CHAPTER 7
OO nga't kabilin-bilinan ni Jerricko kay Yuna na huwag siyang pupunta sa closed court nang walang kasama. Pero mukhang iiral pa yata sa mga sandaling iyon ang tigas ng ulo niya. Hindi niya alam kung bakit bigla niyang na-miss makita ang lalaking iyon habang nagpipinta siya roon sa clubhouse. Walang dudang inspired siya nang mga oras na iyon sa pagpipinta mula nang dalhin siya ni Jerricko sa burol kung saan kitang-kita nila ang Aeraven Lake. Nangako naman ito sa kanya noon na dadalhin siya nito sa lawa mismo sa susunod upang makita niya iyon nang malapitan. Ikinatuwa naman niya iyon nang husto.
Para siyang isang batang nakagawa ng kasalanan at ngayon ay nagtatago upang hindi maparusahan sa paraan ng patagong pagsilip na ginagawa niya mula sa pinto ng closed court. Pero mabuti nang ganoon ang gawin niya upang makasiguro na wala siyang makakasalubong na kung sinong mokong sa lugar na iyon.
Mahirap na. Baka mapag-trip-an na naman siya roon.
Nakahinga lang siya nang maluwag nang makitang si Jerricko lang ang naroon at nagpa-practice gamit ang isang ball pitching machine. Isa-isa nitong pinapatamaan ng hawak na raketa ang mga bolang ibinabato sa direksyon nito. She couldn't help smiling at the sight of him so focused on what he was doing. Ganoon din ba ang itsura niya kapag nagpipinta siya?
"Ibang klase talaga ang dedikasyon ni Jerricko nitong nagdaang araw, 'no? Parang may pinaghuhugutan ng inspirasyon."
Muntik nang mapasigaw si Yuna nang marinig na nagsalita si Dyran mula sa likuran niya. Mabuti na lang at napigilan niya. Kung hindi ay baka nasapak na niya ito.
"Pambihira ka naman, Dyran! Basta-basta ka na lang magsasalita riyan. Aba'y muntik mo na akong atakehin sa puso, ah," pabulong niyang asik sa binata. Pero ang sira-ulong Dyran na 'to, nakuha pang ngumisi.
"Ito naman. Parang hindi ka pa nasanay sa akin. Medyo nanibago ako na makita kita rito, eh. Para ka kasing stalker diyan. Bakit ka ba nagtatago pa riyan, ha? Puwede ka namang dumiretso na ng pasok sa loob, ah."
"Anong stalker ang pinagsasasabi mo riyan, ha? Kabilin-bilinan lang naman kasi sa akin ng ka-teammate mong 'yon—" sabay turo sa direksyon ni Jerricko na patuloy pa rin sa pagti-training. "—na huwag daw akong pupunta rito nang wala akong kasama o kung wala siya rito."
Kumunot naman ang noo ni Dyran. "Bakit naman niya sinabi iyon?"
Ikinuwento niya rito ang naging kaganapan noong huling beses na nagpunta siya sa closed court. Matapos niyon ay tumango-tango na lang ito.
"Kung ako man ang nasa kalagayan niya, sasabihin ko rin iyon sa 'yo. Pero bakit si Jerricko ang inutusan ni Lexus? Nandoon naman ako sa locker room nang araw na iyon, ah. O baka naman hindi niya alam na kinakapatid kita." Ninang ni Dyran sa binyag ang Mama niya at namamasyal ito sa bahay nila kapag may oras din lang.
Pero kibit-balikat lang ang naging tugon niya. Maging siya ay hindi maintindihan iyon. Kahit sabihin pa na si Jerricko nga ang sadya niya nang araw na iyon, parang hindi pa rin sapat na rason iyon para "ipagkatiwala" siya ni Lexus dito.
"By the way, ginugulo ka pa rin ba ng baliw na 'yon?" kapagkuwan ay tanong ni Dyran na naging dahilan naman para muli siyang makaramdam ng panlalamig.
