanted to do everything she could to please him and see him smile.
Dahil mahal niya ito. Noon pa. Iyon din ang napansin ni Jeric nang huling beses silang mag-usap nito. Iyon ang totoong driving force niya kung bakit nagawa niyang labanan ang takot sa kanyang sarili. Ang damdamin niya kay Lexus ang dahilan kung bakit sinabi niya rito noon na ito ang huling taong gusto niyang makakita ng naging pagdurusa niya matapos ang aksidente.
"H-hindi ko alam... kung magagawa ko pang sabihin 'yan sa kanya," nanghihina nang saad ni Guia at sa wakas ay naupo na siya sa settee katabi si Ria.
"Guia..."
"Hindi na niya malalaman ang lahat, ang totoong dahilan kung bakit ginagawa ko ang gusto niya para sa akin."
Hinagod na lang ni Ria ang likod niya nang tuluyang tumulo ang kanina pa pinipigilang pagbagsak ng luha. Hindi niya gustong isipin na huli na ang lahat. Kailangang may gawin siya. Kailangang malinawan siya.
No comments:
Post a Comment