Tuesday, July 18, 2017

Shrouded Flowers: The Last Sky Of The Earth 11 - Return

"Ang lalim na naman ng iniisip natin, ah. Hindi na ba magagawang umahon niyan?"

Napalingon si Seiichi sa pinagmulan ng tinig na iyon at hindi siya sigurado kung maiinis ba siya o matutuwa nang makita ang taong hindi niya namalayang sumulpot sa likuran niya. Naroon siya sa balkonahe ng silid na gamit niya sa apartment at naisipang magpahangin kahit sandali. At para makapag-isip na rin nang maayos bago niya tuluyang isagawa ang planong matagal na niyang gustong gawin.

"Inumpisahan mo na naman ang manakot. Ano'ng ginagawa mo riyan sa likod ko, ha? Hinayaan ka na naman nilang pumasok dito sa kuwarto ko nang walang paalam."

"Mr. Yasuhara, kanina pa ako nandito sa likuran mo, kung alam mo lang. Pero ang atensyon mo ang wala sa paligid. Ako pa talaga ang sinisi mo, samantalang ikaw ang lutang sa ating dalawa."

"Ako ba, eh pinaglololoko mo na naman, ha, Shuji?"

At si Shuji, nginisihan lang siya at nag-peace sign pa sa kanya. "Na-miss lang kita. Huwag ka nang magalit. Ito naman, parang hindi ka pa nasanay sa akin. Isa pa, hinayaan na talaga ako ni Tito Hideki na guluhin ka rito dahil alam niyang hindi na naman magawang kunin ang atensyon mo dahil sa paniguradong dami ng iniisip mo. At saka okay na 'to. Patunay lang na pinagkakatiwalaan nila ako pagdating sa 'yo."

Kapagkuwan ay biglang naging seryoso ang mukha nitong kanina lang ay may mapang-asar na ngiti. "I heard you're going back to the Philippines. Sigurado ka bang kaya mo na?"

"Ano namang klaseng tanong 'yan?"

"You know exactly what I mean, Seiichi. May malaking dahilan kung bakit naisipan mong bumalik sa Pilipinas."

Walang naging tugon si Seiichi sa sinabing iyon ni Shuji. Pero alam niyang hindi siya makakapagsinungaling sa taong ito. Katulad din ito ni Hitoshi sa maraming dahilan. Ang kaibahan lang, mas malayang nakakakilos si Shuji dahil sa trabaho nito bilang pangalawa at lihim na shadow guardian ni Hitoshi bago napatay ang huli. At ngayon, isa sa ibinilin dito ng Shinomiya clan prince ay ang bantayan siya nang palihim.

Isang buntong-hininga ang naging tugon ni Seiichi bago naisipang magsalita para masagot niya ang sinabi ni Shuji. "Kailan ba ako may maitatago sa 'yo, ha? Pero tama ka. May mas malaki ngang dahilan kung bakit ginusto kong bumalik sa Pilipinas. I just had this strong feeling na nasa Pilipinas ang sagot na hinahanap ko tungkol sa nangyari kina Hitoshi at Kourin. Alam kong sa Kyoto nangyari ang lahat. Pero may mga bagay sa Pilipinas na hindi ko alam kung bakit sa palagay ko ay may sagot na maibibigay sa akin tungkol sa nangyari. Ang chest box ni Lolo, ang Iris Sword ni Hitoshi, ang apat na rosas na magkakaiba ang kulay―"

"Ano'ng sinabi mo?" agad na putol ni Shuji sa nagsasalitang si Seiichi. "Nasa sa 'yo ang Iris Sword?"

Tumango siya. "Ipinagkatiwala sa akin iyon ni Hitoshi bago ako umalis, isang buwan bago siya namatay. At least, iyon ang petsang nakita kong nakalagay sa sulat na kasama ng Iris Sword nang ipadala niya sa akin ang espadang iyon."

"Pero bakit niya gagawin iyon? Alam mo bang hinahanap pa rin ng ibang angkan ang espadang iyon hanggang ngayon? 'Tapos, malalaman ko lang na ipinagkatiwala niya sa 'yo iyon?"

"Hindi ko rin alam ang totoong dahilan kung bakit ginawa iyon ni Hitoshi. Pero isa lang ang sigurado ko. Kailangan kong ingatan iyon dahil mahalaga iyon hindi lang sa Shrouded Flowers, kundi sa ibang tao na rin na posibleng konektado sa kanila."