Umiling siya at wala sa sariling pinagsalikop niya ang mga palad. Magkaganoon man, hindi pa rin nakaligtas sa pandinig niya ang pagbuntong-hininga ng kinakapatid niyang ito. "At least for now. Pero alam mo kung ano'ng kayang gawin ng lalaking iyon kapag naisipan niyang gumawa ng kalokohan."
"Kapag nangyari iyon, kung kinakailangang tawagin mo ang lahat ng Falcon Knights, huwag kang mag-aatubili, okay? Nandito lang ako at si Lexus para sa iyo. But you know what?" Dyran paused and placed a hand on her shoulder. Nagtatanong ang mga matang napatingin siya rito. "Sa tingin ko, may isa ka pang magiging sandigan kapag nangyari ang bagay na kinatatakutan mo."
Sinundan niya ang direksyon itinuturo nito at biglang lumamlam ang ekspresyon niya nang masilayan ang nag-aalalang mukha ni Jerricko na nakatingin na pala sa kanya. Tinapik ni Dyran ang balikat niyang hinawakan nito at umalis na roon.
Huminga muna siya nang malalim bago nilapitan si Jerricko na ngayon ay nagpupunas na ng pawis na naglandas sa mukha nito.
"May ginawa ba siyang masama sa 'yo?" tanong nito na marahil ang tinutukoy ay si Dyran.
Umiling lang siya at bahagyang ngumiti. "Lagot siya kay Mama kapag ginawan niya ako nang masama. Besides, I know he wouldn't do that to me. Kilala ko siya. Don't worry."
Ilang sandali rin siyang tinitigan ni Jerricko na tila tinatantiya kung totoo o hindi ang mga sinabi niya. Soon after, he exhaled and nodded once. "Alright. I'll believe you. Maloko lang kung minsan si Dyran pero hindi ko pa naman siya nababalitaang gumawa ng kalokohan at masama sa isang babae." Kapagkuwan ay muli siyang tiningnan nito. "By the way, why are you here? 'Di ba sinabi ko naman na huwag kang pupunta rito nang mag-isa? Pasalamat ka na lang at nandito ako."
Napangiti na lang siya sa nakikitang panenermon sa kanya ni Jerricko. Mukhang may mother hen mode din palang itinatago ang lalaking ito sa kanya. "Kaya nga ako hindi pumasok kaagad dito kasi kailangan ko pang sumilip kung may mga malignong naglipana, 'no? 'Ayan tuloy, napagkamalan pa ako ni Dyran na stalker."
Tumawa naman si Jerricko at umiling-iling pa. "Loko-loko talaga ang lalaking iyon. Gusto mong upakan ko para sa 'yo?"
"Huwag na. Sayang naman ang magandang mukha n'on. Iyon na lang ang puhunan niya para makahanap ng matinong girlfriend na hindi itataboy ng hanging meron siya."
"Magpapalit lang ako. Then I'll take you home. Okay lang sa 'yo iyon, 'di ba?"
Tumango na lang siya. Pero laking-gulat niya nang bigla nitong hawakan ang kamay niya at hilain siya papunta sa locker room.
"T-teka! Boys' locker room iyon, Jerricko. Bakit mo ako hinihila papunta roon? Dito na lang ako sa labas maghihintay sa iyo."
Kagyat na napahinto sila sa paglalakad at tiningnan siya nito na ikinagulat niya. Ilang sandali itong nakatitig sa kanya bago siya nginitian. "I don't leave my valuables scattering around the area, okay? Kaya sasama ka sa akin."
Tuluyan na siyang hindi nakahuma nang muling hilain nito papunta sa locker room. At ano'ng sinabi nito? His valuables? Seryosong usapan, parang gusto na yatang mag-short circuit ng utak niya sa narinig.
= = = = = =
"PARANG kanina lang, ang ganda-ganda ng panahon. 'Tapos ngayon, biglang uulan? May topak din pala 'tong panahon na ito ngayon, eh, 'no?"
Napailing na lang si Yuna sa reklamo ni Jerricko nang tapos na itong magpalit ng damit. Hanggang sa mga sandaling iyon, hindi pa rin siya makapaniwalang nakapasok siya sa locker room ng tennis team. Noong una, gusto na niyang tumakbo at umalis doon. But Jerricko's hold on her was tight and he even said that there was nothing for her to be afraid of. Marahil ay naramdaman nito ang panginginig niya habang palapit sila sa locker room.
