CHAPTER 3
"HIMALA yatang napapadalas ang pagpunta mo rito, Yuna," bungad sa kanya ni Lexus nang makita siya nitong papasok sa closed court nang araw na iyon.
May isang linggo na rin ang nakalipas mula nang ibalik sa kanya ni Jerricko ang charm bracelet niya. Pero hindi pa rin niya ito nagagawang pasalamatan sa ginawa nitog iyon. Hindi naman kasi niya alam kung paano gagawin iyon nang hindi naiilang o nakakaramdam ng 'di maipaliwanag na kaba sa tuwing makikita ito.
Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon ang nangyayari sa kanya dahil lang nakikita niya si Jerricko. Wala naman itong ginagawang masama sa kanya. Gusto na talaga niyang kainisan ang sarili niya dahil hindi pa rin nawawala ang takot na matagal nang namuo sa kanyang pagkatao mula nang mapahamak siya. Pati ang ibang taong wala namang kinalaman sa nangyari sa kanya noon ay nadadamay sa takot niya.
"Gusto ko lang pong kausapin si Jerricko kung okay lang po," nag-aalangang tugon niya na nagpahinto naman kay Lexus sa pagpasok sa closed court. Kapagkuwan ay nagtatakang tumingin ito sa kanya. "B-bakit po?"
"Si Jerricko? May ginawa ba siya sa 'yo?"
Umiling siya. "Gusto ko lang siyang pasalamatan dahil sa... sa pagbalik niya sa charm bracelet ko last week. Gagawin ko sana iyon no'ng sumunod na araw pero lagi akong nawawalan ng pagkakataon dahil sa practice ko para sa performance ng Imperial Flowers at pati na rin po sa skating competition na sinalihan namin ni Mirui."
Hindi mahirap para sa kanya na sabihin iyon kay Lexus dahil ito ang tumatayong kuya niya, kahit na si Mirui at si Sierra lang ang nakakaalam niyon. Alam naman kasi niya ang totoo tungkol sa pagiging magkapatid sa ina nina Lexus at Mirui. Si Lexus na rin ang nagsabi sa kanya noong unang araw niya sa Yukihana Ice Skating School na puwede niya itong ituring na kuya.
Sa pagtataka niya, umiling si Lexus at nginitian siya. "Mukhang iyan nga ang inaabangan niya. Sige na. Puntahan mo na siya sa meeting room kung hindi mo siya maabutan sa court. Doon kasi madalas tumambay iyon kapag ayaw niyang makihalubilo't makipaglokohan kina Kane. Parang si Theron din iyon kung minsan, eh. Allergic sa ingay." Iyon lang at nauna nang pumasok ang binata sa closed court.
Kahit hindi pa rin mawala-wala ang kabang nararamdaman ni Yuna, pinilit pa rin niya ang sarili na pumasok doon. Sa pagtataka niya, wala siyang nakitang Falcon Knights na naglalaro o nagpa-practice man lang. Kahit nang sipatin niya ang magkabilang bench areas ay wala siyang makitang Jerricko Arilla. Mukhang naroon nga ito sa meeting room gaya ng sabi ni Lexus.
Pero may isang problema.
"Saan ang meeting room?" bulong niya sa sarili at natampal na lang niya ang noo nang walang maisip na sagot.
Bakit ba nakalimutan niyang itanong iyon kay Lexus kanina bago ito dumiretso sa locker room? Hindi niya alam kung talagang minamalas lang siya o sadyang makakalimutin na siya.
"Uy! May maganda tayong bisita rito, ah."
Natigilan siya nang marinig iyon. Pambihira naman. Kapapasok pa lang niya sa closed court na inakala niyang walang tao, ganito agad ang sasalubong sa kanya. Bakit ba kasi siya hindi nagpasama? Pero hindi siya puwedeng tumigil na lang. Iba ang pakay niya sa lugar na iyon at wala siyang planong hayaan ang lumalalang takot niya na pigilan siya nang tuluyan.
"Miss, huwag ka namang ganyan. Kinakausap ka namin, ayaw mo pang mamansin," anang isa pang lalaki na tiyak niyang kasamahan ng isa pang lalaki na tumawag sa atensyon niya kanina lang.
Nagpatuloy lang siya sa paglakad habang inililibot ang tingin sa posibleng daan papunta sa meeting room na pakay niya.
"Alam mo, Miss, lalo kang gumaganda kapag ganyang pa-hard to get ka. Pero mas gaganda ka pa kapag naisipan mo nang kausapin kami."