Hindi nakapagsalita si Shuji pagkatapos niyon. Bumuntong-hininga naman si Seiichi at muling tumingin sa langit na nag-uumpisa na namang kumulimlim.

"That sword could possibly hold some answers with regards to my missing memories. Or even any information with regards to my parents and their deaths. Hindi ako sigurado. Pero gusto kong malaman kung totoo ang sinabi ni Hitoshi sa sulat na baka may maitulong ang Iris Sword sa akin."

"Hindi na ba mababago ang desisyon mo?"

Hinarap ni Seiichi si Shuji na hindi pa rin nawawala ang kaseryosohang minsan lang niyang makita sa mukha nito. "Ito na lang ang paraan para magawa ko nang tapusin ang dapat ay matagal ko nang ginawa. Hindi ko na aasahang maiintindihan mo ako. But I want to do this for my sake. Maybe this is my way of fully moving on from losing two of the most important people in my life besides my family."

Si Shuji naman ngayon ang napabuntong-hininga matapos niyang sabihin iyon. "Since when did you become so dramatic, Yasuhara-san? Pero tama ka. Posible ngang nasa Pilipinas ang sagot na kailangan mo. Pero ito ang gusto kong tandaan mo, Seiichi. Kahit na ano'ng mangyari, at kahit na ano pa ang malaman mo, huwag mo sanang hahayaang tuluyan kang lamunin ng anumang negatibong emosyong lulukob sa iyo. I can tell that this journey of yours will be one of the most painful that you'll ever encounter in your life. But don't let it beat you to the ground. Do what you can to stand up and fight with all you've got. Okay?"

Hindi na napigilan ni Seiichi ang mapangiti bago tumango. "Ngayon ko lang nalaman na may kadramahan ka rin pala sa katawan."

"Kahit kailan talaga, panira ka ng momentum. Ang ganda na ng kinalabasan ng usapan natin, eh."

Tinawanan na lang niya iyon. Magkagayon man, hindi niya napigilang pasalamatan ang taong ito dahil hindi siya nito pinabayaan sa gitna ng pagluluksa niya sa pagkamatay ng dalawang taong mahalaga sa kanya.

xxxxxx

Isang malalim na paghinga ang naging tugon ni Seiichi nang sa wakas ay nakalabas na siya ng airport at kasalukuyang nag-aabang ng masasakyan pauwi. Ilang oras din ang itinagal ng biyahe niya mula New Zealand, pero mas malaki roon ang inilaan niya sa pag-iisip ng kung anu-ano. Malaking bahagi niyon ay tungkol kay Kourin pa rin.

Natatawa na lang siya sa sarili dahil sa nangyayari sa kanya. Dalawang taon na ang nakalipas, pero mukhang isa sa pinakamalabong magawa niya sa buhay ay ang tuluyang makalimot. Kahit na iyon ang isa sa mga dahilan niya kung bakit sumama siya sa tiyuhin at pinsan niya sa New Zealand, wala yatang pinatunguhan ang effort niya.

Pero kahit kastiguhin niya ang sarili dahil doon, alam niyang wala namang silbi iyon. Lalo pa't ilang beses na siyang dinadalaw ng 'di maipaliwanag na mga panaginip ― at lahat ng iyon ay may kinalaman kay Hitoshi at sa naging aksidente niya sa Mt. Cleantha na naging dahilan para mawala ang ilang bahagi ng alaala niya noong 13 years old siya. Hindi siya sigurado kung konektado sa isa't-isa ang dalawang bagay na iyon. Pero isang bagay lang ang tiyak niya ― nasa Pilipinas ang sagot na hinahanap niya.

At ngayon nga ay narito na siya.

Kasabay niyon ay naalala niya ang Iris Sword ni Hitoshi. Hindi niya iyon dala kahit nang magtungo siya sa New Zealand. May isang lugar siyang pinagtaguan niyon na tiyak niyang mapapakialaman ng kung sino. Isa pa, siya lang ang nakakaalam ng tungkol doon. Wala siyang ibang pinagsabihan dahil alam niya ang kaakibat na panganib ng espadang iyon.

Kahit na sa kababata at kaibigang si Reiko.

Huminga nang malalim si Seiichi nang sa wakas ay may maipara na siyang taxi upang makauwi na siya sa bahay ng lolo niya.

'There's no turning back now...' Aalamin niya ang totoo kahit na ano'ng mangyari. At walang makakapigil sa kanya.

No comments:

Post a Comment