Sunday, July 9, 2017

Yuna's Tulip: Believe In Me - Chapter 5

CHAPTER 5

ISANG malalim na hininga ang pinakawalan ni Yuna nang magawa na rin niyang matapos ang routine na ilang linggo na rin niyang sinasanay. Normally, she was practicing a certain skating routine whenever she was supposed to compete. Pero nang araw na iyon, wala siyang sasalihang kahit na ano. Iba ang purpose ng routine na iyon sa kanya at maging si Sierra ay alam ang tungkol doon. It wasn't an intricate routine like what she used to formulate. But in more ways than one, that particular routine she was practicing was something special for her.

"Yuna, huwag mong masyadong pagurin ang sarili mo. Pambihira ka. Paano mo pa maipapakita iyan kung pinapagod mo naman nang husto ang sarili mo?" sabi ni Mirui na naroon sa gilid ng skating rink.

"Wow. At nagsalita ang hindi nagpapagod nang husto kapag may competition na salihan, 'no? 'Di hamak na mas malala ka pa sa akin kapag nagpa-practice ka, eh. Kulang na lang, magpakamatay ka sa pagpa-practice," nakalabing tugon niya at nag-umpisa nang mag-skate para makaalis na sa skating rink. "Mauuna na muna ako sa 'yo na umuwi. Kailangan ko pang bumili ng painting materials ko."

Hinayaan lang siya ni Mirui. Humingi pa nga ito ng tawad dahil hindi raw siya masasamahan nito. Wala namang kaso iyon sa kanya. Alam niyang abala rin ito sa pagsasanay para sa isa pang ice skating competition na nakatakda nitong salihan. Bilib din talaga siya sa kaibigan niyang ito. Kinakaya ang walang tigil na pagsasanay para lang magawa niya nang tama at maayos ang routine na binubuo nito para ipanlaban sa bawat skating competition na sinasalihan nito.

Kunsabagay, hindi pa rin naman nito pinapabayaan ang kalusugan at pag-aaral kahit ganoon ito ka-busy. Bahagi iyon ng rules sa Yukihana Ice Skating School at maging sa Alexandrite University.

Inayos na kaagad ni Yuna ang mga gamit upang makaalis na siya roon. Hindi siya puwedeng magpagabi ng uwi at baka kung anu-ano na naman ang maisip niyang puwedeng mangyari sa kanya. She shouldn't be expecting the worst but she couldn't help it. She had already encountered something similar once before and she didn't want to experience it again.

Pero laking gulat niya sa paglabas sa school nang makita niyang tila may hinihintay si Jerricko. Nakasandal ito sa kaliwang poste ng entrance ng building at may binabasang magazine.

"Yo! Nandiyan ka na pala," nakangiting bungad ni Jerricko sa kanya nang mag-angat ito ng tingin mula sa binabasa nito.

"Mukhang sinasamantala mo namang hindi ka kasama sa line-up n'yo para sa tennis tournament. Ang dami mong oras na sinasayang para lang sunduin pa ako rito," walang emosyong aniya at nauna nang naglakad. Minabuti niyang itago ang pagkagulat na naramdaman kanina lang nang maabutan ito sa entrance ng building ng skating school.

Agad namang sumunod sa kanya si Jerricko at sinabayan ang paglakad niya. Pumuwesto ito sa kaliwa niya. "It's my choice, okay? At saka tapos na ang practice kanina. Maaga kaming pinauwi ni Lexus para naman daw magawa naming makapagpahinga. Kaya heto na ako ngayon at sinusundo ka."

At ang lalaking 'to, nakuha pa talagang ngumiti. She could only stare at him incredulously before shaking her head in slight disbelief. "Pahinga pala ang tawag mo sa ginagawa mong 'to."

"What? Ayaw mong maniwala? Alam mo, Yuna, makita lang kita, napapawi na ang lahat ng pagod na naranasan ko sa buong maghapon. Pero mas maganda siguro kapag nakita kitang ngumiti man lang, 'no?" Kapagkuwan ay naging seryoso ang expression nito. "Come to think of it, have I ever seen you smile a true smile?"

Natigilan siya sa tanong na iyon ni Jerricko. Pero hindi naman niya makuhang sumagot dahil hindi naman niya alam ang isasagot. Had she ever shown a true smile to anyone at all after what happened to her before? Parang hindi na niya maalala.

"I should make that my goal ngayong kaibigan na kita," dagdag pa ng binata na ipinagtaka niya. Napatingin tuloy siya rito na hindi na itinago ang pagtatakang iyon. Ano na naman kaya ang pinagsasasabi ng lalaking 'to? "I should make you smile a true smile. Hmm... Puwede. Challenge din iyon."