Yeah, right. As if I'd do that? Huminga nang malalim si Yuna upang kalmahin ang kanyang sarili. Sa totoo lang, ang mga lalaking ganito ang isa sa mga dahilan kung bakit gusto niyang huwag na lang makihalubilo sa mga estranghero.
"Umaasa talaga kayo na kakausapin ng babaeng 'yan? Ayusin n'yo muna ang paraan ng pagtawag sa atensyon niya kung gusto n'yong kausapin kayo nang matino. Lalo kayong hindi papansinin niyan dahil madaling makahalata 'yan ng mga bulok n'yong pambobola."
Bagaman nagulat, aminin man niya o hindi, ikinatuwa niya ang pagdating na iyon ni Jerricko. Nakita niya na seryoso ang mukha nito habang nakatingin sa mga lalaking naroon pala sa baba ng eastside bench area. Hindi niya matukoy kung galit ba ito o sadyang ganoon lang ito kaseryoso sa pagharap sa tao.
"Tsk! Nakialam ka na naman, Arilla. Bakit ba hindi ka na lang tumambay sa meeting room at hindi 'yong nakikialam ka sa amin dito?"
Nagkibit-balikat lang si Jerricko na tila wala lang dito ang pagkairitang nakikita niya sa mga mukha ng tatlong lalaking naroon sa bench area. "Sorry, but I've got my orders from the boss. Isa pa, inilalayo ko lang kayo sa galit na puwede n'yong kaharapin kay Lexus."
"Si del Fierro pa ang ginamit mo."
"Bakit? Ayaw n'yong maniwala? Good luck na lang sa inyong tatlo kapag nalaman niyang pinagdidiskitahan n'yo ang isa sa mga kaibigan niya. Kapatid ang turing ni Lexus sa kanya. Kaya kung ako sa inyo, mabuti pang lumayo-layo kayo sa kanya at tigilan n'yo na 'yang mga banat n'yo dahil hindi uubra 'yan kay Yunara. Siguro naman, ayaw n'yong harapin ang galit ng mga kasamahan niya sa Imperial Flowers kapag nakarating sa kanila ang mga pinaggagagawa n'yong ito."
Hindi siya sigurado kung dapat ba siyang matawa o matakot sa mga naririnig niyang ito mula kay Jerricko. Seryoso kasi ang mukha nito kaya hindi niya matukoy. Pasimple niyang tiningnan ang mga lalaking nanggugulo sa kanya. Walang lingon-likod na lumabas na ang mga ito ng closed court. Noon lang siya nakahinga nang maluwag at kahit papaano ay naibsan ang takot na nararamdaman niya.
Pero sandali lang iyon dahil bumilis na naman ang pagkabog ng dibdib niya nang makita ang paglapit ni Jerricko. Hindi pa rin nawawala ang kaseryosohan sa mukha nito. But she willed herself not to run away from him again because of it. Minsan na niya itong tinakbuhan. Nakakahiya na kapag ginawa pa niya ulit iyon.
"Are you okay? Hindi ka ba nila sinaktan?" agad na tanong ni Jerricko nang makalapit na ito sa kanya.
"I-I'm fine. H-hindi naman sila nakalapit sa akin, eh," sagot niya bagaman hindi siya makatingin nang diretso rito. "I thought you're in the meeting room. I-iyon kasi ang sabi ni Kuya Lexus sa akin kanina, eh."
"Si Lexus ang pumunta roon at sinabi niya sa akin na puntahan ko raw ang alaga niya na nandito sa court. Baka raw kasi mapagdiskitahan ng kung sino. 'Turned out he was right. At mukhang tamang-tama rin lang ang pagdating ko."
Hindi alam ni Yuna kung bakit pero nakaramdam siya ng panghihinayang sa narinig niyang sagot ni Jerricko. Pero bakit naman niya mararamdaman iyon? Hindi talaga niya maintindihan ang sarili kung minsan. "Ang totoo niyan, gusto ko lang magpasalamat nang maayos sa pagsauli mo ng bracelet ko. Hindi ko kasi nagawa iyon noong araw na ibalik mo sa akin 'yon, eh."
"Wala 'yon. I have to return things that wasn't even mine to begin with, right? At saka, nakaukit ang pangalan mo sa charms n'on. Doon ko nalaman na sa 'yo iyon."
Napatango na lang siya at napayuko. Heto na naman siya at walang masabing matino. Wala naman nang bago roon. "Kailangan ko nang umalis. Iyon lang naman ang ipinunta ko rito, eh."