Pasalamat na lang siya na naroon sina Dyran, Selwyn, Errol, at pati na rin si Lexus. Napansin niyang mukhang handa nang mag-interrogate ang teammates ni Jerricko nang makita siya na hila-hila nito at mahigpit pa talaga ang pagkakahawak sa kamay niya. Pero naintindihan naman ni Lexus ang dahilan ni Jerricko kung bakit siya naroon. Sinabi ni Lexus na ito na lang daw muna ang mag-aasikaso sa kanya habang hinihintay itong matapos magpalit ng damit. Kitang-kita niya na kating-kati nang mag-usisa sina Selwyn at Errol pero tiningnan lang sila nito ni Lexus. As for Dyran, he just smiled and asked about her paintings instead. Doon na nabaling ang atensyon nina Selwyn at Errol at nawala na ang panginginig na naramdaman niya habang papalapit sila sa locker room na iyon.
"Ang weird mo talaga, alam mo ba 'yon?" nasabi na lang niya at tiningnan ang pagbuhos ng ulan.
"Matagal ko nang alam iyon. Isa pa, wala nang nakakapagtaka roon."
Muli ay napailing siya dahil tila proud pa ito nang sabihin nito iyon. Pero may kasama nang ngiti ang iling niyang iyon na hindi na niya napigilang ipakita. Seriously, this guy was slowly breaking her barriers with his weird actions. She didn't know if it was a good thing or a bad thing, though.
"At masaya ako na napapangiti naman kita kahit ganito ako ka-weird at kakulit," mayamaya pa ay dagdag nito.
Unti-unting naglaho ang ngiting iyon at napatingin siya sa binata. He was looking at the rainy sky and he was smiling as he did so. Para bang may nakita itong maganda roon at nakapagbigay iyon dito ng kasiyahan. Hindi siya sigurado kung dahil namatanda siya sa nakita pero natagpuan na lang niya ang sariling pinagmamasdan din ang maulang langit. Come to think of it, when was the last time she looked at the rainy sky like this without actually feeling melancholic because of it?
"I think I can give myself a reason now why I appreciated watching the rain these past weeks. Kahit na hindi naman ganoon kadalas umulan nitong mga nakaraang buwan," sabi ni Jerricko na pumutol sa katahimikang nakapalibot sa kanilang dalawa.
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"It reminds me of you."
Siyempre pa, ikinagulat niya iyon. Lalo siyang hindi nakahuma nang makitang nakatingin din pala ito sa kanya.
"Your eyes are like the gray skies, you know. Lalo na kapag ganitong umuulan, naalala ko 'yong takot sa mga mata mo noong unang beses kitang nakita nang malapitan sa hallway."
Kahit gusto na niyang mag-iwas ng tingin, hindi niya magawa. So did Jerricko. Her heartbeat was racing because of his stare but she knew it wasn't because of fear. Iba ang kabang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon at malayong-malayo sa takot na madalas niyang maramdaman nitong nakalipas na dalawang taon. Hindi naman siya ganoon katanga para hindi malaman kung ano iyon. Kaya lang, hindi niya iyon magawang paniwalaan sa mga sandaling iyon. Hindi pa puwede. Hindi pa siya handang maramdaman ulit iyon. At isa pa, bakit sa lalaking ito pa?
"Are you okay? May problema ba?" untag ni Jerricko sa kanya.
Umiling siya. "I'm fine," aniya sa mahinang tinig at iniiwas na ang tingin mula rito. Did she just come to that realization?
"Baka epekto ng ulan ang pagkakatulala mo. Pero sa akin ka nakatingin, eh. Hindi kaya ako ang dahilan ng pagkatulala mo? Dahil ba naguguwapuhan ka sa akin?"
Okay. Now that helped her snap it out completely. Nang mapatingin siya kay Jerricko, nakangisi ito. Seriously, this guy knew how to destroy an awkward moment. Hindi niya napigilang matawa kahit mahina lang. "Hindi ka rin hambog, 'no?"