So I'm just a challenge to this guy now? Yuna groaned in disbelief and frustration. "You're impossible..."

"Maybe. Pero seryoso ako sa sinabi kong iyon. Believe me, gagawin ko iyon. Because I want to see your true smile. I'll make sure that I won't fail."

At that moment, Yuna realized something. Mukhang ang lalaking ito ang magiging challenge para sa kanya dahil sa mga pinagsasasabi nito nang mga sandaling iyon. Not the other way around.

= = = = = =

"AYAW mo n'on? At least that only proves how serious he was to befriend you. Aba'y bihira lang ang lalaking malakas ang loob na gawin iyan," reaksyon ni Kresna nang marinig nito ang pag-uusap nina Yuna at Mirui sa clubhouse nang araw na iyon.

"I agree. Karamihan na lang kasi ng lalaki ngayon, lumalakas lang ang loob dahil sa kayabangang meron sila. You know, just to impress someone and let them think they're really superior to others. Urgh! I really hate those kind of guys. Sila ang dahilan kung bakit pati ang mga matinong lalaki sa mundo, hindi na rin pinaniniwalaan," sulsol naman ni Aria.

"Ano 'yan, Aria? May pinaghuhugutan?" tatawa-tawang usisa ni Stacie.

"Sira! Wala, 'no. Obserbasyon ko lang iyon."

"Pero alam kong seryoso si Jerricko sa mga sinabi niya. He's just like Lexus when it comes to being true to his words once he said them," sabi naman ni Ria.

"Matagal na ba kayong magkakilala ni Jerricko, Ate Ria?" tanong ni Miette.

Tumango si Ria. "He's actually a family friend. Magkaibigan ang Papa niya at ang Mama ko noong college. Kaya alam ko rin na wala na siyang tatay dahil namatay ito sa sakit na cancer when he was a child."

"It's also possible na naging kayo dati?" tila excited na tanong ni Mirui.

Pero hindi maintindihan ni Yuna kung bakit parang hindi maganda sa pandinig niya ang dating ng tanong na iyon ng kaibigan niya.

"No, we never became a couple before and we'd never become a couple at all. Future business partners siguro, puwede pa. Iyon ay kung siya ang hahalili sa Mama niya sa furniture business nila at hindi ang pinsan niyang si Tristan."

Hinayaan na lang ni Yuna na ang mga kasamahan niya ang mag-usap-usap. Umalis siya sa kinauupuang settee at nagtungo sa labas ng clubhouse. Hindi na niya pinagtuunan ng pansin ang pagtawag sa kanya ni Mirui dahil gusto talaga muna niyang mapag-isa at mag-isip. Sa totoo lang, hindi na niya alam kung paano pa iintindihin ang mga pagbabagong nagaganap sa sarili niya matapos maulit nang ilang beses ang mga engkuwentro nila ni Jerricko. At ito pa talaga ang nagdeklara sa sarili nito na kaibigan niya.

Hindi rin niya maintindihan kung saan nagmula ang galak na naramdaman niya nang malamang hindi naman pala naging magkasintahan sina Ria at Jerricko dati. Seriously, this was starting to make her crazy. This had never happened to her before.

"Ano? Pinag-iisipan mo na ba kung maniniwala ka sa mga sinabi ni Jerricko sa 'yo?"

Napalingon siya sa pinagmulan niyon at napangiti na lang siya nang malungkot nang makitang papalapit si Ria.

"How am I supposed to believe him? I couldn't see any proof that I should even do that," sagot niya at naupo na lang sa bench na malapit sa kinatatayuan niya.

"That's because you keep on refusing to see the things that should serve as the proof of what you're looking for, Yuna. Hinahayaan mong ang takot mo ang tumakip sa mga bagay na dapat ay makakapagpasaya at makakapagpakalma sa 'yo. Makulit man si Jerricko pero alam niya kung saan siya lulugar. He knows how to keep his words. Ganoon siya kaseryoso sa mga bagay na gusto niyang gawin sa buhay."

"You really know him that much, huh?" mahinang sabi niya at saka tumingala sa langit. Pero kahit hindi naging maganda ang dating ng pagsesermon sa kanya na iyon ni Ria, alam niyang may punto ito. She kept on refusing to see what lies beyond Jerricko's actions and words.

Hindi siya sigurado kung magagawa nga ba niya nang maayos ang gustong mangyari ni Ria. Pero susubukan niya. Wala namang masama, eh. Maybe it would be a way for her to be free from the chains of her past.