She was about to step away and leave the place. Pero nasorpresa siya nang maramdaman niyang may humawak sa kamay niya. Napapiksi siya at malakas na tinabig iyon. Nakita niya ang gulat at pagtataka sa mukha ni Jerricko dahil sa ginawang iyon.
"I'm sorry. Kailangan ko nang umalis," nakayukong aniya at walang lingon-likod na nilisan ang lugar na iyon. Ramdam pa rin niya hanggang sa mga sandaling iyon ang malakas na pagkabog ng kanyang dibdib.
= = = = = =
BAGAMAN wala ang buong atensyon sa kinakain, nagawa pa rin namang ubusin iyon ni Jerricko. Naroon siya sa cafeteria malapit sa building ng College of Information Technology at mag-isang nanananghalian. May iba kasing pinagkakaabalahan ang mga kasamahan niya sa Falcon Knights kaya mag-isa lang siya nang araw na iyon.
Pabor na rin iyon sa kanya. Ayaw niyang may ibang makahalata na may bumabagabag sa kanya. Hindi pa rin siya pinapatahimik ng kanyang isipan dahil sa naging kilos ni Yuna nang nagdaang araw sa closed court. She looked so scared judging from her actions that day. Parang hindi na normal kung iisipin niya nang mabuti. Lalo lang siyang naintriga kay Yuna, partikular na sa mga kilos nito kapag nakikita siya.
It truly caught his attention since the day he returned her charm bracelet. Puwede niyang palampasin ang unang engkuwentro nila sa hallway kung saan nito naiwala ang charm bracelet. Something must have truly bothered and scared her that day. Subalit ibang usapan na ang mga sumunod na engkuwentro nila ni Yuna.
Huminga na lang siya nang malalim. Sa totoo lang, iyon ang unang pagkakataon na ginulo nang husto ang isip niya ng isang babae. Pero hindi niya alam kung ano ang gagawin para alisin ang mga isiping iyon. Seriously, Yunara Limietta was definitely an intriguing girl.
"Himala at mag-isa ka ngayon, Kuya Jerricko."
Napaangat siya ng tingin at napangiti siya nang makita si Mirui na papalapit sa table niya na may dalang isang tray ng pagkain. Hinayaan lang niya itong maupo sa katabi niyang upuan at pinanood lang niya itong kumain.
"Alam kong tapos ka nang kumain pero kailangan ba talagang panoorin mo akong kumain, ha?" ani Mirui nang matigilan ito dahil lang nahalata nitong tinitingnan niya ang ginagawa nito. "Bakit nga pala mag-isa ka ngayon? Nasaan sina Kuya Kane at Selwyn? 'Di ba sila ang madalas mong kasabay kumain?"
Nagkibit-balikat siya. "Okay na ang ganito. Kailangan ko ring lumayo sa ingay nila paminsan-minsan. Ikaw, bakit hindi mo kasama ang boyfriend mo?"
"May sarili silang lakad ni Lexus at ayokong makaistorbo. At saka busy pa ako para sa practice namin sa club. Ayaw rin daw niyang masira ang focus ko kaya mag-isa din ako." Muli ay kumagat ito sa sandwich na kinakain nito.
Tumango-tango lang siya at nagpatuloy lang sa panonood kay Mirui. Tila wala namang pakialam ang dalaga sa ginagawa niyang iyon dahil tuloy-tuloy lang ito sa pagsubo. Hanggang sa may maalala siya.
"Mirui, 'di ba matagal na kayong magkaibigan ni Yuna?" tanong niya sa dalaga.
Natigilan si Mirui nang ilang sandali bago siya hinarap nito. "Naging close lang talaga kami nang pareho kaming mapasali sa skating competition noong ten years old ako. I guess she was just an acquiantance to me before that. Bakit mo naitanong?"
"Skating competition? Yuna was into ice skating? At pati rin ikaw?" ganting tanong niya imbes na sagutin ang tanong ni Mirui.
Tumango ang dalaga. "Only a few people knew that. Ayaw naming gawin nilang big deal iyon. Pero huwag mong ibahin ang usapan. Bakit mo ba naitanong kung matagal na kaming magkaibigan ni Yuna? Did she catch your interest in some way?"
Hindi siya nakaimik matapos niyon. Sasabihin ba niya ang totoo rito? But this girl was Lexus' best friend. Noon pa man ay alam na niyang mapagkakatiwalaan ito. It was just that Mirui was also Yuna's best friend. Baka hindi nito maintindihan ang dahilan niya kung bakit ganoon ang naitanong niya rito.