"'Sus! Kung makapagsalita ka, parang hindi rin hambog sina Lexus at Dyran."
"Si Dyran, inborn na ang pagiging hambog n'on. Iyon na nga lang yata ang nagpo-propel sa kanya para makapanligaw, eh. Ewan ko lang kay Kuya Lexus. Pero kung may nakakaalam man n'on, si Mirui lang iyon. Hindi na mapaghiwalay ang dalawang iyon noon pa, eh."
Soon after, Yuna heard Jerricko sigh. "Sana ganoon din tayong dalawa, 'no?"
"Ha?" Tama ba ang pagkakarinig niya? O baka naman nagkakamali lang siya dahil na rin sa lakas ng buhos ng ulan?
"Wala. Huwag mo na akong pansinin. May pagkakataon lang talaga na nagsasalita akong mag-isa."
"Well, it's a good thing you weren't labeled as a weirdo because of that."
"Ikaw pa lang ang tumatawag ng weirdo sa akin. Pero okay lang. If that would make you smile at least for a short while, I'll be fine being called a weirdo."
Seriously speaking, this was starting to jumble her mind again. Kung anu-ano na talaga ang nasasabi sa kanya ng lalaking ito. Sa susunod siguro, mabuti pang huwag na niyang makasabay si Jerricko sa pag-uwi. Baka kung saan pa mapunta ang usapan nila. Dapat siguro, huwag na rin niyang kinakalimutang magdala ng payong upang makauwi na siya kaagad. Mukhang masama ang epekto ng ulan sa kanilang dalawa ng binata. Lalo na kapag pareho silang stranded sa lugar na iyon.
= = = = = =
GABI na nang tuluyang makauwi si Jerricko sa bahay niya matapos maihatid si Yuna pauwi. Sa totoo lang, gusto na niyang upakan ang sarili kanina pa habang stranded sila nito sa entrance ng main building ng Alexandrite University. Grabe, kung anu-ano na ang lumalabas sa bibig niya.
Well, not that he regretted saying those words. Iyon pa nga ang totoo. Pero natatakot siyang isipin na baka biglang lumayo sa kanya si Yuna dahil doon. Iyon ang ayaw niyang mangyari. Not when he finally managed to come this far.
Aminado siyang medyo naging mahirap para sa kanya na lapitan ito, lalo pa't ganoon ang takot na ipinapakita nito sa tuwing lalapit siya. But he had to admit, he liked the initial challenge it gave him. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lang siya kainteresado kay Yuna nang makita niya ito sa hallway na iyon kung saan naiwala nito ang charm bracelet na napag-alaman niyang galing pa pala sa yumao nitong ama. Hindi niya ikinaila iyon.
Pero 'di naglaon, unti-unti na niyang napapansin na hindi na isang challenge si Yuna para sa kanya. Oo, hindi pa siya sigurado kung tama ba ang hinala niya sa kagustuhan niyang mapalapit dito. Pero sa ngayon, ie-enjoy na muna niya ang bawat pagkakataong nakakasama niya ang dalaga. Mukha namang nasasanay na ito sa presensya niya. Malaking bagay iyon para sa kanya.
Kailangan lang niyang maging matiyaga kung gusto niyang makuha ang tiwala nito. Kung tama ang hinala niya, hindi basta-basta ang pinag-ugatan ng takot ni Yuna na makihalubilo, lalong-lalo na sa mga lalaki kung hindi rin lang sina Lexus at Dyran ang lalapitan nito. Kahit kating-kati na siyang malaman ang totoong dahilan, hindi niya puwedeng puwersahin ito o kahit na sinong konektado sa dalaga na magsabi ng impormasyon sa kanya.
Agad siyang nahiga sa kama niya pagkapasok sa silid at ipinikit ang mga mata. Gusto na talaga niyang matulog kaagad pero hindi puwede dahil magagalit ang Mama niya kapag natulog siya na hindi pa naghahapunan. Nakasanayan na kasi nilang mag-ina na sabay kumakain sa umaga at gabi. Iyon ang bonding time nilang dalawa.