= = = = = =

"MUKHANG sinasamantala mo naman na nagpapagaling ka ng injury, ah."

Pagkunot ng noo ang naging tugon ni Jerricko sa sinabing iyon ng teammate niyang si Selwyn sa Falcon Knights. Naroon siya nang araw na iyon sa locker room ng tennis club at nagbibihis. Katatapos lang ng afternoon practice nila at masasabi niya na medyo maingat si Lexus pagdating sa kanya. Bagaman hindi naman ganoon kalala ang tinamo niyang injury noong huling tournament, hindi pa rin siya pini-pressure ng captain nila pagdating sa practice matches. Hindi naman kasi ibig sabihin na may injury siya ay tuluyan na niyang kalilimutan ang mag-practice. Huwag lang niyang sobrahan ang pagpa-practice at baka hindi na siya tuluyang makalaro sa buong season. Ayaw niyang mangyari iyon.

"Ano na nama'ng pinagsasasabi mo riyan, Selwyn? Lahat na lang, pinupuna mo. Ma'nong ang sarili mo muna ang asikasuhin mo, 'no? Hindi mo pa yata naaayos ang gulong ginawa mo kay Aria last week, ah."

"'Sus! Amasona lang ang babaeng iyon. Masyado ring demanding. Akala mo, boyfriend niya ako," iiling-iling na saad ni Selwyn at naupo sa bench.

"Bakit? Hindi pa ba?" painosenteng tanong niya matapos isarado ang locker na gamit niya.

"I don't attach myself to such girls. Alam mo naman ang mga tipo kong babae, 'di ba? At hindi pasok ang amasonang iyon."

"Hindi nga pasok pero kung makabantay ka naman sa kanya, daig mo pa ang possessive boyfriend," sabad naman ni Kane na kapapasok lang sa locker room at tila narinig ang pinag-uusapan nila. Kapagkuwan ay tumingin ito sa kanya. "Pero balita ko, nagiging malapit na raw kayo ni Yunara. Congrats on that. You'll be the first guy to do that."

Pero imbes na maasar at pabulaanan ang sinabi ni Kane, kumuha sa atensyon niya ang huling sinabi nito. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Bali-balita kasi na iwas sa mga lalaki si Yunara kahit noon pa. Wala nga lang nakakaalam kung bakit. O kung meron man, baka si Mirui o si Captain Lexus lang iyon," sagot naman ng kadarating na si Jerrold. "Ewan ko nga kung bakit close si Yunara kay Captain, eh."

Hindi siya umimik matapos marinig iyon. Totoo pala ang nababalitaan niya noon pa tungkol kay Yuna at sa pagiging iwas nito sa mga lalaki. Somehow he had proof of that. Pero hindi pa niya matukoy sa mga sandaling iyon ang dahilan kung bakit ganoon ito. It was like she feared men in an inexplainable degree.

"Uy! Nawala ka na naman sa sarili mo. Nabanggit lang namin si Yunara, eh," untag ni Jerrold sa kanya.

Bumuntong-hininga lang siya at inayos ang mga gamit niya sa dalang sports bag.

"O, saan ka pupunta? Hindi ka ba sasama sa amin?" takang tanong ni Selwyn.

Umiling siya. "May iba pa akong pupuntahan. I better take this opportunity kung gusto ko talagang magkaroon ng progress ang mga pinaggagagawa ko."

Tila nakakaunawang tumango lang ang tatlong teammates niya. Siyempre pa, ikinailing na lang niya iyon. Laking pasalamat na rin niya dahil hindi na nagpatuloy pa ang mga ito.

"O, siya! Pagbigyan na natin at baka sisihin pa tayo niyan kapag nasira ang mga plano niya. Mahirap na. Iba pa man din ito kapag nagalit."

"Siyempre, walang tatalo kay Captain kapag nagalit."

Natawa na lang si Jerricko at nagpaalam na sa mga ito.

"Ako na naman ang pinag-uusapan n'yo. Magbihis na kayo at nang hindi na tayo mahuli sa pupuntahan natin. Magwawala na naman sina Errol at Thadis sa pagiging late ninyo," bungad ni Lexus na kapapasok lang sa locker room bago siya lumabas.

Pero hindi pa man siya tuluyang nakakahakbang paalis nang tuluyan sa lugar na iyon, tinawag siya ni Lexus. "Good luck," simpleng sabi nito.

Ilang sandali lang ang inabot niya bago tuluyang naintindihan ang nais nitong ipahiwatig sa kanya. Isang tango at malapad na ngiti ang naging sagot niya bago tuluyang umalis doon.

No comments:

Post a Comment