"You know what? Kung talagang interesado ka sa kanya, lalo na kung ibabase ko lang sa nakikita ko sa 'yo ngayon, mabuti pang habaan mo ang pasensya mo pagdating sa kanya. She had been through so much before. Of course, that made her lose her ability to put her trust to someone, especially to a guy. Maliban lang kay Lexus dahil bata pa lang kami ay kuya-kuyahan na niya iyon."
Nakuha niyon ang atensyon niya. An event made Yuna lose her ability to trust a guy? Ano naman kaya iyon?
"Kaya ba para siyang takot kapag tinatangka kong lapitan siya?"
"Hindi lang ikaw. Lahat ng lalaking estranghero sa kanya, ganoon ang reaksyon niya. Kaya huwag ka nang magtaka, okay?"
Napaisip siya dahil doon. Something had made Yuna surround her heart in a barricade. Iyon ay kahit hindi nito magawang itago ang takot na nararamdaman nito sa mukha nito. Lalo lang siyang naging determinado na alamin ang dahilan ng pagkakaroon ni Yuna ng takot na muling magtiwala.
His only problem for now was to find a way on how to know the truth behind that fear. Kaya lang, paano niya gagawin iyon na hindi siya lalayuan ni Yuna kahit papalapit pa lang siya rito? Mukhang pahirapan ito para sa kanya.
= = = = = =
MAG-AALAS-SAIS na ng gabi nang matapos si Yuna sa pagpipinta ng ikalawang obra niya na isasali sa Valentine exhibit ng Alexandrite University. Kahit papaano ay nagawa niyang makapangalahati ang obra niyang iyon. Tamang kulay na lang ng iba pang bahagi niyon ang kailangan niyang pagtuunan ng pansin kung gusto niyang maisama iyon sa exhibit.
Ang totoo niyan, hindi niya inakalang aabot siya ng ganoon katagal sa clubhouse sa pagpipinta. Pero sa tingin niya, masyado lang siyang engrossed sa ginagawa niya dahil talaga namang nagawa niyang kalimutan ang mga isiping bumabagabag sa kanya nang mga sandaling iyon. She smiled wistfully at the thought, though. Tanging pagpipinta at ice skating na lang ba ang makakatulong sa kanya na kalimutan ang masalimuot na bahagi ng kanyang nakaraan? Wala bang ibang makakatulong sa kanya na makalimutan iyon?
Then again, it was foolish of her to ask that question to herself. Paano naman kasi siya makakatagpo ng taong posibleng tumulong sa kanya bukod kay Lexus at sa mga kaibigan niya sa Imperial Flowers kung ganitong ayaw niyang ilapit ang sarili niya sa ibang tao? Kung hindi ba naman siya isang sira ulo't kalahati sa pag-iisip niyon.
Wala namang masamang humiling, 'di ba?
"I hope I'm not disturbing you on anything."
Kagyat siyang napalingon sa pinagmulan ng tinig na iyon kasabay ng pagbilis ng tibok ng kanyang puso. Ano'ng ginagawa ni Jerricko roon?
"Don't look at me like that. Hindi naman kita sasaktan, eh." Bumuntong-hininga ito at kinuha ang isang monoblock chair na malapit sa kinatatayuan nito. "Pinakiusapan ako ni Mirui na samahan ka rito."
"S-samahan ako? I-ibig mong sabihin... Kanina ka pa rito?" gulat na tanong niya. Pero bakit naman gagawin iyon ni Jerricko?
Tumango ito. "Pero nandoon lang ako sa kitchen. Madali akong makakapagtago roon at makakapag-relax na rin habang hinihintay kitang matapos sa pagpipinta mo."
Napailing na lang siya. Hindi siya makapaniwala. "Bakit? Kahit sabihin mo pang pinakiusapan ka ni Mirui, puwede ka namang tumanggi."
"Tama ka. Pero kung tatanggihan ko man iyon o hindi, ako na ang magdedesisyon n'on. Isa pa, pumayag naman si Lexus. As long as I maintain a certain distance away from you. At least, iyon ang sinabi niya sa akin. Ikaw na raw ang bahala sa distansya na magsisilbing pagitan nating dalawa."
Natampal na lang niya ang noo sa mga naririnig mula sa binata. Nasisiraan na ba ito ng bait at kung anu-ano na ang naiisipang gawin? "You don't have to do this."
"Alam ko. Pero ako ang magdedesisyon tungkol diyan. Sinabi ko na 'yan, 'di ba?" Kapagkuwan ay tumayo ito at dumiretso sa kitchen ng clubhouse.