Napamulat si Jerricko nang marinig ang pagtunog ng kanyang cellphone. Agad siyang napaupo at kinuha iyon sa kanyang bulsa. Kumunot ang noo niya nang makita ang pangalan ni Ria sa screen. Ano kaya ang kailangan nito sa kanya?
"Hello? Ria, himala't naisipan mo pa akong tawagan. What's up?" nakangiting bungad niya kahit hindi naman siya makikita ng kaibigan niyang ito.
"Baliw! Alam mo namang busy ako rito sa bahay, 'no? Pati nga sa school, busy na rin. Gusto ko lang mangumusta. Lalo na sa progress ninyong dalawa ni Yuna."
"Pambihira! Kailan ka pa naging intrigera?" Ang totoo niyan, gusto lang niyang idaan sa biro ang pagkailang na naramdaman niya nang tanungin iyon ni Ria.
Narinig niyang tumawa sa kabilang linya ang dalaga. "Ngayon ka pa nahiya. Para namang hindi pa kalat sa Imperial Flowers at Falcon Knights ang mga da moves mo sa kaibigan ko, 'no? Kaya sige na, magkuwento ka na."
"At sa akin mo pa talaga ipinasa ang pag-i-initiate ng usapan. Samantalang ikaw 'tong tumawag sa akin. Ano'ng meron? May problema ba?"
"Wala naman. Na-miss ko lang kausapin ka. Medyo busy na kasi rito sa bahay, eh. Todo na ang training na ibinibigay sa akin ni Papa para pamahalaan ang kompanya. Mabuti na nga lang at considerate pa rin siya sa extra curricular activities ko sa school. Alam niyang hindi ko magagawang talikuran ang pagsasayaw."
"Doon lang naman niya nagagawang alalahanin ang kapatid mo, eh. Alam mo namang kahit iniwan na kayo n'on, mahal pa rin niya ito," sinserong sabi niya. Isa pa, totoo ang sinabi niya dahil iyon ang nakikita niya sa ama ni Ria.
"I know that. Thank you. Na-miss ko rin palang magsumbong sa 'yo nang ganito."
Natawa na lang siya. "Ako lang naman ang pinagsusumbungan mo ng mga problema mo. But seriously, what made you call me?" Pero bago pa makasagot si Ria, bigla siyang may naalala. "Teka nga pala. Ginugulo ka pa rin ba ni Zandro after that?"
"No. Mabuti na rin iyon. Baka mapatay ko lang siya kapag nakita ko pa siya kahit anino lang niya. Kahit si Papa, galit na galit sa lalaking iyon. Binantaan na niya noon si Zandro na kapag lumapit pa ang lalaking iyon sa akin at gumawa na naman ng kalokohan, hindi na siya mangingiming ipakulong iyon at hahayaang mabulok sa kulungan. Pero kahit nakapangalap na ng mga ebidensiya ang papa ko tungkol sa pagtatangka ni Zandro na gahasain ako noon, hindi ko alam kung bakit hindi pa nito ginagamit iyon."
"For now, that's good. At least, hindi na ako mag-aalala sa iyo kung sakali."
"Don't worry about me. But thanks, anyway. Siguro nga, naghahanap lang ng tiyempo si Papa. Kilala ko siya kapag may gustong gawin. Minsan, hindi ko na lang inaasahan. Isa pa, may nagbabantay sa lalaking iyon mula sa basketball club kaya hindi makakalapit sa akin ang sira-ulong iyon. Kaya lang, ang nagbabantay naman na iyon kay Zandro ang rason kung bakit ayoko nang ipagkatiwala ang puso ko sa kahit kaninong lalaki," malungkot na sabi ni Ria at narinig pa niya itong bumuntong-hininga.
"Alam mo, pareho kayo ni Yuna. Ayaw na rin niyang ipagkatiwala ang puso kahit kanino. She doesn't want to trust someone that easily anymore."
"Wow. Well-informed ka talaga sa kanya, ah. Pero alam mo, parang may ideya na ako kung sino ang dahilan bakit ganoon si Yuna ngayon," seryosong saad ni Ria sa kabilang linya.
Napakunot siya ng noo dahil doon, lalo pa't talaga namang nakuha niyon ang atensyon niya. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
No comments:
Post a Comment