Hindi naman magawang alisin ni Yuna ang tingin sa papaalis na binata. Ano ba'ng pumasok sa utak ni Mirui at pinakiusapan pa talaga nito si Jerricko? Para namang mapapahamak pa siya roon.
"Here. Habang mainit pa," alok ni Jerricko nang makabalik na ito mula sa kusina at iniabot sa kanya ang isang tasa ng hot chocolate.
Tinanggap niya iyon at umusal ng mahinang pasasalamat rito. Idinaan na lang niya sa pag-inom niyon ang kung anu-anong isipin na naman na nag-uumpisang manggulo sa kanya. Kahit hindi maikakailang malakas pa rin ang pagtibok ng kanyang puso, batid niyang hindi takot ang dahilan niyon. But she didn't want to acknowledge a certain answer lingering in her mind.
Pareho lang silang tahimik na ininom ang kani-kanilang mga inumin. Kahit hindi siya nakatingin sa binata, ramdam naman niya na pinagmamasdan siya nito. Habang siya ay nakatuon ang atensyon sa painting na pinagkakaabalahan niya kanina.
"Kanino mo namana ang talento mo sa pagpipinta?" kapagkuwan ay tanong ni Jerricko na pumutol sa nakakabinging katahimikan sa pagitan nila.
Nag-angat siya ng tingin at hinarap ang binata, para lang matigilan at lihim na magulat nang makita ang matamang tingin nito sa kanya. Hindi tuloy siya makapagsalita dahil mas nakatuon ang atensyon niya sa lalo pang bumilis na pagtibok ng puso niya. Soon after, though, she tried her best to focus on answering his question. She didn't want to be so rude to Jerricko. Nag-effort pa man din itong bantayan siya kahit hindi naman kailangan.
"From my late father. Did you know Cedric Limietta?"
Tumango si Jerricko. "I heard about him from my mom. Mahilig kasing bumili ng mga painting iyon na talaga namang nakakakuha ng interest niya. May walo yatang paintings ang tatay mo na naka-display sa personal gallery ni Mama sa Batangas." Napangiti naman ito na ipinagtaka niya. "You're both into creating silhouettes, huh?"
"Iyon lang naman ang style niya na pinag-aralan ko. The rest of my painting style was something that I tried to polish over time." Ilang sandali pa, natagpuan na lang niya ang sarili na napapangiti habang pinagmamasdan ang sariling obra kahit na hindi pa tapos iyon. "At least this is my way of getting close to my father. Kahit matagal na siyang wala sa buhay namin ni Mama."
"I guess I can relate to that. Wala na rin akong tatay, eh. Namatay siya sa cancer noong nasa high school ako," pag-amin ni Jerricko na kumuha sa atensyon niya kaya muli siyang napatingin dito. Nakatingin ito sa painting niya at malungkot na nakangiti. Ngunit agad ding naglaho iyon at biglang tumingin sa kanya. "Ubusin mo na 'yan. Baka mamaya, masaraduhan na tayo rito ni Manong Guard. Mag-aalas-siyete na, o."
Agad siyang napatingin sa wall clock at ganoon na lang ang gulat niya nang makita niya na nagsasabi nga ng totoo si Jerricko pagdating sa oras. Parang kanina lang ay alas-sais ang nakita niya. Ngayon naman ay alas-siyete? Bakit hindi niya namalayan ang oras?
"Ngayon ko lang napatunayan na kahit tahimik ang paligid, hindi mo pa rin mamamalayan ang pagbilis ng takbo ng oras, 'no? Pero okay lang iyon. In fact, it's more than okay for me," ani Jerricko at nakangiting tumayo mula sa monoblock chair na ginamit nito.
Iniabot na lang niya rito ang baso niyang wala nang laman at nagmamadaling inayos ang mga gamit sa pagpipinta. Pero napatigil siya sa ginagawang pagliligpit nang maisip ang sinabi ni Jerricko. Kahit hindi sila masyadong nagkausap nito kanina, bakit pakiramdam niya ay okay lang iyon sa kanya? Kahit ramdam niya ang walang tigil at malakas na pagkabog ng dibdib niya, bakit parang hindi man lang siya nakakaramdam ng takot na kasama niya ang lalaking ito?
"Let's go. I'll take you home."
Okay, that was unexpected. Seryoso ba talaga ang lalaking ito sa sinasabi nitong iyon? "Pero bakit? Hindi mo na kailangang gawin iyon."
"Didn't I tell you? Ako ang magdedesisyon kung ano ang kailangan kong gawin at hindi pagdating sa 'yo."
No comments:
Post a Comment